"ANO SA tingin mo, iha? Nagustuhan mo ba?"
Muling naigala ni Ethel Vizcarra ang paningin sa loob ng fully furnished na bahay. Naikot na niya iyon at nagustuhan naman niya. Isa iyong old Spanish house at homey para sa kanya ang disenyo. Dalawa ang silid doon at naka-set ang isang kuwarto para maging opisina, tamang-tama sa propesyon niya bilang isang fantasy writer. Bata pa lang ay mahilig na siya sa ganoon at iyon ang pinangarap niya.
Maluwang ang sala doon. May LCD rin at DVD player. Naka-set up na rin ang home theater. Tamang-tama sa panonood niya ng mga fantasy movies at anime kung kailangan niyang humugot ng emosyon o ideya. Ang kusina at silid naman ay maluwang din at kumpleto na sa gamit. Kung tutuusin ay tao na lang ang kulang doon.
Napangiti siya at nilingon si Lola Constancia. Nakilala niya ito noong mag-inquire siya sa karatula na mayroong unit for rent doon. Ito pala ang may-ari ng bahay. Iyon ang ini-insist nitong itawag niya rito. Masayahin ang awra nito at agad niyang nakapalagayang loob. Pangatlong beses na niyang balik iyon at sa pagkakataong iyon ay dala na niya ang lahat ng gamit.
"Oho, kukunin ko na ho ito."
Agad silang nagtungo sa opisina nito sa itaas ng bahay. Ang lugar na oukupahan niya ay nasa ibaba lamang ng bahay nito. Tatlong palapag iyon at iba naman ang daraanan niya kaya mayroon pa rin siyang privacy. Agad na siyang nagsulat sa tatlong checque para ibigay ang two month advance at one month deposit.
"Kayo lang ho ang nandito?" usisa niya rito.
Biglang sumimangot ang matanda. "Kasama ko ang apo ko sa itaas pero hayun, nag-deliver sa Isabela ng orders." Napabuntong hininga ito at napailing.
"Mukhang sakit niyo ho siya ng ulo," marahang komento niya rito.
Napahagod ito sa sentido. "Si Denim? Naku, hindi naman pero nawili na siya sa shop. Naturingang architect... ni wala pa akong nakitang project niya..." anito saka muling napabuntong hininga. "Hindi mo pa siya nakikilala dahil sa tuwing pupunta ka rito, nag-deliver siya ng order."
Tumango na siya rito at ilang sandali pa ay tinawag nito ang dalawang tauhan nito sa shop para buhatin ang mga gamit niya. Panay ang sulyap ng mga kalalakihan sa kanya at hindi na lamang niya pinansin. Sanay na siyang tinitingnan dahil sa kakaibang itsura niya.
Anak siya ng ina sa isang kano at nakuha niya ang karamihang features ito. One night stand lang daw ang nangyari. Nang mabuo siya ay hinanap ng ina niya ang ama pero hindi siya nito inako bagkus ay umuwi ito ng states. That was her pain number one: abandoned by her own father. Itinakwil ang ina niya at nagpakahirap itong buhayin siya. Bago siya matapos sa kolehiyo ay binawian ito ng buhay dahil sa labis na sama ng loob sa pangalawang asawa nito. Ipinagpalit ito sa mas bata at mas mayamang babae. It was her pain number two... seeing her mother suffered from a terrible heart ache...
Ang buong akala niya noon ay hindi siya matutulad sa ina dahil matapos mamatay ang ina niya, nakilala niya sa isang publishing si Renan, ang unang lalaking nagpatibok ng puso niya. Sa edad na beinte uno ay nagmahal siya. Writer na siya noon at sa admin ito naka-assign. Nabura ang negatibong damdamin niya dahil sa pagibig nito. Agad silang nagkagustuhan at nang magpasya itong umuwi sa Baguio dalawang taon ng nakakalipas ay sumama siya rito.
Dahil mahal niya ito at pumayag siyang magsama sila ng hindi kasal. Nangako itong magiipon ng ilang buwan para matupad iyon. Gayundin siya kaya puspusan siya sa pagsusulat kaya nagkaroon na rin siya ng mga published books. Naging masaya ang pagsasama nila at walang naging problema sa pamilya nito.
Pero gaya ng ibang love story, nagkaroon sila ng matinding conflict at hindi na nagkaroon ng resolve para mauwi iyon sa happy ending. Naipilig niya ang ulo. Hindi na niya dapat pang iniisip ang mga ginawa nito. It was her pain number three; a pain she never wanted to remember. Masyado iyong masakit at naging matindi ang leksyon niya roon para huwag ng magmahal muli...
Mahigit isang taon na ring iyon nangyari at sa edad na beinte tres ay okay na siya. Naipagluksa na niya ang pagkamatay ng puso. Gayunman, malaki ang naging damage noon sa pagsusulat niya kaya naisip niyang lisanin ang buong syudad.
Nabanggit ni Marcus Lenon—isang kaibigan at co-writer niya ang Naguilian, La Union. Doon ito lumaki kasama ang abuela. Ito daw kasi ang pinakapaboritong apo na lalaki kaya ito ang kinuha ng abuela para makasama. May pagkabulubundukin din doon at sariwa ang hangin. Pinasyalan niya ang lugar at natagpuan niya ang katahimikan doon na nais niya.
Sa pagiikot niya ay nakita niya ang signage ng paupahan sa isang silver shop at nakilala nga si lola Constancia. Habang pinagmamasdan niya ang bahay ay naisip niyang doon siya magsisimula ng nagiisa at sumumpa siyang hindi na muli pang papasok sa isang relasyon. Mahirap ng umasa at masaktan. Naging realistic lang siya para sa sarili.
"Ahm, Miss... ako nga pala si Wryle," anang isang lalaking matangkad at may pagkabumbayin. Nahahawig pa ito sa isa sa mga miyembro ng One Direction na si Zayn Malik bagaman medyo mature lang tingnan.
"Ako naman si Xavier," anang isang lalaki na matangkad din. Kung iisipin niya, mukhang pinoy version ito ni Chase Crawford. Tinanguan lang niya ang mga ito.
"Baka kailangan mo ng tulong para i-set up 'yang computer mo?" magalang na alok ni Wryle at siniko nito si Xavier na agad namang tumango.
Napakamot siya sa noo. Mukhang makukulit ang mga ito at bawal ang asungot sa buhay niya. Kailangan niyang mag-focus sa mga nobela niya at gawan ng book five ang fantasy series niya. Tungkol iyon sa pitong magkakapatid na lalaki na naguugnay sa mga kagilagilalas at kakaibang elemento ng mundo tulad ng mahika, pantasya at mga kakaibang nilalang. Hanggang pitong libro iyon, lahat ng pitong magkakapatid ay may kanya-kanyang istorya.
"Salamat na lang," tipid na sagot niya.
Napilitang lumabas ang mga ito at agad na siyang nag-ayos ng mga gamit. Mabilis siyang natapos. Saglit siyang naligo saka nagpahinga. Hapon na ng magising siya saka nagtungo sa grocery. Namili na siya ng mga kakailanganing stock. Nang matapos ay muli siyang bumalik sa tinitirhan at nagprepara ng hapunan saka kumain. Ilang sandali pa ay sinimulan na niya ang pagsusulat hanggang sa inumaga siya saka doon lang siya natulog.
Nasa kalagitnaan pa lang siya ng pagtulog ng mapaigtad dahil nakarinig siya ng malakas na tugtog. Halos ikalaglag na niya iyon sa kama. Bigla tuloy siyang napabangon at natutop ang ulo. Lalong nakasakit sa ulo niya ang tunog dahil tila isa iyong sirang estasyon ng radio na maya'y maya ang lakas at saka nagkakaroon ng matinis na static!
Nagiinit ang ulong lumabas siya ng unit. Natagpuan niya ang isang lalaki na nakatunghay sa loob ng sasakyan, halatadong inaayos nito iyon. Lalo siyang nainis! Balak pa yatang gawing pang-disco ang sound system ang pick up na 'yon!
"Excuse me," agaw pansin niya rito pero lalong umiinit ang ulo niya ng muling lumakas ang sound! Napaigtad pa siya! Sa inis ay kinatok niya ang wind shield nito pero parang hindi na siya nito marinig. Lalo niyang nilakasan at doon naman huminto ang tugtog kaya sa pagkabigla nito'y nauntog ito!
Napangiwi siya dahil natutop nito ang nasaktang ulo. Na-guilty siya sa ginawa pero naisip niyang kasalan naman nito kaya hindi siya nito naririnig. Nang makabawi ito ay agad itong lumabas at tumambad sa kanya ang isang guwapong lalaking patuloy pa rin sa paghagod sa nasaktang ulo. Nahigit niya ang hininga dahil sa kakaibang presensya nito. Nang masalubong ang nangungusap nitong mga mata ay bumilis ang t***k ng puso niya.
May hawig ito kay Jensen Ackles na gumanap bilang Dean Winchester sa TV series na Super Natural. Maging ang igsi ng buhok at tindig ay kuha nito sa aktor. Mukhang nasa anim na talampakan ito. Sa height niyang five-five ay tinitingala niya ito. May kakapalan ang mga kilay nito at magaganda ang pagkaka-korte. Makakapal ang pilik nito. Ang ilong nito ay maganda ang pagkakatangos. Ang labi nito'y may kanipisan at namumula na tila kay sarap humalik. May bahagyang stubbles din ito sa baba nito at leeg na nakadadagdag sa karakter nito.
"May problema?" untag nito at tila namamangha itong nakatitig sa kanya.
Namula ang mukha niya dahil napahiya siya sa inasta. Nang makabawi ay inirapan niya ito. "Baka p'wedeng pakihinaan ang sounds mo?" Gusto niyang batukan ang sarili dahil sa naging reaksyon. Hindi niya napigilan, bagay na noon lang nangyari sa kanya. Never pa siyang natutulala dahil sa isang lalaki.
Tila napapahiyang ngumiti ito saka tila hindi alam kung paano siya paliliwanagan. Natulala siya dahil naging super cute ito! Lumabas ang mapuputi nitong ngipin at may kababawang biloy sa magkabilang pisngi. Bigla siyang napatikhim para pahupain ang pagwawala ng dibdib. Habang papalapit ito ay napalunok siya at doon niya napansing hindi na siya humihinga!
"Pasensya ka na. Inaayos ko lang 'yung stereo ng sasakyan. Kapapalit ko lang ngayon," paliwanag nito saka ito muling ngumiti. Doon natuon ang paningin niya, sa labi nitong namumula... "Ako pala si Denim, ang apo ni Lola Constancia. Nasabi niya sa akin kagabi na dumating ka na nga, Ethel," anito saka inilahad ang kamay at hindi niya alam kung bakit may kakaibang dating sa pandinig niya ang pagtawag nito sa pangalan niya.
Wala sa sariling tinanggap niya ang kamay nito ay naramdaman niya ang init at may katigasang palad nito na siyang naging dahilan ng kakaibang boltaheng tumama sa kanya. Sa lahat-lahat ng iyon, bigla siyang nakarinig ng warning bells!
Nangitian lang siya nito, naramdaman lang niya ang kakaibang presensya nito at init ng palad, agad siyang nawala sa sarili. Tumikhim siya para ibalik ang huwisyong tinangay nito ng ganoon kadali.
"Pasensya na talaga..." apologetic nitong sagot. "Hihinaan ko na lang,"
"Sige. Salamat kung ganoon. Wala pa kasi akong tulog," matabang niyang sagot para ipabatid na hindi siya interesadong makipagusap dito. Sa totoo lang ay nananakit na rin ang ulo niya sa kakulangan ng tulog.
Iniwanan na niya ito ng hindi na ito sumagot. Malapit na siya sa terrace ng muli niyang matutop ang noo dahil pumintig iyon sa sakit. Bahagya rin siyang nakaramdam ng liyo. Nabigla na lamang siya ng maramdaman ang mainit na palad ni Denim saka siya inalalayan. Maingat siya nitong hinawakan sa siko at ito na mismo ang nagbukas ng pinto niya. Muli niyang nadama ang kakaibang boltaheng iyon at nawindang ang puso niya. Hindi niya maiwasang hangaan ang lalaki sa gawi nito. Maingat iyon sa paraang hindi siya mababastos.
"Okay ka lang?" alalang tanong nito.
Tumango siya at pasimpleng umiwas. "Nahilo lang ako. Sige na," pasimpleng taboy niya rito at marahang hinagod ang pinanggalingan ng palad nito. Pakiramdam kasi niya ay nandoon pa rin iyong nakahawak sa kanya.
"Pasensya ka na talaga kanina," anito saka napabuntong hininga. "Magpahinga ka na at sana... magustuhan mo dito sa amin. Sana... magtagal ka rito," anito saka masuyong ngumiti. Muli niyang nakita ang kaguwapuhan nito sa ngiting iyon. Pamatay. Maaaring gawing ulam.
Tumititig ka na naman sa kanya...
Agad niyang ipinilig ang ulo at pinagalitan ang sarili. Mientras na napapatitig siya rito, lalong tumitindi ang kabog niya. Langhap pa niya ang mabangong amoy nito. Walang bahid iyon ng pabango. Amoy malinis at personal na amoy na gusto ng ilong niya.
Napabuntong hininga siya at tinanguan na lamang ito bilang sagot. Doon pa lang ay dapat nitong malaman na off limits siya. May isang depensa pa siya: iyon ay ang pagkukulong at pagiwas sa mga taong tulad nitong gugulo lang ng tahimik niyang mundo. Isa pa'y sa pagkakaalam niya ay abala naman ito sa shop. Nataon lang na linggo kaya libre ito. Pero siya ay mayroon pang paraan para makalimutan ang damdaming sumibol sa puso niya ng wala sa oras. May oras pa siya para i-repair ang depensang nasira ng isang titig lang ni Denim...