CHAPTER 7 - Diyos lang ang nakakaalam

1390 Words
Diyos lang ang nakakaalam SABADO, walang pasok. Maaga pa lang ay maliksi na ang kilos ni Adela. Mayamaya lang ay darating na ang kanyang ina. Napag-usapan na nila ang gagawin. Ang araw ng sabado ang pinaka magandang araw para magsimula. Mag-isang maglalako ang nanay niya. Naisip niya kasing subukang maglagay ng lamesa sa harapan ng bahay nila upang mapaglagyan ng mga paninda gaya nang inilalako nila. Isang makitid ngunit pahabang mesa upang 'di makasagabal sa mga dumaraan. Naihanda na niya iyon kahapon sa tulong ni Jeffrey at ng ilang kaibigan nito. Bubungan na lang nila gamit ang ilang pirasong kahoy at lumang linoleum na bigay ng mama nito. Titignan niya kung lalapitan sila ng mamimili. Tutal naman ay sanay na ang mga tao na may paninda sa harap ng bahay nila dahil sa pagba-bebeque niya. Mahirap kasi ang magtulak ng kariton, ang maglakad sa initan at maalikabok na kalsada. May edad na ang nanay niya at 'di man dumadaing ay alam niyang nahihirapan na ito. Isa pa'y napakainit kapag patanghali na, at kung umuulan ay nababasa naman. Malaking ginhawa para sa kanila kung mamimili na ang dadayo sa puwesto nila. Kaya kung magki-click, doon na lang sila magtitinda. Nababantayan pa ang mga kapatid niya, ang bahay nila. Nagba-barbeque naman sila sa hapon kaya pati matitirang paninda sa umaga ay pwede pang mabili. Gano'n nga ang nangyari. Hindi na sila naglalako. Pumupunta na sa pwesto nila ang mga mamimili. Dinagdagan na nila ang hinahangong paninda na kung 'di maubos gatanghali, ay nabibili pa rin bago gumabi. MALAKING ginhawa para kay Aling Onor ang naisip ng anak. Nakapaghahanapbuhay siya nang naaasikaso pa ang maliliit na anak. Ang dating kalakal na inaangkat niya ay nadagdagan. Palibhasa'y hindi na kailangang isakay sa maliit na kariton at itutulak papunta sa mga eskinita at bahay-bahay upang makapagbenta. Kung dati ay por kilo lang ang kinukuha niyang gulay, ngayon ay bundle na kung umangkat siya. Mas malaki na ang diskwento, nabibili pa ng per piraso. Gano'n pa rin naman ang ipinapatong niya, bumabawi na lang siya sa dami. Gaya ng kangkong, nakakatuwang pa niya ang mga anak sa pagtatali. Kung dati'y nakatali na kung hanguin at piso kada tali ang tubo, ngayo'y nagagawa na niyang maparami. Nakagagawa rin siya ng halo-halong gulay para sa pakbet o dininding, chopsuey at iba pa. Walang nasasayang sa mga gulay. Nagagawan niya ng paraang maibenta pa. Nakakatulong niya ang mga anak kung walang pasok, at naaasikaso naman kung mayroon. Umaalis ang mga ito na naroon siya at dumarating na naroon pa rin. Nakapagluluto pa siya habang walang bumibili, o kaya'y nakapagwawalis. Alas dose kung siya'y magsara. Isang makapal na lona ang ipinapaikot niya sa lamesang may bubong upang maging palatandaang pansamatalang nakasara. Ilan sa mga paninda ay nakalatag pa rin ngunit ang mga nangangailangan ng tubig upang 'di masira ay inilalagay naman sa timbang may tubig. Muli siyang magbubukas pagsapit ng alas kwatro ng hapon at muling magsasara bandang alas sais ng gabi. Mayroon na rin siyang tatlong malalaking styrofoam box na maraming yelo. Ang isa ay pinaglalagakan ng mga karne ng manok, baboy at baka. Habang nasa dalawa naman ay mga isda gaya ng tilapia, bangus, galunggong, tambakol, dalagang bukid, tulingan at iba pa. Tuwing araw ng sabado at linggo ay naglalagay pa siya ng ilang kilong ribs, buntot, at malalaking hipon. Dahil nasa magandang lokasyon ang puwesto ng tindahan, may nagdadala na sa kanya ng ilang produktong walang puhunan. Kung ilan lamang ang mabili, 'yon lamang ang kailangang bayaran. May tinda na rin siyang tray-tray na itlog na dinadala rin sa puwesto niya. Gano'n din ang ilang klase ng prutas at ilang kabang bigas. Dahil halos kumpleto at naroon na ang karamihan ng kailangan ng mamimili sa pagluluto, higit na dumami ang kanilang parukyano. Madalas ay sila pa ang kinakapos. Katuwang niya ang mga anak sa pagtitinda at sa mga gawaing bahay. Kung susuwertihin, tumutulong din ang asawa niya. Magsugal man ito ay hindi na lamang siya kumikibo. Maubos man ang kinikinita nito para tustusan ang sariling mga bisyo ay hindi na siya nagrereklamo. Hangga't maaari ang gusto niya'y maging masaya ang mga anak nila tuwing ito'y naroon. Ang ilang oras ay