Kabanata XIX

2689 Words
Resonance Pagkababa namin mula sa hagdan ng Navarro residence, ramdam ko agad ang pagbabago sa paligid. Wala na ang artipisyal na lamig ng aircon, wala na ang bango ng mamahaling pabango, at unti-unti nang napalitan ng amoy ng kalye at lupa ang paligid. Sumakay kami ni Mama sa tricycle papuntang highway, kung saan kami mag-aabang ng jeep pauwi ng Bauan. Tahimik lang si Mama, pero bakas sa mukha niya ang kasiyahan. Pagdating ng jeep, agad kaming sumakay. Nasa gitna kami ng mahabang upuan, at habang umaandar ito pa-South, sinandalan ko ang bintana at tiningnan ang mga nadaanang puno at bahay. Mula sa labas, parang walang nagbago—pero sa loob ko, ang dami nang nangyari. "Ang laki pala ng bahay nila, Lauren," bungad ni Mama, punong-puno ng pagtataka. "Para talagang palasyo! Siguro ay mas malaki pa iyon kesa sa bahay ng lolo mo sa Lipa." Napangiti ako ng bahagya. Hindi ko alam kung dahil aliw siya o dahil ramdam kong proud siya sa akin. "At ang babait nila, 'no? Si Isadora, napaka-gentle. Hindi mo aakalain na ang yaman nila sa ugali nila. Parang normal lang. Ang papa ni Ivan, ang galang. Tapos sina Adelina at Archie, tahimik pero parang mababait din." Tumango lang ako. Ang dami kong gustong sabihin, pero parang may bara sa lalamunan ko. Kahit gusto kong ipaliwanag lahat ng nararamdaman ko, hindi ko alam kung paano sisimulan. "At si Ivan," dugtong ni Mama, medyo napapangiti habang inaayos ang kanyang bag sa kandungan. "Ang bait pala ng boyfriend nung Briella, 'no? Ang ganda rin niya, parang artista. Bagay silang dalawa." Napatingin ako sa kanya, pero agad kong ibinalik ang tingin ko sa labas. Hindi ko alam kung paano magrereact. Hindi kasalanan ni Mama. Hindi niya alam. Wala siyang alam sa mga titig, sa tension, sa mga hindi nasabing salita kanina. Wala siyang alam sa bigat na naiwan sa dibdib ko. Napatingin ako sa kanya, pero agad kong ibinalik ang tingin ko sa labas. Hindi ko alam kung paano magrereact. Hindi kasalanan ni Mama. Hindi niya alam. Wala siyang alam sa mga titig, sa tension, sa mga hindi nasabing salita kanina. Wala siyang alam sa bigat na naiwan sa dibdib ko. "Masaya ako para sa'yo, anak," patuloy ni Mama, di alam na para siyang dumidiin sa sugat. "Sana madalas pa tayong maimbita. Nakita ko kung paano ka nila tinitingnan—ang respeto, ang paghanga. Lalo na si Isadora. Halata mong proud siya sa mural mo." Muli, tumango lang ako. Hindi ko alam kung gusto kong umiyak o matawa. Oo, proud sila. Oo, pinuri nila ang mural. Pero habang pinupuri nila ako, pakiramdam ko parang unti-unti akong hinihila sa mundong hindi naman talaga akin. Tahimik ang sumunod na biyahe. Si Mama, nakatingin sa mga nadaanang lugar, habang ako naman ay pilit binubuo sa isip ko ang mga eksenang kanina lang ay bahagi pa ng kasalukuyan. Yung sketchpad ni Ivan. Yung paraan ng pagsulyap niya sa akin, hindi gaya ng sulyap ng isang taong masaya sa piling ng girlfriend niya. Yung ekspresyon ni Briella, parang laging alerto. Yung pagtahimik ni Adelina sa tuwing lumalapit si Briella. Lahat 'yon, parang pelikula na paulit-ulit kong pinapanood sa utak ko. Pagkarating namin sa Bauan, bumaba kami sa kanto. Magkahawak kami ng kamay ni Mama habang naglalakad pauwi sa bahay. Tahimik lang ako, pero ramdam ko ang kapit niya—mahigpit, parang sinasabi niyang proud siya sa akin, kahit hindi niya alam ang bigat na dala ko. Pagdating sa harap ng gate, huminto si Mama. Tinapik niya ako sa balikat. "Salamat at pinasama mo ako, anak," sabi niya. "Ang saya ko at nakita ko kung gaano ka kagaling." Napatingin ako sa kanya. Mababaw ang luha ko, pero pinigilan ko. Ngumiti na lang ako at tumango. "Mamimiss kita, Mama. Ayoko pang umuwi." Napangiti siya, saka kinusot ang braso ko. "Magkikita rin tayo ulit, anak. Uuwi ka naman tuwing weekend, 'diba?" Tumango lang ako, pero alam naming dalawa na kahit anong lambing, mahirap pa ring iwan ang sandaling ito. Binuksan ni Mama ang gate at pumasok na kami sa loob ng bahay. "Sakto ang dating natin, hapunan na," sabi ni Mama habang inaabot ang bag niya sa mesa. "Magbihis ka na at magluluto ako ng hapunan natin." Tahimik akong tumango, pinilit ang ngiti. Habang papasok ako sa kwarto para magpalit ng damit, sumulyap ako sa mesa—wala pang pagkain, pero may dalawang pinggan at dalawang baso ng tubig na nakahanda na. May kaunting amoy ng bawang at luya na nanggagaling sa kusina, senyales na nagsisimula pa lang magluto si Mama. Simpleng setup, pero punong-puno ng init at pamilyaridad. Dito ako sanay. Dito ako totoo. Habang nagpapalit ng pambahay, patuloy ang pag-ikot ng mga tanong sa isip ko—ang mga mata ni Ivan habang hawak ang sketchpad, ang titig ni Briella, ang panahimik ni Adelina. Parang puzzle na hindi ko mabuo, pero paulit-ulit kong gustong balik-balikan. Pagbalik ko sa mesa, nakangiti si Mama habang nagsasalin ng kanin sa pinggan ko. Umupo ako sa harap niya at sandaling nagkatitigan kami. "Kumain ka na, anak. Para kang pagod na pagod," sabi niya. Ngumiti ako nang bahagya. "Pagod pero busog sa kwento." Nagkatawanan kami ng kaunti, at sa simpleng hapunan na 'yon, kahit saglit lang—nakalimutan ko ang bigat. Ang gulo. Ang mga tanong. Heto ako. Nandito na ulit sa bahay. Sa tahanan ko. Pagkatapos naming kumain ni Mama, ako na ang nagligpit ng mga pinggan. Nagpilit siyang tumulong pero tinapik ko lang siya sa balikat at sinabing, "Ako na, Ma. Magpahinga ka na." Alam kong pagod na rin siya sa biyahe at sa dami ng bagong mukhang hinarap niya ngayong araw. Nang matapos ko na ang pagliligpit, dumiretso ako sa kwarto ko. Tahimik sa buong bahay. Naririnig ko lang ang tunog ng electric fan, ang mahinang pagkaluskos ng hangin sa mga dahon sa labas, at ang paggalaw ni Mama sa kabilang kwarto. Isinara ko ang pinto at naupo sa sahig, sa harap ng lumang low table na ginagamit ko bilang study desk noon. Binuksan ko ang sketchpad na ilang linggo ring nakatago sa drawer. Simula nang magcollege ako, hindi ko na ito muling binuksan. Parang nawala ang gana, o baka masyado lang akong naging abala sa academics. Pero ngayong gabi, para bang may kung anong humihila sa'kin pabalik dito—sa lapis, sa papel, sa mga linya. Huminga ako nang malalim. Kinuha ko ang lapis at nagsimulang mag-sketch. Hindi ko alam kung anong ginagawa ko, pero parang kusa na lang gumagalaw ang kamay ko. Sa bawat guhit, unti-unti kong naaalala ang mga eksena kanina—ang mga mata ni Ivan habang tinitingnan ang sketchpad, ang tono ng boses niya habang nag-uusap kami ni Mama, ang tahimik na tensyon sa pagitan nila ni Briella. Nag-drawing ako ng isang silweta—babaeng nakatalikod, nakatayo sa harap ng isang bintana. Tapos ay nilagyan ko ng maliit na sketchpad sa kamay niya. Sa likod ng babae, may isang lalaking bahagyang anino lang, parang nanonood mula sa malayo. Napahinto ako. Parang ako 'yon. At siya. Pumikit ako sandali. Paulit-ulit pa ring bumabalik sa isip ko ang lahat. Ang mural. Ang pagpipigil ng emosyon. Ang paraan ng pagtitig niya na para bang may gustong sabihin, pero hindi puwedeng sabihin. At si Briella—na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano ko gustong tingnan. Kaaway ba siya? O kasangkot lang din sa gulong ito tulad ko? Bigla kong naalala ang sinabi ni Mama sa jeep: "Bagay sila." Hindi sinasadya, pero ang sakit. Pinilit kong tapusin ang sketch. Nilagyan ko ng kurtina ang bintana. Kulay grey. Walang liwanag sa labas. Nang matapos ako, isinara ko ang sketchpad at ipinatong ito sa mesa. Humiga ako sa kama, nakatingin sa kisame. Ang dami kong kailangang pag-aralan, ang dami ko pang kailangang gawin para sa sarili ko. Wala sa plano ko ang ganito—ang masaktan, ang malito, ang umasa. Pero heto ako. Tinatanggap na kahit hindi ko ginusto, kahit pilit kong umiwas... may bahagi pa rin sa puso ko na umaasa. Na baka, kahit imposible, may kwento pa kaming hindi pa tapos isulat. Sa katahimikan ng gabi, pinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaang lamunin ako ng pagod. Bukas, gigising ulit ako bilang Lauren—college student, artist, anak. At kahit hindi ko alam kung ano ang susunod, ang alam ko lang: sa bawat guhit na ginagawa ko, mas lalo kong nakikilala ang sarili ko. At sa ngayon, sapat na muna 'yon. Pagkatapos kong pumikit, akala ko makakatulog na agad ako. Pero ilang minuto lang, bigla kong naramdaman ang paminsang pagkulog sa malayo. Maya-maya pa, narinig ko na ang mahinang patak ng ulan sa bubong, unti-unting lumalakas habang lumilipas ang gabi. Napabuntong-hininga ako. Sa dami ng gustong magpahinga sa isip ko, parang mas pinili nitong mag-replay ng mga eksena sa utak ko. Mula sa pagtanggap ng imbitasyon, hanggang sa mismong lunch—mga mata ni Briella na tila laging nagmamasid, mga kilos ni Ivan na hindi ko alam kung para saan, at mga tanong ni Adelina na tila inosente pero humahaplos sa mga lumang sugat. Bumangon ako at umupo ulit sa harap ng low table. Kinuha ko ang sketchpad at binuklat ang bagong page. Walang planong imahe, wala ring reference. Lapis lang at damdamin. Hinayaan kong ilabas ng kamay ko ang bigat sa dibdib ko. Gumuhit ako ng dalawang taong magkatabi pero hindi magkadikit. Nakatayo sila sa gitna ng ulan. May payong sa pagitan nila, pero hindi nila ginagamit. Parehong basa. Parehong tahimik. Para kaming ganon. Ako at si Ivan. Hindi ko alam kung sinasadya niya 'yon—ang pagbukas ng sketchpad, ang paghiling ng opinyon ko, ang pagbukas ng pagkakataon para makausap ako. Pero alam ko sa sarili kong hindi ko rin sinara ang pinto. Hindi pa. Hindi ko kaya. Sinubukan kong ipinta sa isip ang mga sagot sa sarili kong tanong: mahalaga pa ba ako sa kanya? Masaya ba siya kay Briella? Bakit ako ang pinili niyang tanungin tungkol sa drawing niya kung alam niyang magulo ang lahat sa pagitan namin? Hindi ko alam. Ang alam ko lang, hindi lahat kayang linisin ng ulan. May mga alaala pa ring nananatili kahit ilang bagyo ang dumaan. At may mga tanong na mas pinipiling manahimik, kahit gustong-gustong isigaw ng puso ang sagot. Inayos ko ang sketchpad at itinabi. Tumayo ako para isara ang bintana, pinanood ko pa muna ang ulan. Sa ilalim ng dilim, para bang mas malinaw ang lahat. Mas totoo. Mas mahirap itago. Pagbalik ko sa kama, niyakap ko ang lumang unan na ginagamit ko pa rin mula high school. Doon ko nalang isiniksik ang lahat ng tanong na wala pa akong tapang sagutin. Hindi ko alam kung anong kahulugan ng mga tingin, ng mga salita, ng mga katahimikan. Pero alam ko kung ano ang naramdaman ko. At kahit ngayon, sa gitna ng ulan, naroon pa rin siya. Sa puso ko. Sa mga guhit ko. Sa pagitan ng mga bagay na hindi ko pa kayang sabihin. Maaga akong nagising kinabukasan kahit medyo puyat. Alas quatro pa lang ng madaling araw ay buhay na ang bahay. Basa pa rin ang kalsada mula sa ulan kagabi, pero banayad na ang panahon. Tahimik ang paligid. Kalmado. Parang sa wakas, humupa na rin kahit papaano ang bigat sa dibdib ko. Inayos ko agad ang gamit—ilang damit, toiletries, charger, at siyempre, ang sketchpad na iniwan ko dito noon, handa ko nang dalhin sa dorm at ihilera sa ilan pang sketchpads sa study table ko. Sa kusina, naghahain ng almusal si Mama—mainit na pandesal, itlog, at kape. Umupo ako sa tabi niya, sabay abot ng plato. "Sure ka na bang aalis ka ngayon?" tanong niya habang binabalatan ang itlog. "Pwede ka namang bukas na umuwi sa dorm." Tumango ako. "Kailangan ko nang bumalik, Ma. May pasok din po ako mamaya." Tumango siya, bagamat mabigat ang mukha. Wala siyang sinabi pa, pero ramdam ko ang pag-aalala niya. Pagkatapos naming kumain, inihatid niya ako hanggang sa gate. Hawak niya ang maliit kong overnight bag habang ako naman ay kinuha na ang isa ko pang backpack. "Mag-iingat ka sa biyahe, ha?" sabi niya, sabay ayos sa collar ng jacket ko. "Text mo ako pag nakarating ka. Huwag mo kakalimutang kumain." "Opo, Ma. Promise." At bago pa ako tuluyang makalabas, humabol pa siya ng sabi, "Kung may gusto kang pagkain, sabihin mo lang. Dadalhan kita sa susunod na punta ko." Napangiti ako. "Gusto ko ng sinigang. Yung may maraming labanos." "Noted," natatawang sagot niya. "Ingat, anak." Niyakap ko siya ng mahigpit bago ako sumakay sa tricycle papuntang terminal. Habang papalayo, hindi ko maiwasang mapatingin pabalik. Nandoon pa rin siya sa may gate, nakaabang, parang sinisigurong ligtas akong makakaalis. Pagdating sa bus terminal, sumakay ako agad ng biyahe papuntang Batangas. Umupo ako sa window seat, inilabas ang earphones, at pinatugtog ang playlist ko habang naglalakbay. Habang umaandar ang bus, unti-unting nagiging tanawin ang mga alaala—kahapon, sina Ivan at Adelina, si Briella, ang mga mata ni Mama kanina sa mesa. Pero mas buo na ang loob ko ngayon. Maaaring hindi pa malinaw ang lahat, pero kaya ko nang huminga. Kaya ko nang harapin ang mga susunod na araw. Pagbaba ko sa Batangas, malakas na ulit ang sikat ng araw. Kumakaway ang liwanag sa pagitan ng mga ulap—parang sinasabi sa akin: "Panibagong simula, Lauren." Pagkapasok ko sa dorm, ang una kong naramdaman ay ang katahimikan. Madaling araw pa lang, at kahit may kaunting sikat ng araw na sumisilip sa mga bintana, ramdam ko pa rin ang lamig ng gabi—o baka dala lang 'to ng byahe. Diretso ako sa kwarto namin ni Dani. Pagbukas ko ng pinto, bumungad agad sa akin ang malamig na hangin mula sa aircon. Nakapulupot si Dani sa kumot niya, tulog na tulog, gaya ng inaasahan. Tipikal. Ayaw na ayaw nun ng kahit anong init. Tahimik akong pumasok, siniguradong hindi mag-ingay habang inilalapag ang bag ko sa tabi ng kama. Nilabas ko ang towel at bagong shirt mula sa backpack. Gusto ko lang mag-banlaw. Para lang maalis ang amoy ng biyahe, ang pagod ng buong weekend, at baka—baka lang—matanggal rin kahit kaunti ang bigat sa dibdib ko. Paglabas ko ng banyo, dumiretso ako sa kama at naupo sandali. Binuksan ko ang phone ko. May unread message mula kay Mama. Mama: Ingat sa biyahe, anak. Chat mo ako pag nakarating ka na. Napangiti ako kahit papaano. Nag-reply agad ako. Me: Nandito na po ako, Ma. Naligo lang. Tulog pa si Dani hehe. Mama: Noted! Hehe. Magpahinga ka muna. Text kita pag paalis na ako dito. Naibsan kahit papaano ang pagod. Ibang klaseng comfort talaga 'pag alam mong may isang taong nag-aalala at nagaabang sayo, hindi para tanungin kundi para siguraduhin na okay ka lang. Tiningnan ko si Dani. Tulog pa rin. Ang sarap ng tulog, parang walang iniisip. Napabuntong-hininga ako. Hindi ko pa rin alam kung anong eksaktong nararamdaman ko tungkol kay Ivan—pero malinaw sa akin ang isang bagay: kahit anong gawin kong takas, kahit ilang linya ang idrawing ko para ibaling ang isip, may parte pa rin sa akin na bumabalik sa kanya. Ang katahimikan ng dorm ay tila mas malakas pa sa kahit anong salita. Dito ko lang talaga nararamdaman na bumabalik ako sa sarili ko. Wala si Briella, walang mata ni Tita Isadora, walang alingawngaw ng alaala ng mural sa likod ng bahay. Isa na lang akong estudyante, may sariling mundo, sariling kwarto, at sariling katahimikan. Dito, kahit paano, pwede akong huminga. Nasa gitna ako ng pag-iisip nang biglang gumalaw si Dani sa kanyang kama. Bahagya siyang dumilat, kita sa mukha niya ang pagka-antok. "Lauren?" garalgal niyang boses. "Kakauwi mo lang?" Tumango ako. "Oo, mga thirty minutes ago. Di kita ginising, tulog na tulog ka e." "Ang aga mo ah. Kumain ka na ba?" "Oo," sagot ko habang pinipilit ngumiti. "Nag-almusal na ako sa bahay kasabay si Mama." "Okay. Babangon na rin ako mamaya. Sabihan mo rin ako kung may kwento ka, ha?" "Thanks, Dani. Matulog ka ulit." Tumalikod na siya at muling yumakap sa unan niya. Ako naman, huminga nang malalim at muling pinikit ang mga mata. Kaunting oras lang para magpahinga. May klase na rin ako mamaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD