CHAPTER 3

2788 Words
"Si Wryle ang eksperto sa pagpipino ng mga accessories..." Napatango si Ethel ng ipakita ni Denim sa kanya ang iba't ibang sizes ng kikil. Hindi niya nakalimutan dalhin at notepad niya. Doon niya itinatala ang mahahalagang impormasyong kailangan niya. Ayon dito, depende iyon sa mga sizes ng anumang accessories na maaari nitong pinuhin. Filing daw ang tawag doon at isusunod ang polishing. Ngumiti si Wryle at nag-sample ito sa kanya. Mukhang nagpapakitang gilas ang mokong. Ilang metro lang ang layo ng shop sa kanilang tinitirhan. Hindi pa rin disturbing ang ingay na nanggagaling sa tunawanan at kapag nasa loob siya ng silid ay hindi na niya iyon pansin. Nasa loob pa rin iyon ng compound ng mga Callejo. "Tama na nga 'yan," saway dito ni Denim. "Baka mamaya, malaman ni Reign ang ginagawa mo, karnehin ka n'un," Umasim ang mukha ni Wryle pagkarinig sa pangalan ni Reign. "Sino 'yun?" curious na tanong niya. Nagtawanan ang may sampung kalalakihan sa lipitan. Inulan ng kantyaw si Wryle doon. "Ang babae sa buhay ni Wryle. Nandito siya sa La Union para magsakripisyo para sa babaeng iyon," "Shut up!" inis na saway ni Wryle sa pangtitiklo ni Xavier. "Look who's talking. I bet, when you heard Lotus voice, you are going to faint," "Pare, wala namang ganyanan..." biglang kambyo ni Xavier at halatadong kinabahan ito. Gusto niyang matawa sa mga ito dahil parang mga bata lang sa asaran. "Ganito sa shop. Para lang kaming magkakapatid at ang dalawang unggoy na 'to, sampid lang ang mga ito dito," tukoy nito sa dalawang lalaki. "Ka-batch ko sila noong college at first year palang, magkaka-roommate na kami sa boardinghouse. Iisang university lang ang pinapasukan namin. Kami-kami na rin lang ang naging magbabarkada hanggang magtapos kami. Last year, nagbakasyon sila dito pero nasarapan nilang gumawa ng ganyan. Simple lang pero enjoy. Oo nga pala, si Xavier ang eksperto sa casting at waxing para magawa ang disenyo ng accessory." Mahabang paliwanag nito. Napatingin siya kay Denim habang ipinaliliwanag nito ang kasaysayan ng shop. Halatadong proud ito at mahal nito ang negosyo. Hindi niya maiwasang hangaan ang side nitong iyon. Bagaman mataas ang pinagaralan nito ay hindi pa rin nito kinakalimutan ang negosyong bumuhay at nagpaaral dito. "Saan sila nakatira?" "May barracks dito sa likuran. Libre rin sila sa pagkain dahil halos lahat ng trabahador dito, hindi taga-dito. Lingguhan ang uwi nila sa ibang probinsya," anito saka ngumiti sa kanya. Natunaw na naman ang puso niya. Ipinilig niya ang ulo at pilit na itinuon ang atensyon sa sinasabi nito. Inikot pa siya nito at panay ang alalay nito. Hindi niya maiwasang hangaan ang gawi nito. Hinahawakan siya nito sa likuran o siko, sa paraang maingat at hindi siya mababastos tulad noong unang hawakan siya nito. Nawiwindang ang puso niya at muli niyang pinagsabihan ang sarili. Dahil doon ay dito niya muling naibunton ang inis sa sarili. Pumiksi siya at agad na nagpaunang naglakad. Nang magawi sila sa tunawan ay pinagpawisan siya ng matindi. Ang init pala sa lugar na iyon! Mayroong malaking sementong bilog na may malaking baga para tunawin ang silver. Napalunok na lamang siya ng punasan din nito ang noo niyang tila natural lang dito. Sumikdo ang puso niya sa ginawi nito at nang mukhang hindi ito makatiis ay agad na siya nitong inilabas. "Pasensya ka na... namumula na tuloy ang pisngi mo sa init," Pakiramdam niya, hindi lang ang lahat ng tao doon ang tumigil para tumingin sa kanila kundi maging ang buong mundo niya. Hindi ito nahiyang ipakita iyon sa iba. Kumuha pa ito ng towel para ipunas sa noo niya. Napakurapkurap siya hanggang sa hindi siya makatiis sa reaskyon ng puso niya, bigla niyang inagaw ang bimpo rito. Nagtatanong ang mga mata nito at para pagtakpan niya ang pagkailang ay inirapan niya ito. "Kaya ko." Napabuntong hininga ito at lalo siyang naging alumpihit nang pagmasdan siya nito. Hayun na naman ang mga mata nitong tila binabasa maging ang kaluluwa niya. "Huwag ka na ngang tumingin!" angil niya rito ng hindi na siya makapagtimpi. "Gusto lang naman kitang tingnan," namamanghang sambit nito. "Sa naiilang na nga ako!" napabuga siya ng hangin dahil ayaw niya ang ganoong klaseng takbo ng usapan. Kung makaasta ay parang sinusuyo siya at ang puso niya, nagpapasuyo naman! Tunaw na tunaw ang puso niya sa lalaking ito! "Okay na ang mga na-explain mo. Salamat," Dali-dali na siyang umalis at pagpasok niya sa bahay ay natutop niya ang dibdib na labis na naninikip! Ano ba 'yan! Hirap siyang huminga! Letsugas talaga si Denim. Isa itong threat sa puso niyang tahimik. Napaigtad siya ng makarinig ng katok at ng buksan niya iyon ay gusto na niyang mapaungol sa kadesperaduhan. "Basahin mo 'to. Sana makatulong," Napatingin siya sa limang magazines na iniaabot nito sa kanya. Tungkol sa mga silvercrafts ang mga iyon. Habang nakatitig doon ay gusto niyang itanong kung bakit ang tyaga-tyaga nito. Bakit sa kabila ng pagsusuplada at angil niya, nandoon pa rin ito. Nang mapatingin siya rito ay masuyo itong ngumiti sa kanya. "Sige na. Para makapagsimula ka na. Hindi na ako mangungulit sa'yo," "S-salamat..." tanging nasabi niya dahil hindi pala niya kayang isatinig iyon. Natatakot siyang makarinig ng sagot. Nang kuhanin niya iyon ay umalis na rin ito. Nasundan na lamang niya ito ng tingin at hindi niya mapigilang tanawin din ito ng puso niya. Aaminin niya, labis nitong nakanti ang senstibong parte ng puso niya kaya nanalangin siya na sana... makayanan niyang higpitan ang puso niya. Biglang tumigil sa pagtibok ang puso ni Romania ng makita ang mukha ng platero. Kahit abala ito sa paglilinis ng mahiwagang singsing ay lutang pa rin ang kaguwapuhan nito. Kailangan niyang makuha iyon para lagyan ng sumpa nang sa gayon ay tuluyan ng mawala sa mundo ng Armonia ang mangkukulam na nagmamay-ari noon... Pero paano niya magagawa iyon kung hindi niya makayanang lubayan ng tingin ang makisig na platero? Ni hindi siya makapagisip ng tuwid... muli siyang napalunok ng magsalubong ang kilay ng lalaki habang nakatitig sa singsing. Ang mga mata nito ay maiitim at matiim kung tumitig... ah... ang sarap titigan ng mga iyon... "Eeh!" Napaigtad na lamang si Ethel nang magtilian ang mga kabataan sa labas ng bakuran. Naiiritang iniwan niya ang isinusulat. Nandoon na siya sa kalagitnaan ng story niyang The Sorcerer and The Silversmith. Ilang araw na naging maganda at tahimik ang pagsusulat niya. Salamat sa lahat ng tulong ni Denim. Hindi pa sila nito nagkikita. Natutuwa din siya dahil tinupad nito ang pangako nito. Gayunman, hindi niya maiwasang hanapin ang presensya nito. Ang ngiti nito at pagbibigay ng kung anu-ano at sa huli'y pinagsasabihan niya ang sarili. Hindi siya dapat magpadala sa lahat ng iyon at tama ng minsan sa buhay niya ay nasaktan siya. Napabuntong hininga siya at nagtungo sa labas para sawayin ang ilang kabataan nang mainis siya sa nakita; si Denim ay may ibinigay na magandang kuwintas sa isang dalagita na kulang na lang ay maglulupasay sa kilig! Bigla siyang na-bad trip! Na-bad trip din siya sa naisip. Eh, ano naman kung bigyan ni Denim ito ng kuwintas? Wala na siyang pakialam pa doon pero bakit ganoon? Nagkukukot ang kalooban niya sa nakikita? "Nagising ka yata namin? Pasensya ka na," apologetic nitong saad nang makita siya nito. Napahinga siya ng malalim. Hayun na naman ang mga mata nito at napakahirap para sa kanya na sungitan ang isang taong mabait na nakikipagusap. Agad na nagsipagalisan ang mga kabataan ng tanguan ito ni Denim. "Nagsusulat ako," malamig niyang sagot dito. "Ganoon ba?" anito saka natatarangtang napahagod sa buhok. "Pasensya ka na talaga. Naiinis na naman ako tuloy sa sarili ko dahil may nagawa na naman akong hindi mo nagustuhan," anito saka napabuntong hininga. Bigla siyang namangha sa sinabi nito. Base sa sinseridad ng tono nito'y nasisiguro niyang totoo iyon at hindi niya mapigilang mamangha. Ganoon ba nito pinahahalagahan ang iisipin at mararamdaman niya? Bumilis na naman ang t***k ng puso niya at nalito na naman siya sa reaksyon ng puso niya. Bago pa mahuli ang lahat ay dapat na niyang gawan iyon ng paraan. Kundi ito madadaan sa iwas, baka sa panonopla ay pwede. Humalukipkip siya at tinitigan ito. "Bakit ba ganyan ka umasta? Ano? Gusto mong maka-score sa akin?" pambabara niya rito. Sa edad niyang iyon ay mulat siya na iyon ang maaaring habol nito sa kanya. Marami rin siyang nakilalang lalaki matapos ni Renan. Lalaking nacha-challenge lang sa kasungitan niya. Hindi malayong ganoon din ito dahil wala siyang makitang dahilan para seryosohin siya nito. Halatadong nabigla ito sa tabas ng dila niya pero gayunman, hindi naman ito mukhang galit o napahiya bagkus, tila nais nitong basahin ang nasa isip niya hanggang sa napahinga ito ng malalim. "Aaminin ko, lalaki lang ako na humahanga sa'yo... pero maniwala ka, hindi iyan ang tumatakbo sa isip ko. Alam mo kung ano?" anas nito saka marahang hinawakan ang pisngi niya at salatin ang gilid ng mata niya. Tumayo ang mga balahibo niya sa katawan. "'Yang lungkot sa mga mata mo..." Humigpit ang dibdib niya sa kapangahasan nito. Kasabay noon ay tila huminto ang pagtibok ng puso niya. Para siyang pinitpit na luya sa kaprangkahan nito. "E-excuse me..." Dali-dali na siyang pumasok sa loob at nagkandado. Damn it! It almost chokes her! Naihilamos niya ang kamay sa mukha para pahupain ang pagiinit noon. Muli siyang napaungol sa desperasyon ng maalala ang mga huling sinabi ni Denim. Para iyong sirang plakang pauulit-ulit na umaalingawngaw sa pandinig niya... NAPABUNTONG-HININGA na lamang si Denim habang pinagmasdan ang papalayong bulto ni Ethel na papalabas ng bakuran nila. Mukhang pupunta ito sa tindahan at hindi niya maiwasang hagurin ito ng tingin. Simpleng sundress ang suot nito pero lutang pa rin ang kagandahan nito. Para sa kanya, ito pa rin ang pinakamagandang babaeng nakilala niya... Una'ng kita pa lang niya rito ay agad na siyang humanga rito. Bakit naman hindi? Kakaiba ang ganda nito at mukhang foreigner. Deceiving iyon dahil mukhang hindi ito marunong magtagalog. Kapag nagsalita ito ay nakakabigla dahil matatas pala ito. May hawig ito kay Kirsten Dunst na gumanap bilang Mary Jane Watson sa pelikulang Spiderman. Tisay at ang buhok nito ay kulay brown. Big