NARINIG ni Joanna Marie ang tunog ng telepono ni Lota kaya bumangon na siya. Malakas ang pakiramdam niyang para sa kanya ang tawag. Mayamaya ay naramdaman niyang may lumakad palapit sa pinto ng inuupahan niya.
“May tawag ka,” sabi ni Irma nang pagbuksan niya ito.
Pamangkin ito ni Lota at doon tumutuloy habang nag-aaral sa college. Solong anak ito ng mag-asawang negosyante sa probinsiya pero hindi magawang payagang mag-isang mamuhay sa Maynila kaya nasa poder ngayon ni Lota na kapatid ng ina nito.
Pero ang alam niya, spoiled brat si Irma. Dumadaing nga si Lota sa kanya na hindi nito masaway ang pamangkin sa pakikipagbarkada at paglalakwatsa. At sa hitsura ngayon ni Irma, mukhang kauuwi lang nito mula sa paglalakwatsa.
“Salamat,” sabi niya.
Naunang pumasok ang babae sa bahay, pagkatapos ay dumeretso sa hagdan. “Inaantok na ako, eh. Kapag tapos ka nang makipag-usap, pakisara na lang ng pinto. Safe naman dito sa compound, walang magnanakaw rito.”
Tumango si Joanna Marie at dinampot ang telepono. “Hello, Jan?”
“Free na ako, friend. Ano na `yang senti mo? Ready na akong makinig.”
“Mabuti naman. Nagkaroon na ng mga komplikasyon ang sakit ni Mama. Bukod sa talagang problema niya sa kidney, nagkaroon na siya ng enlargement of the heart, saka diabetes. Ang sabi sa akin ng doktor, kailangan na talaga siyang i-dialysis. Okay na `yong first two session, sagot na ng DSWD. Ipinakiusap ko na nga na baka puwedeng kompletong session na, kaso marami din palang nakapilang nag-aabang ng tulong.
“Meron din akong lalapitan sa PCSO. Sana `yong susunod na session ng dialysis niya, aprubahan na doon. Limang libo pala ang bayad kada dialysis. Hindi naman ako kumikita nang malaki. Malamang, lahat ng charitable institution, lapitan ko na. January, ang hirap palang maging mahirap,” humihikbing sabi niya sa kaibigan.
“Sino ba naman ang may gustong maging mahirap? Basta ako, friend, iyong susuwelduhin ko sa darating na payday, ibibigay ko sa iyo. Pandagdag mo sa pampaospital ng mama mo.”
“Jan, kailangan mo rin ng pera.” Dalaga si January pero ito ang breadwinner sa pamilya nito.
“Oo nga, pero mas kailangan mo. Saka, sino pa ba ang magdadamayan kundi tayo rin?”
Napabuntong-hininga si Joanna Marie. “Alam mo, minsan naiisip ko, kakapit na talaga ako sa patalim. Kahit na ayaw nang magpagamot ni Mama, hindi ako papayag na hayaan na lang siyang magdusa nang ganito. Nakakaawa siya kapag inaatake ng sakit, eh, napapaiyak na lang ako. Noong isang araw, hindi ko siya maiwan sa bahay. Kabadung-kabado ako, akala ko, bibigay na siya. Mabuti na lang, okay pa siya hanggang ngayon.”
“Eh, di ipa-confine mo na. Kapag tumagal, lalala pa ang sakit niya.”
“Alam mo namang patsamba-tsamba lang ang kita ko sa pag-aahente ng kung anu-ano. Kung sinuwerte man lang sana akong makapagsara ng deal, kahit sa isang condo unit, medyo malaki rin ang komisyon doon. Kaso hanggang motor insurance lang ang naibebenta ko, masuwerte nang makakomisyon ng isang libo. Alam ni Mama kung magkano lang ang kita ko kaya ayaw na niyang magkagastos. Mamamatay rin naman daw siya kahit ma-dialysis.”
“Maano naman? At least, nagawa mo ang lahat ng magagawa mo.”
“Oo nga. Desidido na ako, Jan. Lahat gagawin ko basta para kay Mama. Kung... kung hindi na nga talaga siya gagaling, at least, maibibigay ko man lang sa kanya ang lahat ng medical attention na puwedeng maibigay ko sa kanya. Actually, nakausap ko na rin ang doktor. Bukas, puwede na siyang isalang para sa first session ng dialysis.”
“Good. Kahit magalit ang mama mo, isakay mo sa taxi papunta sa ospital. Tawagan mo ako. Kung kailangan mo ng moral support, sasamahan kita.”
“Nakakahiya na, Jan. Pero `yong pangako mong suweldo mo, puwede bang isama ko na sa budget ko? Alam kong kakapalan na ito ng mukha pero kailangan ko talaga. Hindi ko nga alam kung saan pa ako hahanap ng pera.”
“Oo, ipinangako ko na nga sa iyo ang suweldo ko. Hayaan mo at titingnan ko kung may mauutangan pa ako.”
Napabuntong-hininga si Joanna Marie. “Desperada na ako, Jan. Kapag nakikita ko nga iyong mga hilera ng club sa Quezon Avenue, parang gusto ko nang mag-apply. Ayoko nang mag-isip ng kahit ano, si Mama na lang ang gusto kong isipin.”
Sa sumunod na kalahating oras, matiyagang nakinig si January sa mga sentimyento niya. Sa bandang huli, siya na rin ang nakapansin na hatinggabi na at masyado na niyang pinupuyat ang kaibigan. Siya na rin ang pumutol sa usapan nila.
Kahit nang maibaba na niya ang telepono ay hindi pa agad siya tumayo. Kahit paano ay gumaan ang kalooban niya pagkatapos makausap ang kaibigan, lalo at alam niyang tutuparin nito ang pangakong tutulungan siya.
Naalala niya si Amor. Alam niyang sincere ito nang sabihing tutulungan siya kung mangangailangan siya niyon, pero may mukha ba siyang ihaharap dito kung mangungutang siya?
Matagal na ang halos labing-isang taon mula nang makasama niya ang babae. Pero kung wala na siguro talaga siyang magagawa, malamang ay kapalan na niya ang mukha at humingi ng tulong kay Amor.
Patayo na siya nang makitang may bumababa ng hagdan.
“Irma, uuwi na ako. Paki-lock mo na ang pinto ninyo. Salamat uli.”
“Teka muna. May sasabihin ako sa iyo.”