12

1456 Words
NAPABUNTONG-HININGA si Joanna Marie at mabilis na nagpilig ng ulo. Walang dahilan para balikan pa niya ang mga alaala ni Lemuel. Nasa kritikal na kondisyon ang kanyang mama, ito ang dapat niyang pagbuhusan ng pansin. Pero hindi pa rin niya maiwasang isipin ang nakaraan. At hindi man niya sinasadya, alam niyang hindi lang siya ang may kasalanan kung bakit ganoon na lang ang hirap ng kanilang buhay ngayon. Kung tutuusin ay ang mama niya ang may kasalanan ng lahat. Pagkatapos ng nangyaring eskandalo ay wala siyang nagawa kundi ang sumama rito. Nang huminahon ito ay iniyakan siya, nagmakaawa pa ito para umalis lang siya ng bahay nina Lemuel. Pumayag siya, kapalit ng pangakong hindi na siya ipapakasal nito kay Louie. Kunsabagay, kahit siguro gustuhin pa nito na ipakasal siya kay Louie ay hindi na iyon mangyayari. Umatras si Louie at ang mama nito sa kasunduan nang mabalitaan ang nangyaring eskandalo. Mabilis ding kumalat sa kanilang lugar ang nangyari. Walang naniwala na hindi sila nagtanan ni Lemuel. Ayaw umano ni Louie na mapagtawanan, ang mapagsabihang “tagasalo ng tira-tira ng aso.” Ganoon pa man ay lumuwas pa rin silang mag-ina sa Maynila. Kahihiyan ang nagtulak sa mama ni Joanna Marie para panindigan ang pagpunta nila sa Amerika kahit umatras na sa usapan si Estela na tutulungan sila sa pagpunta roon. Isang malayong kamag-anak ang hiningan nito ng tulong para maayos ang mga papeles nila para makarating sa Amerika. Tumira sila sa isang apartment habang naghihintay ng resulta ng kanilang visa. Tumagal nang ilang buwan ang pag-aayos ng mga papeles. Sa buong panahong iyon ay halos nakakulong siya sa bahay. Walang tiwala ang mama niya na iwan siyang mag-isa. Nagdududa ito na baka tumakas siya pabalik sa Sierra Carmela at pumunta kay Lemuel kaya nakabantay ito sa bawat kilos niya. Nasakripisyo pati ang pag-aaral sana ni Joanna Marie sa kolehiyo. Hindi siya pinapasok ng mama niya sa pag-asang makakaalis din sila papunta sa ibang bansa. Pero habang tumatagal ay parang lumalabo ang application nila. Ni hindi sila nai-schedule para ma-interview sa embassy. Nalaman na lang nila na ang malayong kamag-anak nito ang nakaalis papunta sa Amerika at sila ang naiwan. Ang masaklap pa roon, pera nila ang ginamit para makaalis ito. At pera din nila ang tinangay nito bilang pocket money. Kakaunting pera sa bangko ang natira sa kanila. Sa loob lang ng ilang buwan ay nasaid iyon. Napilitan silang mag-ina na magtrabaho ng kung anu-ano para lang mabuhay. Ilang beses din niyang itinanong kung bakit hindi na lang sila umuwi sa Bacolod. Pero nagmatigas ang kanyang mama. Wala na raw itong kamag-anak doon. Isa pa, problema rin nila ang pamasahe para makarating sa Bacolod. Ni minsan ay hindi tinangkang banggitin ni Joanna Marie ang tungkol sa pagbalik nila sa Sierra Carmela. Dahil pagkatapos ng kabanatang iyon sa kanilang buhay ay hinding-hindi na raw ito babalik sa bayang iyon. Isa pa, takot siya na muling masumbatan nito. Ilang beses nitong ipinamukha sa kanya na siya ang may kasalanan kung bakit kinailangan nilang umalis ng bayang iyon. Iginapang si Joanna Marie ng kanyang mama para makatuntong siya sa kolehiyo. Nag-working student din siya pero sa hirap ng kanilang buhay, hanggang second year college lang ang naabot niya. Pumasok siya bilang shampoo girl sa isang beauty parlor at doon niya naging kaibigan si Lota dahil suki ito roon. Nang palayasin sila sa dati nilang apartment, inialok sa kanila ni Lota ang isang pinto ng apartment nito. Hindi rin nila kaya ang upa kaya ang first floor lang ang inokupa nila at pinaupahan nito sa iba ang second floor ng apartment. Pero mahirap talaga ang buhay, lalo na nang natuklasan nila ang sakit sa bato ng kanyang mama. Hindi siguro lalala iyon kung noon pa ay nagpa-check up na ito. Pero gastos lang daw iyon ayon dito. “Mama,” aniya, nagdesisyon nang simulan ang pagkausap dito. “Gagaling ka. Alam mo bang tutulungan tayo ni Jan? Magkausap pa lang kami kanina. Kinukumusta ka nga niya, eh. Busy lang daw siya sa trabaho kaya hindi ka niya nadadalaw. Pero kapag nalaman niyang nasa ospital ka ngayon, I’m sure, kahit gaano siya ka-busy, pupunta iyon dito.” Hinagod ni Joanna Marie ang noo nito. “Fight, Mama. Hindi ba mas matapang ka kaysa sa akin? We will survive together. Kapag iniwan mo ako, paano na ako? We are each other’s strength. Hindi ba’t iyan ang madalas mong sabihin sa akin?” Napalunok siya. Hindi yata niya makakayang magsalita nang tuloy-tuloy, lalo na at naiiyak na naman siya. Muli niyang inabot at hinawakan nang mahigpit ang mga kamay ng ina. Anuman ang mga problemang nagdaan sa buhay nila, anuman ang mga pagkukulang at naging kasalanan nila sa isa’t isa ay mananatiling ina niya ito. At mahal niya ito. “MUKHANG wala kang tulog,” sabi ni January kay Joanna Marie nang dumalaw ito sa ospital kinabukasan. “Paano naman ako makakatulog? Hanggang ngayon, walang pagbabago sa kalagayan ni Mama,” sabi niya. Pinagmasdan nito ang kanyang mama bago muling bumaling sa kanya. “Tara muna sa canteen. Mag-almusal muna tayo.” Umiling siya. “Ayokong iwan si Mama.” “Joanna Marie, hindi ka tatagal kung hindi ka kakain. Puyat ka na nga magdamag, wala pang laman ang tiyan mo. Baka dalawa na kayo ng mama mo na maging pasyente rito sa ospital.” May punto ang kaibigan niya kaya kahit wala siyang ganang kumain ay kailangan na rin niyang lamnan ang sikmura. Kape at sandwich ang in-order niya pagdating sa canteen kahit na pinipilit siyang mag-order ng heavy breakfast ni January. “Tama na ito,” aniya nang paalis na sila sa counter. Ang kaibigan na niya ang nagbayad ng pagkain. Hindi na siya nagpakaipokrita pa na magbayad niyon. Lalo at kulang na kulang ang hawak niyang pera at ayaw na niyang mabawasan iyon dahil kailangang madagdagan pa iyon. “Gustuhin ko mang bigyan ka ngayon ay wala pa akong ibibigay. Hindi ba’t ang pangako ko sa iyo ay sa suweldo? Naka-budget na kasi ang pera ko ngayon.” “Alam ko, Jan. Nahihiya nga ako sa iyo, eh. Kaya lang alam mo namang walang-wala ako ngayon.” “I know. And don’t mind me. Hayaan mo, basta nagkapera ako, ipapagamit ko muna sa iyo. Paano nga pala ang pambayad mo rito? I’m sure, malaking gastos ito.” “Binayaran na ni Lota ang deposit. Pero tinapat niya ako na wala na rin siyang perang ipapahiram sa akin.” Bumuntong-hininga siya. “Parang kakapit na ako sa patalim.” Nanlaki ang mga mata nito. “Huwag mong gagawin iyan! Hindi masasagot ng isa pang problema ang problema mo.” Tinitigan niya ang kaibigan. “Paano kung wala naman akong ibang masasagasaan?” “Ano’ng ibig mong sabihin?” Bumuntong-hininga uli si Joanna Marie at saka umiling. Sa palagay niya ay mabuti pang sarilinin na lang niya ang nasa isip. “Ano kaya kung tawagan ko na si Amor? Hindi kaya nakakahiyang humingi ng tulong?” aniya sa halip na sagutin ito. “Ano naman ang nakakahiya roon? Kilala ko si Amor. Mabait siya.” “Ang tagal na naming hindi nagkikita. Baka sabihin niya, umiiwas pa ako kunwari sa kanya noong magkita kami, `tapos, lalapit din pala ako at hihingi ng tulong.” “Ganito na lang. Kung talagang nahihiya ka, ako ang kokontak sa kanya. I’m sure, natatandaan pa niya ako. Para namang hindi tayo magkakaklase noong high school. Si January ito, ang palagi ninyong ipinanlalaban pagdating sa kantahan. Imposibleng nakalimutan na niya ako. Nasaan ang number niya? Akin na, dali!” Ibinigay niya ang calling card ni Amor. Mabilis namang tinawagan ni January ang number ng babae. “Mukhang hindi natin araw ngayon,” ani Jan nang maibaba ang telepono. “Out of reach, eh. Hindi bale, mamaya, susubukan ko uli siyang tawagan. Ako na ang bahalang dumiskarte. Kung sakali, magkano ba ang uutangin mo?” “Magkano ba iyong hindi nakakahiya? Siguradong malaking pera ang kailangan ko, eh. Baka naman hindi tayo pautangin kung lahat ng gastusin ni Mama ay sa kanya ko uutangin.” “Sige, ako na lang ang bahala. Gusto mo bang malaman niyang ikaw ang may kailangan?” Tumango siya. “K-kapag nakontak mo si Amor, baka ako na rin ang magsabi sa kanya mismo. Ngayon ko naisip, lalong nakakahiya kung ako ang mangungutang, `tapos, ikaw ang magsasabi sa kanya. Paki-try na lang muna na kontakin siya. Ikaw na ang bahala kung gusto mong sabihin ang kalagayan ni Mama.” “Okay.” Sinaid ni January ang sariling kape. “Paano, papasok na ako? Dumaan lang talaga ako rito. May pasok kasi ako, eh. Hindi ako puwedeng magtagal.” “Alam ko. Salamat, Jan.” “Salamat ka diyan. Siyempre magkaibigan tayo, nagtutulungan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD