Halos manginig na ang tuhod ko habang nakatingin sa tatay ni Stephanie. Nasa loob na naman kami ng isang kwarto dito sa restaurant dahil pinasunod si Stephanie roon ng tatay niya. Ayaw ko sanang sumama dahil hindi naman nila ako kailangan pero ayaw akong bitawan ni Stephanie. Kaya wala akong nagawa kundi pumasok din sa loob. Tahimik lang ang buong kwarto. Nakatungo lang din ako kagaya ni Stephanie na mahigpit pa rin ang hawak sa kamay ko. Ramdam ko ang panginginig niyon kaya pinagsaklob ko ang mga palad namin at pinatong ko pa ang isang kamay ko sa kamay niya. Humigpit ang hawak niya roon kaya napahinga ako nang malalim. Mukhang malaki ang takot niya sa tatay niya. Ramdam ko rin ang maiinit na mga titig ng tatay ni Stephanie. Nag-angat ako ng tingin saglit pero ibinaba ko lang ulit dahil

