-ALFRED MILYONES-
Nang makita kong gising na si Angelica ay agad akong tumayo at lumapit sa kanya.
"Princess, okay ka lang ba? May masakit ba sa’yo? Nagugutom ka ba?" sunod-sunod na tanong ko.
"Alfred, tumawag ka muna ng doktor." utos sa akin ng asawa ko.
Agad-agad akong nagtatakbo palabas at hinanap ang doktor na nakatoka sa anak ko. Nang makita ko siya ay sinabi ko agad ang nangyari. Nagtawag siya ng isang nars, saka kami naglakad pabalik sa kuwarto. Dumiretso ang doktor sa harap ni Angelica na kasalukuyang nakaupo saka ito nagtanong. Kinabahan ako bigla.
"Good morning! Ako nga pala si Doctor Karl Velasco! Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sayo?"
"Okay naman po. Wala pong masakit sa akin."
"Okay. Alam mo ba kung bakit ka nandito sa ospital?"
"... Hindi ko po alam," sagot ni Angelica sabay tingin sa amin.
"Ano ang huli mong naaalala?"
"Nang dumating si Papa, pero hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari---" Bigla siyang sumigaw sa sakit habang nakahawak sa kaniyang ulo.
"Okay ka lang ba, Princess?" nag-aalalang tanong ko.
"Sumakit po bigla ang ulo ko. Bakit wala na po akong maalala pagkatapos mo pong dumating, Papa?" nagtatakang tanong ni Angelica.
"Anak, nagugutom ka ba? Kumain ka na muna. Mamaya na namin sayo sasabihin. Okay?" wika ng asawa ko.
Pagkatapos magtanong ay tiningnan ng doktor kung maayos na talaga ito saka ako inayang mag-usap sa kaniyang opisina. Sumulyap ako saglit sa mag-ina ko bago ako lumabas.
May hinala na ako sa posibleng sasabihin ng doktor, pero hindi ko pa rin mapigilang hindi kabahan. Nang makarating sa opisina ay agad kaming nag-usap.
"Mr. Milyones, may ilan lamang akong mga katanungan bago ko sabihin ang kalagayan ng anak mo."
"Ano po 'yon, Dok?" kinakabahang tanong ko.
"Anong araw ang tinutukoy ni Angelica na dumating ka?"
"July 10. Isang buwan na ang nakalipas."
"May nangyari bang hindi maganda bago mangyari ang aksidente?"
"Mayroon..."
Tumango-tango ang doktor na animo'y alam na niya ang sagot. Humarap ito sa akin, saka nagsalita.
"Mayroon siyang amnesia. Retrograde Amnesia, kung saan nakalimutan niya ang mga alaala niya nitong nakaraang buwan. Sa tingin ko'y piniling kalimutan ng anak mo ang mga masasakit na nangyari sa kaniya. Pero huwag kayong mag-alala babalik din ang mga nawalang alaala niya. Hindi pa nga lang sigurado kung kailan. Pwedeng bukas, sa isang buwan o sa isang taon. Tulungan ninyo siyang makaalala, ngunit huwag ninyong pipilitin."
"... Na-Naiintindihan ko po. Salamat, Dok!"
"Titingnan ko ulit siya mamaya, para masigurong wala nang magiging problema."
"Okay, Dok. Salamat ulit!"
Nakatulalang lumabas ako sa opisina ng doktor. Napaisip ako. Sa palagay ko ay mas mabuti nang wala siyang maalala, kaysa masaktan na naman siya. Sa pagkakataong ito ay hindi ko na hahayaang makalapit pa ang baliw na 'yon sa anak ko.
Nagulat ako nang may biglang umakbay sa akin. Hinila ako nito sa tagong lugar ng ospital. Lumingon ako at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino ito. Nakangisi itong nakatingin sa akin.
"How are you, Mr. Milyones? Did you miss me?"
"Lubayan mo na kami, William. Tama na ang mga pasakit na binigay mo sa anak ko. Ako na lang. Ako naman ang may utang sayo," seryosong wika ko.
"I don't need you. Si Angelica ang kailangan ko at siya ang kabayaran sa mga utang mo."
"Hindi! Hindi! Tigilan mo na kami! Baliw ka! Hindi mo makukuha ang anak ko!" Lalo niyang diniinan ang pagkakaakbay sa akin. Naramdaman ko na lang na may nakatutok na baril sa tagiliran ko. Nanigas ako sa kinatatayuan ko.
"Masyado ka nang sagabal. Paano kaya kung iputok ko na lang 'to sa’yo? Para tuluyan ka nang manahimik." nakakikilabot na bulong niya.
"Patayin mo na ako pero hinding-hindi mo makukuha ang anak ko!" matigas na sabi ko.
"Are you sure? Tandaan mo, pagnamatay ka ay madali na para sa aki'ng kunin siya. 'Wag kang mag-alala, isusunod ko agad ang asawa mo para hindi ka malungkot."
"H*y*p ka! D*m*ny* ka!"
"Matagal na Mr. Milyones. Matagal na. "
Sa galit ko ay nakipag-agawan ako ng baril sa kaniya. Makukuha ko na sana ito nang malakas niya akong suntukin sa sikmura. Nanlambot ako at napaupo sa sahig. Itinapat niya ang baril sa noo ko.
"Tsk! Tsk! Tsk! Masyado mong pinapainit ang ulo ko, Mr. Milyones! Nauubos ang oras ko! Any last message?"
"One... Two... Three..."
"NO! Alfred!" malakas na sigaw ng asawa ko. Napatingin ako sa kaniya. Bakit siya nandito? Baka patayin din siya ng d*m*nyong 'to!
"Huwag, William! Please! Gagawin ko kung anong gusto mo! Huwag mo lang patayin ang asawa ko!" nagmamakaawang wika niya.
"Quinie! Ano ba'ng sinasabi mo?! Alam mo naman kung ano ang gusto niya at hindi ako papayag doon!" Hindi niya ako pinansin at lumuhod siya sa harapan ni William.
"William, please!"
Ang sakit! Ang sakit makita na ang asawa mo ay nagmamakaawang nakaluhod para sa walang kwentang katulad ko! Bakit?! Bakit ganito ang nararanasan namin?! Bakit?!
"Madali naman akong kausap, Mrs. Milyones. Bubuhayin ko kayo ngayon pero oras na may gawin kayong mali... BOOM! Be good to me, Mr. and Mrs. Milyones. Don't forget, I am RED. Ang kababata ni Angelica. Ako lang, wala ng iba." Pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon ay umalis na siya.
"Alfred! Okay ka lang ba? Nasaktan ka ba?"
"Bakit mo ginawa 'yon?! Paano na ang anak natin?!" galit na tanong ko. Nagulat ako nang sampalin niya ako.
"T*nga ka ba?! Kapag namatay ka hindi mo na kami mapoprotektahan! Paano na kami?! Paano na kami?!" umiiyak na wika niya.
Nagising ako sa katotohanan. T*nga nga ako! Niyakap ko siya at hinagod ang likod.
"Lalaban tayo. Poprotektahan natin si Angelica. Walang iwanan."
Pagkatapos naming ayusin ang mga sarili namin ay naglakad na kami pabalik sa kuwarto ni Angelica. Pagbukas namin ng pinto ay nagulat kami sa nadatnan. Nagkatinginan kami ng asawa ko.
Si Angelica, seryosong kausap si William. Napatingin sa amin sina Angelica at William.
"Mama, Papa, bumalik na po pala si Red? Ano po ba'ng nangyari? Bakit hindi ko po maalala?" seryosong tanong niya sa amin.
"Anak, kahapon kasi---"
"Tito, tita, ako na po ang magpapaliwanag kay Mitchy!" nakangiting wika ni William.
"Sina Mama at Papa ang gusto kong makausap. Bukas na lang tayo mag-usap Red," mariing sabi ni Angelica.
"Naiintindihan ko! Magkita na lang tayo bukas, Mitchy ko!" malumanay na wika nito.
Lumakad ito papunta sa amin at bumulong. 'Huwag na huwag kayong magkakamali. Pinanonood ko ang lahat nang galaw ninyo. Be careful.'
"Mauna na po ako, Tito at Tita! Alagaan ninyo po si Mitchy!"