MAHAL NA MAHAL NI AIMEE SI JAMES. Oo, masyado pang maaga. Pero pakiramdam niya, ito na nga ang lalaking itinadhana para sa kanya. Hindi naman nagkakalayo ang edad nilang dalawa. Pareho silang eighteen years old, at kasalukuyan na silang graduating ng Senior Highschool ngayong taon. Pero kahit gaano man kalaki ang pagmamahal ni Aimee sa binata ay hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala kapag sumasagi sa isipan niya ang tungkol sa estado ng buhay nila. Maliit pa lang siya ay namamasukang nang kasambahay ang Nanay niya sa pamilya nila James, ang Pamilya Ramos. Noon pa ay alam na niya na hindi magiging madali ang pagmamahalan nila. Kaya mas minabuti na lang nilang dalawa ng binata na ilihim muna ang kanilang relasyon.
Pero sa paglipas ng ilang buwan na paglilihim nila ni James, isang bagay ang hindi inaasahang mangyari.
"Positive!" bulong ng isipan ni Aimee habang pinagmamasdan niya ang pregnancy test na hawak niya. Nagsimula na ring pumatak ang mga luha niya. Mariin din niyang pinikit ang kanyang mga mata, at umaaasa siyang panaginip lang ang lahat.
"Aimee..." Mahinang pagkatok ang nadinig ni Aimee mula sa pintuan ng cubicle na kinaroroonan niya. Pagkaraan ay nadinig niya ang boses ng kaibigan niyang si Danica, "Aimee, hindi pa ba tapos? Ano na?" mahina at may himig na pag-aalalang tanong nito sa kanya.
"I-Ito na," kinakabahan na tugon ni Aimee. At saka na niya naisipang tumayo na, at buksan ang pinto.
"Ano? Ano'ng resulta?" bungad na tanong pa rin ng kaibigan.
Aktong sasagutin na sana ito ni Aimee nang may dumating na dalawang estudyante. Ang Student President nilang si Kathleen, at ang pinsan nitong si Christine. Kapwa rin natigilan ang mga ito nang makita sila ni Danica.
Naging maagap naman si Aimee, at mabilis niyang naibulsa ang pregnancy test na hawak niya.
"Ano'ng me'ron?" usisa ni Christine.
"W-Wala," kinakabahang tugon ni Danica, "Masakit kasi ang tiyan niya! Diba, Aimee?"
"O-Oo," pagsakay na lang ni Aimee sa pagsisinungaling na iyon ng kaibigan.
"Talaga? Gusto mo samahan ka namin sa clinic?" pagboboluntaryo ni Kathleen.
"Ay, hindi na!" mabilis na tanggi ni Aimee sabay ang tingin niya kay Danica.
"O-Oo, ako na lang ang sasama sa kanya," agaw ni Danica.
Si Danica ang tanging taong pinagkakatiwalaan ni Aimee. Ito rin ang unang taong sinabihan niya tungkol sa relasyong mayroon sa kanila ni James, at ngayon naman tungkol sa kanyang dinadalang problema. Mabait si Danica, sa katunayan ito ang nagprisintang bumili ng pregnancy test niya.
Pagkagaling nila sa comfort room ay dumiretso sila sa basketball court kung saan ito ang nagsisilbing tambayan nilang magkaibigan kapag nagpapalipas sila ng oras.
Pagdating nila sa nasabing lugar ay pinagtapat na ni Aimee ang tungkol sa naging resulta ng kanyang pragnancy test. At nakita niya ang pagbakas ng pag-aalala nito.
"Ano'ng plano mo ngayon? Dapat sabihin mo na 'yan kay James sa lalong madaling panahon bago pa mahalata 'yan. Mas nakakatakot kung mismong si Madam Juliet pa ang makatuklas n'yan!" payo ni Danica.
"Hindi ko alam," nalilitong umiling siya, "Sobra akong tatakot! Alam kong malaking eskandalo ito lalo na sa pamilya ni James. At saka... Paano ang ipinangako ko kay Nanay? Nangako akong makakapagtapos."
"Pero ang Mama ni James kasi..." Hindi na naituloy pa ni Danica ang dapat nitong sasabihin dahil alam nito kung anong ugaling mayroon ang ina ni James na si Madam Juliet.
Nasa malalim pa rin silang pag-uusap nang maramdaman ni Aimee ang pag-vibrate ng mumurahin niyang cellphone. Nakita niyang may text message sa kanya ang Mama niya. At kaagad naman niya iyong binasa.
"Umuwi ka ng maaga
May dinner meeting sila Sir Lucas at Congressman Tan sa bahay," anang text ng Nanay niya.
"Maaga akong pinapauwi ni Nanay. Darating daw sa bahay si Congressman Tan," sabi ni Aimee kay Danica.
"S-Si Congressman Tan?" pabulong na sabi nito at napakunot pa ang noo, "Bakit napaaga yata?"
"Ha?" tanong ni Aimee dahil hindi niya masyadong nadinig ang sinabi nito.
"W-Wala... Sabi ko, bakit ang aga naman masyado. Alas-tres palang!" panlilinaw nito.
"Nagleave kasi si Ate Weng kaya walang kasama si Mama pag-aasikaso," paliwanag ni Aimee, "O, siya! Maiwan muna kita. Hindi na lang ako papasok sa last subject natin!"
"Okay sige," tumango naman si Danica.
Pagkaraan ay nagpasya na si Aimee na iwan ang kaibigan.
Simula nang mamatay ang Tatay ni Aimee sa sakit na diabetes ay kinupkop na sila ng Pamilya Ramos. Sa poder na ng mga ito sila tumira. Kapwa mga abogado ng mga magulang ni James. At sa tulong naman ng Daddy ni James na si Sir Lucas Ramos, nakakuha sila ng scholarship ng nakakabata niyang kapatid na si Meeya, na kasalukuyan namang Sophomore Highschool sa university kung saan din siya nag-aaral. At bilang utang na loob sa mga ito ay nagkukusang-loob sila ni Meeya na tumulong sa mga gawaing bahay. Na wala silang hinihintay na anumang kapalit.
Ang buong akala ni Aimee ay si Congressman Tan lang ang bisita ng gabing iyon ng mga Ramos. Kaya naman nang makita niya ang kasalukuyang Student President nilang si Kathleen ay hindi na niya maiwasan ang magtaka.
Si Kathleen Tan, ito ang nag-iisang anak na babae ng kasalukuyang Congressman sa kanilang bayan na si Mr. Erwin Tan.
"Ano kaya mayroon? Bakit kasama ang asawa at anak ng Congressman. At saka, nandito rin ang asawa ni Sir Lucas na si Madam Juliet, at ang dalawang anak ng mga ito na sila James at John. Saka parang ang pormal ng pananamit ng lahat?" bulong ni Aimee sa kanyang isipan, sabay ang pagsulyap niya sa nobyo niyang si James na kasalukuyang masayang sinasalubong ang Pamilya Tan.
Lihim na humahanga si Aimee sa kaguwapuhan ng boyfriend niyang ito. Pero biglang napabaling ang tingin niya kay Kathleen nang marinig niyang tinawag siya nito.
"Okay na ba ang pakiramdam mo, Acidera?" may himig na pag-aalalang tanong nito na siyang kinagulat ni Aimee
"M-May sakit ka ba?" tanong ni John sa kanya. At doon na niya namalayan na nakatingin na sa kanya ang lahat.
"Ahhh... O-Oo...Opo! Medyo napadami lang kasi ang kain ko noong lunch break kaya sumakit ang tiyan ko," pagsisinungaling ni Aimee at saka siya bahagyang yumuko dahil sa hiya.
Ngiti lang ang tinugon ni Kathleen sa kanya.
"Ready na po ang dinner," pag-agaw sa eksena ni Meeya.
Nang marinig ni Madam Juliet ang sinabing iyon ni Meeya ay inayaya na nito ang mga bisita sa dining area. Kung saan naghihintay ang mga iba't ibang putaheng nakahain roon.