HINDI natapos sa hapunang iyon ang pakikiharap ni Joanna Marie sa mag-inang Estela at Louie. Pero dahil nabuksan na ang paksa na ipinagkasundo siya sa lalaki, pagkatapos ng hapunan ay itinaboy sila ni Louie ng kanilang mga ina para makapagsolo sila sa balkonahe.
“I have always been in love with you, Joanna Marie. Bata pa ako ay itinanim na iyan sa isip ko ng parents ko. Constantly, your mother sent us your pictures kaya alam ko kung gaano ka na kaganda ngayon.”
Nagtagis ang mga bagang niya. Gusto niyang angilan si Louie pero takot din siyang mapagalitan ng ina.
“Sa Amerika ka lumaki, `di ba? Bakit ka pumayag sa ganitong kasunduan? Pangsinaunang panahon lang ang ganito. O siguro, pang-royal blood.”
Ngumiti ang lalaki. “Naisip ko na iyan noon. Gusto ko ring tumanggi kasi marami rin akong crushes sa US, Filipinas and Americans. Actually, marami rin akong naging girlfriends. Pero iba ka, eh. Kahit sa picture lang kita nakikita nitong mga nakaraang taon, attracted pa rin ako sa iyo. Saka malakas pa rin ang impluwensiya sa akin ng Filipino culture. Deep inside, isang purong Filipina pa rin ang gusto kong mapangasawa.”
“Bata pa ako. Kahit ikaw, nineteen pa lang.”
“Sa Amerika, kapag eighteen na ay considered adult at matured na. I’m already independent, financially or otherwise. Kung siguro nga, eighteen ka na ngayon, baka yayain na kitang magpakasal.”
Noon bumangon ang galit na kanina pa naipon sa dibdib ni Joanna Marie. “Kasal? Wala akong gusto sa iyo. Ngayon lang kita nakita.”
Pero parang hindi man lang naapektuhan si Louie sa sinabi niya. “Nade-develop naman ang pag-ibig. Kapag nasa Amerika na tayo, liligawan kita. I’ll make sure you’ll fall in love with me.”
“LUMABAS na ang totoo, Lemuel,” umiiyak na sumbong ni Joanna Marie sa nobyo nang magkaroon sila ng pagkakataong mag-usap nang sarilinan. Nandoon uli sila sa bahay nina January at ito ang nagsilbing lookout nila. Vacant period nila at tumakas lang sila sa school para mag-usap.
Ilang araw na siyang tulala sa klase. Kahit napanindigan ni January na magkakasama silang tatlo ay halos hindi siya nagsasalita. Pakiramdam niya, mapapaiyak siya kaya piniling magsawalang-kibo na lang.
“Ano’ng totoo?” magkahalo ang kuryosidad at pag-aalala sa boses ni Lemuel. Hinagod nito ang buhok niya at nang siguro ay hindi na makatiis ay masuyo siyang niyakap.
“Si Mama. Kaya pala ganoon na lang ang paghihigpit niya sa `kin ay dahil ipinagkasundo na niya ako sa anak ng kaibigan niya.”
Hindi ito kumibo pero naramdaman niya ang pagdiin ng mga daliri nito na nakadantay sa balikat niya.
“Ayoko, Lemuel. Ikaw ang mahal ko,” umiiyak na sabi niya.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Lemuel. Madilim ang mukha nito nang tingnan niya. Nasa ekspresyon nito ang labis na pagtutol pero parang wala ring magawa.
“Alam mong mahal na mahal din kita, Jo,” anito sa mababang boses. “Pero limitado ang kaya nating gawin ngayon. Pareho tayong menor-de-edad at kahit ano’ng gawin natin ay mapipigilan ng mga magulang natin.”
“Baka totoo `yong sinasabi ni Mama. Na hindi na ako sa Maynila mag-aaral. Baka sumama na kami kina Tita Estela sa Amerika.”
Tumigas ang ekspresyon ni Lemuel. “Mahirap lang kami. Hindi kita masusundan sa Amerika kung sa ngayon lang.”
“Magtanan na lang tayo, Lemuel,” lakas-loob na sabi niya.
Biglang napatingin ito sa kanya.
Hindi alam ni Joanna Marie ang iniisip ng kasintahan, at parang gusto niyang magtampo dahil parang hindi ito papayag.
“Mahal mo ako, `di ba? At mahal din kita. Ayokong magkahiwalay tayo. Magtanan na lang tayo,” ulit niya.
“Hindi ko pa kayang ibigay ang buhay na pangarap kong ibigay sa iyo,” parang nanghihingi ng pang-unawang katwiran nito.
“Ang importante, hindi tayo magkakahiwalay,” katwiran niya.
Hinaplos ni Lemuel ang buhok at pisngi niya. “Ayoko ring magkahiwalay tayo, Jo. Lalo na at ipinagkasundo ka sa iba. Pero parang hindi sagot sa problema natin ang pagtatanan.”
Nasaktan siya sa sinabi ng boyfriend. “Kung ayaw mo, huwag mo,” galit na sabi niya, saka mabilis na tumayo.
Nagulat pa si January nang makita siyang nagmamadali. “Hoy, ano’ng nangyari sa inyo?”
Hindi sumagot si Joanna Marie at lalo pang binilisan ang paglalakad.
MASAMANG-masama ang loob ni Joanna Marie kay Lemuel. Hindi niya ito maintindihan. Mahal nila ang isa’t isa kaya bakit ayaw nitong pumayag sa gusto niya? Bale-wala sa kanya kung mahirap ang pamilya nito. Ang mas mahalaga ay hindi sila magkakahiwalay.
“Mabuti naman at maaga kang umuwi ngayon, Joanna Marie,” salubong sa kanya ng ina. Hindi nito mapapansin na galing siya sa pag-iyak dahil bago siya nagpakita rito ay dumeretso siya sa likod-bahay at naghilamos sa poso.
“P-pinauwi po kami nang maaga. Tapos na po ang graduation practice,” pagsisinungaling niya.
“Sige, may malaking bag sa ibabaw ng kama mo. Doon mo na ilagay ang mga gamit mo. Nagsimula na akong mag-empake. Mabuti nang nakahanda ang mga gamit natin.”
“Aalis po tayo?”
“Luluwas tayo sa Maynila pagkatapos ng graduation mo. Doon na tayo pansamantalang pipirmi habang inaayos ang papeles natin papunta sa Amerika. `Sabi ni Estela, mabuting nasa Maynila tayo para hindi na tayo mapagod sa biyahe sa pagpunta-punta sa embassy.”
“T-talaga pong pupunta tayo sa Amerika?”
“Ano ka ba naman, Joanna Marie? Alam na ng buong bayan ang tungkol diyan ay parang nagugulat ka pa rin. Hindi na tayo babalik dito. Naibenta ko na ang negosyo natin, pati itong bahay at lupa. Personal na gamit na lang ang dadalhin natin sa pag-alis.”
“Mama, talaga po bang ipinagkasundo ninyo ako kay Louie?”
Bumuntong-hininga ang kanyang mama na parang nababagot. “Wala akong nakikitang masama roon. Siguradong maganda ang magiging kinabukasan mo sa kanya.”
“Pero, Mama, hindi ba’t kayo ang nagsabi na bata pa ako para makipagrelasyon?” lakas-loob na tanong niya.
Tiningnan siya nito nang masama. “Kinukuwestiyon mo ba ang mga desisyon ko, Joanna Marie? Pinipigil lang kita dahil alam kong hindi ka naman mapapabuti sa ginagawa mo. Ano ang mapapala mo sa Crisostomo na iyon? Isang kahig, isang tuka! Naglalako lang ng asin ang nanay niya. Anong buhay ang ibibigay niya sa iyo? Ang magdildil ng asin sa oras ng pagkain?”
“Marangal naman pong hanapbuhay ang paglalako ng asin,” katwiran niya sa mahinang boses.
“Ano’ng sinabi mo?” galit na tanong nito. “Ipinagtatanggol mo ang mga iyon? Bakit, dahil totoong nakikipagrelasyon ka sa lalaking iyon?”
“W-wala naman po kaming ginagawang masama ni Lemuel,” sa halip ay sagot niya.
Lalo iyong ikinagalit ng mama niya. “Sinasabi ko na nga ba!” Hinawakan siya nito at halos itulak papasok sa kanyang silid. “Hala, ayusin mo ang mga gamit mo at pagkatapos na pagkatapos ng graduation mo ay luluwas na tayo!”