“Sino ‘yan?!” hindi makapaniwalang tanong ni Nanay Espe habang nakatingin sa babaeng karga-karga ko.
Hindi ko muna siya sinagot at dere-deretsong pumasok sa silid ko. Inihiga ko roon ang babae. Hingal na hingal ako pagkatapos dahil ang layo nang pinagkargahan ko sa kanya. Nasa dulo pa kasi ng eskinita ang bahay namin. Mabuti na lang at nasa ibaba lang ang kwarto ko.
“Sino ‘yan, Kuya?” tanong din ng bunso at nag-iisa kong kapatid na si Kirah. Nakadungaw na pala ito sa gilid ng pinto. Katabi niya si Nanay Espe na ang sama ng tingin sa babae.
“Binuntis mo ba ‘yan?”
Nanlaki ang mga mata ko sa tanong ni Nanay. “’Nay naman! Hindi ah!”
Lalong tumaas ang kilay ni Nanay. Pinagkrus niya ang dalawa niyang braso. “Sigurado ka ha? Eh bakit dala mo ‘yan dito?”
Bumuntonghininga ako. “Kawawa naman kasi kung papabayaan ko sa daan.” Tumayo na ako at lumabas ng silid. Dumeretso ako sa kusina at uminom ng tubig. Grabeng bigat naman ng babaeng ‘yon.
“Na saan ang ulam?”
Muntik ko nang maidura ang iniinom kong tubig. Dahil sa pag-aalala ko sa babae, nakalimuitan ko tuloy bumili ng ulam! Nakangiwing tumingin ako kay nanay.
“Bibili pa lang ako, ‘nay.”
Agad na sumimangot si Kirah. “Sabi mo mag-uuwe ka na lang! Ang aga ko kaya nagsaing.”
Bumuntonghininga si nanay Espe. “Akin na at ako na lang ang bibili! Asikasuhin mo ‘yang dala mo rito,” inis na sabi niya.
Hindi na lang ako nagsalita at inibot sa kanya ang kinita ko ngayong gabi. Pinangdilatan ko si Kirah noong makalabas na si nanay. Nginusuan niya lang ako lalo. Naglakad na ako pabalik sa silid ko at inilapag ang bag ko sa tabi kama ko. Napatingin ako sa babaeng nakahiga sa kama ko. Nakatagilid siya paharap sa akin. Ang sarap ng tulog ng gaga. Walang kaalam-alam na muntik na siyang mapahamak kanina. Ewan ko ba, may mga babae ata talagang parang pakawala. Kapag si Kirah ang umasta ng ganito, ay nako! Talagang makakatikim sa akin.
Napailing na lang ako nang makita ko ang makinis niyang hita. Ngayon ko lang napansin na nakasuot lang pala siya ng maiksing palda. Tumayo na ako at kinuha ang kumot ko, saka iyon inilagay sa katawan niya. Kung andito si Bayani siguradong minanyak na ‘to. Pero sino kaya ‘to? Mukha pa namang mapera. Wala pa kasi akong nakitang babaeng kasing kinis niya rito sa lugar namin. Kasing puti oo, pero hanggang leeg lang. Hindi mo malaman kung zebra ba na nagkatawang tao. Na saan kaya ang mga kasama niya? Muli akong napailing at lumabas ng silid.
“Oy Kirah. Bihisan mo nga ‘yung babae. Pahiramin mo muna ng damit,” utos ko kay Kirah. Pakiramdam ko kasi hindi komportable yung babae sa suot niya. Panay kasi ang kamot sa katawan, eh mukhang sanay sa aircon. Nakaupo siya sa sala at nanonood sa tv. Paglabas kasi kwarto ko ay sala agad namin. Nasa taas ang kwarto nilang dalawa ni Nanay. Sa dulo ay kusina na agad at kainan namin.
Lumabi si Kirah. “Eh ang tangkad kaya niyang babae mo. Hindi ko kaya ‘yan!” reklamo agad ni Kirah.
Nilapitan ko siya at bahagyang kinaltukan. Agad niya akong sinamaan ng tingin habang nakatingin hawak-hawak ang ulo. “Arte mo! Sige na! Bigyan kita benta.”
“Eh! Na kay nanay na naman lahat ng pera mo!”
Ngumisi ako sa kanya. “Ako pa ba?”
Namilog ang mga mata niya. “One hundred,” nakangiting sabi niya at umayos ng upo. Pagkatapos ay inilahad niya agad ang kanyang palad.
Tingnan mo talaga ‘to. Gagalaw lang kapag binigyan ng pera.
“Bihisan mo muna.”
“One fifty!”
“Oo na! Dami mo pang sinasabi eh!”
“Yes!” Sumuntok ito sa hangin. “Sigurado ‘yan ha? Sumbong kita kay nanay kapag hindi mo ako binigyan!” aniya at tumayo na. Nagmartsa siya papunta sa kwarto niya.
Tumango na lang ako at humarap sa tv. Wala naman akong magagawa kundi bigyan siya. Hindi kasi siya matitigil, at ayaw ko namang malaman ni nanay na kumuha ako ng isang libo sa sweldo ko. Magagalit kasi ‘yon. Gusto lahat ng kita ko ay ibibigay ko sa kanya. Hindi naman ako nagrereklamo kasi wala naman kaming ibang pagkukuhanan ng pera. Ilang sandali pa ay narinig kong pababa na si Kirah. Hinayaan ko lang siya hanggang sa makapasok siya sa kwarto ko.
“Kuya! Ang bigat naman nito!” narinig kong reklamo ni Kirah.
Napangiwi na lang ako. Matangkad kasi ang babae at si Kirah ay bansot. Kaya kahit seksi naman ‘yong babae ay mahihirapan talaga siya. Pakiramdam ko talaga foreigner siya eh.
“Kaya mo na ‘yan!”
Narinig ko pang kung ano-anong sinabi niya pero hindi ko na siya inintindi. Babayaran ko naman siya eh. Isa pa, ayaw ko namang tumulong sa kanya. Mamaya sabihin pa nung babae eh pinakialaman ko siya. Swerte naman niya? Iilan pa lang nakatikim sa masarap kong katawan. Siguro ay inabot ng bente minuto si Kirah sa pagbibihis sa babae bago lumabas. Hingal na hingal siya at pawisan.
“Grabe! Ang bigat niya!” reklamo ni Kirah habang nagpupunas ng pawis. “Two hundred na ‘to kuya.”
Pinandilatan ko siya. “Ano?! Tama na sa ‘yo one fifty!”
“Wow! Eh kung tinulungan mo kaya ako?”
“Nag-iisip ka ba?”
“Ano ba? Ang iingay niyo ah! Malayo pa lang ako sa bahay naririnig ko na mga boses niyo!”
Parehas kaming nagulat ni Kirah nang biglang sumulpot si Nanay Espe mula sa labas. May dala na siyang plastic bag. Sinamaan ako ng tingin ni Kirah.
“Si Kuya kasi!”
Pinandilatan ko siya ulit at pasimpleng sinenyasan.
“Tumigil na kayo. Ayusin mo ‘to, Kirah at nagugutom na ako.” Inabot ni Nanay ang dala niya kay Kirah. Wala namang nagawa si Kirah kundi kuhain iyon. Umupo si Nanay sa tinayuan ni Kirah na pang-isahang kahoy na sofa. “Na saan na yung babae?”
Napatingin ako kay Nanay. “Tulog po.” Medyo nakaramdam pa ako ng pagka-ilang dahil sa mga tingin ni Nanay. Siguro iniisip niya pa rin na babae ko ‘yon. “’Nay. Hindi ko nga syota ‘yan.”
“Eh sino ‘yan? Bakit mo dinala rito? H’wag mo sabihing kinidnap mo ‘yan!”
“’Nay naman! Sa gwapo ng anak mo hindi na nito kailangan pang mangidnap!”
Nagtunog sumusuka si Kirah kaya agad ko siyang nilingon. “Yuck!”
“Ay nako, Agapito! Ayos ayusin mo lang ha? Ni wala ka ngang matinong trabaho tapos hahanap ka pa ng sakit sa ulo? Umayos ka talaga!”
Napangiwi na ako. Heto na naman si nanay. Bakit ko pa kasi na isipang dalhin dito ang babaeng ‘yon? Tumayo na ako. Hindi matatapos si Nanay hanggat nakikita niya ako.
“Baka gumaya ka lang sa tatay mo na ako na lahat ang pinakilos! O baka naman kapag magbuntis na ‘yan ako pa ang bubuhay riyan ha? Umayos ka talaga at ipupukpok ko sa ‘yo ‘yang stick mo! Saan ka pupunta?”
Natigil ako sa paglalakad at kakamot-kamot sa ulo na tumingin sa kanya.
“Magbibihis po. Ang init bigla eh.”
“Bilisan mo at nagugutom na ako. Tingnan mo ‘yang babae mo kung makakakain pa at baka sabihin ng magulang niyang ginugutom natin.”
Napangiwi ako nang marinig ko ang salitang ‘babae mo’ kay nanay. Ano na lang ang iisipin ng mga kapit-bahay namin. Hindi na ako nagsalita pa at lumakad na papasok ng kwarto ko. Tulog pa rin ang babae. Hindi kagaya kanina na parang hindi ito komportable, ngayon ay himbing na himbing na ito. Maluwag na t-shirt pala ang isinuot ni Kirah sa kanya at maiksing shorts. Halos mangalahati sa hita niya ang panglagpas tuhod na short ng kapatid ko. Muli kong inayos ang pagkakakumot sa kanya at itinutok ang electric fan.
Pagkatapos ay kumuha na ako ng pambahay na damit at muling lumabas ng silid. Dumeretso ako papunta sa banyo at doon nagbihis ng short na pang-basketball, saka sando na puti. Pagkalabas ko ay nakahain na ang pagkain kaya doon na ako dumeretso at na upo sa bakanteng upuan. Lechong manok ang binili ni nanay. Sakto na para sa aming tatlo.
“Ikaw, Aga. Maghanap ka na ng maayos na trabaho. Nahihirapan na talaga ako kakakuskos ng mga damit ng mga kapit-bahay natin,” reklamo ulit ni Nanay habang kumakain kami.
Napabuntonghinigna ako. Ito ang palagi niyang pinoproblema sa akin. Siguro nga kahit kumite na ako ng malaki ay iisipin niya pa rin na hindi maayos ang pinili kong larangan. Ewan ko ba, ayaw niya talaga na nagbabanda ako. Eh si tatay nga noong nabubuhay pa ay ganito rin ang trabaho.
Tumango na lang ako sa kanya at sinabing, “Opo.” Wala rin naman akong magagawa. Sana bukas ay makahanap na ako ng trabaho para hindi na ako bungangaan pa ni Nanay.
© 07 – 12