“MAGHIHIWALAY na ba tayo, Joanna Marie?”
Parang gustong maiyak ni Joanna Marie sa tanong ni Lemuel. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang nawala ang tigas sa boses at ekspresyon nito. Takot at lungkot ang mababakas sa madilim na mukha nito.
“Mahal kita, Lemuel,” humihikbing sabi niya.
“Mahal din kita. Mahal na mahal.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinalikan. “Alam kong maraming tututol sa pagmamahalan natin dahil bata pa tayo, pero ilang beses ko bang sasabihin na may isip na rin tayo? Hindi natin gustong lumagpas sa tama dahil alam nating tayo rin ang maaapektuhan. Joanna Marie, pumayag ka nang kausapin ko ang mama mo. Haharap ako sa kanya bilang isang tunay na lalaki.”
Mabilis siyang umiling. “Mahigpit ang bilin ni Mama na huwag akong makipaglapit sa kahit na kaninong lalaki.”
“At kung gagawin mo nga, ano ang mangyayari?”
Muli siyang umiling. “Hindi ko alam. Wala namang sinasabi si Mama pero alam kong magagalit siya. At hindi ko alam kung ano ang mangyayari kapag nangyari `yon.”
Isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Lemuel. “Hindi tayo dapat nahihirapan nang ganito. Tingnan mo sina Princess Grace at Lyndon, malaya sila sa relasyon nila. Kung tutuusin ay malaya rin naman tayo. Naiintindihan tayo ng nanay ko. Part ng kabataan ang ganito. Kailangan nilang magtiwala sa atin. Kung magdududa sila palagi sa atin, hindi malayong gawin nga natin ang kinatatakutan nila.”
“Huwag, Lemuel. Mas malaking problema iyon. Pagpasensiyahan mo na lang si Mama. Nag-iisa akong anak at natatakot siguro siya na baka mag-asawa ako agad kaya hinihigpitan niya ako.”
“Jo, marami tayong pangarap sa buhay. Kahit na iyan ang isa sa pinakapinapangarap ko, alam kong kailangan nating maghintay ng tamang panahon para magpakasal. Kailangan muna nating ihanda ang kinabukasan natin. Mag-aaral ka at magsisikap din akong makapag-aral kahit sa state university sa kapitolyo. Alam mong mahirap lang ako pero sisikapin kong huwag manatiling mahirap. Gusto kong maginhawang buhay ang maibigay ko sa nanay ko at sa iyo.”
“Nakapasa nga pala ako sa entrance exam sa St. Paul. Baka doon na ako mag-enroll. After graduation, luluwas na ako sa Maynila, Lemuel. H-hindi na tayo magkikita.”
“Gagawa ako ng paraan para magkita pa rin tayo, Jo.”
“Please. Ngayon pa lang, kapag naiisip ko ang tungkol doon, nalulungkot na ako. Mami-miss kita.”
“At sa palagay mo ba, ako hindi? Mami-miss kita, Jo.” Ngumiti si Lemuel na parang abot-kamay na ang mga pinapangarap. “Ang totoo, kumuha rin ako ng entrance exam sa PUP. Kung makakapasa ako roon, baka doon ako mag-aral. Mag-a-apply rin ako ng scholarship para matustusan ang pag-aaral ko. Kapag doon ako nakapasok, siguradong magkikita tayo.”
Napuno ng tuwa ang dibdib ni Joanna Marie. “Talaga? Siguradong makakapasa ka, Lemuel. Matalino ka.”
Hinawakan ng lalaki ang kanyang kamay. “At siguro naman, kapag nasa college na tayo ay hindi na tayo mahahadlangan ng mama mo. Mas matured na tayo sa panahong iyon. At siyempre, mas paghahandaan natin ang kinabukasan natin para hindi sila mabigo sa atin.”
Napakasarap pakinggan ng mga sinasabi ni Lemuel kaya ngumiti siya nang maluwang. “Oo, Lemuel, ipapakita natin kay Mama na walang masama sa relasyon natin kahit sabihin niyang bata pa tayo.”
“I love you, Jo.”
“Oy, Joanna Marie, mag-‘I love you’ ka na rin, bilis. Time is up na,” sabad ni January. “Lampas alas-sais na ng gabi. Tiyak, hinahanap ka na ng mama mo.”
Nalungkot si Joanna Marie pero naiintindihan niya ang punto ng kaibigan. “Ang bilis ng oras,” mahinang reklamo niya.
“Hindi bale. At least, nagkasama tayo at nagkausap,” sabi ni Lemuel, pagkatapos ay niyakap siya. “I love you.”
“I love you, too, Lemuel.”
“O, dalhin mo ito sa mama mo,” muling sabad ni January. “Apron iyan, project natin sa Home Economics. Kunwari, ginabi ang teacher sa pagsasauli ng mga projects natin kaya medyo na-late ka. Okay na sigurong palusot `yan. Hinanap ko pa `yan sa baul. Noong first periodical pa natin project `yan, `di ba? Iyong sa iyo, nahingi ng teacher kasi maganda. Siguro naman, nakalimutan na ng mama mo na iba ang hitsura ng project mo.”
Napangiti si Joanna Marie. Kaya pala nang iwan sila nito sa sala ay hindi agad ito bumalik. Ang akala niya ay hinayaan lang sila nito. Kinuha niya ang apron. “`Buti na lang, naisip mo ito. Hindi ko pa nga alam ang ikakatwiran ko kay Mama pag-uwi ko, eh.”
Ngumisi si January. “Siyempre, ayokong mapahamak ang mahal kong kaibigan. Sige na, uwi na. Oy, ikaw, Lemuel, mamaya ka na umuwi. Baka may makakita sa inyong magkasama diyan sa labasan, eh, di sira ang drama natin. Dito ka muna. Siyempre, ako ang girlfriend-girlfriend-nan mo, `di ba?”
“Paano si Joanna Marie? Wala siyang kasabay umuwi.”
“Maraming tricycle diyan paglabas niya ng kanto.”
KAHIT sa palagay ni Joanna Marie ay tatanggapin ng mama niya na valid reason ang dala niyang apron ay kinakabahan pa rin siya nang umuwi. Halos alas-siyete na nang makarating siya sa bahay. Ang ganoong oras ng uwi ay ikinakagalit na nito sa kanya.
“Mama, nakipanahi po kasi ako—”
“Magpalit ka na ng pambahay at kakain na tayo,” putol agad nito sa sasabihin niya.
Nagtaka siya. Bukod sa hindi siya sinita ng ina ay hindi rin ito mukhang galit na umuwi siya nang ganoong oras. May lambing pa nga sa boses nito nang magsalita.
“Iyong maayos na pambahay ang isuot mo. May makakasabay tayo sa hapunan,” pahabol pa nito nang papasok na siya sa silid.
“Sino, Mama?”
“Mamaya, makikilala mo rin,” nakangiting sabi nito.
Mayamaya lang ay may dumating nga silang bisita. Mag-ina siguro ang mga ito dahil ang lalaking kasama ng babaeng halos kasing-edad ng mama niya ay parang matanda lang nang kaunti sa kanya.
Guwapo ang lalaki pero hindi siya nakadama ng anumang atraksiyon dito. Nang ipakilala siya rito ng mama niya ay tinanggap niya ito bilang isang bagong kakilala. Ganoon lang.
“Taga-Maynila sila, anak,” masiglang kuwento ng mama niya habang naghahapunan sila. “Matagal na namin silang kaibigan ng papa mo kaya lang ay sa abroad sila naglagi kaya ngayon mo lang sila nakita uli. Maliliit pa kayo no’ng huli kayong magkita. Two years old ka lang noon. At ikaw naman, Louie, hijo, ay four years old pa lang yata noon.”
“Five years old, Tita. Natatandaan ko pa po noon na hinampas ako ni Joanna Marie ng bote ng dede niya.” Sinulyapan siya ng lalaki at saka nginitian. “Ang sungit mo noon, Joanna Marie. Pero ngayon sa tingin ko ay hindi na.”
Gustong umirap ni Joanna Marie pero mahinhin siya kapag kaharap ang kanyang mama, takot kasi siyang mapagsabihan nito, lalo sa harap ng ibang tao.
“Nagbabago naman ang tao. Lalo na si Joanna Marie ko,” nakangiting sabi ng kanyang mama. “Nagdadalaga na iyan. Siyempre, dalaga na rin ang kilos.”
“At sa gandang bata ng anak mo, Beatriz, tiyak kong hindi iyan nauubusan ng manliligaw. May boyfriend ka na ba, hija?” tanong ng mama ni Louie.
“Hindi siya puwedeng mag-boyfriend, Estela,” mabilis na sagot ng kanyang ina. “Nakatango na ako sa inyo noon pa. Kaya nga, ganyan na lang kung bantayan ko si Joanna Marie. Aba, hindi ako tumatalikod sa pangako.”
Bigla siyang napatingin sa ina, may bumangong hinala at hinanakit sa dibdib. Pero mukhang hindi naman ito naapektuhan ng tinging ipinukol niya rito. Nang magsalita uli ang kanyang mama ay nagtaas pa ito ng noo, na para bang ipinamumukha sa kanya na ito ang ina at nandito ang lahat ng karapatang patakbuhin ang kanyang buhay.
“Ipinagkasundo ka namin ng papa mo kay Louie, Joanna Marie. Ang totoo, pagkatapos mong mag-aral ay magpapakasal na kayo. Pero mukhang mababago ang plano. Wala nang balak na tumira ang mga Tita Estela mo rito sa Pilipinas at niyayaya tayong doon na rin sa Amerika mamirmihan. Ibebenta ko na lang ang negosyo natin dito at sasama na tayo sa kanila.”
“M-Mama...” lang ang tanging nasabi niya.
“Puwede namang doon ka na rin mag-aral, hija. Sa University of San Diego naka-enrol si Louie. Doon ka na rin siguro mag-e-enrol,” sabi ni Tita Estela.
“And of course, I will take care of you,” sabad ni Louie.