ITINUTURING na himala ang pagbuti ng kalagayan ng mama ni Joanna Marie. Kahit tumagal ito nang isang buwan sa ospital ay naging maayos ang kondisyon nito. Paglabas ng ospital ay sa bahay ni Lemuel nila ito iniuwi. Isang kuwarto ang ibinigay ng lalaki para magamit nilang mag-ina.
Abut-abot ang paghingi ng tawad ng mama niya kay Lemuel at maging kay Aling Belen sa masasakit na salitang binitiwan nito noon. Siyempre pa ay pinatawad na ito ng mag-ina.
“Nailabas na ninyo ako ng ospital. Ang sarili naman ninyo ang asikasuhin ninyo,” sabi nito sa kanila ni Lemuel. “Lemuel, nasabi mo na sa akin noong nasa ospital ako na gusto na ninyong magpakasal ni Joanna Marie. Gawin na ninyo iyon kung talagang nagmamadali kayo. O baka kailangan pa ng isang buong taon para sa en grandeng kasalan?”
“Mama, pareho kaming nagmamadali nang magpakasal. Uunahin na lang muna namin na magpakasal nang civil. Saka na lang ang marangyang kasalan,” sagot ni Joanna Marie.
“Ayaw rin po naming pumunta sa mayor o kaya ay sa sala ng judge. Gusto naming kahit civil wedding lang iyon ay masaksihan din ninyo,” sabi naman ni Lemuel. “Ang balak sana namin, sunduin na lang ang kaibigan kong judge at dito kami sa bahay magpapakasal.”
“Kung iyon ang gusto ninyo,” nakangiting sabi ng mama niya.
“Eh, puwede po kayang tawagin ko na rin kayong ‘Mama’?” tanong ni Lemuel.
“Siyempre naman, hijo. Magiging anak na rin kita.”
“Kaya sa akin ay ‘Nanay’ na rin ang itawag mo, Joanna Marie,” sabad ni Aling Belen. Lumapit ito sa kanila. “Palagi na lang ‘Aling Belen’ ang tawag mo sa akin. Ako naman ay anak na ang turing sa iyo, mula’t mula pa.”
“Opo, Nanay,” sagot niya.
SI JANUARY ay maligayang-maligaya rin sa araw ng kasal nina Joanna Marie at Lemuel. Nag-absent pa ito sa trabaho para makadalo sa simpleng okasyong iyon.
“Hindi talaga ako makapaniwala!” natutuwang sabi nito.
Mula nang malaman nitong nagkabalikan sila ni Lemuel hanggang ngayong kasal na sila ay iyon pa rin ang dialogue nito. Manghang-mangha pa rin ito sa biglang pagtatagpo nila ni Lemuel. Pero hindi na nila sinabi kahit kanino kung paano sila muling nagkita. Sa kanilang dalawa na lang iyon.
“Ako rin. Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala,” ani Lemuel. “Ilang taon na ako sa PBA pero hindi mo ako napanood? Banned ba ang basketball sa bahay ninyo?”
Tumawa si January. “Soap opera ang pinapanood sa amin, hindi basketball.”
“Pero ngayon, Jan, manonood na tayo ng basketball. Live pa, `di ba?” sabi niya at humilig sa balikat ng asawa.
“Oo naman. Babantayan natin iyan. `Di ba, lapitin ng mga babae ang mga basketball player.”
“Good boy ito,” nagmamalaking sabi ni Lemuel. “Iisa lang ang babae para sa akin. Itong misis ko lang.” Inakbayan pa siya nito.
Misis ko. Joanna Marie lingered at those words. Napakasarap pakinggan ng mga salitang iyon.
“Bakit, ikaw lang din naman ang nag-iisang lalaki sa akin, ah. Husband?” paglalambing niya.
“I know.” Yumuko ito at dinampian siya ng halik sa mga labi.
“Diyos ko naman! Inggit naman ako!” kinikilig na sabi ni January.
“Mag-asawa ka na rin kaya?” nakangising sabi niya.
Her friend rolled her eyes. “Hello! Ang dami kong obligasyon sa buhay, `no. Change topic!”
“Mamaya na ang kuwentuhan. Nagluto ako kahit paano. Pagsaluhan na muna natin,” ani Aling Belen nang lumapit sa kanila. “Joanna Marie, pagsabihan mo ang mama mo. Ang tigas ng ulo. Nagpipilit pang maghanda ng mesa. Masama pa sa kanya ang mapagod ngayon.”
Nginitian ni Joanna Marie ang biyenan. “Sabi n’yo nga po, matigas ang ulo ni Mama. Lalong hindi iyon susunod sa akin. Pagbigyan na lang natin siya. Gusto lang siguro niyang magkaroon din ng bahagi sa kasal namin ngayon kahit sa ganoong paraan man lang.”
“But after this, dapat ay mag-complete rest si Mama,” sabi ni Lemuel. “Pero tayo, walang rest sa honeymoon, ha?” bulong nito sa kanya.
“Lemuel?!” eksaheradong bulalas niya.
Tumawa ito. “Bakit, honeymoon naman natin iyon, ah,” kunwari ay reklamo nito.
Ngumisi siya. “Actually, nagte-take na ako ng vitamins lately. `Yong may ginseng.”
“Hmm... I can’t wait, Jo.”
BISITA ni Joanna Marie si Irma isang umaga. Isang sobre ang iniabot nito sa kanya. Mukhang imbitasyon iyon.
“Noong isang araw pa dumating iyan. Pasensiya na kung ngayon ko lang nadala. Exams kasi namin. Kailangan kong mag-aral ng leksiyon kasi may mga bagsak ako last sem.”
“Pulos si Amir yata ang laman ng utak mo, eh,” biro niya.
“Kasalanan bang ma-in love ako sa kanya?” sagot nito. “Kumusta si Aling Beatriz?”
“Okay naman. Regular ang checkup niya. Tulog siya ngayon, eh.”
“Sayang. Papasok kasi ako, eh. Idinaan ko lang iyan dito. Dadalaw na lang uli ako. Isasama ko si Tita Lota.”
“Sige. Ikumusta mo na tuloy ako sa kanya.”
Nang makaalis si Irma ay saka niya binuksan ang sobre. Nagulat siya nang makita ang isang class picture. High school class picture nila iyon. Ginamitan ng digital technology kaya nagkaroon ng ibang effects.
Imbitasyon iyon para sa kanilang high school class reunion.
“Amor,” sambit niya. Iyon na siguro ang sinasabi ng babae na balak nito. At base sa mga pangalang nakapirma sa likod ng reproduction ng class picture na iyon, mukhang hindi lang ito ang nagplano.
Pero natigilan siya sa mga pangalang nakasulat doon.
Joel Avenilla and Amor Calderon-Avenilla. Alejo Sampana and Fatima Mae Tiongco-Sampana.
Napangiti siya.
RSVP ang imbitasyon. Kung sagutin kaya niya iyon ng sulat din at ipirma niya ang “Joanna Marie Arceo-Crisostomo?”
Nakatitiyak siya na magiging masaya ang reunion nila.
“Jo! I’m home!” malakas na sabi ni Lemuel mula sa garahe. Galing ito sa pagdya-jogging. Routine na nito sa bawat araw na tatlong beses ikutin ang subdivision. Uuwi lang ito para maligo, pagkatapos ay tutuloy na sa practice ng basketball.
Itinaob ni Joanna Marie ang hawak na imbitasyon. “I’m here,” sagot niya.
“Guess what I’ve got?” nakangiting sabi nito at itinaas ang sobre na kamukha ng sobreng dinala sa kanya ni Irma. “Nasalubong ko ang mailman kaya sa akin na ito iniabot. Sa Sierra Carmela ang postmark. Binuksan ko na.”
“Kagaya ba nito?” maluwang din ang ngiting sabi niya at ipinakita rito ang imbitasyon. “Dinala ito ni Irma. Arceo pa ang apelyido ko rito.”
“Tawagan mo si Amor. Sabihin mo, Crisostomo ka na ngayon.”
“Mukhang exciting ang reunion, Lemuel,” aniya. “Iba talaga si Amor. Kapag ginusto ang isang bagay, hindi titigil hangga’t hindi niya nagagawa.”
Ngumisi ito. “Mukha nga. Kita mo naman, sila pala ni Joel ang nagkatuluyan. Aba, kailangan kong malaman kung paano niya napikot si Joel, eh, aso’t pusa ang dalawang iyon.”
“Aso’t pusa pero mag-best friend din naman.”
“Ano, attend tayo? Sa isang buwan na pala ito.”
“Nami-miss ko na rin sila,” pag-amin niya. “Honey, iyong nangyari noon, iyon ang huling tuntong ko sa Sierra Carmela.”
“Puwes, pupunta ka uli roon. At baka mapadalas tayo, lalo at magkikita-kita uli tayong lahat doon. Matagal na iyon. Maungkat man ngayon ay maano ba? We’re married now. Tinakpan na ng katayuan natin ngayon ang anumang eskandalo noon.”
“We are meant for each other, aren’t we?”
“Kiss na lang ang isasagot ko diyan, puwede?” nakangising sabi ni Lemuel at inilapit ang mukha sa kanya.
“Oh, sure. Masarap pa nga iyon, eh.”
Hindi naglipas-sandali ay hinahalikan na siya ng asawa.
--- wakas ---