CHAPTER 6 - Tindahan sa Harapan ng Bahay

1086 Words
Tindahan sa harapan ng bahay BAKASYON na naman. Naglalaro sina Boboy at Neneng kasama ng ilang batang nakatira sa looban. Palibhasa ay malapit sa kalsada ang bahay nila, naisipan niyang maglagay ng maliit na mesa sa harapan at nagtinda ng barbeque. Sa umaga ay sumasama siya sa paglalako at sa hapon naman ay nagtitinda siya ng mga iniihaw. Katuwang nya ang mga kapatid. Kahit mga bata pa, tinuturuan na niya ang mga ito na maging masipag at matiyaga. Binibigyan niya ng tag sampung piso ang mga kapatid t'wing nagtitinda sila. Ang iba ay pambili ng magugustuhan at ang natitira ay hinuhulog ng mga ito sa alkansyang kawayan na ginawa ni Jeffrey para sa kanila. Nasisiyahan silang pinanonood ni Aling Onor habang inaangat ang kani-kanyang alkansya na parang tinitimbang. "Napakaswerte ko sa mga anak." mahina niyang nasabi. Nakita niyang nililigpit na ng panganay na anak ang mesa ng paninda. Nilapitan niya ito at pinunasan ang pawis na pawis nitong mukha. "Pagod na pagod ang panganay ko, a." Biro niya. "Hindi, nay. Okey na okey lang ako." Nakangiti nitong sagot. "Malaki ang tinubo natin ngayon, nay. Naka dalawang hango kami." Taas noo nitong sabi. "Ang galing talaga ng anak ko. Bisnes wuman na talaga." Naglalambing ang tonong ginamit niyang pamumuri. Sa ganoong paraan man lang ay mabawasan ang pagod ng napaka sipag niyang anak. Tinulungan na niya ito sa pag liligpit. Kung ang basehan ng yaman ay ang pagkakaroon ng mabuting anak, walang pasubaling isa siya sa pinaka mayaman dahil bukod sa panganay, may tatlo pa siyang anak na sa kabila ng murang edad ay natutunan agad ang pagiging masinop at masikap. Wala na siyang mahihiling pa kung mga anak ang pag-uusapan. Bukod sa magagalang at masunurin, mapagmahal ang mga ito at maalalahanin. Kahit kanino ay maipagmamalaki niya ang mga ito. Isa man sa mga ito'y hindi nagbibigay ng sakit ng ulo. Masigla silang pumanhik sa bahay pagkatapos makapagligpit. Napangiti siyang muli. Ang paghanga sa mga anak na responsable at maaasahan ay patuloy na nadaragdagan. Nadatnan nilang naghahain na ng hapunan si Ana. Hindi na kailangang sabihan. Nagagawa na nitong umako ng mga gawain upang makatulong sa kanila. Habang nagtatagal ay lumalakas ang benta ni Adela ng barbeque. Nakaka tatlong hango na siya kapag ordinaryong araw at lima kapag sabado at linggo. Nagdagdag pa siya ng tindang halo-halo kaya pati si Jeffrey ay tumutulong na rin. Masaya siya kahit maghapong pagod. Malaki-laki na ang naiipon niya. Madadagdagan pa iyon dahil sa pasukan ay buwan-buwan pa siyang makakakuha ng allowance mula sa Mayor. Mahaba-haba pa ang pagkakataon upang makapag-ipon ng perang gagamitin sa kolehiyo. "Kung mag-aaral akong mabuti at magkakaroon ng medalya ay baka mapasama pa rin ako sa mga scholar ni Mayor hanggang kolehiyo." Positibo niyang sabi sa sarili. Naniniwala siyang kaya niya, kakayanin niya. Maaabot niya ang mga pangarap hindi lang para sa sarili kung 'di para sa nanay niya at mga kapatid. Magsisikap siyang makapagtapos upang magkaroon ng maayos at maipagmamalaking trabaho. Kapag nakaipon na siya ay pagagawan niya ng maganda at malaking bahay ang ina. May tig-iisang kwarto ang mga kapatid niya. Pag-aaralin niya ang mga ito hanggang makatapos. Hindi na maglalako sa kalsada ang nanay nila. Maglalagay na lang sila ng tindahan na ang mga magulang ang mamahala. Magkakasama nang lagi ang nanay ang tatay nila. Magtitinda ang mga ito upang malibang, upang may masabing sariling pera upang kung may magugustuhan ay may maipambibili, at hindi upang buhayin sila. Siya ang magsisimula. Papatirin niya ang tanikala ng kahirapan. Kung makapagtatapos silang lahat at magkakaroon ng magandang hanapbuhay ay giginhawa na sila. Magkakaroon man ng sariling mga pamilya ay hindi na magdaranas ng kahirapan ang mga anak nila gaya ng dinaranas nila. Mababago na ang takbo ng kanilang buhay, ang kanilang kapalaran. Iyon ang pangarap niya. Pangarap para sa pamilya. Nangiti siya sa malayong narating ng isip niya. "Hindi naman bawal ang mangarap. Wala namang bayad." Natatawa nyang naisip. Nakatulog siyang nakangiti. PASUKAN. May mga bago silang uniform na magkakapatid. Pati mga bag at sapatos ay puro bago rin. Malayo pa lang ang pasukan ay kumpleto na ang mga gamit nila, at dahil nanalo ay tatay nila sa sugal ay hindi na lumang sapatos ang suot nila. Hindi niya man gusto ang paraan ng ama sa pagkita ng pera ay 'di niya napigilang mangiti. Excited na kasi sa pagpasok ang mga kapatid niya. Pang-umaga sila ni Neneng at sina Ana at Boboy ay pang hapon naman. Walang minuto na nasasayang sa bawa't galaw niya, palibhasa ay sanay na. Una siyang umaalis dahil lalakarin lang niya papunta sa eskwelahan. Marami namang estudyanteng naglalakad lang din. Makatitipid na ay mainam pa sa kalusugan ang paglalakad sa umaga. 'Yun talaga ang plano niya at pag-uwian na lang saka na lang sasakay ng dyip dahil mainit na. Habang naglalakad ay iniisip niya ang naiwanang mga kapatid. Nagluto na sya ng adobong manok kanina. Nakapagsaing na rin sa bagong rice cooker na pinautang sa kanya ng mama ni Jeffrey. Hinulugan niya 'yon araw-araw mula nang magtinda siya. Naisip niyang mas magandang mainit ang makakaing kanin ng nanay niya at kapatid kahit maaga pa lang ay naluto na. May super kalan na rin sila, mas madali siyang makapagluluto kaya hindi siya male-late kahit maglakad lang pagpasok. Tinignan niya ang wristwatch. Regalo iyon ng nanay niya no'ng graduation. Nilakihan niya ang hakbang nang makitang sampung minuto na lang at time na nila. Unang araw pa lang ng pasukan ay nagpakita na siya ng galing sa pag aaral. Karamihan ng kaklase nya ay dati na niyang kaeskwela noong elementary. May ilan ding sa ibang school nagpa-enroll at ang ilan ay sa private school na nag-aaral, gaya ni Jeffrey. Seaman ang papa nito at dalawa lang na magkapatid kaya kaya ng budget ng mama nilang magpaaral sa private school. Aral sa umaga at tinda sa hapon ang naging pang araw-araw niyang iskedyul. Araw-araw rin ay tinutulungan siya ng mga kapatid at ni Jeffrey. Paminsan-minsan ay tinutukso sila ng mga kakilala at mga kaibigan. Madalas ay nakikita niyang namumula ang pisngi ng kaibigan. Napipikon ba ito, o napapahiya? Hindi nya alam. Malapit ang loob niya sa binata. Mabait ito at kumportable ang pakiramdam niya kapag ito ang kasama. Maginoo, may itsura at laging ready para sa kanya. Kaya lang. Naka-set na ang mga priorities niya sa buhay, at wala do'n ang makipag-boyfriend. Kung saan mauuwi ang pagkakaibigan nila ni Jeffrey ay panahon na ang bahala. Kung sakaling maayos na ang lahat at gano'n pa rin ang kanilang samahan, walang dudang ito ang gusto niyang makasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD