PAGKATAPOS ng beinte-kuwatro oras ay nabuhayan ng pag-asa si Joanna Marie. Nagising ang kanyang mama pero walang mababakas na rekognisyon sa mga mata nito. Ayon sa doktor ay senyales na rin iyon ng improvement sa kalagayan nito.
Normal na rin ang blood pressure ng kanyang mama. Iyon nga lang, hindi pa rin ito kumikilos. Kapag naging stable ang mga vitals signs nito ay puwede na itong ilabas ng ICU at ilipat sa hospital room.
“Kailangan na ring masimulan ang pagda-dialysis sa mama mo, Miss Arceo,” sabi pa ng doktor bago ito nagpaalam.
“Narinig mo, Mama?” aniya sa ina nang maiwan sila. Nakatitig ito sa kanya, sa tingin niya ay naiintindihan naman nito ang mga sinasabi niya. “Medyo okay ka na. Maghihintay lang tayo nang kaunti at ilalabas ka na rito. Mama, magpapa-dialysis ka na, ha?”
Kumurap lang ang mga mata nito.
“Huwag mong alalahanin ang gastos, `Ma. Ako ang bahala roon. Tinulungan tayo ni Lota. At saka si Jan, tutulungan din niya tayo. Remember, mayroon din tayong referral mula sa DSWD at PCSO. `Ma, makokompleto mo ang dialysis mo. G-gagaling ka na.” Hinaplos ni Joanna Marie ang pisngi ng ina. Yumuko siya para halikan ito. “Magpahinga ka, `Ma. Para lalo kang lumakas. Narito lang ako para sa iyo.” Nginitian niya ito.
Mayamaya pa ay pumikit na ito at parang nakatulog na. Noon naman dumating ang hospital staff para sabihin sa kanya kung magkano na ang inaabot ng bill nila.
“Pakidagdagan na lang po ang deposito ninyo bago matapos ang araw na ito,” magalang na sabi nito.
“S-sige,” sagot ni Joanna Marie kahit hindi pa alam kung saan siya kukuha ng pera. Hindi na siya nagulat sa bill na inabot nila. Iyon nga lang, kapos na kapos ang perang hawak niya.
“Problema?” tanong ni Irma na nagpaangat ng tingin niya rito. Hindi niya namalayang dumating ito.
“Bayarin dito sa ospital,” sabi niya.
“Tingnan ko nga.” Kinuha nito ang papel sa kamay niya. Sandali lang nitong tiningnan iyon at ibinalik din sa kanya. “Doon na lang tayo sa labas. Nagpapahinga na si Aling Beatriz. Baka makaistorbo ang malakas na boses ko,” anito bagaman sadya ring hininaan ang boses.
“Irma, kung iyong sinabi mo sa akin kagabi—”
“Joan, gusto ko ring dalawin ang mama mo kaya ako nandito. Pero hindi na rin ako magkakaila. Gusto ko ring itanong kung napag-isipan mo na ang tungkol doon.”
Napabuntong-hininga siya. “Sa kalagayan ko ngayon...”
“One hundred thousand iyon, Joan. At hindi iyon utang. Wala ka nang obligasyon na magbayad ng utang pagkatapos. Wala ka ring tatanawing utang-na-loob. Iyon nga lang, alam mo na ang kapalit niyon. Kaya mo ba?”
Hindi siya kumibo.
“Sige, may maghapon ka pa. Mamaya pag-uwi ko, sana ay makapagdesisyon ka na. Sa Friday na kasi iyon, eh. Huwebes na ngayon. Para bukas ng maghapon, makahanap kami ng iba. Pero kung ako ang magdedesisyon, gusto kong ikaw na. Tutal, kailangan mo talaga ng pera. At kung talagang mahirap sa kalooban mo at napipilitan ka lang pumayag, kakausapin ko ang barkada. Patataasan ko pa ang isandaang libong bayad para naman mas magamit mo pa ang pera.”
Tumingin lang siya kay irma. Hindi niya alam kung ano ang iisipin dito; para itong anghel na para ding demonyita sa buhay niya ngayon. May dala itong biyaya kung papayag siya pero napakalaking bagay ang kapalit niyon na kapag ibinigay niya ay hinding-hindi na niya magagawang bawiin.
“Papasok na ako. `Eto nga pala ang padala ni Tita Lota.” Iniabot nito sa kanya ang pera. “Dalawang libo iyan. Pandagdag mo raw sa gastos mo rito. Tulong iyan ng ibang tenant. At gaya ng alam natin, ang tulong ay may katapusan at pabarya-barya lang sa laki ng pangangailangan mo. Tatanawin mo pa iyong utang-na-loob. Iyong sinasabi ko sa iyo, hindi iyon utang. At isang gabi lang iyon.”
Hanggang sa makaalis ang babae ay hindi siya nagsalita.
Bumalik si January pagkatapos ng pasok nito sa opisina. “Kumusta ang mama mo?” tanong nito sa kanya.
“Nakakadilat na. Baka ilipat na rin siya sa ward, `tapos, sisimulan na raw ang dialysis. N-natawagan mo ba si Amor?”
