Kabanata XVIII

3617 Words
Reunion Ang mga pamilyar na boses na minsan ko nang pinagpuyatan ay unti-unting lumalapit, lumalakas. Ang mga halakhak na tila walang iniindang problema o unos sa buhay. At ang babaeng kinaiinggitan ko ngayon... "Brie! Good thing you're here. Welcome!" Masiglang tono ni Tita Isadora ang bumungad sa kaniya. Kagaya ng tono na palagi niyang binibigay sa akin sa tuwing kami ay magkikita. Ayokong humarap. Ayokong makita ang mga ngiti niya na parang sinasabi sa akin na nanalo siya. Pero hindi sang ayon sa akin ang tadhana– "I want you to meet the creator of my mural..." naririnig ko ang kanilang mga hakbang. Humarap si Mama para makita sila. Narinig kong binati ni Ivan si Mama sa isang magalang at mahinang tono. "Good afternoon, Tita Lara. Nice meeting you po." Mama cleared her throat. "Good afternoon din, hijo. Ikaw ba si Archibald?" Sumingit naman si Tita Isadora. "Oh no, Lara! He's my second son," pagtukoy niya kay Ivan habang tumatawa. "I'm not Archibald, Tita. You can call me Gus po. While your daughter is calling me Ivan." He smiled... at me. Hindi naman nakatakas sa akin ang mapanuring tingin ni Briella. Kahit nakangiti ito ay nakakunot naman ang kanyang mga kilay na tila naguguluhan. "Oh really? May ibang tawag pa sayo ang anak ko?" Napatingin naman sa akin si Mama, ang tingin na nagtatanong. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko rin alam ang magiging reaksyon ko sa oras na ito. Napangiti na lamang ako para maiwasan ang kaba. "She doesn't want to call me Gus, Tita," reklamo ni Ivan, parang batang nagsusumbong habang nakakunot ang noo. "Eh lahat naman tawag sakin 'Gus'—pati si Mama. Pero siya, ayaw talaga. Ivan daw. Buo pa." Tumingin si Mama sa akin na parang naghihintay ng paliwanag ko. Pero ang tanging nasagot ko lamang ay ang naguguluhang ekspresyon. Nakangisi ngayon si Ivan nang balingan ko ng tingin, natutuwa na nahihirapan at nahihiya ako ngayon. "Eh, 'yun naman kasi talaga ang pangalan mo, 'diba?" Sambit ko sa tonong inosente. "Augustus Ivan." Napailing na lang si Ivan habang natatawa si Tita Isadora sa gilid. Si Briella naman ay napawi na ang ngiti kaya senyales na 'yun sa akin na hindi na magsalita pa. "Hay naku, anak," sabi ni Tita Isadora, humihikab ng konting aliw sa eksenang parang throwback sa kabataan nila. "Kung ako sayo, iisipin ko na lang na espesyal ka. Kasi 'yan si Lauren, hindi tatawagin ang kahit sino sa buong pangalan kung hindi importante sa kanya." Napatigil si Ivan, tumingin na naman sa akin na parang may sinabing higit pa sa biro ang kanyang ina. Napangiti na lamang ako at nag-iwas ng tingin. Hindi na rin maganda ang titig sa akin ni Briella. Ayoko naman na maging dahilan pa ako ng hindi pagkakasunduan nila pagkatapos. Dumating si Tito Aurelius– ang ama at patriarch ng Navarro family. Tahimik siyang lumabas mula sa glass sliding door ng kusina, bitbit ang presensiyang hindi maikakailang may bigat. Matangkad, tuwid pa rin ang tindig, at kahit may uban na ang maitim niyang buhok, nandoon pa rin 'yung aura ng respeto at awtoridad sa bawat kilos niya. Siya 'yung tipo ng taong kahit hindi magsalita, mararamdaman mong andiyan siya. Naglakad siya papunta sa amin, mahinahon pero buo ang galaw. Bahagyang ngumiti nang makita niya kami ni Mama, bago iniabot ang kamay niya sa gitna. "Welcome, Lara and Lauren. I hope you feel at home." Medyo nabigla si Mama pero agad ding nakabawi. Tinanggap niya ang kamay ni Tito Aurelius at marahang inuga iyon bago kumalas. Tinapunan ako ni Tito ng isang sulyap—hindi malamig, pero may pagtatantya. Parang sinusukat niya ako, sa tahimik na paraan na sanay na akong makita sa mga propesor o artists na bago lang ako kilala. "You did the mural," sabi niya, more of a statement than a question. Tumango ako. "Yes po, noong high school po ako. Thank you po for keeping it." "Why wouldn't we?" tugon niya, bahagyang tumingin sa likod niya kung saan tanaw ang garden. "It gives life to that space." Saglit akong natahimik. May kung anong bigat sa dibdib ko—hindi dahil sa kaba kundi dahil sa surreal na pakiramdam na narito ulit ako, sa gitna ng pamilyang minsang naging parte ng isang kabanata ng buhay ko na akala ko'y tapos na. "It's a beautiful work," dagdag pa niya, mas mahina ang tono. "I remember thinking how unusual it was... to feel so much emotion from a young artist's hand." Hindi ko alam kung anong dapat kong isagot. Pero ngumiti ako. "Salamat po. That means a lot." "Good art always means a lot," sabi niya. "Even years later." Tumango lang si Mama, at sa gilid ng paningin ko, nakita ko siyang pinagmamasdan ang palitan naming iyon. Siguro iniisip niya kung anong klaseng mundo ang pinasok ko noon—ang mundo nina Ivan. Pagkatapos ng ilang segundo, bahagyang tumango si Tito Aurelius at ngumiti muli. "I'll let you settle in," sabi niya. "Lunch will be served shortly. Please, make yourselves comfortable." At saka siya tumalikod at muling pumasok sa bahay, ang kanyang presensiya parang alon na dahan-dahang umatras sa pampang, pero alam mong nandoon pa rin ang bigat. Iginiya naman kami lahat ni Tita Isadora papasok sa kanilang mansyon. Para akong bumalik sa nakaraan nang minsan na akong tumambay sa kanilang sala upang pahupain ang ulan. Nang dumiretso naman kami sa kanilang dining area ay narinig ko ang maliit na pagsinghap ni Mama. Isang eleganteng silid na dinisenyo para sa mga espesyal na pagtitipon. Sa gitna, may isang mahabang mesa na may makintab na itim na ibabaw. Napapalibutan ito ng walong puting upuan na may gintong balangkas—malinis at maayos ang ayos, tila handa na para sa isang mahalagang okasyon. Sa itaas, dalawang chandelier ang nakasabit. Ang kanilang mga kristal ay kumikinang sa ilaw, na parang mga bituin sa loob ng bahay. Ang liwanag mula sa chandelier ay dumadaloy pababa sa marmol na sahig—may pinaghalong beige, puti, at abo na kulay. Sa gitna ng mesa, may mga bulaklak at baso ng alak, nagpapahiwatig ng isang eleganteng hapunan. Sa likod, may malaking salamin na may mga bulaklak sa paligid nito, na nagbibigay ng karagdagang ganda at lalim sa espasyo. Sa bandang gilid, may mga bintanang malaki na nagpapasok ng natural na liwanag—binabalot ang silid ng banayad at mainit na sinag ng araw. Tahimik lang si Mama sa tabi ko, pero ramdam ko ang bahagyang paglalim ng hininga niya. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod, sa hiya, o sa mismong tanawin sa harap namin. Ako man, hindi mapigilang mapatitig. Minsan ko na rin itong nakita dati, pero ngayon... parang mas nakaka-overwhelm. Maybe because now, I understood more. About money. About power. About how different our lives really were from theirs. Hindi ito 'yung tipong mayaman na bahay na pilit ipinapakita kung gaano sila ka-affluent. Hindi. Ang Navarro residence, lalo na ang dining area na 'to, ay parang sining na hindi kailangang sumigaw para mapansin. Refined. Timeless. Tila bawat detalye ay pinag-isipan—mula sa texture ng mga upuan hanggang sa natural na pagdaloy ng araw sa silid. "Ang ganda," bulong ni Mama, halos hindi marinig. Tumingin ako sa kanya. Sa mga mata niya, may paghanga. Pero may halo ring kaunting pag-aalinlangan, o marahil ay pagkamangha. Hindi kami sanay sa ganito. Hindi kami lumaki sa marmol at kristal. "Parang museum," sabi ko, sinusubukang gawing magaan ang atmosphere. Ngumiti si Mama, pero hindi na nagsalita. Tinapik ni Tita Isadora ang likod ni Mama, at saka kami inalok ng mauupuan. "Maupo muna kayo. Papahanda na namin ang lunch," masigla niyang sabi. "Make yourselves at home." Tumango lang si Mama at naupo sa isang upuan sa bandang gilid. Ako naman, piniling maupo sa tabi niya. Nakaayos ang silverware, may nakatuping napkin na parang bulaklak sa plato. Sa harap ko, may baso ng red wine na nakasalang, tila naghihintay ng toast. Habang nakaupo roon, hindi ko maiwasang mapatingin sa mga detalye. Gaano kaya karaming dinner ang nangyari dito? Ilang beses kayang naupo si Ivan dito, tahimik, habang kumakain ng hapunan na may classical music sa background? Dumating na rin sina Adelina at Kuya Archie. Nang makita ko sila ay agad nagmadali si Adelina sa paglalakad u[ang ako ay yakapin. "Oh, I've missed you!" Sabi niya sa gitna ng kanyang yakap na para akong iniipit– sa paraang nakakakalma. "Hi, Tita Lara. Welcome to our home, finally." Narinig ko naman si Kuya Archie na binabati si Mama. Kumalas kami ni Adelina sa yakapan. Nakangiti siya at punong puno ng galak na nagkita kaming muli. Nagmano siya kay Mama at bumeso pa sa pisngi bago ako binalikan. "I missed you too, Adelina. Sobrang ganda mo." Kamukhang kamukha niya talaga si Tita Isadora– a teenager version of herself. Para lang silang pinagbiyak na buko, carbon copy, pero meron pa ring pagkakaiba sa kanila. Kung si Tita ay may halong konting kulot ang buhok, si Adelina naman ay tuwid at itim na itim. Bumabagay sa soft features ng kanyang mukha. Napatawa si Adelina sa sinabi ko. "Ikaw talaga. Ikaw rin, ha. You look so... grown up." Umiling-iling siya na parang hindi makapaniwala. "And your skin is glowing! I love it." Napahawak ako sa mga braso ko, medyo nahiya, "Hindi naman, pawis lang. Galing kasi kami sa garden. Pinakita ko kay Mama ang mural." Habang nag-uusap kami, napatingin ako kay Kuya Archie na kasalukuyang kausap si Mama. May bitbit siyang bote ng wine at may suot na dark blue button-down na naka-roll ang sleeves hanggang siko. Pormal pero relaxed. Ganoon din ang ngiti niya habang kinakamusta si Mama. "Alam mo, sobrang saya ko na nandito ka ngayon," bulong ulit ni Adelina. "It's been too long, Lauren. Way too long." Tumango lang ako. "Oo nga, no?" Saka ko siya tinapik sa balikat. "Sorry ha, hindi ako naging consistent mag-reply." "Okay lang. I kinda guessed na busy ka sa life, sa art, sa college... or sa mga boys?" sabay kindat niya, teasing. "Adelina!" napa-irap ako, pero hindi ko napigilang matawa. Nagsimula na rin kaming pumasok ulit sa dining area, sumasabay sa kwentuhan. Si Tita Isadora ay busy na kausap ang isang kasambahay tungkol sa mga plato habang si Tito Aurelius ay nakaupo sa dulo ng mesa, nagbubuklat ng diyaryo kahit pa may mga bisita. Si Kuya Archie naman ay tinulungan si Mama sa upuan niya. Gentle pa rin siya gaya ng dati. Parang walang nagbago. "Thank you," narinig kong sabi ni Mama, at medyo napansin ko 'yung bahagyang pamumula ng pisngi niya. Naglakad kami ni Adelina papunta sa kabilang side ng mesa. "Diyan ka dapat, katapat ko," sabi niya, sabay turo sa isang upuang malapit sa malaking bintana, katabi ni Mama. "Para habang kumakain tayo, may view ka pa ng garden." Tinignan ko ang tanawin sa labas. At sa isang iglap, doon ko ulit nasilayan ang mural. Hindi ko inaasahan na makikita ko ito mula sa angle na 'to—medyo malayo pero malinaw pa rin. Parang isang memory na bigla na lang sumulpot. Parang ako, noong first year high school, nakatayo roon sa ilalim ng araw, may hawak na paintbrush, habang si Ivan ay may dalang tubig at may mga baong jokes na corny. Biglang lumambot ang puso ko. Parang may humaplos mula sa loob. "Still yours," bulong ni Adelina, na tila alam kung saan ako nakatingin. "Still mine," bulong ko pabalik, halos hindi naririnig. Ilang sandali pa ay nagsimula nang magserve ang mga kasambahay ng mga pagkain. Ang dami! Na akala mo ay nasa isang handaan na kayang pakainin ang singkwenta na tao. "Hi Adi," pagbati ni Brie nang makaupo ito katabi ni Adelina. Ang posisyon namin sa hapag ay parang isang pormal na pagtitipon. Sa magkabilang dulo ng kabisera ay si Tito Aurelius at Kuya Archie. Sa kanan ay si Tita Isadora, Mama at ako. Sa kaliwa naman ay si Ivan, Briella at Adelina. Tumingin lamang si Adelina sa katabi nang mabilisan, hindi ngumiti at isang mahinang "Hi" lamang ang sinagot. Hindi na siya muling tumugin at nagpokus na lamang sa mga pagkain sa harapan. Napatingin ako kay Adelina. Hindi siya nagsalita, pero sapat na ang katahimikan niya para maintindihan ko—hindi siya sang-ayon. Hindi niya kailangan sabihin nang direkta. Kita sa malamig niyang "Hi." Kita sa paraan ng pagtanggi niyang makipag-eye contact kay Briella. Sa pagkuyom ng mga daliri niya habang nilalaro ang tinidor sa mesa. Hindi ko alam kung may pinagsimulan o talagang hindi lang siya pabor mula pa noon. Pero isang bagay ang malinaw: hindi gusto ni Adelina si Briella bilang girlfriend ng kuya niya. Habang patuloy ang kainan, ramdam kong sinusubukan ni Tita Isadora na gawing mas magaan ang paligid. Lalo na't medyo tensyonado pa rin ang mesa, lalo na sa pagitan nina Adelina at Briella. At doon niya naipasok ang paborito niyang icebreaker—ang mural sa kanilang garden. "Lauren, I still can't get over how beautiful the mural is," bungad niya, sabay ngiti sa akin. "Every time I walk past it, it feels brand new. So full of life!" Nakangiti akong tumango. "Thank you po, Tita. I'm glad you still like it." "Like it? I love it," sabat pa niya. "Darling, don't you agree? Didn't it completely transform the garden?" Tumingin si Tito Aurelius mula sa kanyang pagkain, saka bahagyang tumango. "It's impressive. Very detailed, and yet calming." "How long did it take you to finish it, Lauren?" tanong naman ni Adelina, na tila nagsisimulang lumuwag ang pakiramdam. Napaisip ako sandali. "Mga... two weeks po, pero on and off kasi 'yung schedule ko noon." "And the colors," dagdag pa ni Tita Isadora, "they're so vibrant, pero hindi overpowering. What inspired you?" Napangiti ako. "Mostly po 'yung garden mismo. I wanted to complement the plants and the vibe of the space. And I remember it was always bright there around late morning, so I used warmer tones." "She's always been like that," sabat ni Mama, halatang proud. "Noong bata pa siya, puro drawing na ang ginagawa niyan. I couldn't keep up sa pagbili ng bond paper. Minsan pati likod ng resibo ko, ginagawang canvas." Natawa ang ilan sa mesa. Ako man ay napangiti. "Guilty po." "At least ngayon, you're getting recognition for it," dagdag pa ni Mama. "And to see it displayed in a home like this, grabe. Nakaka-proud talaga." "You should've seen her working on it," biglang sabat ni Ivan, medyo mahina lang ang tono pero sapat para mapatingin ako. "It was summer, sobrang init noon. Pero kahit tanghaling tapat, hindi siya tumitigil. Lagi siyang may baong tubig at music. And she'd hum while she painted." Napalingon sa kanya si Briella, pero hindi siya pinansin ni Ivan. Tumingin lang siya sa mural na kita mula sa malaking bintana ng dining area. "There's one part," patuloy niya, "'yung maliit na dilaw na paru-paro sa gilid ng paso. Hindi ko sure kung napansin ng iba, pero I always thought it was a nice touch." Parang may kumurot sa dibdib ko. I didn't expect him to remember that. That butterfly—isang maliit na detalye na nilagay ko noong huling araw ng pagpipinta. Para sa sarili ko. Parang lagda. "I remember," mahina kong sagot. "You're one of the few who noticed." Nagkatinginan kami ng ilang segundo, bago ko ibinalik ang atensyon ko sa pagkain. Sa gilid ng paningin ko, ramdam ko ang tahimik na pagtitig ni Briella. "You're very observant, Gus," sabi ni Tita Isadora. "And Lauren, that mural brings such warmth to our home. It's more than art—it's a reminder of joy." "At kahit ang mga amigas ko, they can't help but to admire it too! One of them even asked if it was painted by a professional artist, can you believe that? I told them, 'No, it's a young woman with magic in her hands.' They were so amazed, they kept asking about you, Lauren. I think you have fans now even among my friends!" Napatingin si Mama sa akin, at mahina niyang hinaplos ang kamay ko sa ilalim ng mesa. "I'm proud of you, anak," bulong niya. "Always." Habang nagpapatuloy ang kwentuhan tungkol sa mural, unti-unti ring lumuwag ang pakiramdam ko. Parang kahit saglit, nawala ang bigat na kanina pa nakakabit sa dibdib ko. Ngunit tulad ng kahit anong pahinga, may hangganan din ito. Sa labas ng bintana, nakita ko ang mga dahon ng puno na bahagyang gumagalaw sa ihip ng hangin. Ang sinag ng araw ay nagsisimula nang humupa, dumudulas na ang liwanag sa marmol na sahig—paalala na may mga susunod pang bahagi ang araw na ito. Tila may gustong sabihin si Tita Isadora, pero napalingon siya sa isang staff na pumasok para mag-serve ng dessert. Kasunod niyon ay ang muling pagbalik ng katahimikan—hindi tulad kanina, hindi ito awkward, kundi tila ba may inihahandang panibagong yugto. "Lauren, what are you working on these days?" tanong ni Briella, sabay ngiti na hindi ko matukoy kung totoo. "Are you still doing murals, or may bagong project ka na?" "Right now, I'm focusing po on my studies," sagot ko, medyo formal ang tono. "Kakabalik ko lang rin ulit sa pag-sketch, pero wala pa po akong tinatanggap na commissions." "Wow, nice," sabay tingin niya kay Ivan, tapos marahang idinantay ang kamay niya sa braso nito. "Remember, babe? Yung sa café we went to last weekend? May mural din sila, pero nothing close to Lauren's." Tumango lang si Ivan. "Yeah. Not the same vibe." Napansin kong mabilis niyang binawi ang tingin kay Briella, saka nagkunwaring busy sa pagtikim ng leche flan. "She's so talented," dagdag ni Briella, pero halatang pilit ang tono. "You must be so proud, Tita Lara." Sabay sulyap kay Mama, na bahagyang tumango. "Very," sagot ni Mama, diretso ang tingin sa kanya. "Didn't you and Gus work on something together dati?" Biglang sabat ni Kuya Archie, habang sinasandok ng fruit salad. "Was it a school project or... something for the church?" Napatigil ako. Si Ivan naman ay bahagyang napatungo, parang pinipigilan ang sarili na sumingit. "Ah, 'yung sa outreach event po," sagot naman ni Briella, pilit na ngumiti. "Nag-volunteer kami pareho." Ramdam ko ang tensyon sa pagitan naming tatlo. Si Ivan ay halatang pilit ang pagiging normal. Paminsan-minsan ay sumisimple siya ng sulyap sa akin, pero agad din ibinabaling ang tingin kapag nagkakabanggaan ang mata namin. Si Briella naman ay tila walang kapaguran sa mga maliliit na parinig—'our plans,' 'what we did,' 'remember when we,' at bawat isa'y sinisingitan ng mga simpleng hawak o sulyap kay Ivan. Pero hindi ako nagpapaapekto. Sa halip, pinipili kong ngumiti. Maging mahinahon. Magpakatatag. Kung may natutunan man ako sa mga mural na ginawa ko, ito 'yon—may kagandahan sa pagiging tahimik, sa mga kulay na hindi sumisigaw pero hindi rin napapansin. Hinagod ni Mama ang likod ng kamay ko. Hindi siya nagsalita, pero sapat na ang presensya niya sa tabi ko para mapanatili kong nakataas ang ulo ko. As the lunch winds down, busog na busog ako. Ilang kwentuhan pa ang pinagsaluhan namin bago naisipan ni Tita Isadora na magpabalot sa kasambahay ng mga pagkain para dalhin namin sa bahay. Tumanggi si Mama, of course. Pero dahil mapilit si Tita ay wala na rin siyang nagawa. We are in the sala, habang kausap ko si Mama ay tinawagan ako ni Ivan. "Lauren," habang hawak ang isang sketchpad na mukhang ilang ulit nang nabuksan at naisara. Lumapit siya sa akin, kasunod si Adelina na may bitbit na baso ng iced tea. "May gusto sana akong ipakita. Hindi naman ako tulad mo, pero baka puwede mong silipin? Baka may maipapayo ka." Napatingin ako sa sketchpad. Medyo gulat, pero hindi inis. May kaunting kaba, pero may halong tuwa rin. Kasi hindi ito tungkol sa amin—tungkol ito sa sining. Sa bagay na alam kong kaya kong harapin kahit pa sabay-sabay pa silang lahat nakatingin. Binuksan niya ito at tumambad ang ilang sketches—hindi detalyado, pero malinaw ang intensyon. May mga layout para sa menu, design para sa plating, at ilang abstract na hugis na parang representasyon ng lasa o texture. "Ginagawa ko 'to para sa final project namin sa culinary branding class. Medyo sabog pa, pero gusto ko sanang maayos siya visually." Umupo ako ng bahagya para mas makita. Hinawi ko ang ilang pahina at pinakiramdaman ang bawat guhit. "Maganda 'yung concept mo dito," sabi ko, tinuturo ang isang page kung saan may spiral sketch ng plated dessert. "Pero baka mas maganda kung gamitin mo 'yung contrast ng light at shadow para mas buhay. Try mo rin gumamit ng finer lines dito para makuha mo 'yung texture." Tahimik si Ivan habang nagsasalita ako, parang sinisipsip bawat salita. Tumango-tango siya at agad kumuha ng lapis, sinubukan ang sinabi ko. Tumingin siya sa akin, maingat. "Ganito ba 'yung shading na sinasabi mo?" "Almost," ngiti ko. "Pero mas subtle pa dapat dito sa edge. Think soft light, 'yung parang madaling araw na liwanag lang." "Got it," sagot niya, at muling gumuhit. May ngiti sa labi niya—hindi 'yung pakitang-tao, kundi 'yung totoo. Tila ba ngayon niya lang ako ulit nakita, sa paraang hindi konektado sa nakaraan. Mula sa kabilang dulo ng mesa, napansin kong nakatingin si Briella. Nakakunot ang noo, bahagyang umuusog palapit. "What are you guys working on?" tanong niya, pilit ang tono ng kaswal. "Sketches lang for a class," sagot ni Ivan, pero hindi inalis ang tingin sa sketchpad. "Lauren's helping me make them look more cohesive." "Oh," ani Briella, pero hindi na siya lumapit pa. Bumalik siya sa pwesto niya, bagama't hindi nawala ang sulyap sa amin. Sa kauna-unahang pagkakataon sa araw na ito, naramdaman kong hawak ko ulit ang sarili ko. Sa pagitan ng lapis at papel, sa kulay at liwanag, nahanap ko ang espasyo ko—at kahit panandalian lang, sapat na 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD