7

1382 Words
“JOANNA Marie, ginabi ka na naman ng uwi,” sita ng kanyang mama. “Nag-practice po kasi kami para sa graduation.” Tinitigan siya nito. “Sigurado ka? Baka naman pakikipag-boyfriend ang inaatupag mo? Ang bata-bata mo pa, Joanna Marie!” “H-hindi po, Mama,” nakayukong sagot niya. “Tiyakin mo lang,” may halong pagbabanta na sabi nito. “Hala, magbihis ka na at kakain na tayo.” Mabilis siyang pumasok sa sariling silid. Sa halip na sundin ang sinabi ng ina ay ang dalang bag ang inasikaso niya. Inilabas niya mula roon ang tatlong tangkay ng pulang rosas at mabilis na itinago sa pinakasulok ng drawer sa kanyang cabinet. Kapag nakita iyon ng mama niya ay siguradong magagalit ito. Nakapagpalit na siya ng pambahay ay hindi pa rin siya makalabas agad ng silid, iniisip pa rin ang nasa loob ng drawer na pinagtataguan niya ng mga mumunting regalo sa kanya ni Lemuel. Siniguro muna ni Joanna Marie na nakakandado ang kanyang silid bago muling binalikan ang mga iyon. Mula sa mga love notes, greeting cards, pictures, at iba’t ibang klaseng bulaklak ay nakatago sa kahong iyon. Magkakahalo na roon ang amoy ng natuyong camia, rosas, at rosal. Mayroon ding gumamela. Ang iba ay halos may amag na pero hindi niya maitapon. Mahalaga sa kanya ang lahat ng iyon dahil simbolo ang mga iyon ng pagmamahalan nila ni Lemuel. Hindi mahalaga sa kanya kung hindi man mamahalin ang bulaklak. Ang importante ay bigay iyon ni Lemuel. Alam niyang hinihingi pa iyon ng binata sa kapitbahay nito na maraming tanim na ornamental plants para lang may maibigay sa kanya. “Joanna Marie, lumabas ka na at nakahain na!” malakas na tawag sa kanya ng ina. “Opo!” nagulat na sagot niya. Mabilis niyang isinara ang drawer, saka bumaba sa dining room. “Isang linggo na lang at graduation na, Joanna Marie,” sabi ng kanyang mama nang nakaupo na sila sa mesa. Dalawa lang sila sa bahay na iyon. Mula nang mamatay ang kanyang papa ay pinaalis na rin nito ang katulong nila dahil kaya na raw nitong asikasuhin ang lahat ng gawain, tutal ay dalawa na lang sila. “Opo, Mama.” “Dumating na ang result ng entrance exam na kinuha mo sa St. Paul. Nakapasa ka,” pormal na sabi nito, parang hindi man lang natuwa. Pero sanay na si Joanna Marie sa ugali ng ina kaya hindi iyon nakabawas sa tuwang naramdaman niya dahil sa ibinalita nito. “Talaga, Mama? Eh, di doon na ako mag-aaral?” “Depende. Baka akala mo, hindi ko alam na nakikipaglapit ka sa Crisostomo na iyon. Kahit hindi kita binabantayan sa school, nakakarating sa akin ang mga ginagawa mo.” Naumid ang dila ni Joanna Marie. Yumuko siya at nagkunwaring nagko-concentrate sa pagkain. “Alam mong bawal ka pang mag-boyfriend, palagi kong sinasabi sa iyo iyon. Bakit ang tigas ng ulo mo?” “H-hindi naman po, Mama,” halos pabulong na sagot niya. “Alam ko namang hindi ka aamin. Huwag ka lang magpapahuli sa akin mismo kung ayaw mong magkapahiyaan tayo.” Sa halip na kumibo ay lalo pa siyang yumuko. Hindi agad nakatulog si Joanna Marie nang gabing iyon. Takot na takot siya sa ina. Alam niya kung kailan ito talagang galit na, at lalo itong magagalit kapag nalaman ang tungkol sa kanila ni Lemuel. Naiintindihan niya ang dahilan ng kanyang mama; bata pa siya at pag-aaral ang dapat na unahin niya. Pero mahirap ding pigilan ang sariling damdamin, lalo at nararamdaman niyang mahal na mahal siya ni Lemuel. Lahat ay ginagawa nito para maipakita sa kanya ang pagmamahal nito. At mahal din niya ito—mahal na mahal. Kaya kahit natatakot sa sobrang paghihigpit ng ina ay hindi pa rin niya sinunod ang utos nito. Hindi niya kayang pigilan ang pagmamahal niya para kay Lemuel. “JO, MAY problema ba?” malambing na tanong ni Lemuel nang kausapin siya nito kinabukasan. Sa lahat ng kakilala niya ay ito lang ang tumatawag sa kanya ng “Jo.” And it was not because “Jo” was a shortened form of her name. It was his term of endearment to her; it meant “sweetheart.” “Huwag kang lumapit sa akin,” mahina at may halo na ring paghingi ng paumanhin na sabi niya. Gumuhit ang pagtataka at hinanakit sa mukha nito. “Sa ganitong paraan na nga lang ako lumalapit sa iyo, eh.” Yumuko ito at tinabas ang mga d**o. YCAP time nila. Habang nagwawalis siya sa area niya ay doon naman nito piniling magtabas ng d**o. “I’m sorry. Napagsabihan kasi ako ni Mama kagabi. Alam daw niya ang mga kilos ko rito sa school. Alam niyang palagi tayong magkasama.” “Wala tayong ginagawang masama,” mariing sabi ni Lemuel. “B-bata pa raw ako.” “Yes. Sixteen ka at seventeen ako. Pero hindi na tayo sobrang bata para hindi natin malaman kung ano ang makakasama sa atin. Uulitin ko, Joanna Marie. Wala tayong ginagawang masama. Kung ako lang talaga ang masusunod, matagal na akong pumunta sa inyo para sabihin sa mama mo ang tungkol sa atin. Hindi ako natatakot dahil malinis ang konsiyensiya natin. We’re simply in love with each other.” Tumayo ito nang maayos. “I love you, Joanna Marie. I love you so much.” “I... I love you, too, Lemuel,” madamdaming sagot niya. “Hoy, kayong dalawa, maghiwalay na kayo!” ani January na mabilis na lumapit sa kanila. “Wala kaming ginagawang masama,” ulit ni Lemuel sa sinabi kanina pero sa pagkakataong iyon ay parang nagagalit na. “Alam ko. Ang ibig ko lang sabihin, sa inyo na nakatingin ang iba nating classmates,” sabi ni January. “Alam mo, Joanna Marie, kung may spy man ang mama mo ay malamang na classmates natin. Baka exaggerated ang sinasabi sa kanya kaya lalo ka niyang nahihigpitan,” ani Lemuel. Humakbang si January palapit kay Lemuel at sinadya pang idikit ang braso sa binata. “Kunwari, kami ang mag-boyfriend, okay?” Nagkatinginan sila ni Lemuel. Parehong may pagtutol sa kanilang mga mata pero siya na ang naunang tumango. “Sige, payag ako.” Ngumiti si January, saka tumingin kay Lemuel. “Ako muna ang sweetheart mo. Kunwari, si Joanna Marie ang tulay natin. At hindi rin tayo dapat maghiwalay na tatlo.” Napailing na lang ang binata. Hanggang uwian ay nakapagitna kina Joanna Marie at Lemuel si January habang naglalakad sila. “Oy, mukha kayong namatayang pareho,” tukso nito, saka inabot ang kamay niya habang ang isang kamay pa ay inihawak sa kamay ni Lemuel. “Isipin n’yo na lang na kayo ang magkahawak-kamay. Pasensiya na. Sobrang higpit kasi ng mama mo, Joanna Marie. Kaya ayoko mang maging asungot, ganito na lang muna. Mas ayaw ko namang magkahiwalay pa kayo.” Kahit nagpapatawa ang tono ni January ay hindi nila makuhang ngumiti ni Lemuel. Hindi man sila magkaroon ng sapat na panahong magkausap ay alam niyang pareho silang nahihirapan sa sitwasyon. “Kakanta na lang ako, okay? Mukha tayong nakikipaglibing, eh. Wala man lang music. Kapag mamaya, may umiyak na isa sa inyo, hay, naku! Eh, di mukha na nga tayong nakikipaglibing!” Nagsimula ngang kumanta si January. “Hindi lahat ng matataba ay siyang malulusog...” Sabay sila ni Lemuel na napatingin dito at bigla na lang napangiti. Sa dinami-rami ng mga kantang alam ni January, lalo na iyong mga paboritong piyesa kapag lumalaban sa mga singing contest, ay iyon pa ang narinig nila—ang jingle song nila na ipinanlaban noong Nutrition Month. Hindi iyon ang kantang inaasahan nilang kakantahin ng kaibigan. “Kung hindi masustansiya ang kinakain niya.” Tumigil ito sa pagkanta at magkasunod na tiningnan sila ni Lemuel. “`Ayan, napangiti ko rin kayo. May naisip ako, mga friends. Dumaan muna tayo sa amin. Kahit fifteen minutes lang. At least doon, makakapag-usap kayo. Walang tao sa bahay namin. May seminar si Mama sa kapitolyo. Gagabihin iyon ng uwi.” Gusto sanang tumutol ni Joanna Marie, pero nang magtama ang mga mata nila ni Lemuel ay napatango na lang siya. Nararamdaman niyang iyon ang gusto nitong mangyari. Kunsabagay, gusto rin niyang makapag-usap sila. Ang kaso nga lang, pinanghihinaan siya ng loob sa labis na takot sa ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD