CHAPTER 3 - Pagdaramdam

1296 Words
Pagdaramdam NAGISING si Adela sa malakas na boses ng kanilang ama. Mag-uumaga na ayon sa lumang orasan na nakasabit sa dingding na tinignan niya. "Huwag mong lakasan ang boses mo at baka magising ang mga bata." Narinig niyang pakiusap ng kanilang ina. "Ano'ng magagawa ko kung sa minalas ako." Pagalit na sagot ng tatay nila. "Leon, naman. Pati buong sweldo mo ay naipatalo mo. Pambihira ka naman. Alam mong marami tayong pagkakagastusan tapos ganyan ang ginawa mo." Mahina man ang nanginginig na boses ng nanay nila ay alam niyang galit ito. "Pwede ba Onor, itigil mo na 'yang bunganga mo. Bakit? Ginusto ko bang matalo?" galit na sabi ng tatay niya. Narinig niya ang malakas na paggalabog ng kanilang pinto. Siguro ay sinipa, o sinuntok ng tatay niya. "Saan ka na naman pupunta?" Pahabol na tanong ng nanay niya. "Magnanakaw! Bwiset!" Pagkatapos ng sigaw na iyon ng tatay niya ay tumahimik na. Mayamaya pa ay nakarinig na siya ng impit na pag-iyak. Nagtulug-tulugan siya para malayang makaiyak ang nanay niya. Sa pamamagitan man lang niyon ay gumaan ang dibdib nito. Mabilis niyang pinahid ang tumutulong luha at padapang pumihit sa pagkakahiga upang maitago ang pagluha. Ayaw niyang makita nito, ni marinig ang pag-iyak niya. Nang mga sandaling iyon, nadagdagan na naman ang sama ng kanyang loob sa kanilang tatay at awa sa kanilang nanay. SA unang pagtilaok pa lamang ng manok ay tumayo na siya. Nilagyan na niya ng kusot ang kalan at nilabhan ang ilang piraso ng maruming damit na ginamit nila kahapon. Nagsasampay na siya nang maramdamang tumayo na rin ang nanay niya. Maagap niya itong ipinagtimpla ng kape. Palihin niya itong sinusundan ng tingin. Sa pagitan ng paghigop sa tinimpla niyang kape, paghihilamos, pagsisipilyo, pagsusuklay, pagtatali ng buhok at hanggang pumanaog at maglakad paalis. Ilang minuto na itong nakaaalis para mamili ay nakatayo pa rin siya sa may pinto. Hindi niya alam kung paano nakakayanan ng nanay nila ang mga ginagawa ng tatay nila. Kung bakit nakatatagal itong pakisamahan ang iresponsableng asawa. NAGTINDA na silang mag-ina matapos bilinan ang mga batang naiwan sa kanilang bahay. Ngumingiti ang nanay niya ngunit alam niyang itinatago lang nito ang totoong nararamdaman. Paminsan-minsan ay nakikita niya itong nakatulala. Pauwi na sila nang makasalubong si Aling Memang. Ang nagpapa-five-six sa kanilang lugar. "Hoy, Onor! Nasaan ang magaling mong asawa?" Tanong nito na ang tono ay parang pulis na nag-iimbestiga sa isang kriminal. Nalaman nilang may utang pala ang tatay niya sa ale. At dahil 'di makita ang tatay niya'y ang nanay niya ang pinipilit singilin. Malakas ang boses nito at kumukuha ng atensiyon. Mataray at maanghang kung magsalita. Pinagtitinginan na sila ng mga dumaraan. Walang nagawa ang nanay niya kung hindi ang bigyan ito ng limangdaang piso at mangakong ang balanse ay bukas naman. Nagalit pa rin ito at nagbantang ipaba-baranggay sila kung hindi tutupad. Sinabi rin nito na papatungan uli ng panibagong tubo ang balanse habang 'di nakukumpleto ang pagbabayad. Gusto sana niyang sumagot, sumabat sa usapan ngunit maagap siyang sinenyasan ng ina. Humingi pa ng pasensiya ang nanay niya at nagpasalamat. Tumaas ang isang kilay ni Aling Memang. Paalis na nga ay bumubulong pa rin. Nagpapahabol pa ng masasakit na salita laban sa tatay niya. NAKATULOG si Aling Onor nang hapong iyon habang binubunutan ni Neneng ng puting buhok. Nakahiga ito sa papag na nasa harapan ng bahay nila. Malakas ang hangin sa bahagin 'yon bukod pa sa malilim dahil may mataas na puno ng kaimito. Ilang araw nang masama ang pakiramdam nito kaya nag-aala na ang mga anak. Kahit hindi dumadaing ay alam nilang may sakit ang kanilang nanay. Sandali pa lang nakakatulog ay nagising na ang nanay nila. Dumating kasi nang maaga ang kanilang tatay. "Maaga yatang natapos ang trabaho mo?" Tanong nito habang pinupunasan ang likod ng tatay nila. Tumango lang ang tatay nila. Nagtataka man sa maagang pag-uwi ng ama ay natuwa siya. Sumigla kasi ang nanay nila. Matapos ang hapunan ay humingi ito ng barya at nagpaalam na sasaglit muna sa labas upang bumili ng sigarilyo. Ang saglit na sinabi nito ay 'di natupad. Paalis na silang mag-ina kinabukasan nang dumating ang tatay nila. Tingin niya'y kakagising lang. Naisip niyang siguro'y nakipag-inuman at nalasing, at doon na sa mga nakainuman nakitulog. Amoy alak pa ang singaw ng hininga at pawis. Hindi muna sila umalis para magtinda. Inasikaso muna ng nanay nila ang lasing pa nilang tatay. Gano'n ang nanay nila. Kahit may namagitang pagtatalo sa pagitan nito at ng tatay nila ay tila walang nangyari. Inaasikaso pa rin nito ang tatay nila at pinagsisilbihan. Bagay na hindi niya alam kung hahangaan, o kaiinisan. Ipinaglatag pa ito ng nanay nila ng mahihigaan at saka binilinan ang mga kapatid niya na iwasang mag-ingay upang 'di ito magising. Matapos niyon ay saka pa lamang sila umalis upang magtinda. PASUKAN na. Excited na ang magkakapatid sa pagpasok sa eskwela. Panghapon sina Adela at Boboy kaya ang gawain ni Adela sa umaga ay nagagampanan pa rin niya maliban sa makapagtinda kasama ng ina. Aasikasuhin na niya ang makapag handa ng almusal dahil papasok sa eskwela si Ana na nasa ika-apat na baitang at si Neneng na nasa unang baitang naman. Pagdating ng ina galing sa palengke ay ihahanda na niya ang kariton ng paninda nito at pag-alis ng ina ay haharapin naman niya ang ibang gawaing bahay. Mag-iiwan na ng pang-ulam ang nanay niya at siya na ang bahalang magluto para bago pumasok ay nakakain na sila ni Boboy. Pag-uwi nina Ana, Neneng at nanay nila ay may nakahanda ng pagkain. Sabado ng gabi kung umuwi ang tatay nila mula sa trabaho, at lunes naman ng madaling araw kung umalis. Mas tipid daw sa pamasahe kapag stay-in. 'Yon ang narinig niyang paliwanag ng tatay niya. Hindi siya sigurado kung totoo 'yon. Hindi niya naman kasi naririnig na nagrereklamo ang nanay nila. Ang alam niya lang ay kung hindi magtitinda ang nanay nila ay malamang na dilat na ang mga mata nila sa gutom. Na kung ang tatay nila ang aasahan nila, malamang ay hindi sila makapag-aaral, malamang ay buto't balat na sila at namamalimos sa gitna ng lansangan, malamang ay watak-watak na sila at kung kani-kaninong kamag-anak nakikitira. Masama man ang magtanim ng galit sa magulang na pinagkakautangan ng buhay ay 'di niya maiwasan. Kung makapamimili nga lang ang tatay, hindi ito ang pipiliin niya lalong-lalo na para maging asawa ng nanay nila. SA KABILA ng mga hinanakit na nararamdaman, nagsikap siyang mag-aral mabuti. Hindi man siya ang pinakamatalino sa mga mag-aaral ng Grade 6- Section 1, ay siya naman ang pinakasikat, ang popular. Palibhasa ay sanay makiharap, at marunong makisalamuha bukod pa sa maaasahan kaya marami ang kaniyang naging kaibigan. Karamihan nga ay suki pa nila ang mga nanay ng mga ito. Natutuwa rin at mababait ang mga guro sa kanya dahil bukod sa likas na matalino ay responsable pa. Dahil sa ang kwento ng buhay nila ay tila isang bukas na aklat sa kanilang lugar, magiliw sa kanya pati ang prinsipal ng pampublikong paaralang pinapasukan. RECESS. Nakita ni Adela na umiiyak ang kapatid niyang si Boboy. Nakaupo ito sa gilid ng pintuan ng room na parang inaabangan siya. Umiiyak ito, at pulang-pula ang mukha. Dali-dali niyang nilapitan ang kapatid. "Bakit ka umiiyak?" nag-aalala niyang tanong. Sa pagitan nang paghikbi ay sinimulan nito ang pagkukwento. "Iyong kaklase mo, ate. Biglang sinara ang pinto ng room niyo kahit nakahawak ako. Naipit tuloy ang kamay ko." Sumbong nito sabay taas ng kamay upang ipakita sa kanya. "Tapos ate, pinagtawanan nila ako," dugtong pa nito. Nakita niyang nangingitim at may namumuong dugo sa apat na daliri ng kapatid. Dumilim nang tuluyan ang anyo niya. Pakiramdam niya'y umuusok ang ilong at bumbunan niya. Hinawakan niya si Boboy papasok sa silid aralan. Mananagot sa kanya ang nanakit sa kapatid niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD