Pause
Maaga akong nagising kahit wala pa akong klase. Maliwanag na sa labas, pero tahimik pa rin sa buong dorm. Hindi ko alam kung dahil ba sa liwanag na sumisilip sa bintana, o dahil sa bigat sa dibdib ko na hindi ko pa rin mailugar.
Nakahiga lang ako, nakatingin sa kisame. Nasa tabi ko pa rin ang sketchpad. Bukas. Nandoon pa rin ang huling linya na iginuhit ko kagabi. Isang simpleng guhit, pero ramdam ko ang bigat na laman nito.
Umupo ako sa kama. Hinilot ko ang sentido ko at saka ko naramdaman ang pagkagutom. Napatingin ako sa desk. Nandoon pa rin ang Tupperware na iniabot ni Daniel kagabi.
Lumapit ako, kinuha ito, at dinala sa maliit na mesa sa gilid. Umupo ako, dahan-dahang binuksan ang takip. Kumawala ang kaunting amoy ng lemon at herbs — maalat-manamis na medyo nostalgic.
Kumuha ako ng kutsara. Isang subo lang. Tahimik. Mainit pa rin kahit papano. Lasang-lasa ko ang pinaghirapan.
Ivan.
Napangiti ako.
Siya ang nagluto nito.
Biglang bumalik sa isip ko ang mga nangyari kahapon. Ang painting. Ang pagaya niya sa akin sa kitchen nila. Ang pagngiti niya, 'yung tipong hindi niya mapigilan kahit gusto niyang itago. Ang pagtawag niya sa'king pangalan—"Lauren," na parang ako lang ang taong nasa paligid niya. Parang... may ibig sabihin. Parang totoo.
"Lauren." Gamit ang boses niyang mababa. Mabagal. Parang sigurado siya.
Pero pagkatapos nun—wala. Tahimik.
Hinilot ko ulit ang sentido ko. Hindi ko alam kung bakit ako naghihintay. Wala naman siyang sinabi. Wala rin akong sinabi, technically. Pero bakit ganito?
Kinuha ko ang phone ko. Binuksan. Walang notification mula sa kanya. Hindi ko alam kung dapat ba akong matawa o ma-disappoint.
Tinapos ko ang pagkain. Maingat kong binalik ang takip ng Tupperware at inilagay sa sink. Hindi ko pa kayang hugasan. Hindi pa ako ready bitawan 'yon.
Bumalik ako sa kama, at bago ko isara ulit ang sketchpad, sinulat ko sa ilalim ng huling linya: Still here.
Hindi ko alam kung para kanino. Pero para sa sarili ko, siguro.
Wala kaming pasok sa araw na ito. Walang klase, vacant ang buong araw ko. Nag-dismiss ang mga professors namin kahapon para bigyang-daan ang faculty conference ng buong kolehiyo sa Padre Garcia. Hindi ako sigurado kung seminar ba ito, workshop, o simpleng team-building lang, at to be honest, hindi ko na rin inalam. Ang alam ko lang, malaya ako ngayon. Walang kailangang gawin. Walang kailangang habulin.
"Wow. Walang pasok? Sana all," sambit ni Dani habang nagsusuklay ito ng basang buhok sa kanyang vanity mirror. Nakasuot na siya ng Nursing uniform at kahit wala pang ayos ang mukha ay fresh na agad tingnan.
"Alam mo, kung ako 'yan, tulog pa rin ako ngayon. Eh ikaw, gising na gising na parang may exam."
"Sanay na akong gumising ng maaga. Maglilinis na lang ako ng dorm natin para may magawa ako," sagot ko sa kanya habang bumubuntong-hininga. Inabot ko ang aking kumot at sinumulan itong tupiin. "Ayoko rin kasi na tumunganga lang. Baka mas lalo lang akong mapaisip."
"Oh? So hindi ka aalis?" Nagsimula na siyang maglagay ng skin tint sa kanyang mukha. Kinakausap sa harap ng salamin.
"Hmm... hindi. Wala rin naman akong maisip na puntahan." Inayos ko rin ang aking mga unan at pinatag ang gusot sa aking kama.
"I have an idea!" Binitawan niya ang makeup brush at kinuha ang cellphone, tila nagtitipa ng text o chat sa kung sino. "Done!" dugtong niya bago ulit nagpatuloy sa pag memakeup.
"Ha? Ano 'yun?" tanong ko habang nilalapitan siya, naguguluhan sa biglang pagtipa niya sa cellphone. Hindi pa siya sumasagot pero nakita kong may kaunting ngiti sa labi niya, parang may binabalak.
"May sinulatan ka ba? May pinareserve ka? Or... may tinawagan ka?" tuloy-tuloy kong tanong, pero ngumiti lang siya at bahagyang tinaas ang kilay. Hindi ko alam kung dapat ba akong kabahan o kiligin, pero ang bilis ng t***k ng puso ko bigla.
"Basta! Kung sakaling aalis ka o may bigla kang puntahan, dress nice ha. Yung tipong hindi ka mukhang nagmamadali o wala sa plano. Kahit pa spontaneous, dapat handa. Malay mo, diba? Baka... baka lang may magandang mangyari."
Ano? Paano?
Naguluhan ako sa tinuran niya pero wala na akong naging oras para tanungin pa siya dahil nagpaalam na siyang aalis na. Bitbit ang kanyang bag at mga libro, nagtungo na ito sa pinto. Nilingon niya ako bago lumabas, may ngiti sa labi na tila ba may alam siyang hindi ko pa alam.
"Good luck," aniya, kasabay ng kindat. Napakunot ang noo ko, pero hindi ko rin napigilan ang ngiti sa labi ko.
Ano ba 'tong pinasok ko?
Nag-shower ako matapos mag-ayos ng kama at magligpit ng kalat. Malinis na ang paligid pero hindi pa rin maalis ang paninikip sa dibdib ko. Parang kahit anong linis ng paligid, hindi maalis ang gulo sa loob ng utak ko. Mula sa loob ng banyo, naririnig ko ang marahang pagbuhos ng tubig sa heater. Tahimik ang buong dormitoryo. Tahimik na para bang ako lang ang naiwan sa mundo.
Paglabas ko ng banyo, tumapat ako sa salamin. Pinunasan ko ang hamog gamit ang kamay ko. Nakatingin ako sa sarili kong parang hindi ko rin kilala. May eyebags pa rin, medyo maputla. Pero andoon pa rin ako.
Kumuha ako ng simpleng cream na dress mula sa cabinet. Yung hindi sobrang effort pero presentable. Yung parang hindi sinadya pero pinag-isipan. Sinunod ko ang payo ni Dani kahit hindi ko pa rin alam kung bakit. Napatingin ako sa orasan. Mag-aalas-diyes pa lang.
May mangyayari ba talaga?
Nagpatong ako ng black cardigan. Nagsapatos. Tiningnan ko ulit ang sarili sa salamin. This time, may kaunting ngiti. Hindi ko alam kung hopeful ba ako o naglalaro lang ng what ifs.
Pero maputla pa rin ako. Parang may kulang pa rin. Parang kahit anong bihis o ayos ko, hindi ko pa rin maalis 'yung bigat na nasa loob. Siguro dahil hindi ko alam kung saan ba talaga ako patungo — kung may pupuntahan nga ba ako. O kung naghihintay lang ako ng isang bagay na wala naman talagang parating. Kaya kahit sinunod ko ang payo ni Dani, kahit nag-ayos ako ng sarili, parang may bahaging nananatiling walang sigla. At iyon ang hindi ko maipinta.
Sa kabila ng lahat, naglagay pa rin ako ng cheek tint para naman magkaroon ng kulay ang pisngi ko. Peachy nude na lipstick sa labi ko. At konting pulbo para sa buong mukha ko. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, ayan, may kulay na.
May kumatok sa pinto. Maingat. Isang beses lang.
Napatingin ako roon, bahagyang nagulat. Hindi ako umaasang may darating. Lumapit ako at binuksan ito.
Si Daniel.
Naka-hoodie siya at may bitbit na helmet sa kabilang kamay. Ngumiti siya, parang kaswal lang, pero may sinseridad sa mata niya.
"Tara? Kain tayo," aniya, parang walang halong pressure, parang natural lang na mangyaring andito siya.
Napakunot ang noo ko. "Ha? Anong ginagawa mo rito?"
Ngumiti lang siya, bahagyang nagturo pa sa pintuan. "May sinabi raw si Dani sa'yo?"
At doon ko naalala. "Basta kung sakaling aalis ka... dress nice. Malay mo, diba? Baka may magandang mangyari."
Napatingin ako sa sarili ko, sa suot kong cream dress at black cardigan. Tila biglang nagsilinyahan ang lahat ng tanong ko kanina. Nasagot ko ang sarili kong tanong.
"Oo nga pala," bulong ko, halos hindi marinig. Napailing ako, sabay ngiti.
"Wait lang ha, kukuha lang ako ng bag," sagot ko, sabay balik sa loob.
Habang inaabot ko ang sling bag ko, napatingin ulit ako sa salamin. Ayos naman. Hindi perfect, pero sapat na. At ngayong alam ko na kung anong ibig sabihin ng lahat ng kilos ni Dani kanina, parang bigla kong naramdaman na... may saysay.
Lumabas ako ng dorm. Si Daniel ay nandoon pa rin, nakatayo, nakangiti. Sumabay ako sa kanya pababa ng hagdan. Tahimik ang paligid, preskong mainit ang simoy ng hangin.
At sa unang pagkakataon ngayong araw, parang gumaan ang loob ko.
Sa loob ng sasakyan ni Daniel, hindi ko mapigilang tanungin sa isip ko kung saan ba kami pupunta. May activity ba kaming gagawin? Angkop ba ang damit na suot ko?
Habang tumatakbo ang kotse, binuksan ni Daniel ang bintana. Pumasok ang malinis na hangin na may halong amoy ng umagang araw at freshly brewed coffee mula sa nadaanang café. Hindi siya agad nagsalita. Tahimik lang kami.
Pero hindi 'yung tahimik na awkward. Tahimik na parang komportableng maramdaman.
Napatingin siya sa akin sandali. "Gusto mo bang malaman kung saan tayo pupunta?"
"Hmm... hindi na siguro. Surprise me."
Ngumiti siya. Tumingin muli sa kalsada. "Noted."
At doon ako tuluyang nakahinga.
Wala akong ideya kung saan ang punta namin, pero sa ngayon, sapat na ang maramdaman kong may kasama ako. Na hindi ako nag-iisa.
Maya-maya pa ay huminto ang sasakyan sa tapat ng isang sikat na café—isa sa mga lugar na madalas kong naririnig pero hindi ko pa napapasok. Maliit lang ito, may mga ilaw na parang bituin sa paligid ng bintana, at may pangalan sa signage na parang isinulat gamit ang chalk. Cozy, parang hindi intimidating. Parang isang lugar na pinipiling puntahan ng mga taong gustong tumakas saglit sa gulo ng mundo.
Napatingin ako kay Daniel, at saglit siyang ngumiti sa akin habang binubuksan ang pinto para bumaba kami.
"Diyan ka lang. Hintayin mo ako." Sabi niya bago lumabas ng driver's seat.
Napakunot ang noo ko sa pagtataka kung bakit ayaw niya pa akong palabasin. Ngunit bago ko pa siya muling matanong, nakita ko na siyang umikot hanggang makarating sa tapat ng pintuan ko. Binuksan niya iyon at ngumit sa akin.
"Let's go. Baka gutom ka na."
Hindi ko maproseso agad ang nangyari. Ewan ko ba. Simpleng gesture lang naman pero naapektuhan ako. First time may gumawa sa akin nito, ang pagbuksan ako ng pinto. At hindi lang basta pagbukas — para bang sinabayan din iyon ng pag-alalay, ng pagtanggap. Hindi siya nagmadali. Hindi rin siya nagsalita. Pero ramdam kong hinihintay niya ako. Na parang sinasabi ng kilos niya, "Okay lang. Nandito lang ako."
Hindi ko maproseso agad ang nangyari. Ewan ko ba. Simpleng gesture lang naman pero naapektuhan ako. First time may gumawa sa akin nito, ang pagbuksan ako ng pinto. At hindi lang basta pagbukas — para bang sinabayan din iyon ng pag-alalay, ng pagtanggap. Hindi siya nagmadali. Hindi rin siya nagsalita. Pero ramdam kong hinihintay niya ako. Na parang sinasabi ng kilos niya, "Okay lang. Nandito lang ako."
Inalalayan niya ako sa pagbaba. Hinawakan niya ang kamay ko at giniya para ako ay makababa ng maayos. Ang taas kasi ng sasakyan niya. Kailangan ko pang tumalon ng bahagya para lang makababa ako.
Inayos ko ang nagusot kong dress at ngumiti sa kanya. "Thank you."
Pagpasok namin sa loob ng cafe ay inatake ako agad ng amoy ng kapeng arabica na sikat sa buong Batangas. Ang bango ng coffee beans ay nakakahalina at parang iniimbitahan akong magpahinga kahit saglit.
"What do you want to eat? Anything. My treat." Nakapila na kami sa counter nang sabihin iyon ni Daniel.
Nahihiya naman akong magpalibre. Pero hindi ko rin maiwasang mapasulyap sa menu at mapaisip kung ano ang pwede kong orderin na hindi masyadong mahal. Kaya ko naman siyang tapungan kung gugustuhin ko—may natitira pa naman akong allowance. Pero parang... gusto ko rin sanang i-enjoy ang araw na hindi iniisip ang bawat sentimo.
"I'll chip in na lang. May allowance pa naman ako." Sambit ko sa kanya.
Nagulat siya sa aking sinabi kaya napatingin siya sa akin, bahagyang kumunot ang noo na para bang may gusto siyang itanong pero pinipigilan niya lang. Tila hindi niya inaasahan ang sinabi ko, kaya sandaling tumigil ang kanyang kamay sa pagbunot ng perang papel sa kanyang wallet.
"No, no. This is my treat. I will not let you ruin this for me." Bahagya siyang tumawa, mahina lang.
Nagbigay na siya ng order sa cashier. Ang dami niyang binanggit na parang kabisado niya na ang menu. Hindi ko na masundan lahat, pero ang natandaan ko lang ay isang Spanish latte, americano, at croissant with ham and cheese. May binanggit pa siyang blueberry scone at chocolate chip muffin—para raw kung sakaling magutom kami mamaya.
Siya na rin ang pumili ng uupuan namin. Ang two seater table malapit sa bintana. Maganda na rin na doon nga dahil matatanaw ko ang mga dumadaang sasakyan at mga tao.
Siya na rin ang pumili ng uupuan namin—isang two-seater table malapit sa bintana. Tahimik ang bahagi ng café na 'yon, may kaunting distansya sa counter at iba pang mga customer. Habang nauupo ako, agad kong napansin ang ganda ng tanawin mula roon.
Sa likod ng salamin, kitang-kita ang mga dumadaang sasakyan at mga taong abala sa kani-kanilang lakad. May kakaibang sense of calmness sa pagmasid lang sa kanila, parang kahit papano, panandaliang tumigil ang bigat sa dibdib ko.
"Dani told me na wala ka raw agenda for today. Suspended ang klase nyo. So, she texted me to treat you to brunch." He said.
I figured.
"Yeah. Plano ko sanang maglinis lang ng buong dorm. Pero iba ang plano ni Dani sa akin." I chuckled.
"And this plan is better. It's good to go out sometimes. Makalimot ka kahit sandali. We deserve that, don't we?"
Napatingin ako sa kanya. He's seated in front of me kaya madali kong makikita ang mga expressions niya. Malalim ang pagkakatingin niya sa akin, para bang sinusuri niya kung anong iniisip ko. I shifted in my seat, suddenly feeling a bit exposed. His brows furrowed slightly, then relaxed, as if he'd caught himself.
Kumagat siya sa gilid ng labi niya, a habit I'd learned to notice kapag may gusto siyang sabihin pero hindi niya alam kung paano uumpisahan.
Hinatid ng crew ang aming order sa aming table. Ang daming inorder ni Daniel na halos hindi na magkasya sa maliit naming lamesa. Nakikita ko na napapangiti siya habang pinagmamasdan akong namamangha sa mga pagkain sa harap ko.
"Impressed?"
Of course. Hindi lang basta pagkain ang nasa harapan ko. Nakaplating ng maayos ang mga ito na parang isang painting rin. An appreciation for art.
"I will never get tired of appreciating nice food plating like these."
Kumuha ako ng tinidor para sana tikman ang isang swirl ng pasta sa harap ko pero napahinto ako. Parang ayaw kong sirain ang pagkaka ayos nito. Kaya naman nilabas ko ang aking cellphone mula sa bag at isa isang kinuhanan ng litrato ang mga pagkain.
Isang click... dalawa... sa panglima ay tumigil na ako. Habang tinitingna ko iyon ay nahagip ko pala ang kamay ni Daniel na may relo at hawak ang tinidor. Nagkibit na lamang ako ng balikat at tinabi na lang ang cellphone sa bag.
Nang matapos na ang huling subo ng blueberry cheesecake, hindi pa rin ako tumatayo. Wala pa ring sinasabi si Daniel. Parang ayaw rin niyang matapos agad ang araw.
Biglang tumayo siya.
"Wait lang," aniya, sabay lakad papunta sa gilid ng café kung saan may mga nakapaskil na posters. Akala ko ay comfort room lang ang nandoon. Pero maya-maya, bumalik siya sa mesa na may bahid ng excitement sa mukha.
"May garage cinema sa likod. May short film daw na ipapalabas ngayon. Gusto mong manood?" tanong niya, parang bata na may natuklasang sikreto.
Napatingin ako sa orasan. Tanghali na pero hindi naman ganoon kainit. At sa totoo lang, hindi ko pa rin gustong bumalik agad sa dorm.
"Sige," sagot ko, bahagyang ngumiti.
Sumunod ako sa kanya palabas sa maliit na gate sa likod ng café. Nasa isang converted na garahe ang sinasabing sinehan—may makakapal na kurtina, mga bean bag na iba't ibang kulay, at projector na nakasabit sa isang makeshift ceiling beam. Maliit lang ang espasyo, siguro hanggang sampung tao lang ang kasya. Pero cozy. Intimate.
Tahimik kaming umupo sa isang sulok. Ang ingay ng projector ay parang hininga ng silid. Nang magsimula ang pelikula, wala nang nagsalita sa paligid.
Ang short film ay tungkol sa isang dalagang umalis sa kanyang bayan, dala ang painting ng kanyang ama na hindi na niya nakita muli. Sa paglalakbay niya, nakilala niya ang dalawang lalaki—si Elias, ang tahimik at maalalahaning kaibigan ng kanyang ama na tila may alam sa mga sikreto ng kanyang pamilya, at si Niko, ang kababata niyang palaging nagpapasaya sa kanya kahit sa gitna ng gulo.
May eksena sa tabi ng lawa kung saan tinanong siya ni Elias, "Babalikan mo pa ba ang pinanggalingan mo kung alam mong hindi ka na nila hinihintay?"
At may isa pa kay Niko, sa ilalim ng ulan habang hawak nila ang painting, "Minsan, 'di mo naman kailangang hanapin kung saan ka galing para malaman kung sino ka. Baka kung nasaan ka ngayon... sapat na."
Hindi niya alam kung anong damdamin ang mas totoo, o kung kailangan pa ba niyang bumalik sa pinanggalingan niya para maintindihan ang sarili.
Parang... ako.
Hindi ko namalayang lumuluha na pala ako. Isang tahimik na patak sa pisngi, sabay pahid. Sa gilid ng mata ko, nakita kong tumingin si Daniel. Hindi siya nagsalita. Pero bahagya siyang lumapit. Hindi malapit na parang mang-aalo. Pero sapat para maramdaman kong nariyan siya.
Pagkatapos ng pelikula, wala pa ring nagsalita. Ilang segundo pa bago nagbukas ang mga ilaw.
"Ang bigat no?" bulong ni Daniel.
"Oo," sagot ko, paos. "Pero ang ganda."
Tahimik ulit.
"Gusto mo pa bang maglakad-lakad muna?" tanong niya pagkatapos ng ilang sandali.
Tumango ako. Hindi pa ako handang bumalik sa dorm. Hindi pa rin ako sigurado kung ano ang gusto kong maramdaman. Pero isa lang ang sigurado ako ngayon—gusto kong maramdaman na hindi ako nag-iisa.
Paglabas namin ng maliit na sinehan sa likod ng café, ramdam ko agad ang malamig na simoy ng hangin. Parang mas malamig kaysa kanina, o baka dahil lang mas bukas na ang dibdib ko ngayon—mas vulnerable, mas totoo.
Tahimik lang kami ni Daniel habang naglalakad. Wala nang masyadong tao sa paligid. Puno ng dahon ang daan, at bawat yapak namin ay may kasamang bahagyang kaluskos.
"Okay ka lang?" tanong ni Daniel, halos pabulong.
Tumango lang ako. Pero naramdaman ko ang bigat sa lalamunan ko. Ang dami kong gustong sabihin, pero hindi ko pa kayang buuin ang mga salita.
"Naramdaman mo rin ba 'yon?" tanong ko pagkatapos ng ilang sandali. "Yung pelikula?"
"Oo," sagot niya. "Parang may iniwan sa dibdib. Pero in a good way."
Huminto kami saglit sa tapat ng isang maliit na park bench sa gilid ng daan. Naupo kami doon. Tahimik. Ang mga dahon ng puno ay marahang sumasayaw sa ihip ng hangin.
"Naalala ko si Papa," sabi ko. "Yung scene sa painting. Parang... 'pag may iniwan kang unfinished na memory, lagi kang may hinahanap kahit saan ka pumunta."
Wala akong balak ibahagi ang kwento namin ni Papa. Hindi ko kaya. Masyadong masakit. Hindi siya nagtanong, pero parang naiintindihan niya. At dahil doon, kahit papaano, gumaan ng kaunti ang bigat sa dibdib ko.
Hindi siya sumagot agad. Pero dahan-dahan niyang inilagay ang kamay niya malapit sa akin, hindi humahawak, pero parang alok ng pag-unawa.
"Minsan okay lang maghanap," sabi niya. "Pero minsan din, okay lang ding magpahinga."
Napatingin ako sa kanya. Ngumiti siya—yung klase ng ngiti na hindi nagsasalita, pero may sinasabi. Tumingin ako sa langit. Walang bituin, pero malinaw ang gabi.
At sa gitna ng katahimikan, napaisip ako: siguro nga, hindi ko kailangang lutasin lahat ngayon. Siguro sapat na munang may kasama akong maglakad habang sinusubukan kong hanapin muli ang sarili ko.
Pagbalik namin sa dorm, mag-a-alas sais na ng gabi. Tahimik ang paligid. Nagsimula nang magkulay ginto ang ilaw sa hallway habang naglalakad ako sa tabi ni Daniel. Pareho kaming walang imik. Pero 'yung katahimikan, hindi na mabigat—kalmado na siya. Payapa.
Pagdating sa pintuan ng kwarto ko, huminto ako at humarap sa kanya.
"Thank you," bulong ko.
"Wala 'yon," sagot niya, halos pabulong rin. "Thank you for letting me treat you today."
Bahagya akong ngumiti. Hindi ko alam kung anong klase ng pasasalamat ang dapat ibigay sa mga taong hindi ka naman pilit na inaayos, pero andiyan pa rin kapag pakiramdam mo sira ka.
Iyon ang binigay ni Daniel ngayong araw.
Bago siya lumakad paalis, sandali siyang natigilan. Tumingin siya sa akin na parang may gusto siyang sabihin—pero pinili niyang huwag.
"Goodnight, Lauren."
"Goodnight."
Pagpasok ko sa kwarto, ibinaba ko agad ang bag sa gilid at naupo sa kama. Tumahimik ang paligid. Wala na ang ingay ng café, ng projector, ng mga linya sa pelikula. Pero nasa loob ko pa rin ang lahat.
Humarap ako sa sketchpad sa ibabaw ng desk. Binuksan ko ito sa isang bakanteng pahina.
At sa unang pagkakataon matapos ang ilang araw, hinayaan kong gumalaw ang kamay ko. Hindi ko pa rin alam kung ano ang ginagawa ko—pero alam kong gusto kong simulan.
Isang sketch ng dalawang taong nakaupo sa bench, nakatalikod, tahimik na magkasama.
Sa ilalim, sinulat ko lang: "Minsan, sapat na munang hindi mag-isa."