11

955 Words
NAPAKAHABA ng gabing iyon para kay Joanna Marie. Magkatabi sila ni Aling Belen sa silid nito habang si Lemuel naman ay nasa kabilang silid. Alam niya, magkahiwalay man sila ng ilang hakbang ay pareho silang hindi makatulog. Pinilit lang silang mahiga na ni Aling Belen para daw kahit paano ay makapagpahinga sila. Hindi niya alam kung nakatulog nga ba siya o napapikit lang nang ilang sandali sa buong magdamag. Ang alam niya, tuwing kikilos siya ay nagigising siya. Kaya pagsikat pa lang ng araw ay bumangon na siya. “May nakahanda nang kape sa mesa,” ani Lemuel. Mukhang mas nauna itong bumangon. Halatang hindi rin ito nakatulog nang maayos. “Magkape ka na, Jo. Pasensiya ka na, wala man lang gatas.” “Okay lang. Si Aling Belen, natutulog pa.” “Hayaan na lang natin. Hindi siya magtitinda ngayon. Wala siyang naangkat na asin kahapon. Parang pahinga na rin niya iyan. Paggising niya ay hindi na naman iyan titigil sa pagtatrabaho.” Napabuntong-hininga si Joanna Marie. “Malamang alam na ni Mama na wala ako. Hindi naman ako nag-iwan ng sulat. Basta umalis lang ako.” “Nakahanda ako anuman ang mangyari kapag nakita ka niya rito,” sagot nito. “Mahal kita, Joanna Marie. Hindi kita pababayaan.” Tumayo siya at lumapit sa nobyo. “Yakapin mo ako, Lemuel. Please.” Parang saglit itong nag-alangan, pero pinagbigyan din ang kanyang hiling. “I love you, Jo. Kung hindi lang limitado ang kakayahan ko ngayon, ayaw ko na ring magkahiwalay pa tayo. Pero sana, naiintindihan mo rin ako. Ayaw kitang itaboy. Kung ako lang ang masusunod, alam mong hindi ko gusto ang nangyayari sa ating ito.” “Alam ko, Lemuel. Kaya nga gusto kong yakapin mo ako. Kahit ang yakap mo man lang ang baunin ko kapag kailangan ko na ring umalis dito.” Ilang sandali silang nanatiling magkayakap. Gustong maiyak ni Joanna Marie. Kung puwede lang sana silang manatili nang ganoon nang habang-buhay. Nang kumilos siya para tingnan ang binata ay natuklasan niyang nakatunghay din ito sa kanya. Sa pagkakatingala niya rito ay halos mag-abot na ang kanilang mga labi. “Hindi ko itatangging pangarap kong mahalikan ka, Joanna Marie,” bulong nito. “Ako din, Lemuel.” Parang nag-usap ang kanilang mga mata at sa pamamagitan niyon ay naintindihan nila ang mensaheng hindi nila maisaboses. Nang bumaba ang tingin niya sa mga labi ni Lemuel ay hinaplos naman nito ang sulok ng kanyang bibig. Napapikit siya. “May I kiss you, Jo?” halos pabulong na tanong nito. “Yes, Lemuel. Yes.” Parehong nangangatal ang kanilang mga labi nang magtagpo ang mga iyon. Nanatiling magkalapat lang ang kanilang mga labi, parehong hindi gumagalaw. It was their first kiss. Pareho silang kapos sa kaalaman sa larangang iyon. Pero hindi iyon hadlang para hindi nila madama ang tamis ng unang halik. Nagsimulang gumalaw ang mga labi ng binata. Dinampian nito ng mumunting halik ang kanyang mga labi mula sa isang sulok hanggang sa kabila. Lalong nangatal ang kanyang mga labi. Ang sensasyong kasama ng maingat na kilos na iyon ay nagsimulang gumapang sa buong katawan niya. Pakiramdam niya, manghihina ang mga tuhod niya sa intensidad ng halik. Lalong naging mariin ang pagkakapikit ni Joanna Marie. Gusto niyang lalong maramdaman ang espesyal na halik na iyon. Nagsimula ring dumiin ang halik nito. Pero mabilis silang naglayo nang makarinig ng ugong ng sasakyang huminto sa tapat ng bahay. “Crisostomo! Ilabas mo ang anak ko!” “Si Mama,” natatakot na sabi ni Joanna Marie. Pinisil ni Lemuel ang balikat niya. “Halika. Kailangan nating humarap sa kanya.” Noon din ay lumabas ng silid si Aling Belen. May pag-aalala sa mukha nito pero kalmante rin. Nakita niyang may kasamang dalawang pulis ang kanyang mama. “Hayan, mga pulis! Kitang-kita, nasa lalaking iyan ang anak ko. Tinangay niya ang anak ko,” hysterical na sabi ng kanyang ina. “Joanna Marie, halika rito! Bilis!” Pero sa halip na sundin ang ina ay nagsumiksik pa siya sa tabi ni Lemuel. “Huminahon kayo, Misis,” sabi ni Aling Belen. “Puwede naman itong pag-usapan nang maayos. Pumasok kayo sa aming bahay at mag-usap tayo.” “Patutuntungin mo ako sa barongbarong na iyan?” mayabang na tanong ng mama niya. “Ang kailangan ko lang ay bawiin ang anak ko.” “Mama, dumadami ang tao sa kalsada sa pagsigaw ninyo,” mahinang saway ni Joanna Marie. Bahagya siyang lumapit dito. “At nahihiya ka? Sumama ka na sa akin. Mamang pulis, damputin ninyo ang lalaking iyan. k********g ang ginawa niya sa anak ko.” “Nagkakamali kayo, Mrs. Arceo,” sabi ni Lemuel. “Huwag ka nang magkaila. Tinangay mo ang anak ko!” “Eh, misis, wala naman sa hitsura ng anak ninyo ang kinidnap,” sabad ng isang pulis. “Baka ho mas magandang mag-usap kayo, sabi nga ng magulang ng batang iyan.” “At bakit ako mag-aaksaya ng panahon sa mga patay-gutom na iyan? Halika na, Joanna Marie. Sumama ka na sa akin at nang hindi ko na ipakulong ang lalaking iyan.” Naiinis na tuluyan siyang lumapit sa ina. “Mama, walang dahilan para ipakulong ninyo si Lemuel. Hindi niya ako tinangay. Kusa akong nagpunta rito.” “Malandi!” Sinampal siya nito. “Jo!” Nilapitan agad siya ni Lemuel. Nagulat si Joanna Marie na hindi siya naiyak kahit malakas ang sampal ng kanyang mama. Tumayo siya at matapang na lumapit sa mga pulis. “Huwag kayong magkakamaling hulihin si Lemuel. Ako ang nagsasabi sa inyo ng totoo. Hindi niya ako pinilit, walang k********g na nangyari. Ako ang kusang pumunta rito. Naglayas ako sa amin.” “Suwail kang anak!” sigaw ng mama niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD