Ember
"Good morning," bati ni Reese pagkaupo niya sa tabi ko.
Nakangiti siya habang inaayos ang kanyang ballpen at planner sa desk. Monday nanaman. At kahit hindi ako ganon ka-enthusiastic, bumati pa rin ako pabalik.
"Morning," mahina kong sagot.
Tahimik akong nagbukas ng notebook, sabay kuha ng lapis. Hindi ko alam kung ako lang ba o sadyang mabigat ang simula ng linggong ito. Hindi ako malungkot, pero hindi rin ako ganoon kasaya. Parang andito ako, pero hindi rin.
Si Professor Sison ang una naming klase ngayong umaga. Matapos ang ilang sandaling hintayan, dumating siya sa classroom na bitbit ang tablet niya at isang manipis na libro. Naka-eyeglasses siya ngayon, unlike the usual. Tumayo siya sa harapan, inilapag ang gamit sa mesa, at ngumiti sa amin.
"Let's get started," aniya, "I hope you all had a restful weekend."
Nagpatuloy siya sa lecture tungkol sa basic principles of interior spatial relationships. It was a continuation of last week's lesson, pero ngayong araw, mas pinasadahan niya ang mga functional diagrams at flow patterns.
Habang nagsusulat si Prof sa board, napatingin ako sa paligid. Lahat ay parang busy sa pag-notes o pakikinig. Si Reese, seryosong nagdo-doodle ng layout sa notebook niya. Yung mga nasa unahan, hyper-focused. At ako? Well, sinusubukan ko.
Pero hindi ko maiwasang mapansin kung paanong nagiging background noise na lang ang boses ng professor. Hindi dahil hindi siya interesting, pero dahil may bahagi sa akin na parang napagod na. Napagod sa effort. Napagod sa damdamin. Napagod sa—
"Lauren," tawag ni Prof Sison.
Nagulat ako.
"Yes po?"
"What are the three key elements to consider in zoning?"
Patay na ako.
Humingi ako ng konting tulong sa memorya ko habang naririnig ko ang iba kong kaklase na parang sabay-sabay na huminto sa paghinga.
"Function, privacy, and access," sagot ko, medyo nauutal pero tama naman.
"Very good," sabi ni Prof, bago siya nagpatuloy.
Suminghot ako ng malalim at tahimik na pinilit i-compose ang sarili ko. Hindi ako pwedeng lumutang ngayon. Hindi ngayon.
"Napansin mo ba 'yung sinabi ni Prof kanina about public versus private zones?" tanong ni Reese habang naglalakad kami papunta sa susunod na klase.
Tumango ako, pilit na iniisip ang discussion kahit kaunti. "Oo, 'yung concept ng zoning para mas maganda 'yung flow ng tao sa space."
"Exactly. Gusto ko 'yung part na binanggit niya 'yung transition zones—yung hindi fully private, pero hindi rin totally public. Parang foyer or hallway," dagdag niya, animated pa rin habang nagku-kwento.
"Hmm," sagot ko, medyo absent-minded pero sinusubukang makisabay. "Parang buhay rin, no? May mga transition moments."
Napatingin siya sa akin, natawa. "Grabe ka. Ang lalim mo na agad sa Monday morning."
Napangiti na lang ako.
Sa pagtatapos ng klase, nag-group stretch pa ang karamihan. Ako, mabilis kong tinupi ang notes ko at iniligpit ang gamit.
"Okay ka lang?" tanong ni Reese habang inaayos niya ang sarili niyang gamit.
Tumango ako. "Oo. Inaantok lang siguro."
Hindi niya na ako kinulit. Minsan parang alam na rin niya kapag may gusto akong sarilihin muna.
Paglabas ng classroom, sumabay kami sa daloy ng students sa hallway. Sunod naming subject ay kay Professor Clemente. At kung tama ang hula ko, may reporting na naman. Hindi ako part ng magrereport ngayon, but maybe, listening is all I need today.
Maybe, a little distance is what my heart needs too.
Sa second subject namin, kay Professor Clemente, mas lively ang atmosphere. Marami sa amin ang medyo relaxed dahil group reporting lang ang gagawin. Hindi ako kabilang sa mga magrereport, kaya nakaupo lang ako sa gitna, tahimik na nanonood at nakikinig.
Habang nag-uusap ang mga kaklase ko tungkol sa "color psychology in interior spaces," napansin ko ang kakaibang energy sa loob ng classroom. Si Reese, katabi ko pa rin, ay panay ang bulong ng side comments. Minsan matatawa ako, pero kadalasan, ngingiti lang.
"Alam mo ba na ang blue, kapag ginamit sa office space, nakakatulong para mag-focus?" bulong niya.
"Oo," sagot ko. "Tsaka calming siya. Kaya madalas sa clinics, blue ang walls."
Tumango si Reese. "Pero yung red, intense daw. Kaya ginagamit sa restaurants, pampagana kumain."
"Hmm," maikli kong tugon.
Hindi ko sinasadya, pero bumabalik ang mata ko sa isang grupo sa harapan—si Elaine, si Marshall, at si Jana. Masaya sila habang nagrereport, nagtatawanan, nagtutulungan. Simple lang, pero may part sa akin na naiinggit sa ganoon. Yung uncomplicated. Yung walang tinatago. Yung buo.
Sa dulo ng discussion, tinawag ni Professor Clemente ang ilan sa mga hindi kasama sa report para magbigay ng insights.
"Lauren," aniya. "From a design perspective, how do you think color influences user behavior?"
Napatingin ako sa harap, saka marahang tumayo. "Color sets the mood of a space. It doesn't only affect visual perception, but also how people emotionally respond. For example, warm tones like orange and yellow can create a sense of coziness or energy. Cool tones, like blue or green, are more calming and refreshing."
"Very good," sabi ni Prof Clemente. "Any personal application?"
Napaisip ako. Dapat ba akong maging totoo?
"Sa dorm po," sagot ko, maingat. "Lagi naming pinapatay 'yung ilaw at gumagamit na lang ng warm desk lamp. Parang mas relaxing, especially kapag pagod galing klase."
Tumango si Prof. "Nice insight."
"How about the color of the wall?" Dagdag na tanong ni Professor Clemente.
"I have a roommate po. Siya po talaga 'yung may mata sa aesthetic. She took charge of the designs and overall coordination ng room. Hinayaan ko na lang din po siya since maganda naman taste niya. She chose white and pastel pink for a clean, soft look—parang Korean minimalist vibe, which actually helps me feel more at peace when I'm there."
"Hmm, I feel like I need to meet your roommate. Is she here?" Luminga si prof sa mga kaklase ko na parang hinahanap ang taong tinutukoy ko. Pero wala siya dito.
"She's a nursing student, ma'am. Pero parang interior designer na rin kung makaayos ng kwarto. Mahilig po talaga siya sa pink—lahat coordinated, pati 'yung mga throw pillows may touch ng pastel."
"That's good, thank you," she said, turning to other students naman. "Anyone else who can share insights?"
Pagkaupo ko, napatingin sa akin si Reese. "Nagseryoso ka dun ah," biro niya.
"Required kasi," sagot ko sabay ngiti.
Pero sa loob-loob ko, ang totoo—nami-miss ko 'yung time na inspired akong mag-observe at mag-apply. Ngayon, parang sinusundan ko na lang 'yung daloy ng mundo, hoping makabalik rin 'yung spark.
Sa wakas, natapos ang klase. Sa labas ng building, nagpaalam si Reese dahil may ibang subject pa siya. Ako naman, may vacant.
At ngayon, kailangan ko nang harapin ang studio.
Faint noises ang narinig ko sa hallway papunta sa Fine Arts studio. Mabagal ang lakad ko, parang wala sa sarili. Marami akong gustong i-drawing, pero wala akong gustong simulan. Dala-dala ko ang sketchpad at lapis, pero mas magaan pa rin ang mga iyon kaysa sa bigat sa dibdib ko.
Pagdating ko sa studio, naroon na si Sir Andrada, ang instructor namin sa Charcoal Painting. May ilang kaklase nang naroon, karamihan ay abala na sa kani-kanilang canvas.
"Good afternoon, Lauren," bati ni Sir habang sinisilip ang attendance.
"Good afternoon po, Sir," sagot ko, pilit ang ngiti.
"Today, I want you all to focus on values and depth," aniya. "Charcoal is a powerful medium for mood and emotion. We're not aiming for perfection—what we want is story. Shadows. Silence. Drama. Think of what you want to express, and allow your hand to find its own rhythm."
Tumango lang ako at pumuwesto sa dulong easel. Tahimik kong inihanda ang mga gamit—charcoal sticks, eraser, blending stump. Tiningnan ko ang blangkong canvas. Wala pa ring dumadalaw na imahe sa isip ko.
Sa paligid, maririnig ang tunog ng charcoal sa papel. Kakaibang tunog na parang binubuhay ang espasyo. Si Mica, sa kanan ko, gumuguhit ng profile ng isang matandang babae. Si Jules naman, opposite side, nagsisimula ng isang gothic-inspired cathedral.
Ako, nakatitig pa rin sa puti.
Ano bang gusto kong ipinta?
Sinubukan kong magsimula. Mabilis, tentative strokes. Isang mata. Ngunit di ko ito matapos. Binura ko. Isa pang attempt—mukha. Hindi ko mahanap ang tamang ekspresyon. Parang lahat pilit.
"Lauren," mahinang tawag ni Sir habang lumapit siya. "You seem hesitant today."
"Opo, Sir. Wala pa pong pumapasok na concept," sagot ko, iwas ang tingin.
"Sometimes, you don't need a concept. Just emotion. Think of a feeling you haven't processed. A moment you're afraid to look at. Gamitin mo 'yon. Trust your hand."
Tumango ako ulit. Hindi ako sigurado kung naiintindihan ko, pero sinusubukan ko.
Pumikit ako sandali. Inisip ko si Mama. Si Papa. Si Ivan. Yung araw na nakita ko sila ni Briella. Yung gabing nag-iba ang daloy ng mga damdamin ko.
Pagdilat ko, nagsimula ulit ang kamay ko. Isang malawak na shadow. Saka unti-unting lumitaw ang porma ng dalawang tao—magkalayo, magkaharap, pero may manipis na pader sa gitna nila, mataas. Hindi detalyado, pero malinaw ang intensyon. Isang distansyang hindi kayang sukatin ng metro lang.
Ang paligid nila ay nagmimistulang pagitan ng dilim at liwanag—parang dapithapon na hindi makapagpasya kung gabi na ba o umaga. Isang uri ng paghinto sa oras, tulad ng damdaming pilit kinikimkim sa puso.
Ang hirap ng ganito. Parang may bagyong ikinulong sa dibdib ko—gusto nang kumawala, pero walang lakas ang hangin. Gusto kong itago, pero bawat pagtanggi ay parang sugat na kinikiskis.
Habang patuloy ako sa pagdibuho, unti-unting lumuluwag ang dibdib ko. Hindi pa rin ito buo, pero parang may bahaging nabawas sa bigat.
"Oh, ngayon may konsepto ka na," ani Sir Andrada habang pinagmamasdan ang pinipinta ko. Tumango siya nang marahan, saka idinagdag, "It's raw, but it speaks. Don't be afraid to go darker—huwag kang matakot sa intensity ng emosyon."
Tumango at ngumiti ako sa kanyang suhestiyon. Tama siya. Pwede ko pang palalimim ang dilim ng mga shadows ko. Parang mas magkakaroon ng buhay at emosyon ang mga nasa canvas na ito.
At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, hindi ako napagod sa canvas.
Hindi pa ito tapos. Pero nagsimula na akong muli.
Pagkatapos ng klase, sabay kaming umuwi ni Dani. Tahimik lang kami habang naglalakad, parehong pagod at malalim ang iniisip. Si Dani, gaya ng dati, maraming kwento, pero tila mas pinili rin niyang manahimik ngayon. Minsan, ang katahimikan din ay komportableng kaibigan.
Pagpasok namin sa dorm, agad niyang binuksan ang laptop at hinanap ang susunod naming K-drama episode. "Lauren, ikaw na bahala sa snacks ha? I'll just take a quick shower."
"Sige, ako na," sagot ko habang inaayos ang mga tsitsirya at juice na natira pa mula kagabi.
Habang nasa banyo si Dani, naupo ako sa kama, tinignan ang laptop screen na naka-pause sa eksena kung saan magkatinginan ang dalawang lead characters. May lungkot sa mga mata nila, halatang may hindi nasasabi.
Napabuntong-hininga ako. Mula sa side table, kinuha ko ang sketchpad ko. Sa wakas, nagdesisyon akong buksan ulit ito.
Sa bawat pahina, andun ang mga sketches ko dati—makukulay, buo, masaya. Ngayon, kahit anong liko ng lapis, may bahid ng lungkot at pagod. Pero hindi na tulad dati. Ngayon, parang gusto ko na ulit subukan.
Dinampot ko ang lapis, at nagsimulang gumuhit. Hindi muna mukha. Hindi tanawin. Hindi alaala.
Isa lang munang linya. Isang baluktot na kurba. Saka ko ito sinundan. Isa pa. Isa pang guhit. Parang musika—walang tunog pero may ritmo. Hindi ko alam kung anong kalalabasan, pero gusto ko lang gumalaw ang kamay ko. Hayaan siyang magsalita para sa akin.
Ang lumabas ay isang portrait ng isang babae. Hindi ko siya kilala. Walang pangalan, walang mukha na partikular kong naalala—pero sa bawat stroke ng lapis, unti-unti siyang nabuo. May lungkot sa mga mata niya, pero may tapang din. Parang siya 'yung uri ng taong tahimik lang, pero maraming pinagdaanan. Hindi ko alam kung saan siya nanggaling o kung sino siya sa buhay ko—pero siya ang lumabas sa guhit ko. At siguro, sapat na 'yon sa ngayon.
Ang mukha niya ay hugis-oblong, may makinis ngunit maputlang kutis na tila hindi nasisikatan ng araw. Ang mga mata niya ang unang gumuhit ng pansin ko—malalim ang pagkaka-shade, parang laging nagmamasid, laging nag-aabang. Hindi siya nakatingin diretso sa akin—nakatitig siya sa malayo, tila may hinahanap na hindi niya maabot. Ang kilay niya ay bahagyang magkadikit, may bagsik pero elegante, samantalang ang ilong niya ay tuwid at may bahagyang anino sa ilalim. Manipis ang kanyang labi, nakatikom pero hindi galit—parang may tinatago lang. Ang buhok niya'y mahaba, kulot sa dulo, at malayang bumagsak sa balikat niya. Walang background. Walang kasamang detalye. Siya lang. Sa gitna ng puting papel, ang babaeng ito ay tahimik pero buo. Isang paalala na kahit sa katahimikan, may lakas.
Paglabas ni Dani mula sa banyo, may tuwalya pa siyang nakabalot sa buhok. Napansin niya ang ginagawa ko.
"Uy, nag-drawing ka ulit!" bati niya, may halong tuwa sa boses. "Ganda naman niyan. Sino siya?"
Napangiti ako. "Hindi ko alam. Hindi ko din siya kilala."
"Hmm. Parang metaphor. Artsy mo talaga, girl."
Tumawa ako. Hindi ko inakalang makakatawa ako ng ganito ngayong araw.
Hindi ko pa rin alam kung anong susunod kong iguguhit. Pero ang mahalaga, gumuhit ako ulit. At sa katahimikan ng gabi, habang nagsisimula na ang pinapanood naming drama, parang unti-unti, may bumabalik sa akin.
Alas-dose na ng gabi, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Katatapos lang ng episode na pinanood namin ni Dani, at ngayon ay tulog na siya sa kabilang kama, banayad ang hilik at nakayakap sa isang unan. Tahimik ang buong dormitoryo, maliban sa mahinang hum ng aircon at sa tunog ng mga kuliglig mula sa bukas na bintana.
Ako naman, nakaupo pa rin sa kama, hawak ang sketchpad ko sa kandungan at ang lapis sa pagitan ng mga daliri. May lamig sa hangin, pero hindi ko magawang pumasok sa kumot. Parang may hinahanap ako na hindi ko maipaliwanag.
Tinitigan ko ulit ang portrait ng babae. Muli, parang may sariling buhay ang mga mata niya—tila ako'y tinititigan pabalik. Hindi siya si Ivan. Hindi siya ako. Pero sa isang banda, parang siya ang salin ng mga damdaming hindi ko maipinta noon.
Muli akong kumuha ng lapis. Sa tabi ng kanyang mukha, nagdagdag ako ng ilang guhit—isang kamay na parang umaabot, isang bulaklak na natutuyo, isang anino sa gilid. Hindi ko ito pinlano. Kusang lumalabas. At sa bawat guhit, parang may nababawas sa bigat sa dibdib ko.
Napatingin ako sa kisame.
"Siguro tama si Mama," bulong ko sa sarili. "Hindi lahat ng pagmamahal, kailangan panindigan hanggang dulo. Minsan, sapat na 'yong totoo siya, kahit sandali lang."
Kinuha ko ang phone ko, tinignan kung may mensahe. Wala. Mula kay Ivan, tahimik ang screen. No unread messages. No missed calls.
In-lock ko ang screen at ibinaba ang telepono. Hindi na ako umasa. Hindi ako galit—pero hindi na rin ako naghihintay. Parang unti-unting naghihilom ang sugat, kahit pa may peklat na matitira.
"Bukas, magdo-drawing ulit ako," sabi ko sa sarili. "Hindi dahil kay Ivan, kundi para sa sarili ko."
At doon, sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon, ipinikit ko ang mga mata ko nang may konting kapayapaan sa dibdib. Hindi pa tapos ang lahat, pero sigurado akong nagsimula na ulit ako.