1
“TARA na, Cathellya.”
Sunod-sunod na umiling ang batang si Cathellya sa pagyayaya ni Lola Ancia. Pinunasan ng likod ng palad niya ang kanyang mga luha. Hindi siya aalis doon. Hindi niya iiwang mag-isa ang Lola Asuncion niya roon. Hindi siya aalis sa tabi nito.
Niyakap siya ni Lola Ancia. Ito na lang ang kasama niya sa magandang sementeryo. Narinig niya kanina na “memorial park” ang tawag doon. Umalis na ang lahat ng nakiramay sa pagkamatay ng lola niya. Ang ganda ng libingan ng lola niya. May sarili pa iyong bahay. Makinis at malamig ang sahig. Marami ring bulaklak sa paligid.
“Umuwi na tayo, apo,” sabi uli ni Lola Ancia. “Hindi tayo puwedeng manatili rito. Hindi ka pa kumakain. Gusto mo bang dumaan tayo sa Jollibee? Gusto mo ng ice cream? Chickenjoy?”
Umiling siya. Ayaw niya ng ice cream. Ang gusto niya ay ang lola niya. “A-ang s-sabi n’yo, gagaling siya,” umiiyak na sabi niya. Ang sabi nito sa kanya nang dalhin nila sa ospital ang lola niya ay magiging maayos ang lahat.
Nang makapasok sila sa ospital, ang akala niya ay gagaling na ito. Bakit ganoon? Bakit kahit na dinala na sa doktor, namamatay pa rin? Hindi ba ang trabaho ng doktor ay pagalingin ang lahat ng sakit ng tao? Bakit wala na ang lola niya?
Ang sabi ni Lola Ancia nang araw na pilit niyang ginigising si Lola Asuncion ngunit ayaw nitong dumilat, nagpapahinga na ang lola niya. Nagtungo raw ang espiritu nito sa malayong lugar. Isang lugar na masaya at maganda. Doon sa lugar na iyon ay makakapagpahinga ito at hindi na makakaramdam ng kahit na anong sakit. Nag-aawitan daw ang mga anghel doon at napakaraming mga bulaklak. Higit daw sa lahat, kasama na ni Lola ang lolo niya.
“Hindi ka tuluyang iniwan ni Lola,” ani Lola Ancia sa napakabanayad na tinig. “Nasa tabi mo lang siya, nakabantay palagi. Hindi mo siya nakikita pero mararamdaman mo siya rito.” Ipinatong nito ang palad sa ibabaw ng kaliwang dibdib niya.
“T-talaga, Lola Ancia?” nakakunot ang noo na tanong niya. Hindi kasi niya gaanong maintindihan ang sinasabi nito. Paano mangyayari iyon? Magmumulto ba ang lola niya? Hindi naman siya takot sa multo kaya okay lang siguro iyon. Basta palaging nasa tabi niya si Lola Asuncion kahit na hindi niya ito nakikita.
Nakangiting tumango ito. “Palagi mong mararamdaman ang pagmamahal niya. Kahit na magkahiwalay kayo o kahit na hindi mo na nakikita ang isang tao, hindi naman ibig sabihin niyon ay hindi na kayo puwedeng magmahalan. Hindi basta-basta mapuputol ang koneksiyon n’yo dahil nasa ibang mundo na siya. Mahal na mahal ka ni Lola Asuncion at malulungkot din siya kapag nakikita niyang malungkot ka. Gusto mo ba `yon? Gusto mo bang nalulungkot at umiiyak si Lola?” Umiling siya bilang tugon. Pinunasan nito ang kanyang mga luha. “Huwag ka nang umiyak kung gano’n para hindi na rin umiyak si Lola.”
Yumakap siya rito. “Paano na ako ngayon? Wala na akong kasama sa bahay. Wala na akong katabing matutulog. Paano...?” Bumunghalit pa rin siya ng iyak kahit na pinigilan niya ang sarili. Natatakot siyang matulog na mag-isa sa kubo nila ng lola niya. Paano siya bibili ng pagkain, wala naman siyang pera?
“Sshh... Huwag kang matakot. Masyado ka pang bata para mag-alala at matakot. Narito naman ako. Puwede mo akong maging lola. Alam kong nag-iisa lang si Lola Asuncion pero puwede mo rin akong maging lola. Ako muna ang bahala sa `yo. Ako muna ang mag-aalaga sa `yo. Okay ba `yon? Gusto mo bang ako muna ang mag-alaga sa `yo?”
Tumango siya. Mabait ito sa kanya at sa lola niya. Dahil dito kaya nadala sa ospital ang lola niya. Pulos magagandang salita ang sinasabi ni Lola Asuncion tungkol dito. Nagbilin pa nga ang lola niya sa kanya bago siya nito iniwan.
“Apo, kung hindi mo na ako makikita at makakasama, gusto kong manatili ka sa Lola Ancia mo. Aalagaan ka niya at mamahalin. Payapa akong lilisan dahil alam kong nasa mabuti kang pangangalaga. Hindi ko na kailangang mag-alala sa magiging kalagayan mo.”
Hindi niya ito masyadong naintindihan nang sabihin nito ang mga iyon. Ang naintindihan lang niya ay okay lang kung sasama siya kay Lola Ancia. Ito na raw ang mag-aalaga sa kanya.
NAMANGHA nang husto si Cathellya sa malaking-malaking bahay na pinagdalhan sa kanya ni Lola Ancia. Ang sabi nito sa kanya ay doon na siya titira mula sa araw na iyon. Noon lang siya nakakita nang ganoon kalaki at kagandang bahay. Walang-wala pala ang bahay ni Mang Ernesto—ang itinuturing na pinakamayaman sa baryo nila—sa bahay ni Lola Ancia. Mas mayaman si Lola Ancia!
Hindi lang ang bahay ang maganda, pati buong kapaligiran. Napakaraming magaganda at makukulay na bulaklak sa paligid. Gusto niyang makipaglaro sa makukulay na paruparo. Talaga bang doon na siya titira?
“Sino siya, Lola?”
Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. Napasinghap siya nang makita ang tatlong batang lalaki na kasing-edad niya. Magkakamukha ang mga ito! Kinusot niya ang kanyang mga mata. Baka epekto iyon ng pagkahilo niya sa biyahe. Dumaan kasi sila sa liko-likong daan kanina. Ngunit nanatiling tatlo ang mga ito sa paningin niya. Nagsalubong ang mga kilay niya. Magkakamukha talaga ang mga ito. Walang pagkakaiba. Mula sa suot na damit at sapatos hanggang sa gupit ng buhok.
“Sean, Seth, Simon, come here. I want you to meet someone,” sabi ni Lola Ancia sa tatlong bata.
Hindi niya naintindihan kung ano ang sinabi ng matanda. Basta ang alam niya, English iyon. Hindi pa siya gaanong nakakaintindi niyon dahil hindi na siya nakapag-aral mula nang magkasakit ang lola niya.
Lumapit sa kanila ang dalawang bata at kaagad na nagmano kay Lola Ancia. Ang isang bata ay nanatili sa kinatatayuan nito at salubong ang mga kilay na nakatingin sa kanya. Nginitian niya ito. Pero sa halip na gantihan siya ng ngiti, lalo lang nagsalubong ang mga kilay nito.
“I want you to meet Cathellya,” ani Lola Ancia sa dalawang bata na lumapit. “Mula sa araw na ito ay makakasama ko na siya rito. Gusto kong kaibiganin n’yo siya. Isama n’yo siya sa mga laro n’yo.”
Nginitian siya nang matamis ng dalawang bata. “Ako si Simon,” anang nasa kanan niya. “Puwede tayong maglaro mamaya. Basta `wag kang madaya, ha?”
“Ako naman si Sean,” pagpapakilala ng nasa kaliwa niya. Nilingon nito ang batang ayaw lumapit ngunit nakatingin pa rin sa kanya. “`Yon naman si Seth. `Oy, Seth, `lika rito. May bago tayong friend.”
Hindi tuminag ang batang lalaki. “Bakit kayo magkakamukha?” tanong niya sa mga ito. Hindi na niya napigilan ang sarili. Kailangan niyang malaman ang sagot.
“Kasi kambal kaming tatlo. Sabay-sabay kaming ipinanganak!” sagot ng nasa kanan niya.
“Hindi sabay-sabay,” sabi ng nasa kaliwa niya. “Nauna ako nang five minutes sabi ni Mommy, `tapos sumunod ka. Si Seth ang bunso. Ako ang panganay kaya dapat na ako lagi ang masusunod.”
Hindi niya gaanong maintindihan ang mga sinasabi ng mga ito ngunit naaaliw siya na magkakamukha ang mga ito. Noon lang niya nalaman na may ganoon pala.
“Marunong kang manghuli ng gagamba?” tanong ng nasa kaliwa niya.
Siniko ito ng nasa kanan niya. “Girl siya. Baka katulad siya ng ibang girls na takot sa gagamba.”
Sunod-sunod siyang umiling. “Hindi ako takot sa gagamba! Madalas nga akong nanghuhuli sa mga tanim na sili ng lola ko, eh. Nananalo pa nga ako sa sabong ng mga gagamba, eh,” pagmamalaki niya.
Namilog ang mga mata ng mga ito. “Talaga?” namamanghang usal ng isa. “Ipapakita ko sa `yo ang mga alaga ko! Paglaban-labanin natin sila mamaya.”
Tumikhim si Lola Ancia. “Ano ang sinabi ko sa inyo tungkol sa mga gagamba?” anito sa pormal na tinig. Kaagad na nagbaba ng tingin ang dalawang bata. “Hindi ba sabi ko, hindi magandang pinagsasabong sila? Hindi ba kayo naaawa sa natatalo at nasasapot? May buhay rin sila at nasasaktan. Paano kung kayo ang hulihin at paglaban-labanin? Sinabi ko na rin na ayokong nagsususuot kayo sa kung saan-saan para maghanap ng gagamba. Nahigad na kayo minsan, hindi ba? Baka makagat pa kayo ng lamok at magka-dengue.”
Nagbaba na rin siya ng paningin. Ipinangako niya na mula ngayon ay hindi na siya manghuhuli ng mga gagamba upang pagsabungin. Tama si Lola Ancia sa mga sinabi nito.
“Nagpapahid naman po kami ng lotion para hindi na kami makagat ng insect, Lola,” anang isa. Hindi niya alam kung sino.
“Kahit na. Maigi na `yong nag-iingat tayo.” Napatingin ito sa batang ayaw lumapit. “Seth, come here. Bakit ayaw mong lumapit kay Lola? Hindi ka pa nagmamano. May bago na kayong kalaro, o.”
Tila nag-aalangan itong lumapit sa kanila at nagmano.
“Say ‘hi’ to your new friend,” panghihikayat ni Lola Ancia rito.
“H-hi,” tila napipilitang sabi nito sa kanya.
Nginitian niya ito. “Hello.” Masaya na siya dahil may mga bagong kalaro na siya at magkakamukha ang mga ito.