Kinabukasan, maagang nagising si Aliah. Pero mas maaga pa palang nagising si Yuri sa kanya dahil nakita niya itong nakatayo ‘di kalayuan sa kubo nila. Nang ganap na siyang makatayo, doon lang niya napagtanto na siya pala ang pinakahuling nagising. Wala na rin kasi sa kinahihigaan ng mga ito sina MJ at ang dalagang hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam ang pangalan.
Lumapit siya kay Yuri. “Good morning,” bati niya rito.
Paglingon ng binata ay nakita niya ang kaseryosohan sa mukha nito. Kahit siguro sinong magaling na pintor ay mahihirapan itong iguhit dahil sa pagkakakunot ng noo nito.
“Are you okay? Nasaan na nga pala sila?” tanong niya na ang tinutukoy ay ang dalawa pa nilang kasama.
“Wala na si Frances, ‘yong babaeng tinulungan natin kahapon. While we were sleeping, she had a miscarriage at maraming dugo ang nawala sa kanya. Pagkagising ko kanina ay isa na siyang malamig na bangkay.”
Napatakip siya sa bibig dahil sa sinapit ng dalaga.
“Inilibing na namin siya kanina. Hindi ka na namin hinintay magising dahil baka hindi mo rin masikmura ang hitsura niya.”
For a moment ay nanatili siyang tahimik. Bigla ay nakaramdam siya ng takot. Kung nangyari ang bagay na iyon kay Frances, hindi imposibleng maulit iyon sa isa sa kanilang tatlo. Maaaring bukas o sa susunod pang bukas ay may malagas ulit sa kanila.
Napansin marahil ni Yuri ang takot niya kaya naramdaman na lang niyang kinabig siya nito palapit sa sarili at saka marahang niyakap.
“Huwag kang matakot. Hangga’t nandito ako, walang mangyayaring masama sa’yo,” pag-a-assure ng binata sa kanya. At hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang tiwala niya rito na hindi nga siya nito papabayaan.
“Halika at maghanap tayo ng pwede nating kainin. Baka mamaya pa bumalik si MJ. Nagpaalam siya na gagalugarin niya ang iba pang sulok ng isla at baka may iba pang mga pasahero na napadpad dito.”
Bagaman bahagya pang nanlalambot ang mga tuhod niya dahil sa natuklasang pagkasawi ni Frances, wala siyang nagawa kundi ang magpatianod kay Yuri.
Pumasok sila sa masukal na damuhan at naglakad nang naglakad hanggang sa marating nila ang tila patag kung saan mayroong maraming puno ng prutas. Samu’t-saring prutas ang nakikita niya na isa-isa niyang nilapitan at pumitas ng tig-iilang piraso.
Nang makita ni Yuri na nahihirapan na siyang bitbitin ang mga napitas niyang prutas ay lumapit ito sa kanya. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang maghubad ito ng damit. “Dito na natin ilagay para hindi ka na mahirapan,” anang binata na tila komportableng komportable sa kahubdan nito.
Nagkunwari siyang wala lang sa kanya kung nakahubad man ang binata. Bumalik siya sa pamimitas ng mga prutas at nang makontento ay niyaya na niya ito na bumalik na sa silungan nila.
At dahil nauunang maglakad ang binata ay nagkaroon siya ng pagkakataong pagmasdan ang umbok nito sa likuran. Dati naman ay simpleng “puwit” lang ang tingin niya sa pang-upo ng katawan ng mga lalaki.
Pero bakit ngayon ay naia-associate na niya ang salitang “sexy” sa puwit ni Yuri? Ganoon niya mailalarawan ang tanawing nakikita niya sa kasalukuyan.
Napangiti siya dahil sa naisip. Noon naman biglang lumingon sa kanya si Yuri.
“Napapangiti ka yatang mag-isa?”
Sigurado siyang nag-blush siya dahil sa tanong nito. Sana naman ay hindi ito mind-reader dahil kung nagkataon ay talagang nakakahiya kapag nalaman nitong pinagnanasaan niya ito at nase-sexy-han siya sa pang-upo nito.
“Wala, may naalala lang ako,” sagot niya at nagpatiuna na sa paglalakad. Mabilis ang mga hakbang niya dahil baka puwit naman niya ngayon ang ini-scrutinize ng binata.
‘Langya! Hahaha!
* * * * *
PANGATLONG ARAW nina Yuri sa isla nang magpaalam ulit si MJ na mag-iikot-ikot ito sa isla. Sa kanilang tatlo ay si MJ ang madalas na lumalayo. Hindi lang nila alam kung saan ito nagpupupunta.
“Pwede ko bang mahiram ang kutsilyo mo, p’re? May nakita kasi akong pinya kahapon doon sa pinuntahan ko. Nakakasawa na rin kasi na puro na lang saging o kaya ay mangga ang kinakain natin,” pagpapaalam ni MJ.
At dahil likas naman kay Yuri ang pagtitiwala ay hindi siya nag-atubiling ipahiram dito ang kutsilyo niya. “Basta bumalik ka na lang agad bago magdilim. At kung may makikita ka pang ibang pwede nating makain, magdala ka na lang din, p’re.”
“Sige.”
At umalis na nga si MJ dala ang kutsilyong ipinahiram niya rito. Pero papakagat na ang dilim ay hindi pa rin ito bumabalik. Dapat ay kanina pa ito nakabalik dahil kadalasan naman ay alas-singko pa lang ng hapon ay nakakabalik na ito sa silungan nila.
“Baka may nangyari nang masama sa kanya,” nag-aalalang sabi ni Aliah.
“Huwag kang mag-isip ng ganyan. Baka paparating na rin ang isang ‘yon.”
Pero tuluyan nang gumabi ay hindi pa rin nakakabalik si MJ. “Baka nagkandaligaw-ligaw siya pabalik dito,” sabi niya sa mahinang boses. “Pero imposible. Lagi naman siyang umaalis at lagi rin niyang natutunton ang daan pabalik dito.”
Napatingin ang dalaga sa kanya at saka nagsalita. Parang nabasa nito ang nasa isip niya. “Unless wala na nga talaga siyang balak na bumalik.”
At naisip niyang hindi iyon imposible. Maaaring kumuha lang ng tamang tyempo si MJ para mahiram ang kutsilyo sa kanya. Pero ang totoo ay wala na talaga itong balak na bumalik.
Nang gabing iyon ay pinaghatian nina Aliah at Yuri ang mga natirang prutas na pinitas nila kahapon. Bago sila humiga ay ginatungan pa ulit ni Yuri ang apoy nila para hindi iyon mamatay kahit makatulog na sila.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay humiga sina Yuri at Aliah na may espasyo sa pagitan nila. Kung kailan naman silang dalawa na lang ang nasa kubo ay saka naman nagkaroon ng ‘di maipaliwanag na ilangan sa pagitan nila.
“Yuri?” maya-mayang dinig ng binata na tawag ng dalaga sa kanya.
“Hmm?”
“Sa tingin mo, babalik pa kaya si MJ?”
“Actually, hindi rin ako sigurado. Sa nakalipas na tatlong araw, hindi ko pa rin lubusang kilala si MJ. Hindi ko alam kung ano ang itinatakbo ng isip niya.”
Naramdaman niyang pumihit paharap sa kanya ang dalaga.
“Yuri?” tawag ulit nito sa kanya. Parang may kung ano sa paraan ng pagbigkas ng dalaga sa pangalan niya na humahaplos sa kaibuturan ng puso niya.
“Hmm?”
“Yuri, giniginaw ako.”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong umusog siya palapit sa dalaga at saka ito ikinulong sa mga bisig niya. “Nilalamig ka pa rin ba?” tanong niya.
“Hindi na masyado,” sagot ng dalaga na lalo namang isiniksik ang ulo sa dibdib niya. “Yuri, may napansin lang ako…”
“Ano ‘yon?”
“Sa tuwing katabi kitang matulog, hindi ako nananaginip ng masama. Simula nang mapadpad tayo rito sa isla, ni minsan ay hindi pa ako dinalaw ulit ng mga masasamang panaginip ko. Bakit kaya? May power ka bang i-filter ang bad dreams ko?” natatawang tanong ni Aliah.
Hindi niya sinagot ang tanong ng dalaga kahit na alam niya ang sagot doon. Hinayaan na lang niyang isipin nito na nakatulugan niya ang tanong nito.
Pero bago siya tuluyang talunin ng antok ay naramdaman pa niya nang dampian siya ng halik ng dalaga sa leeg. “Goodnight, Yuri…”
At dahil sa halik na iyon ay nakatulog siya ng mahimbing.