CHAPTER 2 - Pagdurusa ng isang Asawa

1119 Words
Pagdurusa ng isang asawa GAYA nang mga nakalipas na araw ay gano'n uli ang pagiging abala ni Adela. Pagkagising ay makikipag-unahan na sa pagsalok ng tubig na halos pati pitsel at mga kalderong gamit sa pagluluto ay iniimbakan. Pagkatapos ay magpaparikit ng kalan na kung hindi mauubos ang nakakargang kusot ay nilalagyan muna ng takip na lata ng evaporada sa bunganga at ibabaw upang patayin ang baga. Kung may nalalabi pang oras ay sasabayan na niya ng paglilinis ng batalan ang paglalaba at paliligo. Mabilis at maliksi kung siya ay kumilos sa kagustuhang pagdating ng nanay nila ay wala nang gagawin. Mas makapaglalako pa sila ng maaga. Mas madali silang makauubor ng paninda, madaling makakauwi at makapagpapahinga. Dahil nakaubos ng paninda at kumita nang maayos ay nakabili na siya ng Nescafe at asukal na puti nang umagang iyon. Hindi gaya nang nakaraang mga umaga na asukal na pula ang hinahalo niya sa pinakukulong bigas. Nakabili rin siya ng margarine at pandesal. Nilagyan na niya ng palaman ang mga tinapay at inaayos sa mesa. Sinilip niya ang mga kapatid. Nagulat pa siya nang makitang gising na ang mga ito at nagliligpit na ng pinaghigaan. Napansin niyang dahan-dahan ang kilos ng mga ito, at ingat na ingat sa paggalaw. Saka pa lng niya naalala na nasa kabilang dingding nga pala ang tatay nila at natutulog. Sumenyas si Boboy na 'wag maingay sabay turo sa kinaroroonan ng kanilang ama nang mapansin siyang nakasilip sa may pinto. Tumango naman siya. Sinenyasan niya ang mga kapatid na lumapit na at nang makakain ng almusal. Magkakasunod na nagsiupo sina Ana, Boboy at Neneng, at nagsimulang kumain. Hindi pa nangangalahati ang tasa ng kapeng iniinom niya nang dumating ang kanilang inay. Walang kibo niyang sinalubong ang ina at sinimulang ayusin ang mga paninda nila. Napansin niyang nagtimpla ito ng dalawang tasang kape, at pagkatapos ay pumasok na sa maliit na tulugan para sa mga ito . "Gigisingin siguro ang tatay," naibulong niya. Nang lumabas ang nanay nila ay kasunod na ang tatay nila na nag-iinat pa. Naupo ito at sinimulan nang kainin ang pandesal na dinagdagan pa ng nanay nila ng palamanan. "Nakahanda na ang pamasok mo pati 'yonng bimpo at brief. Nakapatong sa kahon," sabi ng nanay nila. "Hindi na muna ako papasok," nanlalatang sagot ng tatay nila habang nagtitinga. "Sabado ngayon, ah. Paano ang sweldo mo?" "Ipapakuha ko na lang kay Pareng Tibo. Tatawag ako mamaya sa opisina." Magsasalita pa sana ang nanay nila nang magsalita uli ang tatay nila. "Bago ka umalis pahiramin mo muna ako ng puhunan. May dayo sa bilyaran sa kanto. Kayang-kaya ko ang mokong na 'yon. Naunahan lng ako no'n kahapon pero ngayon babawian ko sya." Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng nanay niya. Iniiwas na niya ang paningin at pandinig sa mga ito. Nakararamdam na naman siya ng inis sa kanyang ama. HABANG nagtutulak ng kariton ay nakikiramdam siya sa kanyang ina. Tahimik ito at tila may malalim na iniisip. Iniabot nito ang limang daang piso sa tatay niya bago sila umalis. Humihirit pa nga sana ito ng limang daan pa pero wala nang naibigay ang nanay niya. Naisip niyang marahil ay iyon ang gumugulo sa isip ng ina. Para sa kanila'y malaking halaga na ang perang iyon. Masakit na ang kanilang mga paa, sunog na ang balat sa sikat ng araw at tagaktak na ang pawis ay hindi nila iyon kikitain sa isang araw na pagtitind. Gaano lang naman ang ipinapatong nila sa mga paninda nila. Hinahango lang nila ang mga iyon sa puwesto at hindi maramihan kaya ang diskwento ay maliit lang. Beinte pesos lang tubo nila kada kilo. Magkaminsan pa ay nauutangan sila at 'di agad nababayaran. Kapag minalas-malas ay napagtataguan pa, natatakbuhan, nasusuba. Siya man ay nanghihinayang. Ipangsusugal lamang ng tatay niya ang sana'y maidadag pa sa kanilang puhunan, o mas tamang sabihing, binawasan pa nito ang puhunan nila. Dahil alam niyang may iniisip ang nanay niya at hindi maitutuon sa pagtitinda ang atensiyon, siya ang naging alerto sa pagbebenta ng paninda nila. Sinasamahan na niya ng kaunting pambobola ang pagsasalita. Kung may mapapansing maganda sa bumibili ay agad niyang pinupuri. Kung may itatanong tungkol sa mga paninda nila ay nakangit at magalang niyang sinasagot. Kung may mangungutang ay pabiro niyang tinatanggihan. Naging matalas siya sa pagsuri ng perang ibinabayad sa kanila. Minsan na silang nabayaran ng palsipikado at ayaw na niyang maulit iyon. Binibilang niyang maigi ang isinusukli pagkaraang kuwentahin ang dapat bayaran ng bumili. Pagkatapos ay magiliw siyang nagpapasalamat. Nakaubos sila kahit inabot na sila ng alas dose pasado bago nakauwi. Nakasaing na si Ana at naiprito na ang isda kaya ginisa na lang ng nanay nila ang isang balot na halo-halong gulay na hindi nila ipinagbili. Sabay-sabay na silang kumain nang maluto. "Ang galing naman ni Ate Ana n'yo Maaasahan na." Nakangiting sabi ng nanay nila. Kahit pansamantala'y nawaglit sa isip nito ang tatay nila. Masigla na ito. Naisip niyang marahil ay kumita naman sila. Siguro ay nabawasan na ang inaalala nito. "Basta may kusot na ang kalan ni ate kaya ko nang magparikit kaya makakapagluto na ako," pagyayabang ni Ana. Natatatawang tumango ang nanay nila. Ipinakita sa kapatid niya ang paghanga. "Tinulungan ko si Ate Ana. Ako ang nagbantay para 'di masunog ang bahay natin," pagbibida naman ni Boboy. "Nay, ako ang tumikim ng prito ni Ate Ana kung masarap." Nagkatawanan sila sa pagsabat na iyon ng kanilang bunso. Magana nilang pinagpatuloy ang pagkain habang patuloy sa masayang usapan. Nangiti siya nang ng lihim njng makitang tumatawa na ang kanilang ina. Ang pananamlay kanina ay nawala na. GABI na ay nagtitiklop pa ng mga damit si Aling Onor. Ang totoo'y inaantay niyang umuwi ang asawa na mula pa kaninang umaga ay 'di pa bumabalik. Kinakabahan na siya. Dalawa lang ang pwedeng maging dahilan kung bakit hanggang sa mga oras na 'yon ay hindi pa ito umuuwi. Natalo kung kaya nakikipag-inuman, o nanalo kaya nakikipag-inuman at nasa beerhouse. Hindi niya naman magawang puntahan sa bilyaran upang sunduin dahil tiyak na pag-aawayan lang nila. Hindi niya gusto ang ginagawa nito, masama ang loob niya sa pagliban nito sa trabaho upang makapagsugal. Sa halip na magkatulungan sila sa paghahanap-buhay upang kahit paano'y gumaan ang pamumuhay nila ay hayun ito sa bilyaran at ang puhunan niya sa pagtitinda ay kinuha pa. Alam niyang hindi na nito maibabalik ang pera. Sa maraming pagkakataon ay gano'n ang nangyayari. Kung ibalik man ay kukunin uli hanggang sa wala na. Kung hindi niya naman mapagbibigyan ay iinit na ang ulo at ang mga anak nila ang mapagbabalingan. Pag-aawayan lang nila, at iyon ang iniwasan niyang mangyari. Ayaw niyang makita ng apat na anak na nag-aaway sila. Ayaw niyang magalit ang mga ito at mawalan ng respeto sa sariling ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD