Parang bumagal ang oras at hindi mapigil ang pagkabog ng puso ko na para bang may nagkakarera sa loob nito habang binubuksan ni Hilary ang pintuan upang papasukin ang 'nilalang' na sasama raw sa akin sa campus tour. Binabasa ko ang nanunuyo kong labi habang pinagkikiskis ang mga palad ko habang nakatayo lang dito. Kinakabahan ako dahil panibagong nilalang na naman ang makakaharap ko. Ano naman kayang klaseng nilalang ang makakasama ko? Mayamaya'y isang binata ang pumasok mula sa pinto. Gaya ni Mr. Smith, mukhang 'normal' naman ang hitsura ng isang 'to. Matangkad din siya at may katamtamang pangangatawan. Maputi din ang kanyang balat, matangos ang ilong, at mayroon siyang tuwid at hanggang balikat na haba ng buhok na kulay blonde. Kulay berde naman ang mga mata niyang bilugan at mapungay