“Iyon nga ang bad news. Hindi ko makontak. Tinawagan ko pati iyong opisina niya. Nasa Sierra Carmela raw. Hindi naman masabi ng sekretarya niya kung kailan ang balik.”
“Malaki na ang bill ni Mama. At mas malaking gastos kapag sinimulan ang dialysis.”
“Oo nga. Ano’ng gagawin mo? Magkano pa ang pera mo?”
“May two thousand ako kanina, tulong ng mga kapitbahay namin. Dinala ko na agad sa accounting kasi nagpapadagdag ng deposito ang ospital. Hindi na kakasya para pambayad sa bill ang hawak kong pera. `Tapos, pambili pa ng gamot.”
“Kung mayaman lang sana ako, hindi ka na mamomroblema sa pera. Sasagutin ko na ang hospitalization ng mama mo.”
Napangiti siya kahit nalulungkot pa rin. “Kaso nga, hindi tayo mayaman.”
TALIWAS sa inaasahan ni Joanna Marie ay nagkaroon ng negatibong pagbabago ang kondisyon ng kanyang mama. Bumaba nang husto ang blood pressure nito na naging sanhi para maging unstable ang mga vital signs nito. Sa halip na ilabas na ito ng ICU nang hapong iyon ay nanatili pa ito roon.
Kung may konsolasyon man siya sa kalagayan nito, iyon ay ang pananatili ng pagiging aktibo ng mga mata nito.
“It’s hard to say anything now, Miss Arceo. Umaatake kasi ang diabetes ng mama mo at iyon ang komplikasyon ng sakit niya. We have to perform a dialysis now.”
“Kahit naka-coma siya, Doc?” tanong niya.
“Yes. Tingnan mo, nagsisimula na siyang manasin. Delikado iyan kapag hindi pa siya na-dialysis.”
“Sige po, Doc, kung ano ang makakabuti sa kanya.”
Nang simulan ang dialysis sa kanyang ina ay nakapagdesisyon na rin si Joanna Marie sa alok ni Irma. Ayaw na niyang mag-isip pa ng kung anu-ano. Basta ang katwiran lang niya sa sarili ay gagawin niya iyon alang-alang sa kanyang ina.
Nang bumalik si Irma nang hapong iyon ay sinalubong agad niya ito.
“Sana ay hindi ka na mahirapang mag-decide ngayon, Joan. Pumayag ang barkada. Actually, si Amir at ang teammates niya ang nagdagdag. Gagawin daw one hundred fifty.”
“Grabe na naman ang kalagayan ni Mama kanina. Ngayon, idina-dialysis na siya. P-payag na ako, Irma.”
“Mamayang gabi na iyon,” sabi ng babae sa kaswal na tono. Malamang ay nagpipigil itong magpakita ng pagkatuwa sa pagpayag niya. “Paano nga pala ang mama mo? Sino ang magbabantay sa kanya?”
“B-baka pakiusapan ko na lang si Lota. Kung si Jan kasi, siguradong magtatanong pa iyon ng kung anu-ano. Sasabihin ko na lang siguro kay Lota na maghahanap ako ng pera sa mga kakilala.”
“Sige, ako rin, willing magbantay sa mama mo kung hindi tatagal si Tita Lota na magpuyat sa magdamag. Pagkatapos naman ng game ay aalis na rin kami. Dadalhin ka lang namin sa hotel at libre na kami.”
Napalunok si Joanna Marie sa mga sinabi ni Irma, pero mabilis din niyang sinabi sa sarili na iyon naman talaga ang mangyayari.
“Itago mo na ito, Joan,” sabi nito, sabay abot ng sobre na medyo makapal ang laman. “Fifty thousand iyan. Down payment. Hiningi ko na sa kanila iyan kanina dahil malakas ang kutob kong papayag ka. Mamaya ay sa iyo mismo ibibigay ang balanse. Si Amir ang magbibigay sa iyo dahil sa kanila ng teammates niya manggagaling ang pera.”
“Irma, p-puwede bang ikaw na lang ang mag-abot sa akin? Baka puwedeng wala nang ibang makakilala sa akin?”
Tinitigan siya nito, saka tumango. “Kunsabagay. O, sige, sasabihin ko sa kanila. Paano ngayon iyan? Paano ang gagawin mo? Kung ayaw mong makilala, di pati kay—”
“Please, Irma, ayaw kong malaman ang pangalan ng lalaking `yon. Ayokong malaman na isa pala siya sa mga player na nakikita ko ang mukha sa diyaryo o billboard.”
“Sigurado kang ayaw mong malaman kung sino ang may birthday?”
Tumango si Joanna Marie. “B-balak kong mag-disguise. Tulungan mo ako, please?”
“Okay.” Sandaling nag-isip si Irma. “Okay, alam ko na ang gagawin ko. Sige, bantayan mo muna ang mama mo rito. Ihahanda ko ang mga props mo. Basta, ikaw, ihanda mo ang kalooban mo, okay? Baka mamaya, aatras ka sa last minute?”
Bumaba ang tingin niya sa hawak na sobre. “Kailangan ko ng pera,” mapait na sabi niya.