"ETHEL, HALIKA'T maghapunan tayo sa harapan ng shop. Birthday ni Wryle at may kaunting salu-salo..." ani Lola Constancia kay Ethel nang pagbuksan niya ito ng pinto. Napahinga na lamang siya ng malalim at tumango. Nahihiya siya sa matanda dahil sinadya pa siya roon para tawagin. Bibilisan na lamang niyang kumain para hindi makaporma si Denim sa kanya.
Ngayon pa lang sila nito muling magkikita. Katatapos lang niya ang isinusulat at naghihintay na lamang ng feedback mula sa editor niya. Sa ngayon ay ang book six naman niya ang pinagiisipang maigi ang concept.
Ilang sandali pa ay nagtungo sila sa shop. Nasa labas noon ang mahabang mesa na punung-puno ng pagkain. Tahimik lang siyang tumabi kay Lola Constancia. Lihim niyang iginala ang paningin dahil hindi niya mamataan si Denim.
"Si Denim ho?" mahinang tanong niya sa matanda ng hindi makatiis. Nasanay na siya na sa paglabas ng bahay ay agad itong makikita. Naku! Nami-miss mo lang ang mokong, eh... tudyo ng isip niya at napailing siya. Inignora na lamang niya ang nararamdaman.
"Naks! Hinahanap... d'yan nagsisimula 'yan," tudyo ni Xavier at ngising-ngisi ito.
Namula ang buo niyang mukha. Ang tindi nito. Palibhasa'y katabi niya kaya siguro dinig din nito ang sinabi niya. Natawa naman si Lola Constancia, hiyang-hiya tuloy siya rito at para pagtakpan ang lahat ay hindi na lamang niya ito pinansin.
"Paparating na si Denim. Nag-deliver lang 'yon sa Baguio," ani Wryle na bagaman hindi naman nakangiti ay mukhang sumasayaw naman sa kislap ng kalokohan ang mga mata nito. Gayunman, hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakadama siya ng bahagyang dismaya. Napailing na lamang siya sa sarili.
Inawat na ang mga ito ng matanda. Itinuon na lamang niya ang dismaya sa pagkain at binilisan. Nang matapos siya ay agad siyang nagpaalam at umuwi. Nagayos na rin siya ng sarili. Naghanda na siyang matulog ng may kumatok sa pinto. Nang sinuhin niya iyon ay tumalon ang puso niya.
"Kumain ka na?" ani Denim na hinihingal.
"Oo... b-bakit parang pagod na pagod ka? Okay ka lang?" takang tanong niya rito at hindi niya maiwasang magalala dahil mukhang haggard pa ito. Gayunman, simpatiko pa rin ito sa paningin niya. Napakunot na lamang ang noo niya dahil mukhang nabigla ito. "B-bakit ganyan ka makatingin?"
Doon kumislap ang mga mata nito. "Hindi ako makapaniwala na concern ka rin sa akin..." anito at hindi na nito mapigilang ngumiti. "Nasiraan ako d'yan sa may sementeryo pero okay naman ako..." dagdag na paliwanag nito.
Naginit ang pisngi niya. Ang tibay nito. Pati iyon ay naobserbahan pa nito? Umismid siya para itago ang pagkapahiya. "Tuwang-tuwa ka naman,"
"S'yempre naman. Unang pagkakataon ito at siguradong hindi ko 'to makakalimutan," anitong ngiting-ngiti.
Ayaw man niyang aminin pero lumobo ang puso niya. Ano ba ang lalaking ito? Kayang-kaya nitong baliwin ang puso niya! Hindi tuloy niya maiwasang matuwa sa nakikitang appreciation nito.
"May dala akong cake para sa'yo. Iniwan ko na sa mesa para may makasabay naman akong kumain. Tara?"
Napahagod siya sa noo. Bigla siyang namoroblema. Natamaan na naman siya dahil bumili pa ito ng pasalubong? Pakiramdam niya ay malapit na... kaunti na lang ay lulubog na siya. At dahil sa damdaming iyon ay tigas ang iling niya rito.
Unting-unting nawala ang masiglang awra nito hanggang sa malungkot na tumango. "Pasensya ka na. Mukhang naiistorbo na talaga kita..." anito saka malungkot na lumayo.
"S-sandali..."
Lintik! Hindi niya kayang tagalan ang malungkot nitong mga mata. Pakiramdam niya ay ang sama-sama niya. Napabuntong hininga siya at isinara ang pinto. "Kaunti lang ang kakainin ko dahil kumain naman na ako. Okay?"
Mukhang nabigla ito hanggang sa tila natutureteng inalalayan siya nitong lumabas ng terrace. Hindi tuloy niya napigilang lihim na mapangiti sa nakikitang pagkaturete nito.
Muli silang bumalik sa kasiyahan. Hindi na lamang niya pinansin ang mga makahulugang tinginan ng mga kalalakihan doon. Inasikaso siya nito at hindi na siya nakatanggi ng dagdagan pa nito ang pagkain niya. Tuloy ay napa-round two siya ng wala sa oras.
"Bagay kayo," komento ni Wryle at parang batang nagsikuhan ang mga ito at si Xavier. Mukhang tuwang-tuwa ang dalawang kumag.
"Kayo talaga... baka mailang si Ethel sa akin," ani Denim at nginitian siya.
"Kung maiilang siya, ibig lang sabihin, nadadala rin siya at may nararamdaman," kantyaw ni Xavier at napasinghap siya. Bumilis ang t***k ng puso niya. Tinamaan siya roon at tama ito. Kinakabahang nagiwas siya ng tingin dahil natatakot siyang mabasa ng mga ito ang nadarama niya.
Aminado siyang nabubuwag sa kabaitan nito at pagtitiyaga kaya nga siya nandoon. Dumating na sa puntong hindi niya ito matiis. Gayunman, muli ring niyang naalala ang masasaklap na pinagdaanan. Ayaw na niyang maulit ang three pains. Hindi na niya makakayanan ang pang-apat...
"Mauuna na ako,"
Hindi na niya hinintay na sumagot si Denim at agad na siyang umuwi. Bago pa niya mailapat ang pinto ay agad nang naiharang ni Denim ang kamay at napaungol siya sa desperasyon.
"Ano ba?" naiiritang angil niya para maitaboy ito.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" alalang tanong nito at tinabig niya ang kamay nito ng akma siya nitong sasalatin sa noo. Mukhang nabigla ito sa inasta niya. Maging siya ay nabigla din. "Nagaalala lang ako, Ethel," concern nitong paliwanag.
Na-touch siya sa nakitang concern nito kaya lalo siyang nahirapan. Napabuga siya ng hangin para pahupain ang puso. "Kaya kong mag-isa at alagaan ang sarili ko. Makakaalis ka na,"
"Pasensya ka na pero hindi ko p'wedeng gawin 'yang gusto mo,"
Napantastikuhang napatitig siya rito. "At bakit hindi?" naiiritang tanong niya ng makabawi.
"Ethel, gusto kong malaman mo na gusto kitang ligawan ng pormal. Pero kundi ka handa sa ganito, maghihintay ako. Hindi kita mamadaliin," buong sinseridad na saad nito.
Naginit ang mga mata niya ng ilagay nito sa mga kamay niya ang isang itim na pahabang velvet small box. Nang buksan niya iyon ay kumabog ang puso niya. Isang simple pero eleganteng kuwintas ang laman noon. "A-anong—"
"Ginawa ko ito para sa'yo..." anitong punung-puno ng pagsuyo ang mga mata. "Ito ang magpapaalala sa'yo na hindi ako mapapagod na maghihintay sa'yo. Gaya ng kuwintas na ito na hindi basta-basta ginagawa, dinadaan ito sa tiyaga at pagiingat. Ganoon din ang gagawin kong paghihintay sa'yo at handa na akong tanggapin ang anumang kalalabasan ng ginawa kong pagtatapat sa'yo,"
Tunaw na tunaw ang puso niya sa inilahad nito. Wala pang lalaking gumawa sa kanya ng ganoon. Namasa ang mga mata niya habang nakatitig sa kuwintas. Uminit ang puso niya nang kintalan siya nito ng halik sa noo bago nito nilisan ang lugar. Doon siya tila nagising siya sa isang panaginip. Agad niya itong sinilip sa bintana pero wala na ito.
Nanghihinang napasandal siya, tutop ang nagwawalang dibdib. Labis siyang nadala dahil sa kaalamang gumawa ito ng ganoon kuwintas... na handa itong maghintay...
Ilang beses niyang hinamig ang sarili dahil hindi pa rin siya makahuma. Gayunman, nahulog siya sa malalim na pagiisip. Nakakatunaw ang lalaki sa lahat ng aspeto at isang malaking problema iyon. Doon niya napagtanto na may kakayahan ang lalaking lumikha ng sariling daan nito para makapasok ito sa puso niya kahit na anong kapal ng depenseng nilikha niya at natakot siya sa natuklasan...
Nang makita ni Ethel si Denim na papalapit ay mabilis niyang kinandado ang pinto at umastang hindi ito nakita. Ilang beses na niyang napatunayan na epektibo ang style niyang iyon kaya umaasa siyang hindi na ito lalapit pa sa kanya.
Ang dapat niyang pagtuunan ng pansin ay kung paano ito patitigilin sa pagpapadala ng bulaklak at cards sa kanya. Wala pa rin kasi itong tigil at nadagdagan pa iyon ng mga singsing na gawa sa silver na sakto sa kanya. Araw-araw, iba-iba ang disenyo kaya hayun ang puso niya, hindi maawat sa pagsikdo. Aba'y sadyang kakaiba ang disenyo at totoong nagustuhan niya. Mayroon din itong ibinigay na initial niya at kakaiba ang letra noon. Mas tumindi pa talaga ang effort nito matapos ang huli nilang paguusap.
"Ethel,"
Nagmadali siyang naglakad palayo hanggang sa naabutan siya nito sa pila ng tricycle. Bumilis ang t***k ng kanyang puso nang tabihan siya nito sa loob. Amoy na amoy niya ito at hindi niya maiwasang hangaan ang bango nitong tila kumikiliti sa imahinasyon niya at ilang beses na hinanap ng ilong niya. "Nagmamadali ako at may pupuntahan ako. Ano ba ang sasabihin mo at mukhang hindi ka makapaghintay?" mataray niyang sita rito dahil naiirita na naman siya sa nadarama.
"Sasamahan na sana kita. Wala namang masyadong trabaho sa shop. Saan ba ang punta mo?" anito na tila hindi naapektuhan sa pagtataray niya.
"Mamalengke lang ako. Wala ka naman palang sasabihing importante..." napabuga siya ng hangin at bahagya itong siniko. "Sige na at nagmamadali ako. Kaya ko ng mag-isa." aniya kay Denim na matamang nakatingin na pala sa kanya.
Nagiwas siya ng tingin at tumikhim. Nanikip na naman ang dibdib niya dahil sa mga mata nito hanggang sa naiinis na siyang tuluyan. Namomoroblema na nga siya sa damdamin. Idadaan pa siya sa titig! "Ano ba? Titingin ka pa sa akin. Sige na, labas na,"
Hindi ito umimik hanggang sa napuno na ang tricycle. Padarag siyang sumandal at tumahimik na lamang. Agad na silang nagpunta sa palengke at nagmamadali na siyang namili. Matiyaga siya nitong sinusundan at alisto din ito sa pagbubuhat. Mukhang kilala pa nito ang lahat ng nagtitinda kaya malaki ang nakukuha nilang tawad hanggang sa naubusan na siya ng pasensya rito. Labis na kasi siyang naapektuhan sa lahat ng iyon. Nang matapat sila sa lugar na hindi ganoon karaming tao ay pinigilan niya ito sa siko.
"Umuwi ka na. Hindi ko na kaya itong mga ginagawa mo,"
"Gusto lang naman kitang tulungan, Ethel," anito at napatingin sa malayo. Tuluyan nang naalis ang masayang awra nito saka napabuntong hininga.
"Hindi ko kailangan ang tulong mo!" mariing saad niya.
"Ethel naman—"
"Nakukulitan na ako sa'yo, sa totoo lang. Kaya kong mabuhay ng mag-isa. Maski ikaw, hindi kita kailangan!" asik niya rito at nang maisip niyang masyadong marahas ang pagkakasabi niya ay bigla siyang natigilan.
Tuluyan ng nagdilim ang mukha ni Denim at napuno ng hinanakit ang mga mata nito. Biglang-bigla, parang gusto niyang bawiin ang lahat, hawakan ang balikat nito at sabihan ng sorry. Pero ang lahat ng iyon ay tiniis niya para lumayo ito sa kanya at nangyari nga. Saglit lang itong tumingin sa kanya at galit na umalis. Parang may sumipa sa sikmura niya habang pinagmamasdan itong papalayo sa kanya.
May nagbubulong sa kanya na habulin ito pero tila napako na siya sa kinatatayuan hanggang sa tila sinakal ang puso niya nang pumihit ito at binalikan siya. Walang kibo nitong kinuha ang mga dala niya. Lalo siyang nakunsensya dahil sa kabila ng ginawa niya, binalikan pa rin siya nito upang tulungan. Naging gentleman pa rin ito. Tahimik lang ito sa tabi niya at hinayaan na lamang siyang namili.
Nang umuwi sila ay hindi pa rin ito umiimik. Ganoon pala ito kapag na-bad trip. Halatadong mainit pa rin ang ulo nito. Hindi niya ito masisisi kung bakit. Nang ilapag nito ang mga pinamili niya sa mesa ay saglit lang siya nitong tinapunan ng tingin at tinanguan.
Bigla niya itong hinawakan sa braso ng tumalikod ito. Nang tumingin ito sa kanya at hinintay ang sasabihin niya ay naturete siya.
Nang wala siyang masabi ay bumuntong hininga lamang ito saka tuluyang umalis. Nanghihinang napasandal na lamang siya at labis siyang nagtaka kung bakit gayun na lamang siya kung maapektuhan. Nakilala niya kasi itong napakabait na tao kaya hindi siya sanay na makitang masama ang loob nito sa kanya.
Hindi siya makatulog ng gabing iyon dahil binabagabag siya. Napahinga siya ng malalim. Tahimik siyang nagdasal na huwag naman sanang makasira iyon ng kalooban nito. Muli siyang napaungol ng maalala ang guwapong mukha ni Denim na punung-puno ng hinanakit sa kanya...