sapat na sa kanya. Buong araw man itong nasa inuman, o sugalan, ang mahalaga'y nakakasama pa rin nila. Nabubuo pa rin sila bilang pamilya. ISANG araw. Hindi siya mapakali. Kanina pa niya hinahanap ang itinabing perang ipambabayad sa palengke. Kinakabahan na siya. Hindi sa dahilang baka naibaba ang pitakang pinaglagyan ng pera at nadampot ng isa sa mga bumili kanina. Kung hindi sa dahilang umuwi ang asawa niya kanina at nanghihiram ng pera sa kanya. May tupada raw sa kabilang baranggay at kailangan ng pandagdag sa pamusta. Naikuyom niya ang palad. Pakiramdam niya'y kaya niyang pumatay ng asawa. "Lahat na lang ng kapritso mo ay pinagpasensiyahan ko na, Leon. Ako na ang umako ng responsibilidad na dapat sana'y pinagtutuwangan natin. Ultimo mga anak natin ay nagmamalasakit mapaunlad lang ang tindahang pinagkukunan namin ng ikabubuhay dahil alam nilang kung aasa kami sa'yo ay walang mangyayari. Matagal na kitang pinagtatakpan sa kanila. Nakakapagod na!" Kanina pa niya gustong puntahan ang asawa ngunit 'di naman matanggihan ang ilang mamimili. Wala ang mga anak niya kaya walang mapag-iiwanan. Nang maubos ang mamimili ay agad na niyang inilagay ang lonang pantakip kahit wala pang alas dose ng tanghali. May mga dumating upang bumili ngunit maayos niyang tinanggihan. Sinabi niyang may nakalimutan sa palengke at kukunin lang muna. Palabas na siya sa pintuan nang dumating si Leon. Masamang tingin ang isinalubong niya sa asawa. Agad itong nagbaba ng tingin. At nang pumasok ay animo maamong tupa. Tahimik itong naupo at saka isinandal ang likod. Lalong tumibay ang hinala niya. Sisitahin na niya ito nang mula sa bulsa'y iniabot sa kanya ang pitakang hinahanap niya. Nanlambot ang mga tuhod niya. Kahit paano'y idinadasal niyang nagkakamali lang sana siya; na hindi nito magagawang pagnakawan siya. Ngunit heto at hawak-hawak nga nito ang pitaka niya, ito nga ang kumuha! "Limang daan lang ang bawas niyan. Napasubo lang ako. Kung hindi ko lang inalalang baka mabugbog ako do'n kung 'di magbabayad ng buo 'di na 'yan mababawasan. Dinala ko lang 'yan para makita nilang may pera ako. Saka baka swerte ang pera mo at madoble ko pa ang laman niyan. Huwag mo na kong tignan nang masama. Ibabalik ko na lang sa'yo ang pera sa sabado. Kaysa mangutang pa ko sa payb siks, isang linggo lang sandaan na agad ang tubo. Pero kung gusto mo, siks handred ang ibabalik ko sa sabado para 'di ganyan ang mukha mo." "Hindi iyon, Leon, e." Nagpipigil niyang sabi. "Huwag mo na kong sermunan. Mabuti nga at isinoli ko pa 'yan, at inamin kong nabawasan ko ng limandaan. Wala ka namang magagawa kung maggagalit-galitan ako at itatangging 'di ko 'yan kinuha. Ayoko na lang maghanap ka nang maghanap at mag-isip pa. Saka baka 'di ka na pautangin sa palengke kung 'di ka makakapagbayad. Ayoko naman masira ka sa do'n. Kahit paano e nakapag-isip pa rin ako. Alam kong mali ang ginawa ko. Pagpasensiyahan mo na ko, Onor. Hindi na 'yan mauulit." Ang nararamdaman niyang galit ay bahagyang nabawasan dahil sa paliwanag na narinig. Sa isang banda'y tama ito sa sinabi. Kung itatanggi nga nito'y wala siyang magagawa. Magduda man siya ay hanggang doon na lang. Sa isang banda'y naipagpasalamat pa niyang nakabalik ang pitaka niya. Sa isang banda'y nag-alala pa rin ang asawa sa mangyayari kung pinakialaman nga nito ang pambayad niya. Hindi na siya nagsalita pa. Muli niyang binuksan ang tindahan. Iniwanan niya sa loob ng bahay ang asawa. Ayaw niya pa rin itong makita, ayaw pa ring makausap. Nang dumating ang mga anak nila'y bahagya pang nagulat nang datnan ang ama. Hindi niya alam kung ikatutuwa ba ang ginagawa nitong pag-aasikaso sa mga anak, ang pag-ako nito sa pagluluto ng ulam nila, ang pagliligpit ng paninda niya, at ang paghahain ng kanilang pananghalian. Nakikita niya ang saya sa mukha ng mga anak niya, naririnig niya ang tawanan habang salo-salong kumakain sa niluto nito para sa kanila. Ang ginawa nito ay muli niyang ibabaon sa imbakan ng kanyang pasensya, at muling tatakpan ng pang-unawa. Ang ginawa nitong pag-amin at panunuyo sa pamamagitan ng mga anak nila ang panghahawakan niya. May pag-asa pa itong magbago. Kung kailan, Diyos na ang bahala, Diyos na ang gagawa ng paraan, Diyos lang ang nakakaalam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD