Ganoon ang tagpo sa palengke halos araw-araw. Kung hindi siya mababastos ay malalait siya ng mga tao. Hindi rin niya maintindihan kung nakasulat na ba sa noo niya ang salitang pokpok at hindi mawala-wala ang mga lalaking nagnanasa sa kanya. Maayos naman ang kasuotan at ang pananalita niya. Anong ayos pa ba ang kailangan niyang gawin.
Hindi naman siya mangmang para hindi malaman kung paano kumilos nang maayos. Kahit papaano ay natutunan na niya iyon sa pakikisalamuha sa mga tao sa club. Kahit naman hindi na iyon pag-aralan. Maging mapagmasid ka lamang ay malalaman ang tamang kilos, lalo na para hindi ka mabastos.
Matapos ang maghapong pagta-trabaho niya ay natapos din ang araw sa wakas. Ipipikit na naman niya ang mga mata niya para gumising kinabukasan. Halos ito na lamang ang hinihintay niya sa bawat araw na nagdaraan. Ang lumubog ang araw at ipikit ang mga mata niya.
Kung maari nga lamang niyang hilingin na tuluyan nang pumikit ang mga mata at magpantay ang mga paa ay gagawin niya. Ngunit ayaw niyang maging kawawa ang anak niya na walang magbabantay at mag-aalaga. Ang walang kikilalaning ina. Baka alilain ito o kawawain ng ipapalit sa kanya ni Gino.
Ngunit kaya pa ba niya? Hanggang kailan niya titiisin ang lahat? Ano ang kailangan niyang gawin upang kahit papaano ay igalang naman siya ng mga tao. Kahit ng asawa niya man lang. Maramdaman man lang niya na may kakampi siya sa masaklap niyang kapalaran.
“Punyeta kang babae ka!” bungad ni Gino pagpasok na pagpasok pa lamang ni Steph sa loob ng kuwarto nila. Tiyak na nasa kuwarto ng mga magulang ng lalaki ang anak nito kapag ganoon ang tagpo.
“A-aray, Gino, nasasaktan ako!” daing ni Steph na napangingiwi pa nang dahil sa paghatak ni Gino sa buhok niya. Pakiramdam niya ay kakalas na ang anit niya sa ulo niya.
“Masasaktan ka talagang babae ka!” matalim ang mga mata nitong sambit.
“Malandi ka! At sa palengke ka pa talaga lumalandi! Hindi mo na binigyan ng kahihiyan ang pamilyang ito!”
Isang igkas ng braso ang natamo siya na dumapo sa pisngi niya. Halos mapasalampak siya sa sahig sa tindi nang pagkakabagsak niya. Sapo-sapo ang balakang ay isang impit na ungol ang pinakawalan niya. At nang makabawi ay saka nagsalita.
“Wala akong ginagawang masama!” sigaw ni Steph. Ngunit tila bingi si Gino sa hinaing niya at sa tuwing nag-aaway sila ay hindi siya nito pinakikinggan. Wala itong naririnig mula sa bibig ni Steph. Tanging nginig sa laman ang nararamdaman nito.
"Tiyak na nilandi mo ang lalaking iyon kaya ka ginanon, punyeta!" sigaw pa nito saka marahas na hinablot ang kanyang damit. Hinila nito ang braso niya upang makatayo at pagkatapos ay marahas na isinalya sa kama.
“Ganito ba? Ganito ba ang hanap mo?” gigil na sambit ni Gino.
At muli ay binalot nang matinding bangungot si Steph. Isang marahas na pakikipagtalik ang ginawa ni Gino sa kanya. Hindi niya alam kung ilang beses siyang ginamit ng asawa niya nang gabing iyon. Bakas ang pagseselos nito dahil may hitsura ang lalaking nambastos kay Steph sa palengke kanina.
Hindi na siya makatitiis pa. Mariing sambit ng isip niya. Wala siyang ibang naiisip ngayon kung hindi ay isakatupad na ang matagal na niyang plano—ang iwan ang mas matindi pa sa pusaling pinanggalingan niya—ang puder ng kaniyang kinakasamang si Gino.
Dali-dali siyang kumilos at sinamantala ang nahihimbing nang lalaki nang dahil sa pagod sa pagniniig nila. Mahina at masakit man ang katawan ay pinilit niya ang sarili na kumilos. Kahit na ramdam niya ang kirot sa kaniyang ibaba at kailangan niyang magmadali.
“Ssshh…” sambit niya sa anak nang balutin niya ito ng kumot at dahan-dahang lumabas ng bahay. Kahit iika-ika pa mula sa pagpaparaos ng asawa sa kanya ay pinilit niyang maglakad. Masakit man ang katawan ay kailangan niya itong indahin. At dahil naman sa antok ay hindi na nakapagsalita pa si Earl—ang anak nila.
Hindi na niya alintana pa ang kung ano man ang maapakan ng nakayapak niyang mga paa. Ang tanging nais lamang niya ay ang makatakas sa lalaking daig pa ang demonyo kung magpakasasa sa katawan niya. Lalo na ang bugbugin siya nito na akala mo ay nabili na nito ang buong pagkatao niya.
“At saan ka pupunta?” halos panawan ng ulirat si Steph sa pagkagulat nang makita si Gino. Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Tila ano mang oras ay lalapain siya nito.
“Parang awa mo na, Gino… Palayain mo na ‘ko… Palayain mo na kami ng anak ko…” rumagasa ang luha sa kanyang mga mata habangvbinabalot siya nang matinding kaba. Alam niyang matijdi ang magiging resulta nang pagkahuli ng binata sa kaniya. Madilim ang daan sa eskinita at malalim na ang gabi.
“Ang kapal ng mukha mo! Matapos kitang ilabas sa pusaling iyon, ito pa ang igaganti mo?” pabulong nitong sabi habang nakalapat ang mga ngipin na nagsasalita na tila ayaw nito na may makarinig sa kanila. Kahit malalim na ang gabi at wala nang tao sa paligid ay iniingatan pa rin nitong may makarinig sa kanila.
“Please, Gino…” pagmamakaawa ni Steph na pabulong din. Ayaw niyang marinig sila ng bata o magising ito sa pagkakahimbing.
“Letse, Steph! Huwag mong hintaying kaladkarin kita pauwi…” bakas ang gigil nito sa mukha habang nagtatangis ang mga ngipin at umiigting ang panga.
Agad na kinuha ni Gino ang bata dahil alam nitong hindi aalis si Steph nang wala si Earl. Hindi niya magagawang iwan ang bata at unahin ang sariling kapakanan. Alam niyang hindi ito magagawang saktan ni Gino lalo pa na nais nitong sumunod ito sa yapak nito na maging isang matinik na pulis.
“Aray!” halos mawalan ng panimbang si Steph nang matusok ng bubog ng basag na bote ang mga paa niya.
Nawala sa isip niya na may bubog nga pala roon dahil sa nabasag na bote ng mga manginginom na naraanan niya kanina nang pauwi siya. Napaupo na lamang siya sa sahig. Halos mapangiwi siya sa iniindang sakit. Nang silipin niya ito ay hindi matigil ang agos ng dugo dahil sa pagkakahiwa ng balat niya. Kahit maliliit lamang ay umaagos ang dugo rito.
“Tatang*-tang* ka kasi!” bulyaw ni Gino pagkatapos ay humawak siya sa shirt nitong suot at tinulungan siya nitong maglakad hanggang makarating sila ng bahay.
Agad na inilapag ni Gino ang bata sa kuwarto nito at kinaladkad ang babaeng kanina pa iniinda ang sakit na nararamdaman sa pagkaka-bubog ng mga paa. Matapos ay pahagis na itinulak ito sa kama.
“Mabuti na lang at tumawag sa’kin si Panga! Kung hindi ay gigising ako na wala kayo ng anak ko! Punyeta, Steph! Hindi ka pa ba nagsasawa sa pagtatangka mong tumakas sa’kin? Akala mo ba makalalayo ka?” nagdidilim ang paningin ni Gino sa gigil na bulyaw kay Steph.
Makailang beses na niyang tinangka na takasan si Gino ngunit palagi siya nitong nahuhuli. Ang unang beses na tangka niyang pagtakas ay nang ikalimang beses siyang pagbuhatan nito ng kamay.