SA MALIIT na garden ng compound dinala ni Irma si Joanna Marie. At kahit malayo na sila sa alinmang pinto ng hilera ng mga apartment ay nanatiling mahina ang boses ni Irma habang nagsasalita.
“Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko, Joan. Sana, bago ka mag-react, makinig ka muna sa akin,” umpisa nito.
“Ano ba iyon?” nakakunot-noong tanong ni Joanna Marie. Nag-aalala siya na baka masyado nang madalas ang paghingi niya ng pabor kay Lota at si Irma ang pinagsasabi nito sa kanya ng hindi nito masabi nang personal.
“Hindi ka magagalit?”
Ngumiti siya. “Sige, hindi.”
“Hindi kasi ako makatulog kaninang umakyat ako. Narinig ko ang mga sinabi mo sa kausap mo sa telepono.”
“Naku, sorry, Irma. Pati ikaw napuyat. Baka maaga ang pasok mo bukas.”
Ngumiti ang babae. “Huwag mong intindihin iyon. Panghapon ang mga klase ko. Narinig kong kailangan mo ng pera. Meron akong alam na paraan para magkapera ka.”
“Talaga?” natuwang tanong niya.
Tumango si Irma. “Pero hindi ka magbebenta ng insurance o condo unit. Wala akong kakilala na maire-refer sa iyo para alukin mo. `Di ba, sabi mo, parang gusto mo nang kumapit sa patalim?” parang nag-aalangan pang tanong nito.
Hindi agad siya nakakibo. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Parang nailang din ang babae at hindi agad nakapagsalita. Ilang sandaling nakatitig lang ito sa kanya.
“B-broad-minded ka naman, `di ba?” sa wakas ay tanong nito.
Huminga siya nang malalim. “Deretsahin mo na ako, Irma.”
“Kilala mo si Amir Montalban?”
Kumunot ang noo niya, saka umiling. “Parang narinig ko na ang pangalan niya. Sino ba iyon?”
“Basketball player siya!” parang nainsultong sabi ni Irma, saka tumawa. “Hindi ka kasi nanonood ng TV. Kunsabagay, wala nga pala kayong TV. Anyway, sa PBA siya naglalaro. Siya ang boyfriend ko. Malapit na ang birthday ng teammate niya, eh, nag-iisip kami ng regalo.”
“B-babae?”
“Mismo.” Tinitigan uli siya ng babae na parang pinag-iisipan nang maigi ang sunod na sasabihin.
“Ako ang aalukin mo para maging regalo sa lalaking iyon?”
“H-huwag kang magagalit, Joan. Narinig ko lang naman kasi na gipit ka sa pera at parang gusto mo nang kumapit sa patalim. Kung ayaw mo naman, walang problema. Hindi kita pipilitin at kakalimutan na rin natin na nag-usap tayo ng tungkol dito.”
Si Joanna Marie naman ang hindi agad nakakibo. Nagbaba siya ng tingin, pinangiliran ng luha. Talagang gusto na niyang kumapit sa patalim alang-alang sa kanyang mama. Pero ngayong nasa harap na niya ang pagkakataon, parang gusto naman niyang maupos sa kahihiyan.
“Hindi ako nang-iinsulto, Joan. Ang sa akin ay alok lang. Ang totoo, nag-usap-usap na kami ng barkada. Mataas ang budget kasi espesyal sa kanila ang teammate nilang iyon, pinaka-good boy kasi, `tapos, tuwing nagkakaroon ng girlfriend, iniiwan.”
Napatingin siya kay Irma. Aaminin niyang kahit paano ay napukaw ang interes niya.
Parang lumakas naman ang loob nito na magpatuloy. “Actually, naglolokohan nga kami ng barkada, eh. Virgin pa raw ang hanapin namin para mas magandang panregalo. Eh, may papayag naman kayang virgin, sabi ko. Basta babae na alam naming malinis, okay na.”
Parang nanuyo ang lalamunan ni Joanna Marie sa sinabi nito. “V-virgin pa ako,” halos pabulong na sabi niya.
Nanlaki ang mga mata ni Irma. “Talaga? Wow! Wala kang regrets?” Nagtakip ito ng bibig. “Oops! Sorry. Ako naman kasi, eh, you know...”
Ngumiti lang siya nang matipid.
“Nainsulto ba kita, Joan? Sorry talaga, ha.”
Tumango siya. “Magkano ang ibabayad ninyo?” tanong niya kahit parang gusto na niyang mamatay sa hiya.
“As much as one hundred thousand.”
Kulang na lang ay mapasinghap si Joanna Marie. Malaking pera na rin iyon para sa pagpapagamot ng mama niya.
“Actually, ten thousand lang ang budget. Pero ang sabi nina Amir, basta sure na virgin, okay lang sa kanila kahit malaki ang bayad. Gusto mo, Joan? This weekend na ang birthday. Puwede mo pang pag-isipan hanggang bukas. Sana makapag-decide ka agad kasi, hahanap kami ng iba kung ayaw mo.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Alam kong ibang klaseng alok ito. But think about it. Ayaw kitang diktahan sa magiging desisyon mo. Kung ayaw mo, kalimutan natin na nag-usap tayo ng ganito.”
Bahagya siyang tumango.
“Kung ganoon, tara na. Umuwi na tayo. Nilalamok na tayo rito,” pabirong sabi ni Irma.