“JOANNA!”
Napabalikwas si Joanna Marie nang marinig ang boses ng ina. “Nandiyan na, `Ma.”
“Iyong gamot ko, iabot mo,” parang nahihirapang humingang sabi nito.
Hinagilap niya ang gamot. Nahawi na niya ang dibisyong kurtina nang makitang bumagsak sa kama ang mama niya mula sa pagkakaupo nito.
“Mama!” Napuno ng takot ang kanyang dibdib nang makita ang hitsura ng ina; para itong tinakasan ng lakas. Agad niyang dinama ang pulso nito pero parang wala siyang maramdaman doon. “Mama!”
Saglit niya itong iniwan at kumatok siya sa kapitbahay. “Lota! Lota, ang mama ko!” umiiyak sa takot na tawag niya sa kasera.
Magkasabay na sumilip sa pinto sina Lota at Irma. Hindi na nagtanong si Lota at binalingan agad ang pamangkin. “Lumipat ka sa kabila. Sabihin mong ilabas ang taxi at emergency,” utos nito, ang tinutukoy ay ang isa pang umuupa ng apartment na may taxi.
Sinamahan siya ni Lota pabalik sa mama niya. Lalo siyang naiyak nang makitang hindi kumikilos ang mama niya.
“Nasaan si Aling Beatriz?” narinig nilang tanong ni Mang Boy, ang may-ari ng taxi. Agad nitong binuhat ang mama niya nang makita ang huli.
“Sa pinakamalapit na ospital, Boy,” sabi ni Lota. “Maiwan ka na, Irma. Ako na ang sasama kay Joan.”
Nakatuon ang buong atensiyon ni Joanna Marie sa kanyang ina habang papunta sila sa ospital. Humahagulhol na siya dahil hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin ito gumagalaw. Halos naghi-hysteria na siya nang makarating sila sa ospital.
“Tatagan mo ang loob mo,” sabi ni Lota sa kanya habang nasa waiting area sila ng emergency room. “Nire-revive siya ng mga doktor.”
“Lota, walang heartbeat si Mama nang ibaba natin ng taxi,” umiiyak na sabi niya.
“Tingnan mo `yon.” Itinuro nito ang monitor na nagpapakita ng heartbeat ng kanyang ina. May guhit doon na tumataas pero kapag nagpa-flat line ay parang hindi na uli tataas ang guhit sa haba ng pagitan. “May pag-asa pa, iyan ang ilagay mo sa isip mo. Manalangin ka.”
Halos hindi maintindihan ni Joanna Marie ang sariling panalangin dahil iyak siya nang iyak.
“Kayo ba ang kasama ni Mrs. Arceo?” tanong ng doktor nang hawiin nito ang kurtinang tumatabing sa pasyente.
Tumayo agad siya. “Ako ho ang anak niya,” mabilis na sagot niya. “Okay na ho ang mama ko?”
“Bumalik na ang heartbeat niya but she’s now in a coma. Pinasok ng hangin ang utak niya nang sandali siyang mawalan ng pulso kanina. And it’s not good. I’m giving her forty-eight hours to recover or—”
“Oh, my God!” Napahagulhol na siya.
“Ipapasok namin siya ngayon sa ICU. Puwede kayong pumasok doon. Talk to her. Kahit wala siyang response, chances are maririnig pa rin niya kayo. But please, don’t say anything that will depress the patient. Mas maganda kung itutuon ninyo sa positibong mga bagay ang mga sasabihin ninyo sa kanya.”
Hinawakan ni Lota ang kamay niya. “Sumunod ka na sa ICU. May aayusin lang ako sandali.”
Tumango siya, nagpipigil umiyak habang papunta sa ICU. Inuutusan niya ang sarili na magpakatatag para sa ina.
Forty-eight hours.
Napatiim-bagang siya. Napakaikli ng panahong iyon.
“INAYOS ko na ang deposit dito sa ospital, Joan. May mga gamot na inireseta ang doktor. Isasama raw iyon sa dextrose. Binili ko na rin at ibinigay ko sa nurse,” ani Lota.
“Maraming salamat, Lota. Ano ang gagawin ko? Tiyak, malaking gastos ito. Tatatlong libo lang ang hawak kong pera ngayon,” natatarantang sabi ni Joanna Marie.
Umiling ang babae. “Huling pera ko na rin `yong ibinayad ko sa deposit. Gusto pa kitang tulungan pero wala na akong hawak na pera,” parang nahihiya pang sabi nito.
“H-hindi mo naman responsibilidad na ipagamot ang mama ko,” sabi niya. “Tinatanaw ko nang malaking utang-na-loob ang mga tulong mo sa akin.”
“Joan, kung may pera pa talaga ako, hindi ako magkakait sa iyo. Hindi bale, ipagdadasal ko na lang na gumaling si Aling Beatriz. Sundin mo ang sinabi ng doktor. Makakabuti sa pasyente ang kinakausap dahil malamang na maririnig ka niya. Mabilis siyang makaka-recover kapag may kumakausap sa kanya.”
“Forty-eight hours, Lota.”
Umiling ito. “Diyos lang ang makakapagsabi kung hanggang saan ang buhay ng tao. Manalangin ka. Bantayan mo ang mama mo. Uuwi muna ako. Tumawag ka sa bahay kung kailangan. Huwag kang mahihiya. Tutulungan kita hanggang makakaya ko. Iyon nga lang, sa ngayon ay wala na rin akong perang maipapahiram sa iyo.”
Nang iwan siya ni Lota ay tinitigan lang niya ang ina. Hindi siya makapagsalita dahil alam niyang mapapaiyak lang siya.
Hinawakan niya ang payat na kamay ng ina. Kulubot na iyon at maugat pero bakas pa rin ang magagandang hubog ng mga daliri nito. Parang iyon na lang ang natirang alaala ng masaganang buhay nila noon.
They used to live a very comfortable life. Sa Sierra Carmela ay isa sa pinakamayaman ang angkan ng kanyang ama. Ang mama naman niya ay taga-Bacolod. Sa pagnenegosyo roon ng kanyang ama nagkakilala ang mga ito at mag-asawa na nang pumirmi sa Sierra Carmela.
Wala siyang matandaan na naging mahirap ang kanilang buhay sa bayang iyon. Iginagalang at tinitingala sila. Madalas ding kuning ninong at ninang ang mga magulang niya kaya bawat linggo ay may pinupuntahan silang okasyon.
Ni minsan ay hindi niya naisip noon na aalis sila ng bayang iyon. Pero siya pala ang magiging dahilan para lisanin nila ang Sierra Carmela.
Dahil kay Lemuel...