“Ahh!”
Napabalikwas ako ng upo dahil sa malakas na tili ng babae. Agad akong nagpalinga-linga sa paligid.
“Where am I?!”
Ay putcha! Pinilit ko nang tumayo mula sa mahabang sofa na tinulugan ko kagabi kahit na inaantok pa ako. Naglakad ako papunta sa kwarto ko kung na saan ang babaeng dinala ko kagabi sa bahay. Napaatras ako nang sinalubong ako ng unan na ibinato nito. Tumama iyon sa dibdib ko. Pagtingin ko sa kanya ay nagsusumiksik na siya sa gilid ng kama at masama ang tingin sa akin.
“Who are you?!”
Foreigner nga ata ‘to, panay ang ingles eh. Mapapasubo pa ata ako. Nanlalaki ang mga matang tiningnan ko siya.
“I-I’m… Aga,” pagpapakilala ko. “Aga, but not the… ano… the one with dimpols!” Paano ko ba sasabihin ‘to?
“Aga?” Tumingin sa paligid ang babae. “Ano’ng ginagawa ko rito?”
Nakahinga ako ng maluwag noong margining ko siyang magtagalog. Marunong naman palang magtagalog eh!
“Ano’ng nangyari?!”
Napaigtad ako nang marinig ko ang boses ni Nanay Espe. Pababa na siya mula sa ikalawang palapag. Siguro ay narinig niya rin ang malakas na sigaw ng babae. Lumapit siya sa akin at sumilip sa babae.
“Where am I?” tanong muli ng babae kaya napalingon ako ulit sa kanya.
Bumuntonghininga ako at tumitig sa kanya. “Andito ka sa bahay namin.”
Tumaas ang kilay niyang malinis ang pagkakaahit. Lalo tuloy siyang nagmukhang mataray dahil doon. “I know. What I mean is why I am here?” mataray niyang tanong.
Napangiwi na ako at kumamot sa ulo. Parang dudugo pa ata ang ilong ko rito. Marunong naman magtagalog eh panay pa ang ingles.
“Bakit nga ba siya andito? Kahapon pa kita tinatanong diyan ah?” tanong din ni Nanay Espe.
Lalo akong napangiwi. “Eh tinulungan ko lang naman siya ‘nay eh.” Muli akong tumingin sa babae. “Lasing na lasing ka kagabi. Hindi ko alam kung saan kita dadalhin, edi inuwe na lang kita. Biglang nawala mga kasama mo eh.”
Bahagyang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng babae. Muli niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa. Samantalang si Nanay naman ay umiling-iling at tumalikod.
“Maghahanap ka na lang ng babae yung sakit pa sa ulo.”
“’Nay! Hindi ko nga babae!” reklamo ko. Habang nakatingin sa kanya na papanik nang muli sa itaas. Iwinaklsi niya ang kanyang kamay.
“Bahala ka na riyan. Paalisin mo na ‘yan at ayaw ko ng problema.”
Napalingon ako sa babae noong tumayo siya. Bahagya akong napanganga dahil ngayon ko lang nakita ang katangkaran nito. Hindi ako makapaniwala na nabuhat ko siya kagabi. Halos magkasing taas na kasi kami. Ngayong maliwanag na ay mas nakita ko rin ang magandang hugis ng mukha nito. Hugis puso iyon at napaka kinis. Bumagay rin ang mumunting pekas sa pisngi nito. Magulo rin ang maiksi niyang buhok pero nakadagdag lang iyon ng ganda sa kanyang mukha. Bahagya akong napahawak sa aking dibdib. Lintik, parang tinamaan pa ata ako.
“Duh? Stop staring at me?”
Napalunok ako nang makita kong nakalapit na pala siya sa akin. Bakit ganoon? Lango siya sa alak kagabi pero ang bango pa rin ng hininga niya? Ano ba ininom niyang alak? Siguro ay pabango.
“I said stop it!” aniya at bahagya akong tinulak.
“Aray!” kunyari ay angal ko nang tinulak niya ako sa may dibdib. Kumurap-kurap ang aking mga mata habang sinusundan siya ng tingin. Dere-deretso siyang naglakad papunta sa kusina namin at nagtingin-tingin doon. Sumunod ako sa kanya. “Miss. Pwede ka na umalis. Pasensya ka na talaga at dito kita dinala.”
“Who changes my clothes?” tanong niya muli habang nakakrus ang mga braso.
“Kapatid ko. H’wag kang mag-aalala, hindi kita pinakialaman.”
Tumango-tango siya at kumuha ng baso mula sa lagayan ng plato namin. Pagkatapos ay lumapit sa lababo at sumahod ng tubig doon. Teka? Iinom ba siya roon?!
“Hoy, sandali! Iinom ka ba? H’wag diyan!” Lumapit ako sa kanya at kinuha ang baso mula sa kanyang kamay. Kung bakit ba kasi kung umasta ‘to parang dito siya nakatira.
“Why? Nauuhaw na ako.” Bahagyang kumulubot ang makinis niyang noo.
“Hindi malinis ang tubig na galing sa gripo.” Kumuha ako ng tubig sa jag na katabi lang ng lababo. “Ito, mineral ‘to. Dito kami na inom.” Inabot ko sa kanya iyon.
Tumango-tango siya at kinuha sa akin ang baso ng tubig. Napailing pa ako ng kaunti noong inamoy niya pa iyon bago inumin.
“Walang lason ‘yan.”
Iniikot niya ang kanyang mga mata at uminom doon. Pero agad niya ring tinanggal at nakangiwing iniluwa ang tubig. “It tastes awful!”
“Ha?” Kinuha ko ang basong hawak niya at ininom iyon. Ayos naman ang lasa. “Anong awful? Ayos naman ang lasa ah!”
Umakto siya na para bang bulateng na buhusan ng tubig na may sabon na panlaba.
“Ang pangit kaya ng lasa! Buti hindi na sakit ang tiyan mo?”
Aba’t? “Mula bata ako ‘yan na iniinom ko. H’wag ka ngang mapanghusga.”
“I’m not judging you.” Muli niyang iniikot ang kanyang mga mata. “Buy me some drinking water. Yung Evian brand.”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko. “Miss. Sabi ko pwede ka na umalis. Ihahatid na lang kita sa labasan at baka mapano ka pa.” Tumalikod na ako sa kanya. Gagawin pa niya akong utusan. Maganda nga, mukha namang pangit ang ugali.
“Wait!” Pinigilan niya ako at hinawakan sa braso kaya muli ko siyang nilingon. “I can’t go home.”
Kumunot ang noo ko. “Ano naman?”
Ngumiti siya sa akin. Lumabas ang mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin. Mayroon ding lumabas na maliit na biloy sa kanang pisngi niya.
“Can I stay here?”
Nanlaki ang mga mata ko at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay muli ko siyang tiningnan sa mukha nang puno ng pagtataka.
“Hindi ka pwede rito! Pinag-iisipan ka na ngang babae ko ng nanay ko eh!” tanggi ko. Ano ba ang problema ng babaeng ito? Hindi niya ako kilala, at higit sa lahat ay hindi ko siya kilala. Hindi ba siya nag-aalala na baka kung ano ang gawin ko sa kanya?
“Then I’ll talk to your mother,” matapang niyang sabi.
“Miss! Halika na.” Hinila ko siya pabalik sa kwarto ko at ipinasok doon. “Magbihis ka na at ihahatid na kita sa sakayan. H’wag ka na makigulo sa amin.”
“Wait!”
Hindi ko na siya pinagsalita pa at isinara ang pinto ng silid ko. Pakiramdam ko ay biglang sumakit ang ulo ko dahil sa kanya. Ano ba ang akala niya sa bahay? Ampunan? Malay ko ba kung sino siya. Umiling-iling ako. Kahit maganda siya ay ayokong magkaroon ng problema. Sa hitsura pa lang siya ay mukha na siyang mayaman. Higit sa lahat mukha siyang sakit sa ulo. Tama na ang dalawang babae ang nagpapahilo sa akin. Ayoko nang dagdagan pa iyon.