14

615 Words
ILANG oras na natulog ang mama ni Joanna Marie pagkatapos ng dialysis. Naisip niyang mabuti na rin iyon para hindi niya kailanganing kausapin ito. Inasikaso niya ang bill nila sa ospital. May ilang libo pa siyang advance dahil hindi rin naman masabi ng doktor kung ilang araw pa roon ang kanyang ina. Malaki na ang nabawas sa fifty thousand na hawak niya kanina pero ayaw niyang manghinayang. Ayaw na rin niyang isipin kung ano ang kapalit ng perang iyon, ang inaalala lang niya ngayon ay ang ina. Gusto niyang maibigay ang mga pangangailangan nito ngayon. Dumalaw uli si January pagkagaling nito sa opisina pero hindi rin ito nagtagal. May kliyente raw kasi itong pupuntahan at umaasang makakapagsara ng kontrata. Alam niya, kapag nagkaroon ito ng komisyon ay bibigyan siya nito. Naroon din sina Lota at Irma nang dumalaw ito. Ilang sandali silang nag-usap, pagkatapos ay gumawa ng paraan si Irma. “Tita, sasamahan ko lang na maghapunan si Joan sa canteen. I’m sure, hindi pa siya kumakain,” pagdadahilan nito. “Sige. Ako na muna ang bahala rito.” Pinilit din siyang maghapunan ni Irma. Habang kumakain siya ay saka ito nagkuwento. “Hay, naku! Ang hirap kumbinsihin ng barkada. Gusto ka kasing makita para naman daw alam nila kung kanino napunta ang perang ibinayad nila. Nagtaray na nga lang ako kaya hindi na sila nagpilit.” “B-baka bukas, gustuhin pa rin nila na makita ako?” “Ganito ang gagawin mo...” anito at inilabas ang laman ng dalang malaking bag. “Marunong ka naman sigurong mag-makeup?” “Kaunti lang.” “Hindi bale, tutulungan kita, tutal napapayag ko na rin si Tita Lota na siya ang magbantay sa mama mo. Basta, magpunta ka sa hotel nang alas-siyete ng gabi.” Binanggit nito ang pangalan ng hotel. “Nandoon na ako. Hihintayin kita sa lobby. Ihahatid kita sa suite, `tapos, doon na rin kita tuturuan ng iba pang gagawin mo.” “Kaya ko kaya?” nag-aalalang tanong niya. “Kaya mo, Joan. Isipin mo ang mama mo.” HALOS hindi umalis si Joanna Marie sa tabi ng ina. Malaki ang naging pagbabago rito pagkatapos ng dialysis. Mas naging stable ang kalagayan nito kaya lalo niyang iginiit sa sarili na tama lang ang naging desisyon niya. Mas mapapabilis ang paggaling ng kanyang ina kung maibibigay niya ang lahat ng kailangan nito. Naigagalaw na nito ang mga kamay kaya kapag hawak niya ang mga iyon ay nagagawa na nitong igalaw ang mga daliri. Parang nakakakilala na rin ito kapag tinitingnan siya. “Mama, sabi ni Doc, makakapagsalita ka na rin daw uli. Hindi ka naman daw na-stroke kaya maghihintay lang tayo nang kaunti,” sabi niya. “Malaking bagay ang dialysis para sa inyo. Maganda ka na uli ngayon. Kulay-pink na ang mga pisngi mo. Para ka nang naka-makeup,” biro pa niya. Kahit exaggerated ang kanyang sinabi ay totoong nagkakulay na ang kanyang mama ngayon kaysa nitong nakaraang mga araw na napakaputla nito. “`Ma, aalis nga pala ako mamaya. Si Lota muna ang makakasama mo. Mayroon lang akong importanteng pupuntahan.” Ilang beses na pinag-aralan ni Joanna Marie ang linyang iyon, pero ngayong nasabi niya ay pumiyok pa rin ang kanyang boses. Nabasa niya ang pagtatanong sa mga mata ng ina kaya pakiramdam niya ay kailangan pa niyang magpaliwanag. Pinilit niyang ngumiti. “Hindi ko kasi matanggihan ang isang kaibigan, `Ma. Niyaya akong mag-dinner. Ayoko sana talaga, eh. Kasi hindi naman kita magagawang iwan dito. Kaya lang, n-natulungan niya tayo rito ngayong naospital kayo. H-hayaan mo, Mama. Uuwi agad ako. I mean, babalik agad ako. Siyempre, hindi kita magagawang iwan nang matagal. Mami-miss kita.” Hinalikan niya ito sa pisngi pagkatapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD