Transitions
Sa bawat yapak ko papasok sa classroom, para akong humihinga sa masikip na silid. Ngayon na ang araw. Ipepresenta ko na ang pinaka personal kong obra.
Tahimik ang paligid. Ilang estudyante pa lang ang naroon, nakaayos na ang kani-kanilang obra — may mga canvases sa easels, mga sculpture sa maliit na pedestal, at mixed media na nakasabit sa pader. Tila handang ipaglaban ng bawat isa ang sarili nilang kwento. Amoy acrylic, varnish, clay, at kahoy ang buong silid. Tumalab agad sa dibdib ko ang atmosphere ng pressure at creativity, parang bawat sulok ay may iniwang emosyon ng artistang dumaan.
Bitbit ko ang painting na binalutan ko pa ng kraft paper. Para siyang lihim na ayokong ilantad, pero kailangan din niyang makita ng iba. Hindi muna ngayon—gusto kong manatili pa itong tahimik, isang sikreto na ako lang muna ang nakakaalam, hanggang sa dumating ang sandaling ako na ang magpapakilala sa kanya sa mundo.
Huminga ako nang malalim. Hindi ito tungkol sa marka. Hindi rin ito tungkol sa pag-andar ng kulay o galing sa brushwork. Ito ay tungkol sa isang bahagi ng sarili kong hindi ko pa lubusang naihahayag — ang kwento ni Mama, ang kwento naming dalawa.
"Lauren, dito ka na," tawag ni Prof. Sison habang inilalagay niya ang listahan sa kanyang clipboard. "Ikaw ang ikaapat na magpepresent."
Tumango ako at lumapit sa isang bakanteng easel. Doon ko dahan-dahang inilagay ang painting ko, hindi pa inaalis ang balot. Habang hinihintay ang turn ko, tinitigan ko ang paligid — may isang painting ng parol at pamasko sa baryo, isa namang abstract na puno na tila umiiyak ng mga kulay.
Sa kanan ko, dumating si Reese, may bitbit na malaking kahon na parang DIY shadow box. Binuksan niya iyon at inilabas ang kanyang obra — isang installation na binubuo ng lumang sapatos, papel na may mga sulat-kamay, at mga frame ng litrato na tila naglalahad ng kwento ng paglisan at pagbabalik.
"Transitions," sabi niya, masigla at may ngiti. "Galing 'yan sa diary ng lola ko noong tumira siya sa probinsya hanggang sa lumuwas ng Maynila."
"Wow," sabi ko, palapit habang pinagmamasdan ang intricate na detalye ng shadow box niya. "Ang galing ng pagkaka-layer mo ng mga elemento. Parang ang daming emosyon sa bawat sulok."
"Salamat!" sagot ni Reese, mas lalo pang bumungisngis. "Medyo hinalukay ko pa 'yung mga lumang gamit sa baul namin. Gusto ko kasi ipakita 'yung contrast—yung simpleng buhay sa baryo tapos biglang ingay at gulo ng siyudad. Pero may growth, diba?"
Tumango ako. "Oo. Ramdam 'yung paglipat, pero may continuity. Galing."
"Ikaw? Excited ka na bang ipakita 'yan?" tanong niya habang tinuturo ang painting ko.
Napangiti lang ako nang tipid. "Kabado. Pero ready na. I think it's time."
Ang galing nila. Pero alam ko, kakaiba ang sa akin. Mas raw. Mas totoo.
At dumating na ang aking pangalan.
"Ms. Lauren Davino. You may now present."
Tumayo ako. Niyakap ko ng tingin ang obra ko bago marahang tinanggal ang kraft paper. Tumambad ang isang painting na binuo sa loob ng maraming gabi ng paggunita, sakit, at pag-ibig.
Sa kaliwang bahagi ng canvas, halos ubos sa dilim ang buong komposisyon. Doon ko ipininta si Mama — nakaluhod sa sahig ng aming lumang sala, nakasuot ng simpleng blouse, disheveled ang buhok, at nakayuko. Walang mukha, hindi dahil sa kakulangan ng detalye, kundi dahil sa intensyon na ipadama ang damdamin kahit walang ekspresyon. Sa tabi niya, ang batang ako — nakasilip sa anino ng pintuan, tahimik, natatakot, walang magawa kundi maging saksi.
Sa likod ni Mama, may pintuang bukas. Mula roon, makikita ang papalayong anino ni Papa. Hindi malinaw ang mukha, pero sapat ang silweta para ipahiwatig ang pag-alis, ang pagkawala.
Sa gitna ng canvas, may bahagyang pagliwanag — tanda ng transisyon. Sa isang sulok ng sahig, may papel na may drawing ng bata, gawa ng batang ako. Parang sining na sinimulan kahit sa gitna ng gulo.
At sa kanang bahagi ng canvas, naroon ang liwanag. Ipininta ko si Mama sa kusina, nakatayo sa harap ng lababo. Maliwanag ang paligid, may mga pinggan sa tabi niya, ngunit hindi na ito mabigat tingnan — tila bang bahagi na lamang ng tahimik na araw. Naka-pony ang buhok niya, may bahagyang ngiti sa labi. Sa tabi niya, ipininta ko ang sarili kong mas matandang anyo, nakaupo sa mesa, may hawak na sketchpad. Para bang pinipinta ko rin siya mula sa loob ng eksena — isang layered na pagmamasid at pag-unawa, isang representasyon ng anak na muling sinusubukang kilalanin ang ina, hindi lang sa pamamagitan ng alaala, kundi sa mata ng isang artistang marunong nang tumingin sa liwanag.
"Lara — ang pamagat ng painting ko," sabi ko, halos pabulong. Saglit akong napatingin sa canvas, saka muling humarap sa klase. "Pangalan ito ng nanay ko. Ang babaeng naging ilaw sa gitna ng pinakamadilim na bahagi ng buhay namin."
"Ito po ang pinili kong ipinta dahil ito ang naging pundasyon ng lahat ng likhang ginagawa ko ngayon," panimula ko. "Hindi lang po ito kwento ng pamilya — ito po ay kwento ng muling pagtayo."
Tahimik ang klase. Pati si Prof. Sison ay hindi agad nagsalita.
Nagpatuloy ako. "Dose anyos po ako nang unang beses kong makita si Mama na ganoon. Hindi siya nagsalita, pero alam kong durog na durog siya. At simula noon, sinumpa ko sa sarili ko na kahit anong mangyari, hindi ko siya iiwan. At hindi ko hahayaan na masayang ang lahat ng sakripisyo niya."
"Ang liwanag sa kanan ay simbolo ng panibagong simula. Ng sining. Ng pag-asa."
Natapos ko ang presentasyon na may bahagyang ngiti sa labi, kahit nangingilid ang luha. Inilagay ko ang takip muli sa painting, pero alam kong nakita na nila ang isang bahagi ko na matagal kong itinago.
Tahimik pa rin si Prof. Sison. Hanggang sa nagsalita siya, "Thank you, Lauren. That was brave."
Narinig ko rin ang bulungan ng ilan sa mga kaklase. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong iniisip nila—kung naaantig ba sila, kung nabigla, o kung hindi lang talaga nila maintindihan ang lahat. Ngunit hindi na mahalaga. Hindi ako nagpakita ng sining para lamang purihin. Ipinakita ko ito dahil gusto kong makita nila ang katotohanan sa likod ng mga kulay. Ang sakit na hindi ko masabi sa salita. Ang pagbangon na hindi ko naikwento noon. Sapat na sa akin na nailabas ko ang kwento. Sapat na na nakita nilang mahalaga ito para sa akin.
Sa isang sulok ng silid, nakita ko si Ivan. Tahimik siyang nakatayo sa hamba ng pintuan, tila hindi makahinga. Sa unang beses, hindi ko na siya tiningnan bilang iniibig ko. Tiningnan ko siya bilang tagapanood — tulad ng lahat.
Anong ginagawa niya rito?
Pero ngayong nai-share ko na ang kwento ko, alam kong mas handa na akong harapin ang mga susunod pang kabanata.
At ito na ang simula ng panibagong yugto.
Pagkatapos ng presentasyon ko, muling umusog sa gitna si Reese bitbit ang kanyang shadow box.
"Ako naman po," aniya habang nakangiti at may kumpiyansa. Maaliwalas ang mukha niya, tila walang bakas ng kaba.
"So, this is a visual installation piece I titled 'Pagitan'. Ang concept ko po ay mula sa diary ng lola ko—mula nung panahon na iniwan niya ang baryo para makipagsapalaran sa Maynila," paliwanag niya habang maingat na inaayos ang mga elemento ng kanyang obra.
May maliit na sulo sa gilid, gawa sa karton, na sumisimbolo raw ng ilaw sa lumang bahay. Sa gitna ng box, naroon ang sapatos na kupas, mga pinilas na pahina ng diary, at polaroid-style na mga larawan na tila collage ng lumang alaala. May maliit ding speaker na paulit-ulit na tumutugtog ng ambient na tunog ng tren at ingay ng lungsod.
"Ang gusto ko pong ipakita ay ang emotional at physical na transition — 'yung takot at excitement ng pag-alis, at 'yung hope na dala ng bagong simula. Mahirap man, pero bahagi siya ng paghubog sa pagkatao."
Tahimik ang klase habang pinagmamasdan ang detalyadong installation ni Reese. Napatango si Prof. Sison. "Very creative. Ginamit mong maigi ang space, at ramdam ko 'yung sinasabi mong lamat sa pagitan ng dalawang mundo."
"Thank you po," ani Reese. Pagbalik niya sa tabi ko, bumulong siya, "Grabe, Lauren. Naiiyak pa rin ako sa presentation mo. Sobrang tapang mo."
"Ikaw rin. Ang galing ng gawa mo. Sobrang layered, parang buhay talaga," sagot ko.
Ngumiti siya, at magkasabay kaming napatingin sa iba pang nagpepresenta. Sa likod ng mga obra ng bawat isa, pareho naming alam — iba-ibang kwento man ang dala namin, iisa lang ang pinanggagalingan: ang pagnanais na marinig, makita, at maunawaan.
Sobrang nakakataba ng puso ang mapakinggan ang ibang kwento galing sa mga obra ng iba naming kaklase. May nakakaiyak, nakakainspire, nakakatuwa at nakakamangha.
Habang pinagmamasdan ko ang sunod-sunod na presentasyon ng iba pa naming kaklase, napansin ko kung paanong bawat isa ay may sari-sariling paraan ng pagsiwalat ng sarili. May gumamit ng mga pahina mula sa lumang aklat, pinunit at pinagtagpi-tagpi sa isang collage na parang memorya na muling binuo. May isang clay sculpture na nakapikit ang mukha—ang sabi ng artist, iyon daw ang imahe ng kapatid niyang hindi na niya muling nakita mula nang lumipat sa ibang bansa.
Tila ba ang buong klase ay naging isang kolektibong paglaladlad ng puso. Bawat kwento, may bigat. May lungkot. May pag-asa. May galit. May pangungulila. At sa gitna ng lahat ng ito, nandoon kami—ako, si Reese, ang buong klase—nagiging saksi sa mga sandaling hindi na kayang ilarawan ng salita lang.
Tahimik si Reese sa tabi ko ngayon, pero ramdam ko ang lakas ng suporta niya. Sinulyapan ko siya, at nahuli kong nakangiti siya—yung tipong totoo at punong-puno ng pagmamalasakit.
"Ang weird, no?" bulong niya. "Parang... ang bigat sa puso, pero ang gaan rin somehow."
"Oo," tugon ko. "Parang ang dami mong hindi alam na gusto mong marinig. Tapos ngayong narinig mo na, hindi mo na siya kayang kalimutan."
Doon ko na-realize, na ang art, sa pinaka-kalaliman nito, ay hindi lang paglalantad ng sarili. Isa rin itong pagtanggap sa iba. Isa itong paanyaya—na kahit panandalian lang, maramdaman ng isa't isa na hindi tayo nag-iisa.
At sa gitna ng canvas, sa likod ng bawat frame, sa bawat punit ng papel at bawat kulay ng pintura, naroon ang mga boses naming sabay-sabay na umaasa: marinig, makita, at maintindihan.
Pagkatapos ng huling presentasyon, nagsimulang mag-ayos ang mga kaklase namin ng gamit. May halakhakan. May mahinang usapan. Pero ako—nanatiling tahimik sa upuan ko, tinitingnan pa rin ang unti-unting tinatakpan na canvas ko habang ibinabalik ito sa sulok ng silid.
Napalingon ako nang maramdaman kong may dumaan sa likod ko.
"I saw your piece," isang boses ang lumapit mula sa gilid. "It was... real. Hindi ko alam kung may karapat-dapat akong sabihin after seeing that."
Paglingon ko—si Ivan.
Nakasuot siya ng plain black shirt, medyo lukot ang kwelyo. May hawak siyang sketchpad sa kabilang kamay — marahil ay may mga recipe o design sketches siya roon para sa culinary presentation nila. Pero alam kong hindi iyon ang mahalaga sa puntong ito. Ang mahalaga, narito siya. Sa gitna ng lahat. Sa likod ng ingay.
"Thanks," sabi ko, halos pabulong. "Hindi ko rin alam kung tama bang ipakita ko 'yon."
"Pero ginawa mo pa rin." He smiled a little, not smug, not teasing—just... soft. Genuine.
Napayuko ako.
Tahimik.
"Ano palang ginagawa mo dito?" tanong ko sa kanya, medyo naguguluhan. Hindi naman ito ang building ng culinary department, sa pagkakaalam ko. Kaya't lalong naging palaisipan kung bakit siya naroon.
"Kailangan ko lang makita 'yung presentation mo," sagot niya, simpleng-simple pero ramdam ko ang bigat ng intensyon. "Alam kong hindi ito 'yung mundo ko, pero gusto kong marinig mula sa'yo kung paano mo pinili 'yung mga kulay, 'yung komposisyon—lahat. Kasi... gusto kitang maintindihan."
Maintindihan? Bakit? Para saan? Para ba masabi mong 'gets mo na ako'? O para lang mapatunayan mo sa sarili mong tama ang nararamdaman mo? Kasi kung ako lang, hindi ko na rin alam kung gusto ko pang maintindihan ako ng kahit sino. Baka gusto ko na lang maramdaman. Basta. Wala nang tanong. Wala nang paliwanag.
"Lauren," he said again, mas mababa na ang boses. "Gusto mong sumama sa kitchen ulit? Pinatry ko kanina 'yung food ko sa mga taga-culinary. Pero I was hoping... ikaw talaga 'yung una kong gusto sanang papatikim."
Napatingin ako sa kanya, medyo nagulat.
"Ha?"
"Come on. Sandali lang. Hindi kita pipilitin—pero andun na rin naman tayo. Sayang naman kung palalampasin mo 'yung chance na 'to. Gusto ko lang marinig kung ano'ng masasabi mo. Honest."
Nag-aalangan man, napangiti ako nang bahagya. Parang parte na talaga ng araw ko ang mga hindi inaasahang paanyaya niya. At sa kabila ng lahat ng komplikasyon, may parte sa'kin na gustong sumama.
"Okay," mahina kong sagot. "Pero hindi ako biased ah. Kung hindi masarap, sasabihin ko."
"Deal." Nakangiti na siya nang buo. Tila ba mas gumaan ang mundo nang sandaling 'yon.
Pagkarinig ni Ivan ng sagot ko, bahagyang lumambot ang ekspresyon sa mukha niya. Akala mo kanina'y composed siya, pero ngayon ko lang napansing may bahagyang tensyon pala sa mga balikat niya—parang kinikimkim niya ang kaba. Nang marinig ang "okay" mula sa 'kin, parang nahulog ang bigat na matagal niyang pasan.
Napatingin siya sa sketchpad sa kamay niya, saka marahang tumango, bago niya isinuksok iyon sa bag.
"Tara na," mahina niyang sabi, pero may ningning sa mata.
Sumunod ako, kahit hindi ko alam kung saan kami pupunta.
Pagdating namin sa kitchen, agad kong napansin ang kaibahan ng atmosphere — mas magaan, mas maingay, mas buhay. At hindi na madilim, punong puno na ng ilaw ang buong silid.
May ilang estudyanteng nakaapron na nag-aayos ng mga trays, naglalagay ng cling wrap sa mga tirang pagkain, habang ang iba nama'y nakasandal sa counters, nagtatawanan at tila nagre-recap ng buong araw. Nakaabang ang isang speaker sa sulok, tumutugtog ng mellow jazz na may halong bossa nova.
Mas nakikita ko na ngayon ang kabuuan ng kitchen. May mga shelves sa likod na puno ng spices at mga bote ng infused oils, pati na rin mga trays na pinaghugasan na. Sa gitna, may long counter kung saan nakapwesto ang iba't ibang dishes, at sa tabi nito ang isang mini sink na may dumadaloy na tubig. Sa isang sulok naman, may maliit na chalkboard na may nakasulat na "Menu of the Day," na tila hindi pa nabubura mula kaninang presentation. Ang aroma ng roasted garlic, herbs, at vanilla ay kumakapit sa hangin, na para bang sinasadyang tuksuhin ang mga panlasa ng sino mang papasok sa loob.
"Uy, Gus!" sigaw ng isa sa mga lalaki, itinaas ang kamay na may hawak pang kutsilyo. "Sakto, naayos na 'yung plate mo!"
"Nagdala ka na naman ng babae dito, Gus!" biro ng isa sa mga kaklase niya, sabay tawa. "Pang-ilan na 'to ngayong sem?"
Napatingin ako sa kanila, at pakiramdam ko lahat ng mata ay napalingon bigla sa direksyon namin.
Ivan, na kanina pa relaxed ang postura, biglang tumigas ang panga. "Wag kang gago. Huwag mo akong idamay sa mga biro mo, lalo na kay Lauren." Tiningnan niya ito nang diretso, malamig pero kontrolado. "Ayusin mo nga 'yang bunganga mo." Sabay bato ng kitchen towel, pero hindi mapaglaro ang ngiti niya gaya ng dati.
Tumawa pa rin ang iba pero halatang nabawasan ang tension. Bumalik sila sa ginagawa nila.
Ako naman, napatingin sa gilid ng mukha ni Ivan habang abala siya sa pag-aayos ng tray. Ramdam ko ang bigat sa likod ng boses niya kanina. Hindi siya nagbiro. Hindi siya nagkunwari. At para sa isang tulad niyang laging chill, iyon na siguro ang pinakamatapang na pagkampi na nakita ko sa kanya. Parang gusto kong... ngumiti. Pero hindi ko rin alam kung dapat.
"Uy, grabe 'yun," bulong ng isa pang kaklase, hindi sigurado kung tatawa o matatakot. "Protective ka na pala?"
"Baka naman—"
"Tumigil na kayo," putol agad ni Ivan, pero hindi na siya tumingin pa sa kanila. Abala na sa paglagay ng last garnish sa ibabaw ng dish.
Ako naman, halos hindi ko alam kung saan ako titingin. Nahihiya ako pero may kung anong kilig na hindi ko maipaliwanag. Tinakpan ko na lang ang bibig ko kunwari'y nag-aayos ng buhok.
Naroon din si Daniel, naka-white culinary uniform pa rin, may apron na nakatali sa kanyang bewang, medyo gusot na at halatang ilang oras nang abala. May hawak siyang towel habang pinupunasan ang isang lamesa.
"Lauren," bati niya sa akin nang mapansin niya kami ni Ivan. "Na-recruit ka na pala sa food tasting ng section namin?"
"Ah, oo nga eh. Bawal ba ako dito?" sagot ko, pilit na tumatawa kahit may kaba sa loob. Parang hindi pa rin ako sanay na naroon ako—sa mundo nila, sa paligid kung saan siya ang mas kilala. Pero heto ako, nariyan na, at siya mismo ang nagyaya.
Daniel chuckled. "Well, lucky for you. Gus' dish is worth breaking rules for."
"Sayo din naman. Natikman ko na noong pinagluto mo kami ni Dani sa dorm, 'diba?"
"And you liked it. You were amazed." Hindi niya maitago ang ngisi sa kanyang labi. Tila proud siya na nagustuhan ko nga ang luto niya.
Tinapik ni Daniel ang tray sa harap niya. "Ayan na 'yung herb-crusted salmon niya. May side na wild rice pilaf at lemon tart. Mainit-init pa. Hindi na namin ginalaw, reserved talaga 'yan."
Umupo ako sa isa sa mga stools, tiningnan ang presentation. Kahit pa sinabihan akong gutom na ako, parang hindi ko agad kayang sirain ang itsura ng pagkain sa harap ko. Ang herb-crusted salmon ay may perpektong golden crust, nakapatong sa bed ng wild rice pilaf na may halong toasted almonds at herbs. Ang plating ay malinis, elegante, parang pang-fine dining. Ang dessert naman ay isang lemon tart, may glossy lemon curd sa gitna at sinabayan ng torched meringue na parang mga ulap na niyapos ng araw. May garnish pa ng mint leaf at konting zest sa gilid. Parang ang hirap kainin — hindi dahil sa itsura, kundi dahil ayaw mong guluhin ang sining na nasa harap mo.
"Wow," bulong ko.
"Masisira 'yung plating kung gagalawin ko pa," sabi ko habang nakatitig pa rin. "Para siyang art din, 'no?"
"Mas okay kung masarap din," sagot ni Ivan mula sa likod ko. "Tinikman mo na 'yung kay Dan, so kailangan ko ring malaman kung pasado ako."
Napatawa si Daniel. "Careful ka dyan, Gus. Honest 'yan si Lauren. Baka masaktan ego mo."
"I can handle it," sagot ni Ivan, confident.
Hinawakan ko ang tinidor, luminga sandali, tapos dahan-dahang kumuha ng maliit na piraso ng herb-crusted salmon. Nakaabang rin ang mga kaklase nila na tila naghihintay ng pagsubo ko, parang mga hurado sa isang patimpalak na hindi ko naman sinasalihan.
"Okay," sabi ko habang ngumunguya. "Crispy 'yung skin, tapos juicy sa loob. Hindi dry. 'Yung herbs—sakto lang, hindi overpowering."
Nagkatinginan si Ivan at Daniel. Parang hinihintay nila kung may sasabihin pa ako.
"Yung wild rice pilaf, simple but elevated. Ang galing nung balance ng alat at earthy flavor. Tapos 'yung lemon? Nice touch. Parang may hinga sa dulo."
"Dessert," sabi ni Ivan, parang proud na proud. "That one, pinag-isipan ko talaga."
Kumuha ako ng kaunti. Matagal kong tinikman. Tapos tumango ako, seryoso.
"Okay ka. Hindi ko inaasahan 'yon. Yung sharpness ng lemon—balanced ng buttery crust. Sakto lang ang tamis, hindi nakakaumay. Hindi niya sinira 'yung momentum ng meal."
Nagkabiruan sa paligid, pero napansin kong hindi agad kumibo si Ivan. Para bang seryoso siyang hinihintay 'yung final verdict ko.
"Overall," sabi ko, sabay tingin sa kanya, "masarap. Kung may restaurant ka, babalik ako."
Napangiti siya—hindi 'yung pabirong ngiti, kundi 'yung parang nabunutan ng tinik.
"Salamat," mahina niyang sagot. "That means a lot."
"Ayos na, Gus! Ipasa mo na ito sa panel!" Komento ng isang lalaking nagbiro sa kanya kanina, habang nagtatawanan ang iba pa nilang mga kaklase na tila aliw na aliw sa galing ng luto ni Ivan. May ilan pang nagsusulyapan at nagtataas ng kilay sa reaksyon ko, na para bang hinihintay kung ano ang isusunod kong sasabihin o kung uubusin ko ba ang lemon tart na hawak ko.
Sa gilid, si Ivan naman ay tahimik lang pero hindi maitatanggi ang bahagyang ngiti sa labi at ang kilig na pilit niyang tinatago sa likod ng kunwaring kumpiyansa.
Pagkatapos ng klase, hindi na ako nagtagal pa sa campus. Tahimik akong umuwi, dala-dala ang mabigat na bag at ang mas mabigat pang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag.
Nasa kama ako ngayon. Mag-isa. Maliwanag ang desk lamp sa gilid ko, pero sa kabila ng liwanag, blangko pa rin ang sketchpad na nasa kandungan ko. May isang linyang nakaguhit doon — manipis, di pa buo. Hindi ko pa rin alam kung paano ko tatapusin.
Katabi ko ang printed na litrato ng Lara. Nakasandal lang sa lumang pile ng sketchbooks ko. Kinuha ko. Pinagmasdan ko si Mama — nasa kusina, nakangiti. At ako, nasa mesa. May hawak na papel. Magkatabi kami, magkahiwalay ng ilang hakbang... pero pareho naming tinatanaw ang liwanag.
Hinaplos ko ang gilid ng litrato gamit ang daliri. Tahimik.
Ang gusto ko lang naman ay maipinta kung paano kami bumangon.
At siguro, kahit paano... nagawa ko naman.
Pero bakit parang masakit pa rin?
Siguro kasi... ang paghilom, hindi nangangahulugang wala nang kirot.
Tinuturuan ka lang nito kung paano magpatuloy kahit may bitbit ka.
May kumatok.
Tahimik ang paligid. Naririnig ko pa ang mahinang ugong ng aircon sa taas ng pintuan, pero ang katok na 'yon—isa, dalawa—ay sapat para guluhin ang katahimikan ng gabi.
Bumangon ako, medyo mabigat pa rin ang katawan. Inayos ko ang suot kong oversized na hoodie at tinungo ang pinto, iniisip kung si Dani na naman ba ito na may kalokohan.
Pagbukas ko, bumungad sa akin si Daniel. Naka-uniform pa siya — white na pang-culinary, wala na ang apron sa kanyang bewang. Medyo magulo ang buhok, parang hinabol ng hangin. Halatang pagod pero may ngiti pa rin sa labi niya.
"Kuya! You're not supposed to bother Lauren!" sigaw ni Dani mula sa kusina, na para bang may built-in radar kapag si Daniel ang bisita ko.
Inabot niya sa'kin ang isang maliit na Tupperware, parang may ceremony pa siyang bahagyang itinataas ito na parang prize.
"Leftovers," sabi niya. "Galing kay Chef Gus. Ayaw daw niyang masayang."
Napatitig ako sa container. May halong kilig at kirot sa dibdib ko. Hindi ko alam kung tatawa ba ako o maiiyak.
"Di mo kailangang kainin," dagdag ni Daniel, mas banayad ang tono. "Pero... baka makatulong. Para maalala mo 'tong araw na 'to sa ibang paraan."
Tahimik lang ako. Tumango. Tinanggap ko ang Tupperware.
"Salamat," sambit ko bago ngumiti.
Pagkaalis ni Daniel, maingat kong inilapag ang container sa desk.
Bumalik ako sa kama. Kinuha ko ulit ang lapis. At sa pahina ng sketchpad — doon sa blangkong parte — nagdagdag ako ng isa pang linya.