"Ano'ng nangyayari?" tanong ni Lotus sa isang kaklase na dumaan sa harapan niya. Noon lamang siya muling pumasok mula sa isang linggong pagkakasakit. Excited pa naman siya dahil sabik na siyang makita si Xavier. Aaminin niya, kinikilig siya ng bonggang-bongga dahil sa huling araw niya sa ospital ay dumalaw ito sa kanya.
Ipinangako niya sa sariling magpapa-cute pa rito para hindi na ito mahirapang umaming type siya nito. Aba'y dapat lang! Inalagaan siya nito at halos subuan ng mansanas. Naginarte naman kasi siyang kunwari ay hindi pa masyadong okay at doon niya napagtantong masarap palang magpaalaga dito. Kilig na kilig tuloy siyang napahagikgik.
"Magse-set up na tayo para sa mga booth natin," ani Greggy. Ang binabae na kaklase niya. Nagtayo ang grupo ng mga ito ng mini-parlor. Libre ang plantsa ng buhok at powder. Nainggit siya dahil hindi na niya nai-push ang pinakamimithi niyang music booth.
Wala naman kasi siyang makakasama at wala din naman siyang gitara. Isa pa'y hindi na niya iyon naharap sa pagkakasakit niya. Napahinga siya ng malalim dahil sa nadamang kalungkutan.
"O, tara na?"
Napasinghap siya ng bumulaga ang mukha ni Xavier sa harapan niya. Nakayuko kasi siya at sinilip siya nito at wow! Ang bango talaga nito sa umaga! Ah, marahil kahit hanggang gabi. Ilang beses niya itong naamoy sa ospital. Ginabi na ito sa silid niya at dahil sa pagkakalapit nila noon ay heaven ang amoy nito. Amoy baby!
Napangiti siya. "Tara saan? Ang aga mo namang magaya ng date!"
Syemay! Namimilipit siya sa kilig! Ngiting-ngiti siya sa pamumula nito habang tumuwid ito ng tayo. Gusto niya itong tapikin at sabihan huwag na itong mahiya. Okay lang sa kanya ang feelings nito pero hindi niya magawa! Nahihiya rin siya to the tenth power!
Minulugatan siya nito ng makabawi. "Ano'ng date? Tara sa music booth. Magse-set up pa tayo,"
Nang hawakan siya nito sa kamay ay para siyang kinidlatan. Matindi talaga ang epekto nito sa kanya. Parang kinuryente siya hanggang gulugod. Nataranta siyang bigla! "S-saan tayo pupunta?" paniniyak niya.
"Tinuloy ko 'yung request mo kay ma'am."
Napamaang siya rito. Biglang-bigla talaga siya! Hanggang sa makapasok sila sa silid na mayroong nakalagay na 'The Music Box' ay hindi pa rin siya nakahuma. Mayroon silang tatlong kaklase na nagaayos ng mga speakers, amplifiers, microphone at ang nakakuha ng pansin niya ay ang dalawang turtle back na gitara. Isang light brown at black iyon. Wala sa sariling doon siya nagtungo habang naninikip ang dibdib. Iyon ang pinapangarap niyang gitara.
"Nagustuhan mo ba?" seryosong saad ni Xavier. "Bagay sa'yo ang kahit saan d'yan,"
"Gusto ko itong itim..." wala sa sariling saad niya. Manghang-mangha pa rin sa itim na gitara. Hinawakan niya iyon at pinatugtog. Biglang-bigla, gusto niyang maglumuhod kay Xavier. Baka p'wede niyang bilhin iyon. Walang kaso sa kanya kung hulugan niya iyon habang buhay!
"Sige. Akin na lang itong brown,"
Napakurapkurap siya. Biglang-bigla talaga siya! "A-akin na lang 'to?" paniniyak niya.
Balewalang tumango ito. "Aanhin ko naman ang dalawa? Isa pa, para talaga sa'yo 'yan... ugh... para tuluyan ka ng gumaling,"
Napangiti siya ng umiwas na ito. Gusto niya itong gawaran ng kiss. Wah! Kilig na kilig na naman siya sa sobrang pagkamangha! Gitara para sa paggaling niya? Iyon ba ang motivation nito? Sinasabi na nga ba niya! May gusto ito sa kanya! Halleluiah!
"Mahilig ka palang tumugtog?" aniyang nagpapa-cute dito. Kesehodang lumabas na ang pangil niya sa ngipin. Tingin niya ay cute siya paglumalabas iyon.
Saglit na napatanga ito pero agad ding umiwas. Bago pa siya makahirit ay sinubukan nitong itono ang brown na gitara. Nang makuntento ito ay tumugtog ito. Napanganga siya! Awit ng Matchbox twenty ang tinugtog nito, walanghiya! Rob Thomas ang boses nito sa ganda! Taob na taob ang pagiging rakista niya!
"Ang galing mo! P'wede kang maging boyfriend ko!" biro niya rito at napahalakhak siya ng mamula na ito hanggang tainga. Mukhang hindi sanay na pinupuri. Ah, bagay talaga sila nito. Pareho sila ng hilig. Siniko niya ito. "Hindi nga? Ang galing mo. Hindi ko alam na mahilig ka palang tumugtog,"
"Hilig ko talaga 'to. Miyembro ng banda ang daddy ko. Iyon ang trabaho niya sa Japan. Bata pa lang ako, naturuan na niya ako. Ngayong nasa Japan siya, sa tab ko na lang pinag-aaralan,"
Napakunot ang noo niya. "Tab?"
Ipinaliwanag nito ang mga music sheet na nasa loob ng guitar case nito. Biglang tumaas ang pagtingin niya rito. Daig pa siya nito dahil marunong itong bumasa ng mga nota. "Gusto ko ring matuto." Ungot niya rito.
"Sa summer, mag-enrol tayo sa music school."
"Pero ikaw ang gusto kong magturo sa akin," ungot niya rito. Naman! Palalampasin pa ba niya ang pagkakataong iyon? Technique na rin iyon para makapagpa-cute siya rito. Natawa siya sa naisip. May technique-technique pa kasi siyang nalalaman.
Napahinga ito ng malalim. "Oo na pero maganda ring mag-enrol tayo,"
Agad siyang tumango rito. Naks talaga! Simula na ng kanilang pagiging super close! Ang saya niya, sobra. Ngayon lang siya naging masaya sa buong buhay niya. At nang ayain siya nitong mag-practice ay pumayag siya. Hindi tuloy niya mapigilan ang paghanga sa puso niyang lalong nadagdagan dahil sa boses nito.
"Dapat, pang-duet kantahin natin, ha?" anito.
"Salamat, Xavier." Bigla niyang saad dito. Hindi ito tumingin sa kanya pero namula na naman ang tainga nito. Halatadong hindi na naman kumportable ang kanyang boylet. Napangiti siya at umusog siya palapit dito. "Ang bait mo. Kahit hingian mo ako ng papel buong taon, hindi na ako maiinis. Promise," pangako niya rito at totoo iyon sa puso niya. Mano na lang na hingan siya nito? Aba, hindi naman matatawaran ng sandamakmak na papel ang ligayang kayang ibigay nito sa kanya. Naks!
Bahagya itong natawa at napailing. "Mag-practice na tayo,"
"Tingin ka naman sa akin. Pagkatapos mong gawin 'to nahihiya ka pa?" Tudyo niya rito. "Sige na... patingin ng eyes..."
Napabungisngis siya ng lalo itong yumuko at nagkunwaring inaayos ang gitara. Kinulit niya ito ng todo. Tawang-tawa siya ng tumingin ito sa kanya, ang pula ng kilay nito! Mukhang matutunaw na sa kahihiyan.
"Ayan na nga. Nakatingin na. Tatawa pa..." anito saka napabuntong hininga. "Mag-pratice na nga lang tayo," mahinang angil nito sa kanya.
"'Sus! Ayaw na ayaw mong nilalambing kita. Siguro... kinikilig ka rin?" tinusok niya ito sa tagiliran at napahagikgik siya ng makitang para na itong mansanas sa pula ng mukha! Napakamot ito ng ulo. Inis na sinimangutan siya nito. "Para kang hindi galing sa sakit. Sige na, practice." Anito saka siya inabutan ng pick ng gitara.
Bago ito tuluyang mapikon sa kanya ay tumalima na siya. Kinikilig pa rin siya ng bonggang-bongga. Nang maisip niyang ito ang makakasama niya sa lahat ng iyon ay lalong binaha ng kaligayahan ang puso niya. Ano ba 'yan! Gusto niyang batukan ang sarili. Magmula ng makita niya ang mga kahahanga-hangang side ng lalaki, nagkaganoon na siya. Habang nakatingin dito, doon niya napagtantong masarap din pala ang may hinahangaan. Nakagagaan iyon ng kalooban at nakakapagpangiti sa kanya.
Ngiting-ngiti siya ng matapos ang pagtugtog nila. Tamang-tama ang blending nila. Parang nakikini-kinita niya na sisikat silang magkasama. Naks!
"Ayos ba? Pasado na ba?" nakangiting tanong niya. "P'wede mo na akong maging girlfriend, ano?"
Napatanga ito sa kanya at hanggang sa muli na naman itong namula! Nakakatawa talaga ito. Ito pa ang parang babae sa kanila. Hindi rin naman siya dating ganoon. Wala siyang paki sa mga crushes. Ngayon lang dahil nagkagusto na siya kay Xavier. Ah, iba talaga kapag natuto siyang humanga. Palagi na lamang siyang nakakaramdam ng kaligayahan.
"Ang babata pa natin," Anitong nakasimangot na. Napailing ito sa kanya. "Basta, practice lang tayong maigi dito. Huwag natin sasayangin ang five pesos na bayad nila, okay?"
"Ang babata..." bubulong-bulong na sagot niya hanggang sa ngumiti siya rito. Hindi p'wedeng ganoon ang isipin nito. Walang bata-bata sa pag-ibig. Aba, kapag iyon ang iisipin nito'y kapwa lamang sila aamagin kakahintay ng tamang panahon. "Hindi naman tayo magaasawa agad. Holding-hands-while-walking lang, may pa-sway-sway pa kung gusto mo. Sobra ka naman..."
Napakunot ang noo nito. "Alangan naman hindi kita hahalikan kapag naging tayo?"
Ay! Syemay! Tumili ng ang kanyang heart sa ideyang iyon! Kung hahalikan siya nito, kailangan niyang pumikit baka todo maduling siya kapag nakamulagat. Natural, dadamhin niya ang labi nito sa labi niya... Wah! Natuturete ang utak niya maisip pa lang ang kiss! Naginit tuloy ang pisngi niya sa naisip!
"Aha! Pinapangarap mo rin akong halikan? Nahihiya ako!"
Natakpan niya ang buong mukha sa hiya. Siya naman itong namula! Todo na ito. Halos magkiskisan na ang mga tuhod niya sa kilig!
Umasim na naman ang mukha nito. "Bumalik na nga lang tayo sa classroom. May leksyon pa tayo. Last day ngayon, bukas sabay na tayong pumasok para makapag-practice agad. Susunduin kita para hindi ka mahirapang dalhin 'yung gitara."
Natawa siya. "Talagang super concern ka. Ayaw mo pang aminin!" Muli itong napatitig sa kanya at ngumiti siya rito. "Alam mo, ikaw lang ang naging concern sa akin. 'Yung mommy ko, ni minsan hindi ako dinalaw sa ospital noon. Pati daddy ko... 'yung mga katulong lang at ikaw ang tumingin sa akin. That's why I like you, eh! Naks!"
"Hindi ka... dinalaw? Bakit?"
Napangiti siya ng makita ang lungkot sa mga mata nito. "Hmm... siguro hindi naman niya ako love. Pero ikaw... love mo ako, ano? Come here nga..."
Nataranta ito ng hilahin niya ito sa polo. Tawang-tawa na naman siya ng makita ang matinding pagkaalarma nito sa mukha. Umasta siyang yayakapin ito pero tumakbo ito palayo sa kanya. Gayunman, ayaw niya kasi itong makitang nalulungkot kaya niya ginawa iyon at nagtagumpay siya.
"Halika na nga!" angil nito sa kanya. Mukhang kinakabahan na hindi niya maintindihan. Tinantanan na niya ito. Baka mapikon pa ito ng wala sa oras, mawalan pa siya ng boylet. Bumalik na sila sa silid at bago sila pumasok ay may sinabi ito para matigilan siya.
"Hindi bale, magmula ngayon, ako na ang titingin sa'yo." bulong nito sa kanya sa likuran. "Basta, iingatan mo 'yung gitarang binigay ko. Paborito ko 'yun,"
Bigla siyang napatingin rito. "Eh, bakit mo ibinigay kung paborito mo 'yun?"
Hiyang-hiya tuloy siya rito. Ngayon lang siya nahiya sa buong buhay niya. Ah, ito kasi! Natuto siyang makaramdam ng mga bagay na hindi pamilyar sa kanya.
"Dahil... ayokong makita kang nalulungkot sa nangyari sa gitara mo,"
Dali-dali na itong pumasok. Shockness to the highest level talaga ang lalaking iyon! Bumilis ang t***k ng puso niya habang ninanamnam ang salita nito hanggang sa mapangiti siya. Halos mapunit na ang labi niya. Ano ba 'yan! Kilig na kilig siya! Ang lalaking iyon, nahihiya pa talaga! Gayunman, pasasaan ba't aamin din ito. Napaghahalata na ito sa kahit saang anggulo. Kaunting push na lang.
Muli siyang kinilig.
"Natatakot ako. Ayoko na. Umuwi na tayo!" halos maiyak na magmakaawa si Lotus kay Xavier. Nasa maliit silang backstage kuno sila ng silid. Ang daming tao sa labas. Ang lakas ng loob niyang magbukas ng booth, bigla naman siyang natatakot!
Araw na ng foundation day nila. Puspusan ang naging ensayo nila. Gayunman, inalagaan niyang mabuti ang gitarang ibinigay ni Xavier. Ang mga nakalipas na araw ay tuluyang naglapit sa kanila at syempre, hindi niya nakakalimutang maglambing dito. Hindi pa rin ito nagbabago, mahiyain pa rin at parang babae kung mamula.
Gayunman, hindi niya iyon magawa ngayon dahil kinakabahan siya ng todo. Pambasag trip ang kinilala niyang ina. Ang tigas daw ng apog niyang magtayo ng music booth. Nasabi kasi niya iyon dito at bilang respesto, sinabi niya ang mga aktibidad na sinasalihan niya sa eskwelahan. Sa halip na pampalakas ng loob ang ibigay ay tinakot pa siya nito. Baka daw pumiyok siya o maputol ang string ng gitara niya. Lalo siyang kinabahan sa naalala.
"Nandito na tayo. Ano ka ba?" anito at nabilib siya sa nakikitang pagiging kalmado nito. "Basta, huwag kang tumingin sa kanila. Ako lang tingnan mo,"
Napangiti na siya. Binigyan siya nito ng pahintulot na titigan ito! Halleluiah! Nang makita nitong ngiting-ngiti siya ay napakunot ang noo nito.
"Okay ka na?" takang tanong nito.
Tumango siya. "Sabi mo, ikaw lang ang tingnan ko. Ayos na ayos!"
Yown! Gusto niyang mapahalakhak ng mamula naman ito. Ilang sandali pa ay siya na mismo ang humila rito. Nagpalakpakan ang mga tao at agad na silang tumugtog. Ang una nilang awitin ay 'Nothings gonna stop us now' ng Starship. Si Xavier ang gumawa ng rhythm at madalas na siya ang sa lead. Doon kasi siya eksperto.
"And we can build this dream together... standing strong forever... Nothing's gonna stop us now... And if this world runs out of lovers... we'll still have each other... Nothing's gonna stop us, nothing's gonna stop us now... Woh... woh... oh..."
Nang makita niya ang kislap sa mga mata ni Xavier ay nagpatuloy siya. Sapat na sa kanya na ito ang kasama niya sa lahat ng iyon. Lumalakas ang loob niya at totoong masaya siya. Ilang sandali pa ay sumabay na ito at hindi niya mailarawan ang kaligayahan ng makitang bilib sa kanila ang mga kaklase at ilang estudyante doon.
"I'm so glad I found you... I'm not gonna lose you...Whatever it takes... I will stay here with you... Take it to the good times... see it through the bad times... Whatever it takes is what I'm gonna do..." pagpapatuloy ni Xavier at agad naman siyang sumegunda dito.
"Let 'em say we're crazy... what do they know... Put your arms around me baby... don't ever let go... Let the world around us just fall apart... Baby, we can make it if we're heart to heart..."
Napapikit na lamang siya nang sabay na nilang awitin ang chorus ni Xavier. Tuluyan na niyang hinayaan ang sariling tangayin ng pagtatanghal nila hanggang sa matapos iyon. Nang magmulat siya ng mga mata ay isang masigabong palakpakan ang natamo nila. Lalong lumuwang ang ngiti niya ng makitang proud na proud si Xavier sa kanya.
Nagpatuloy sila sa pagtatanghal hanggang sa sumapit ang oras nila. Agad siya nitong inalalayang makababa sa upuan niya. Ito na mismo ang kumuha ng gitara niya at inayos iyon sa case. Nang dumating ang mga meryenda nila ay inuna siya nitong binigyan. Syempre'y kilig na kilig na naman siya!
"'Kaw... hindi mo rin mapigilan, ano?"
Napakunot ang noo nito. Ah, ang guwapo pa rin nito kahit pinagpapawisan ang noo nito at ang ilang hibla ng buhok nito'y kumapit doon. Mukha talaga itong rakista ng kanyang life! "Ang alin?"
"Ang alagaan ako," aniyang ngiting-ngiti. "Maganda ba ako kanina? Umamin ka na habang maaga."
Napantastikuhang napatingin ito sa kanya. "Ano naman ang gagawin mo kapag hindi ako umamin?"
"Hahalikan kita. Ay!" aniya saka natatarantang tinakpan ang mukha. "Nahihiya ako!"
Gusto niyang sabunutan ang sarili. Siya ba naman kasi ang hahalik dito? Baka matunaw na siya sa sobrang kahihiyan bago pa niya maidampi ang labi rito!
Bigla itong napahalakhak at napatingin siya rito. Ngayon lang niya ito nakitang masaya at aaminin niyang tila musika iyon sa kanyang pandinig.
"Ikaw talaga... ang lakas-lakas ng loob mo. Kumain ka na nga lang," anito saka natatawang kumain.
Siniko niya ito. "Nangingiti ka. Siguro—"
"Ano na naman?" napabuga ito ng hangin pero hindi naman ito mukhang naiinis. Nangingiti ito na hindi niya mawari. "Oo, maganda ka. Ugh... maganda ka naman talaga. Kain na, okay?"
"Ohh-kay..."
Gigil niyang kinagat ang sandwich. Wah! Kilig na kilig pati lalamunan niya! Hirap na hirap lumunok! Letsugas talagang heart! Hirap siyang huminga! Maganda raw siya! Partida na iyon dahil umaga lang siya nagsuklay! Ano ba 'yan!
"Next year, ganito ulit, ha?" aniya ng makabawi. Aba, huling taon na nila next school year. Gusto pa rin niya itong makasama sa mga ganoong pagkakataon.
"Oo." Simpleng sagot nito pero gabundok ang hatid noong ligaya sa puso niya.
"Pero maganda talaga ko, ha. Walang bawian," muli niyang untag rito ng hindi makapagpigil.
Napatingin ito sa kanya. "Bakit ko naman babawiin ang isang bagay na totoo naman?"
Wah! Nahimatay na ang puso niya sa banat nito! Seryoso pa ito sa sinabi, ibig lang sabihin ay hindi ito nagbibiro. Speechless siya! For the very first time! Siya itong tila pinitpit na luya sa isang tabi!
Nang mapatingin siya rito'y agad siya napayuko. Hindi na siya makakain sa titig nito hanggang sa matawa itong bahagya. "Kumain ka na. Ayaw mo ba ng sandwich?"
"G-gusto ko... k-kakain na nga..."
Gusto na niyang paluin ang sarili. Nabubulol tuloy siya! Kinalma na lamang niya ang sarili at nagpatuloy sa pagkain. Nakuntento na lamang siya sa pananahimik nilang dalawa. Sana, sa dadaan na mga taon ng buhay nila ay maging ganoon pa rin sila. Kuntento sa katahimikan ng bawat isa.