CHAPTER 4 - Kung Panaginip lang

1323 Words
Kung panaginip lang KUYOM ang mga kamay at nagtatagis ang mga bagang ni Adela habang naglalakad papasok sa kanilang silid aralan. Kaya niyang magtiis na nasasaktan ngunit hindi siya makapapayag na may mananakit sa mga kapatid niya. Animo inang tigre, makakatikim sa kanya ang may kagagawan nang pag-iyak ni Boboy. "Ituro mo kung sino ang gumawa niyan sayo!" Nagitla ang mga kaklase niya. Napatingin sa kanilang magkapatid. Gumala ang tingin ni Boboy. "Ayun, ate." Umiiyak nitong itinuro ang dulong linya ng mga upuan. Ang kinaroroonan ng kaklaseng nabibilang sa grupo ng mga bully sa pangkat nila. "Walanghiya ka talaga, Jeffrey!" Galit na galit niyang sigaw at saka sinugod ang kaklase. Wala siyang sinayang na sandali. Matangkad ito at maganda ang pangangatawan ngunit sa pagkakataong iyo'y isang salot na kuto ang naging tingin niya. Isang makulit na kutong masarap tirisin! Natigilan ito sa pagtawag niyang iyon. Hindi na nakakilos sa kinauupuan tulad ng mga kaklase nilang katabi nito. Pagkalapit na pagkalapit ay ubod lakas niyang sinuntok ang mukha nito! Hindi ito lumaban. Nakayuko lang matapos bumagsak sa sahig. Muli niya itong sinugod ngunit nagkagulo na ang mga umaawat sa kanya. Ang eksenang iyon ang inabutan ng kanilang guro. "Jeffrey at Adela, sa guidance!" Ma otoridad na utos ni Mam Luna. HABANG nilalagyan ng gamot ang mga daliri ni Boboy ay patuloy ito sa paghikbi. Nasa loob sila ng guidance room. Awang-awa siya sa kapatid. Patuloy naman ang kanilang guro sa pagsesermon kay Jeffrey. Matalim na tingin ang ipinukol niya sa lalaki nang humingi ito ng paumanhin. Lumuhod man ito sa harapan ni Boboy ay 'di na mababago ang lahat. Nasaktan na ang kapatid niya. Kasalanan nito kung bakit niya sinuntok. Si Jeffrey, naiyuko na lang ang ulo. Nahihiya siya sa nangyari. Hindi niya sinadyang ipitin ang kapatid ni Adela. Naghaharutan silang magkaklase kung saan siya ang nanguna. Itinulak siya ng isa sa mga inaasar kung kaya napahawak siya sa pinto at patulak na naisara. Nagulat siya nang makitang may nakasilip pala. Ngunit 'di na niya napigilan nang sumara. Nagtawanan ang mga kaklase niya nang umiyak si Boboy, at para 'di makantiyawan ng mga ito, nakitawa na rin siya. Pero hindi niya sinadyang ipitin ang bata. Ipaliwanag man sa guro ang panig niya ay wala na rin. Madadamay lang ang mga kaklase niya. Lalo lang lalaki ang gulo. Siya na lang ang tumanggap ng sermon ng guro, at umako sa galit ni Adela. May kasalanan naman talaga siya. Kahit ano ang parusang ibigay sa kanya ni Mam Luna ay handa niyang tanggapin mapatunayan lang kay Boboy at kay Adela na pinagsisihan niya ang nangyari. Nahihiya siya kay Adela, iyon ang isa pang malaking dahilan. Palihim niyang sinundan ng tingin ang papalayong kaklase. Naipangako niya sa sarili na iyon na ang huling pagtuntong ng kanyang mga paa sa guidance room para sermunan. Dahil simula sa mga oras na iyon magbabago na siya. Inihatid ni Adela si Boboy sa room nito dahil ayaw umuwi gaya nang ipinayo sa kanila ng guro sa guidance. Hindi na ito umiiyak. Hindi na raw masakit ang daliri sabi sa kanya. Huwag na raw silang umuwi para hindi malaman ng nanay nila ang nangyari dahil magagalit din ito gaya niya. Nakangiti niyang hinaplos ang ulo nito. Kinuha naman nito ang kamay niyang isinuntok sa kaklase; hinaplos at saka hinalikan. Ang pag-aalala ay nakalarawan sa mukha nito dahil sa bahagyang namumula at namamaga ang kamao niya. "Nagamot na 'yan ni Mam Luna. Gusto mo isuntok ko uli 'yan kay Jeffrey, e." Ngumiti ito at saka umiling. Muli nitong hinalikan ang kamao niya at saka siya pinabalik sa classroom niya. TAPOS na silang maghapunan at nahugasan na rin ang mga pinagkainan kaya sumalampak na sila ng upo upang gumawa ng mga assignment. Nagtatawanan sila sa pangit na drawing ni Adela sa assignment ni Neneng nang may marinig na tumatawag mula sa labas. "Tao po. Aling Onor." Lumapit sa bintana si Aling Onor para tignan kung sino ang tumawag sa kanya. "Ikaw pala, Belinda. Halika tuloy kayo". Nagkatinginan sina Adela at Boboy. Kilala nila ang bisita. Si Aling Belinda, ang nanay ni Jeffrey. Ipinagtapat pala ni Jeffrey ang nangyari sa eskwelahan. Narinig pa nila ang pahingi nito ng paumanhin sa kanilang ina. Humingi rin ng tawad si Jeffrey, at nangakong hindi na mauulit ang ganoong klaseng pangyayari, na hindi na gagawa uli ng kahit anong kabulastugang makapananakit sa iba. Palibhasa ay magkapitbahay at magsuki, tinanggap ng nanay nila ang paumanhin ng mga bisita. 