“Ano’ng hanap niyo? Isda kayo riyan. Gulay, Ate?”
Iyan ang kadalasang maririnig sa bibig ni Steph sa palengke. Kasama ang mga nagtitinda ng gulay, isda, karne at kung ano-ano pang makikita sa wet market na sumisigaw rin ng kani-kaniyang paninda. Iyan kasi ang paraan upang makaagaw ka ng atensiyon ng mga mamimili. Isang paraan din upang mapatingin sila sa mga paninda mo.
“Miss, isang kilong patatas nga at isang halik galing sa mapupula mong labi,” sabi ng lalaking tila nakainom pa yata. Hindi naman makangiti si Steph kahit tila nagbibiro lang ang lalaki dahil maraming mga mata ang nakatingin sa kanya. Mga matang ano mang oras ay magiging bibig na siyang magdadala ng kamalasan sa buhay niya pag-uwi niya.
“Heto ho ang patatas niyo,” Iniabot niya ang gulay na binili ng lalaki.
“At ang sukli ho ninyo,” sabi pa ni Steph. Tinanggihan naman ito ng lalaki at hinawi nang marahan ang kamay niya.
“Keep the change, Miss.” Kumindat pa ang lalaki sa kanya pagkasabi.
“Kahit kiss na lang.” Dudukwang na sana ang lalaki nang dumapo sa nguso nito ang malansang isda na tila madugo-dugo pa.
“Bastos!” sigaw pa ni Steph ngunit nagngalit ang panga ng lalaki at nanlisik ang mga mata.
“Aba’t g*ga kang babae ka! Choosy ka pa, e pokpok ka naman!” sigaw nito. Tangkang lalapit pa sana ito kay Steph nang biglang dumating si Gino. Sabay na nagtinginan ang mga tao sa paligid habang nag-aabang ng magaganap.
“Subukan mong lapitan ang asawa ko. Kung hindi sumabog ang bungo mo!” sigaw niya sa lalaki habang nakatutok ang baril dito at nang makalapit ay sa ulo nito itinapat.
Pulis ang asawa niyang si Gino at ang buong pamilya nito. Mula sa kanyang ina, ama at sa bunsong anak nito na ilang taon pa lamang nang maging pulis ito. Kaya naman kilala si Steph sa lugar nila. Kilalang galing sa pusali na sinagip ni Gino sa kamay ng mga sindikato.
“Sorry, chief! Hindi ko alam na asawa mo siya,” pagdadahilan na sabi nitong halos maihi sa takot.
“Hindi mo alam? G*go ka pala eh!” sigaw ni Gino pagkatapos ay tinadyakan ang likurang tuhod nito. Agad naman itong napaluhod nang manghina ang tuhod nito dahil sa ginawa ni Gino.
“Huwag ko nang makita-kita ang pagmumukha mo rito. Tarant*do!” Muli nitong tinadyakan ang lalaki na napaluhod kanina sa bandang likurang nito na naging sanhi nang pagkahandusay nito sa sahig. Ngunit masakit man ang katawan ay nagawa nitong makatayo upang lumayo kay Gino.
Iika-ika itong mabilis na umalis at kumaripas ng takbo. Nang makaalis na ito ay saka lamang nakakilos ang mga tao na kanina pa ginagawang eksena sa pelikula ang nangyari dahil tutok na tutok ang mga mata ng mga ito sa kanila. Nagpalakpakan pa ang mga tao sa palengke dahil doon. Tila ba isang pelikula sa telebisyon ang nasaksihan nila.
Iginagalang at iniidolo si Gino sa lugar nila lalo na sa talipapa. Kilala ito ng mga tinderang babae roon at maging ng mga kadalagahan. Takot din ang mga tao rito dahil isang kilalang matinik na pulis si Gino. Marami na itong napatumbang masasamang loob na deretso sa kalaboso.
“Ibang klase talaga si Gino. Basta may mambastos sa asawa niya ay ipagtatanggol niya talaga. Iba talaga kapag may matikas na asawang pulis,” sambit ni Aling Tekla.
Pinapangarap nitong maging manugang si Gino noon pa man. Bago pa nito dalhin si Steph sa bahay nila ay hindi na ito mawalan ng paraan para ireto ang anak nito. Halos lahat ng kababaihang ina roon ay pangarap na mapangasawa ng anak nila si Gino. At dahil doon ay kinikilalang masuwerteng babae si Steph ng mga ito.
Ngunit hindi iyon ganoon para kay Steph. Kilalang-kilala niya ang asawa. O mas mabuting sabihing kinakasama. Daig pa nga nito ang mga naging customer niya sa club. Paano ay may bayad siya sa pagpapaligaya sa mga iyon at hindi siya sinasaktan ng mga ito bagkus ay tila isa siyang mamahaling crystal kung lambingin ng mga ito.
Hindi naman sa pagmamalaki ngunit siya ang pinakamaganda at pinakasikat na pokpok sa club nila. Kung hindi siya kinuha ni Gino ay tiyak na naroon pa rin siya ngunit siguradon hindi niya daranasin ang dinaranas niya ngayon—ang maging masahol pa sa hayop.
Matalim na titig ang ibinato ni Gino sa kanya matapos ay umalis na ito. Tiyak na pasa na naman ang aabutin niya pag-uwi ng bahay mamaya. Ang tanging hiling lamang niya ay huwag itong makita ng anak niya. Ayaw niyang mamulat ang bata sa ganoong tagpo na binubugbog siya ng asawa.
Dalawang taon na silang nagsasama ni Gino at isang taon na ang anak nilang si Earl. Sa awa naman ng Maykapal ay hindi minamaltrato ng mga ito ang anak nila. Itinuturing pa rin ito ng mga ito na kapamilya kahit na hindi naman sila kasal at ganoon ang kalagayan niya sa kanila.
Napatungo na lamang si Steph nang umalis ito. Kailangan na niyang ihanda ang sarili. Mamaya ay siguradong bukod sa itinatago niyang pasa na hindi pa naghihilom ay tiyak na may bagong pasa pa na darating. Napahinga siya nang malalim habang iniisip ang magaganap.
Siya, si Gino at ang pamilya lang ng lalaki ang nakaaalam sa nangyayari sa bahay nila. Tuwing binubugbog siya nito ay malakas ang patugtog ng mga ito upang hindi marinig ang hiyaw at iyak niya. At binubusalan din ng damit o kahit na anong tela ang binig niya upang hindi siya makapag-ingay. Minsan ay sa banyo siya nito sinasaktan para hindi makita at marinig ng anak niya.
“Ang suwerte mo namang talaga, Steph!” danggil sa kanya sa tagiliran niya ni Aling Tekla nang umalis si Gino. Agad kasi itong lumapit kay Steph. Nakangiwi naman si Steph nang matamaan ang pasa niyang ikinukubli sa manggas ng blouse na suot niya. Pilit na ngiti ang ibinato niya kay Aling Tekla.
“H-hindi naman ho...” wala sa loob na sambit pa niya. Gusto niyang itanggi nang mariin ngunit alam na niya ang mangyayari sakaling may makaalam nang ginagawa ng pamilya ni Gino sa kaniya. At tiyak na iyon ay hindi maganda.
“Ito naman, pa-hambol pa. Sana makakilala rin ng ganyan ang anak ko. Kahit hindi mayaman, basta kaya kang ipagtanggol.” Sa likod ng isipan ni Steph ay nais niyang umiling. Ngunit hindi niya makontra ang ale. Tiyak na dagdag sa pasa niya kapag kumalat ang kahayupan ng asawa niya sa kanya.
“Sige na ho. Baka may bumili sa inyo. Walang tao roon,” tipid na ngiting pilit ang ibinato niya kay Aling Tekla. Mamarapatin pa niyang walang pumansin sa kanya kaysa naman makapagsinungaling pa siya na masaya siya sa piling ng asawa.