curls iyon na hanggang gitnang likuran nito na halatadong napakalambot. Ang mga mata nito ay napakaganda. Mapupungay ang mga iyon, danga't lamang ay halatado ang lungkot doon. Gusto sana niyang makipagkuwentuhan dito para magkapalagayan silang loob pero danga't lamang ay suplada ito at reserved. Mientras na umiiwas ito, mas lalong naantig ang kuryusidad niya para kilalanin ito. Gayunman, sa ilang pagtatangka niya ay halatadong ayaw siya nito. Isang bagay na nakapagtataka sa kanya dahil madali naman siyang makasundo. Sa kanilang tatlong magkakaibigan, siya ang madaling lapitan. Pero sa kabila noon, mukhang hindi nito alintana iyon. Maging ang abuela ay kaunti lang ang impormasyong nalalaman dito. Mukhang pinipili lang nito ang gustong sabihin. Bumubuwelo pa lang siya para makipagkwentuhan ay agad na itong nakakaiwas. Lalo lang tumindi ang kagustuhan niyang mapalapit dito. Desidido siya at umiisip pa ng ibang estilo. Hindi umuubra ang ngiti niya at pagaasikaso. Kadalasang sinosobrahan pa niya ang pagkaing niluluto para magkaroon siya ng pagkakataong mahatidan ito ng pagkain at makasilay na rin. Sa edad na beinte kuwatro, masasabi na niyang handa na siyang pumasok sa isang relasyon. Naipagluksa na niya ang pagkabigo dahil kay Estela. Nobya niya ito noong kolehiyo na tumangging magpakasal sa kanya matapos nilang makapasa ng board exam. Mataas ang pangarap nito at mas pinili nitong pumunta sa Dubai para sa career nito. Labis siyang nasaktan at sa huli'y wala na siyang nagawa para isalba ang relasyon nila. Umuwi siya kasama ang dalawang kaibigan. Ka-boardmate niya sina Wryle at Xavier. Kapwa mga problemado din sa buhay kaya sumama sa kanya para magpalamig pero nasarapan ng mga ito ang pagiging platero. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ang mga ito. Sa kabilang dako, iyon din ang tumulong sa kanyang makalimot hanggang sa matanggap ang lahat. Mahal niya ang negosyo nila at marahil, nasa dugo nila ang pagiging platero. Kakaiba ang nadarama niya sa tuwing nakakabuo siya ng sariling proyekto. Nakakaramdam siya ng kakaibang yabang para sa sarili. Sa ngayon ay napagusapan nila ng lola niya ang pagdagdag ng product lines nila. Nais na niyang pasukin ang gold. Naghahanap na lamang siya ng murang supplier. Sa ngayon, wala na rin siyang balita pa kay Estela at hindi na siya nagtangka pa. Naisip niyang wala ng dahilan at balewala na iyon sa kanya. Sa ngayon, iisa na lamang ang gusto niya at babae sa isip niya: si Ethel... at ang maramot nitong mga ngiti. Gusto niyang makita ang ngiti nito at nasisiguro niya, magiging lubos ang kagandahan nito. Nais niyang siya ang maging dahilan ng mga ngiti nito. Gusto niya itong lapitan at lambingin saka ito sasabihang ngumiti na dahil nandoon na siya para pasayahin ito. Alam niyang mayroong dahilan sa katigasan nito. Walang kaso sa kanya kung abutin siya ng siyam-siyam na pakinggan iyon hanggang sa gumaan ang dibdib nito. Ah... gusto niya talagang gawin iyon para rito. Pero paano? "Pare, bigyan mo kasi ng bulaklak," Napaigtad na lamang siya ng tapikin ni Wryle ang balikat niya habang tanaw ang papalayong bulto ni Ethel. Tubong-Isabela si Wryle at kasing edad niya. Natapos ito ng kursong Civil Engineering at tulad niya ay board passer din ito. Pero mas pinili muna nitong maging platero dahil may nilalayuan ito sa Isabela, si Reign. Napabuntong hininga siya. "Ginawa ko na... Sa tingin mo? Magugustuhan niya ba kahit paulit-ulit kong gawin iyon?" Natawa si Xavier at ginulo ang buhok niya. Tumabi na ito sa kanya at nakitingin na rin sa papalayong babae. Tubong-Bataan naman si Xavier at kasing edad din niya. Information Technology ang natapos nito at kaya naman ito nandoon ay may babae itong tinataguan. Madalas nila itong kantyawan dahil sa kanilang tatlo, ito ang pinakalapitin ng mga babae. "Parang humihina na ang bata natin, Wryle," ani Xavier. Natawa na rin siya at napakamot ng ulo. Aaminin niyang nauubusan siya ng moves kay Ethel pero gayunman, solido ang plano niyang hindi ito titigilan. Aba'y ngayon lang siya muli naging interesado sa isang babae at matindi pa. "Ikaw na ang pinakaromantiko sa ating tatlo, ikaw pa itong pinanghihinaan ng loob?" kantyaw ni Wryle sa kanya. "I saw you how you courted Estela. Pare, kaya mong tiisin ang isang bagay para sa taong mahal mo. Makikita rin ni Ethel 'yang effort mo," Natawa na siyang tuluyan. Tiniis kasi niya ang kurso dahil gusto niyang makasama si Estela. Saksi ang mga itong naging stick-to-one lang siya at naging matiyaga sa panunuyo. "Sa tingin ko naman kay Ethel, kaya siya ganyan, mukhang may nanakit sa kanya. 'Yung matindi dahil lahat na lang ng lalaki, hindi niya pinapansin," ani Xavier, patango-tango pa. "Mas lalo ka na dahil ikaw ang nagpapakita ng interest sa kanya." Sangayon siya rito kaya desidido siyang mas dodoblehin ang effort. Idagdag pang labis ng nabulabog ang mundo niya sa pagdating nito. Aba'y huli na para umurong pa. Sana lang ay makita nito na naiiba siya sa lalaking nanakit dito. Matindi ang nadarama niya. Aaminin niyang nagsimula iyon sa pisikal na aspeto pero habang tumatagal ay naapektuhan siya sa nakikitang kalungkutan nito at pagiisa. Hindi rin siya matahimik hangga't hindi ito nasisilayan. Kahit isang minuto lang, kahit sa malayo lang at kahit hindi na siya nito ngitian, kuntento na siya. May dalang kakaibang ligaya ito sa puso niya. Minsan, kapag hindi ito nakatingin ay nananalangin din siyang may maalala ito, tipong magandang alaala na makapagpapangiti rito. Pero wala. Lagi itong nagiisip ng malalim. Marahil ay dahil sa propesyon nito. Nalaman niya buhat sa abuela na isa itong writer. Gusto pa man din niyang malaman ang pen name nito para mabasa niya ang libro nito. Kahit ano pang genre iyon ay siguradong magugustuhan niya. Mahilig din naman siyang magbasa. Danga't lamang ay wala na siyang pagkakataon dahil abala na rin siya sa shop. Nitong huli ay hindi na niya nadugtungan ang huling series na binasa. Fantasy iyon na sinulat ni E.W. Vizz. Ito ang nagsulat ng The Cursed Mark and the Hunters, The Black Saint and the Sealed Armonia, The Last Heir at ang pangapat na The Fourth Hunter's Wrath. Tungkol iyon sa sumpa, kakaibang elemento ng mundo at mahika. Maganda ang pagkakasulat noon at sadyang nakakabilib. "Bakit ba hindi mo ibigay ang 'hundred rings of silver'?" ani Wryle. Gusto niyang batukan ang sarili. Bakit hindi niya naisip 'yon? Napangiti na siyang tuluyan at magaan ang loob na pumasok sa shop. Hinanda niya ang lahat ng kailangan para gawin iyon. Isa iyong kuwintas na may maliliit na singsing na siyang pendant nito. Mabusisi ang pagawa noon at kailangan ng magaan, pino at ubod ingat sa paglipit dahil sadyang maninipis lang ang singsing. At habang ginagawa iyon ay walang laman ang isip niya kundi si Ethel. Sana'y magustuhan niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD