"Para sa bago naming tenant," nakangiting bungad ni Denim habang iniaabot ang isang mangkok ng sinigang na hipon. Agad na natunaw ang puso ni Ethel sa guwapong ngiti nito. Idagdag pang nagabalang muli ang lalaki para dalhan siya ng pagkain. Agad na kumulo ang tiyan niya ng malanghap ang amoy noon. Doon palang niya naalalang hindi pa siya kumakain at tanghalian na pala.
Kung inaakala niyang magkakaroon siya ng pagkakataong makaiwas dito ay nagkamali siya. Magiisang buwan na siya doon at magiisang buwan na rin siya nitong binibigyan ng ulam. Nang mapatingin siya rito ay ngumiti itong muli ay bumilis ang t***k ng puso niya.
Mukhang hindi ito marunong magalit. Laging maaliwalas ang awra nito. Napakalinis din nito sa katawan at tila laging bagong ligo. At dahil doon, hindi niya mapigilan ang pusong kiligin dahil napopogian siya. Babae pa rin siyang nagso-swoon sa ganoong pagpapa-charming nito. Nainis siya sa sarili dahil ilang beses niyang sinuway ang puso sa pagiging lambutin at dito niya laging naibunton ang inis.
"Hindi na ako bago dito, Denim," matabang niyang sagot dito. "Bakit mo ba ito ginagawa?"
"Gusto ko lang namang makabawi mula sa unang enkwentro natin,"
Nang mapatitig siya rito ay natunaw ang puso niya sa sinseridad na nakasaad sa mga mata nito. Bago pa siya madala sa mga mata nito ay umiwas siya. Kinuha na lamang niya ang mangkok para makaalis na ito agad. Gusto na naman niyang sipain ang sarili. Nanginginig ang mga kamay niya! 'Langya kasing presensya mayroon si Denim. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa lalaking ito para mailto ng todo ang sistema niya.
"Wala ka naman bang problema dito?" anito habang nasa kusina siya. Mukhang nasa sala lang ang lalaki dahil sa lakas ng boses nito. "Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako, ha?"
Nilapitan niya ito saka inabot ang mangkok rito. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili.
"Salamat na lang sa ulam," paiwas niyang sagot para hindi na lumawig iyon hanggang sa pinagmasdan siya nito. "May... may gagawin pa ako," pasimpleng taboy niya rito dahil kundi niya iyon gagawin, baka tuluyan ng madala siya sa mga mata nito at ngiti.
"May laro kami ng basketball sa plaza, baka gusto mong manood," marahan nitong aya sa kanya.
"Hindi ako mahilig sa ganyan," matabang niyang sagot para iparamdam na hindi siya interesado dito pero sa loob-loob niya ay napaisip siya kung magaling ba itong mag-basketball. Magaling kaya itong magrebound? Tres? Assist? Gusto na talaga niyang batukan ang sarili! Why the curiosity all of a sudden? Lihim siyang napaungol.
"Sa susunod na araw, nagkayayaan kaming mamingwit sa ilog. Baka sakaling hindi ka busy—"
"Palagi akong busy. Salamat na lang sa alok, sa ulam at sa lahat. Makakaalis ka na," agad na niyang niluwangan ang pinto at pinilit niyang patatagin ang mukha. Sana lang ay makisama na ito dahil hindi na niya nagugustuhan ang tumatakbo sa isip niya.
"Ethel—"
"Huwag ka na ring magdala ng pagkain dito," agaw niya sa sasabihin dito saka ito tinitigan. "Walang dahilan para pakitaan mo ako ng ganyan,"
Tama ng isipin nitong suplada siya, huwag lang ang isang babaeng mahina na maaari nitong malapitang basta. Kailangan niyang ipakita ang tayog ng pader at hindi siya madaan sa mga malasakit nito. Aba'y tama nang minsan sa buhay niya ay naging mahina siya at umiyak. Wala ng magiging fourth pain.
"Gusto ko lang namang malibang ka kahit papaano," malumanay nitong sagot. Natunaw ang puso niya sa sinabi nito pero ipinilig niya ang ulo. Lumayo siya para iwasan ito pero agad nitong hinawakan ang kamay niya.
Tumayo ang balahibo niya sa katawan dahil sa kakaibang boltaheng tumama sa kanya. Pinisil pa nito iyon, naghuramentado ang buong sistema niya.
"Okay. Hindi naman kita pipilitin," malumanay nitong sagot. "Alagaan mong maigi ang sarili mo. Mahirap magkasakit lalo na't nagiisa ka..." concern nitong saad.
Nagkaroon ng bikig ang lalamunan niya at nahirapan siyang makahuma hanggang sa wala na ito sa harapan niya. Doon lang siya muling nakarinig ng isang taong tunay na concern sa kanya. Aamnin niya, nababaliw ng lalaking ito ang puso niya. Naitukod na niya ang ulo sa pinto at napaungol. Ang sabi niya sa sarili'y ire-repair niya ang nasirang depensa pero anong nangyari? Nagibang muli iyon ni Denim. Ah... kailangan niyang kapalan talaga iyon.
Napakamot ng ulo si Ethel ng abutan siya ng ulan sa tindahan. Ang tanging dala lamang niya ay ang sariling towel dahil may kalamigan ang hangin. Naubusan kasi siya ng load kaya napilitan siyang lumabas ng lungga niya.
Iyon ang madalas na ibiro ng matanda sa kanya. Ipinaliwanag niya na abala siya sa pagsusulat sa panglimang nobela. Naging maayos ang pagsusulat niya dahil sa katahimikan. Natutuwa rin siya dahil mukhang nakaramdam si Denim na bigyan siya ng panahon dahil hindi na siya nito muling ginambala.
Gayunman, napalitan naman ng mga bulaklak ang dating ulam na ibinibigay nito. Madalas niyang makitang mayroong isang bungkos sa harapan ng pinto niya at may card na nakasulat. Binabati siya nito ng magandang araw o mga simpleng quotes na alam niyang likha nito. Sa tuwing meryenda time naman ay nagpapahatid ito sa tao nito at hindi niya magawang ibalik iyon dahil baka ikapahiya iyon ni Denim. At syempre, hayun ang puso niya, kinikilig ng wala sa oras kahit anong suway niya. Minsan ay nagtataka talaga siya kung ano ang mayroon sa lalaki dahil kahit anong gawin niya ay nakukuha siya nitong tunawin.
Gusto na niyang mapaungol ng makita si Denim. Hayan na ang lalaking hindi nauubusan ng moves, may dalang payong. Ah, mula nga naman sa shop ay kitang-kita nito ang tindahan. Panay bukirin kasi ang paligid noon kaya agad siya nitong tanaw. Wala talaga siyang lusot dito.
"Halika na at baka lumakas pa ang ulan," agad nitong saad.
Napatikhim siya para pahupain ang pusong nagwawala na ng sandaling iyon. Aaminin niya, sa kabila ng lahat ay babae pa rin siyang umiinit ang puso sa ganoon aksyon ng isang lalaking mapagalaga.
"Hindi ka na sana nagabala pa," malamig niyang sagot. Sinugod na niya ang ulan at pinilit siya nitong pinayungan. Napasinghap siya ng marahan siya nitong hawakan sa balikat para ilapit dito.
"Mababasa ka ng ulan," anas nito.
Tumayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Naghatid iyon ng kiliti sa gulugod niya. Inayos nito ang towel sa balikat niya at iningatan nitong huwag iyong mahulog. Hindi niya mapigilang mapatitig dito at napalunok siya ng ngitian nito. Bumilis ang t***k ng puso niya at pakiramdam niya ay nasa ngalangala na iyon.
"Nagluto pala si lola ng lugaw. Sa bahay ka na kumain, ha?" anito ng makapasok na sila sa bakuran.
Bigla siyang naalarama. Napatikhim siya at nagisip siya agad ng alibi. Hindi siya maaaring magtagal kasama ito. Pakiramdam niya ay malaking pagkakamali iyon. Parang mayroon itong matatawid na hindi dapat!
"Iha... naku, nabasa na kayo. Tamang-tama ang lugaw ko... halika na at wala kang kasamang kakain sa baba..." anang lola nito at napamura siya sa isip. Natural, hindi niya matanggihan ang matanda.
Agad silang inabutan nito ng tuwalya. Napasinghap siya ng kuhanin ni Denim ang basang tuwalya niya at inilapat nito ang tuyo sa balikat niya. Nang mapatingin siya rito ay ngumiti lang ito sa kanya. Muling kumabog ang puso niya. It was a kind of smile that haunts her every night. Mga ngiting tila masaya na tinititigan siya...
"Ang ganda ng mga mata mo... parang green o blue..." buong sinseridad at paghangang saad nito.
Humigpit ang dibdib niya sa sinabi nito. Nang lumapat ang mainit nitong palad sa pisngi niya at sinalat ang gilid ng mata niya ay huminto ang buong mundo niya. Tumiim ang titig nito sa kanya at napalunok siya. Uminit ang puso niya sa nakikitang emosyon sa mga mata nito...
"Ehem... mga bata, kakain na sana tayo..."
Tila napapaso siyang lumayo kay Denim. Nagkatitigan lang sila, nawala na siya sa sarili. Pulang-pula tuloy ang mukha niya sa pagkapahiya lalo na't nakita niya ang nanunudyong mga mata ng matanda. Natatawang iginiya na siya nito sa loob. Agad na silang kumain at kapwa sila tahimik ni Denim. Ni hindi niya magawang tumingin dito dahil naiilang pa rin siya.
"Iho, nabanggit ni Ethel na gusto niyang libutin ang shop. Baka makakatulong iyon sa pagsusulat niya. May oras ka ba?" basag ng matanda sa katahimikan.
Kung maaari lang niyang mulagatan ang matanda ay ginawa na niya. Nabanggit kasi niya ang tungkol doon at hindi niya inaasahang ipapagawa nito iyon kay Denim. Mabilis na gumana ang isip niya. "Naku ho, sa internet na lang ako magtitingin. Alam ko pong busy kayo,"
"Mas maganda ang actual, Ethel," agaw ni Denim.
"Ayoko din namang maging abala sa'yo," paliwanag niya rito at sana naman ay huwag na nitong palawigin iyon. Naasiwa nga siyang makasama ito... para namang nanadya pa.
"Wala namang kaso kung abalahin mo ako. Ikaw pa? Ang lakas mo lang sa akin,"
Gusto niyang pitikin ang labi nito! Naiilang na nga siya, babanatan pa siya nito ng ganoong linya? Ayaw na tuloy mag-behave ng puso niya! Ano ba 'yan!
"Naku, ganyan talaga ang apo ko kaya pagpasensyahan mo na," awat ng lola nito pero mukhang kinikilig naman. Gusto niyang mapakamot ng ulo pero nagpakatimpi-timpi na lamang upang ipakitang hindi siya apektado. "Mas maigi ang ganoon, iha kaysa sa internet. Naku, wala pa ring tatalo sa aktuwal. Si Denim, masasabi niya ang lahat doon." Anang matanda at nginitian siya.
Napaisip siya. Alam niyang may punto ang mga ito. Kailangan din niya iyon dahil tungkol sa isang silversmith ang panglimang libro niya. Nasimulan na niya iyong gawan ng background at kailangan pa niyang mas maging makatotohanan.
"Next week, wala kaming naka-linyang order. Simpleng accessories lang muna at p'wede kitang iikot doon." Kumbinsi nito sa kanya at napatango na lamang siya.
Doon na pangiti si Denim at ganadong kumain. Parang ang gaan-gaan na naman ng mood nito at hindi tuloy niya maiwasang mamangha. Totoo kayang gusto nitong magpaabala sa kanya?
Hala ka... bakit mo iniisip ang ganoon?
Agad niyang ipinilig ang ulo. Tama, hindi niya dapat iniisip ang sinabi ni Denim dahil madadala lang siya. Depensa, depensa! Paalala ng isang bahagi ng isip niya. Napatango siya.
vQ