'Di na rin galit si Boboy. Sarap na sarap ito sa buko salad na dala nila Aling Belinda. Nangiti si Adela. Kanina lang ay umaatungal ito sa sakit. Napalingon siya nang magsalita si Neneng. "Wow, ang ganda! Mabe-beri gud ako ni mam." Natutuwang sabi ng kapatid nya. Nagdo-drawing pala si Jeffrey ng assignment nito. Matipid na ngiti ang pinawalan niya nang tignan siya ng kaklase. Kahit paano ay nabawasan ang nararamdaman niyang inis para dito. SUMAPIT na ang Araw ng Pagtatapos sa Mababang Paaralan ng Pasolo. Lumapad ang ngiti ni Jeffrey nang makitang dumarating si Adela. Isang simpleng bestidang kulay rosas ang suot nito na binagayan ng manipis na make up. Mula nang gabing magpunta sila ng mama niya sa bahay nito upang humingi ng paumanhin ay naging magkaibigan na sila. Nagawa niyang baguhin ang sarili. Pinatunayan niyang 'di siya likas na masama. Maganda ang naging impluwensiya sa kanya ng kaklase. Natutukan niya ang pag-aaral. Nagawa pa niyang impluwensiyahan ang mga kaibigan. Naroon pa rin ang harutan, biruan at magulong kuwentuhan ngunit malayong malayo na sa dating grupo ng bully gaya ng tawag noon sa kanila. Ikinatuwa iyon ng mga guro at ng mga magulang niya, lalong-lalo na ni Adela. Madalas ay tinutulungan niya ito sa pag-iigib t'wing umaga. Siya ang taga drawing ng assignment ni Neneng. Iginawa niya ng saranggola si Boboy at tinuruan magpalipad. Binigay niya kay Ana ang manikang napanalunan niya sa raffle no'ng dumalo sa reunion ng pamilya ng mama niya. Kaya naman naging magaan ang loob ng mga kapatid nito sa kanya, at dahil do'n napaamo niya ang ate ng mga ito. Naging malapit sila sa isa't isa naipahihiwatig niya kay Adela ang damdaming hindi masabi. Naputol ang pagbalik tanaw niya nang sikuhin ng katabi. "Hoy! Baka pasukan ng langaw ang bunganga mo," kantyaw nito. Natawa siya. Nakanganga na pala siya habang tinatanaw ang dalagang binabalikan sa alaala. Hindi man si Adela ang naging valedictorian ay madami siyang natanggap na medalya. Pinakamalakas din ang sigawan at palakpakan twing tinatawag ang pangalan niya. Hindi nabubura ang ngiti sa mga labi ng nanay niya habang sa isinasabit sa kanyang leeg mga iyon. Isa siya sa mga masusuwerteng mag-aaral na napiling tumanggap ng scholarship sa highschool. Bibigyan pa siya ng buwanang allowance galing sa Mayor ng kanilang lugar. Proud na proud sa kanya ang ina. Nagkakatuwaan sila sa pagkukuwentuhan nang may madaanan ang paningin niya labas ng gate. "Tay ?" Pinikit-dilat pa niya ang mga mata upang siguruhing tama ang akala niya. "Ang tatay nga!" Nakatiyak siya nang kumaway ito sa kanya, at kasama pa nito ang mga kapatid niya. MATAPOS ang mahabang batian ay sabay-sabay na silang umuwi. Magkaakbay pa ang tatay at nanay nila habang naglalakad. Pagdating sa bahay ay napanganga siya sa nakita. Ang mesa nila, may pansit, buong manok na nakatuwad, malaking Coke at may cake pa. Dala raw ng tatay nila ang lahat ng iyon sabi ni Ana. Kahit 'di pa sabado ay umuwi na ito. May handa pa para sa kanya. Naiiyak siyang yumakap sa ama. Nang lingunin niya ang ina ay nakangiti ito habang nagpupunas ng mata. "Iiyak ba muna tayo bago kumain, 'nay?" Inosenteng tanong ni Neneng. Napuno ng malakas na tawanan ang bahay nila. Sabay-sabay silang kumain. Napakasaya ng nanay nila. Pati mga kapatid niya ay masiglang kumakain na nahahaluan ng tawanan. Masaya siya sa nakikitang masayang kulitan ng mga kapatid. "Kung panaginip lang ang lahat ng ito, sana araw-araw managinip ako. Salamat po, Diyos ko!" Taimtim niyang pasasalamat at hiling.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD