CHAPTER FOUR

4984 Words
Napabuntong hininga si Lotus habang pinapanood ang kinilalang ina sa mini bar ng kanilang bahay. Nitong huling taon ay doon nito ibinubuhos ang lahat ng sama ng loob at galit nito sa kanyang ama; sa paginom. Graduating na siya ng taong iyon. Hindi na nga siya nito masyadong kinikibo ngunit iyon naman ang inaatupag nito. Kapag binawalan nila ay nagagalit lamang ito. Minsan ay nauuwi iyon sa pagwawala nito at sisisihin na naman siya kaya nasira ang pagsasama ng mga ito at ang kanyang ina. Ayon sa yaya Myrna niya na matagal ng naninilbihan doon at siyang personal niyang yaya, hindi naman daw dating ganoon ang mga ito. Hindi man nito sabihing direkta, alam niyang ang pagsulpot niya ang pagaaway ng dalawa. Dagdag pa nito'y ni minsan ay hindi ito nagreklamo sa pagkawala ng matagal ng ama niya. Malaki ang tiwala nito hanggang sa nawasak iyon. "Sige na. Baka mahuli ka sa pupuntahan mo," untag ng yaya Myrna niya sa kanya at malungkot siyang tumango. Isa pang nakapagpalungkot sa kanya ang sinabi ni yaya Myrna kaninang umaga sa kanya. Hindi na raw ito makakasama sa kanya kapag nagkolehiyo na siya dahil magreretiro na ito. May katandaan na rin kasi ito at kukuhanin na rin ng anak nito sa Bacolod. Wala na siyang magiging kakampi pa sa loob ng bahay na iyon kapag umalis na ito. Nang udyukan siya ng matanda ay tahimik na lamang siyang tumalima. "Saan ka na naman gagala? Dala mo na naman 'yang gitara mo. Hindi ka na napirmi dito sa bahay," lasing na sita ng kinilalang ina saka ito tumungga ng alak. "Pareho talaga kayo ng tatay mo. Puro gala na lang ang alam... kaya hayan ang napapala niya. Maraming babaeng nakikilala. Baka mamaya... maguwi na naman ng sanggol 'yon dito..." masamang loob na saad nito saka lasing na ikinumpas ang basong wala ng laman. Nagtiim ang bagang ni Lotus. Hindi niya magawang ipihit ang seradura. Sumama ang loob niya sa sinabi nito pero hindi niya iyon ipinakita. Nauunawaan niya ito. Magmula noong kinse anyos siya ay dalawang beses lang umuwi ang kanyang ama at saglit na saglit lang kaya hindi nito naharap wasakin ang gitara niya. Agad niya iyong itinagong maigi at hindi siya lumabas ng silid. Ayaw nitong maging musikera daw siya. Wala daw iyong future. "Kina Xavier lang po," malamig na sagot niya. Pupunta kasi sila sa dating music school na pinasukan nila noong bakasyon. Gusto daw silang makausap tungkol sa 'teen rockoustic contest' na gaganapin sa isang mall sa bayan nila. Natuwa siya dahil mukhang gusto silang kunin. Bigla siyang nasabik ng muling maalala ang mga munti nilang pangarap ni Xavier. Kung pangarap daw niyang magtanghal sa entablado ay sasama raw ito. Ibig lang sabihin ay magiging musikero din ito. Labis niyang ikinasiya ang suporta nito. Bagaman wala pa rin silang pormal na usapan ay okay lang sa kanya dahil dama naman niya ang concern at damdamin nito. Marahil, humahanap lang ito ng tyempo. Gayunman, aaminin niyang magmula ng magtanghal sila ay nagkaroon siya ng mga karibal dito. Marami ng nagpapansin dito kaya hangga't maaari ay binabakuran niya ito. Isang matunog na ismid ang natamo niya mula sa ina-inahan. "Kina Xavier na naman... kapag nalaman ng tatay mo ang pinaggagagawa mo, wasak na naman 'yang gitara mo," anito saka muling tumungga. "Manang-mana ka talaga sa nanay mo," madulas na sabi nito saka tuluyang ng iginupo ng kalasingan. Nanggagalaiting lumabas na lamang siya ng bahay. Ah, hindi na niya mahihintay na magkolehiyo siya. Gusto niyang mag-aral sa Maynila. Ayaw niyang dumating sa puntong magkabanggan na sila nitong tuluyan. Kahit papaano'y iginagalang niya ito sa kabila ng talim ng mga salita nito. Ilang sandali pa ay naglakad na siya papunta kina Xavier. Nang makita na niya ang bubong ng bahay nito ay nanikip ang dibdib niya sa antisipasyon. Hindi kasi siya pumayag na sunduin nito. Kung maaari lang, ayaw na niyang dalawin siya nito sa bahay niya. Labis siyang nahiya sa ipinakita ng ina-inahan rito. Tinanong nito kung malaki ang kinikita ng ama ni Xavier sa Japan. Pahapyaw na nilait nito ang ama ni Xavier. Maging ang pagta-trabaho ng ina ni Xavier sa isang factory ay nilait nito ng pasimple. Kahit hindi magsalita si Xavier ay dama niyang nasaktan ito. Isang bagay iyon kaya tuluyan na siyang nawalan ng amor sa ina-inahan. "O, bakit ka naglakad?" takang tanong ni Xavier ng mamataan siya nito sa labas ng gate. Agad nitong binuksan iyon at awtomatikong napangiti siya rito. Biglang gumaan ang dibdib niya ng makita ang lalaki. Hindi niya maunawaan kung bakit ganoon na lamang ang epekto nito sa puso niya. Makita lang niya ito ay gumagaan kaagad ang bigat sa kanyang dibdib. Lalo niya itong nginitian. Syempre, ngiting pa-cute! Naks! Ang bilis na naman ng t***k ng puso niya. Nang matawa ito sa inasta niya ay tuluyan ng gumaan ang dibdib niya. "Kilala kita. Kahit nakangiti ka, alam kong bad trip ka. Ano'ng nangyari?" Lihim siyang napangiti. Isa iyon sa nagustuhan niya rito: sensitive. Parang kilalang-kilala na siya nito. Dahil doon ay sinabi niya ang lahat ng sama ng loob. Dahil naging malapit na sila nito ay nasabi na rin niya rito ang buong pagkatao. Noon ay nagalinlangan siya dahil baka maging rason iyon para layuan siya nito ngunit sa pagkabigla niya ay lalo itong naging malapit sa kanya. Madalas pa nitong ipaalala sa kanya na mayroong isang tao natanggap siya kahit ano pa siya at nakikisimpatya. Ang pangalan daw ng taong iyon ay Xavier Cabral. Halos gumulong siya sa saya noon sa sinabi nito at labis siyang nagpasalamat sa diyos dahil binigyan siya ng lalaking tulad nito na kahit kailan ay hindi siya minata o hinamak. Napabuntong hininga ito at hinawakan ang palad niya. Katulad ng kadalasang mangyari, para na naman siyang tinamaan ng kidlat. May hatid na kuryente iyon sa sistema niya. "Huwag mo ng isipin iyon. Magmeryenda ka muna, ha?" masuyong saad nito at napangiti na siya dahil sa lungkot na nakikita sa mga mata nito. "Napapansin ko, kapag malungkot ako, malungkot ka rin." Naninimbang na saad niya. "Oo naman. Sanggang-dikit tayo, eh," Bigla siyang napasimangot. "Anong sanggang-dikit?" bigla siyang umabrisyete rito at inihilig ang ulo sa balikat nito. Pasimple niya itong sinamyo. Ah... heaven ang bango nito! "Ang sabihin mo, soul mates..." Umalog-alog ang balikat nito. Kung noon ay umiiwas ito ng todo, ngayon ay bahagya na lang. Minsan ay idinadaan na lang nito sa tawa at pangiti-ngiti. Kung iiling man ito, alam naman niyang kahit ganoon ang reaksyon nito ay gusto naman nito ang ginagawa niyang paglalambing. Aba, kitang-kita naman niya ang kilig sa mga mata nito. Napatingala siya rito ng marinig ang halakhak nito at naginit ang puso niya. Ang sarap kasi noon sa pakiramdam. Parang lumiliwanag ang mundo niya dahil sa buhay nitong tawa na siya ang dahilan. "Sira ka talaga." Anito at napakamot ng ulo. "Kukuha lang ako ng meryenda natin. Paborito mo, lumpiang sariwa." Kumukutitap na ang mga mata niya sa saya. Bakit ganito ito ka-lovable? Gusto tuloy niya itong i-kiss ng hard! Natawa siya sa naisip. May hard-hard pa siyang nalalaman samantalang hindi naman siya marunong maski soft? Nang bumalik ito ay mabilis na silang kumain. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong magpa-cute dahil mahuhuli na sila. Ilang sandali pa ay nagtungo na sila sa music school. Habang hinihintay nila ang instructor nila ay napansin niyang hindi ito mapakali sa tabi. Siniko niya ito. "Bakit parang hindi ka maihi d'yan?" Napabuntong hininga ito at nagiwas ng tingin. Ilang beses itong napatingin sa malayo at ng muling yumuko ay doon ito nagsalita. "Hindi... hindi ako pinayagang mag-enrol sa Manila, Lotus. Sa Baguio na lang daw ako sabi ng daddy ko... Doon din kasi siya noon nag-aral..." Bigla siyang nalungkot at natahimik. Doon pa lang ay ibayong kahungkagan na ang nadama niya hanggang sa hawakan nito ang palad niya saka pinisil. "Huwag ka ng malungkot. Pangako, isang tawag mo lang, pupuntahan kita kahit sa Maynila. Bigyan mo lang ako ng oras dahil malayo rin 'yon..." pangako nito sa kanya. Namasa ang mga mata niya. "T-talaga?" Tumango ito at ito na mismo ang nagpunas ng luha niya. "Oo. Ikaw naman. Nami-miss mo naman agad ako," anito saka natawa ng bahagya. Napalabi siya. "Siguradong maraming magkakagusto sa'yo roon..." Biglang nagkukot ang kalooban niya. Sa eskwelahan na nga lang nila, ang dami ng naglipanang chicks, sa Baguio pa kaya? Lalo siyang naalarma sa naisip. "Hindi mangyayari 'yon dahil iisang babae lang ang gusto ko," "A-Ako?" bigla niyang naitanong. Kumurap pa siya ng paulit-ulit para lumiwanag ang nanlalabong paningin. "Sino? Sabihin mo. Ako ba, ha? Ang tagal ko ng ginagawa 'to, eh... ang tagal mong umamin..." "Oo!" anito saka tila natutulirong inihilamos ang kamay sa mukha. Pagtingin nito ay namumula na ito sa pagkailang, hiya at inis. Halo-halo! "Inuunahan mo na naman ako. Lotus naman!" angil nito. Bigla siyang natawa at nagulat na lamang ito ng yakapin niya ito ng mahigpit sa baywang. Sa wakas! May access na siyang yakapin ito at amuyin ng pasimple! Wah! Nagkakaaminan na sila! Biglang naglaho ang tampo niya sa nakakainis na sitwasyon. Hindi maaaring umalis ito ng hindi sila. Hindi siya makapapayag! Period! "Lotus..." Napapikit na lamang siya ng madama na ang mainit nitong braso sa katawan niya. Ang sarap palang magpa-hug dito. Waging-wagi ang mahigit isang taong pagpapa-cute niya rito. "Xavier, basta... tatawag ka o susulat. Mage-email. Lahat ng p'wede, ha?" lambing niya rito. Napakamot ito ng ulo. "Sasagutin mo na ba ako?" alanganing tanong nito. "Oo naman! Ang tagal ko ng hinihintay 'to, eh..." angal niya rito. "P'wede mo nang hawakan ang kamay ko sa public na may pa-sway-sway pa." Bahagya itong natawa at lumayo siya rito. Ngiting-ngiti siyang tumitig dito. "Ang guwapo mo talaga." Buong paghangang saad niya. "Ang pogi ng first boyfriend ko," Napakunot ang noo nito bagaman bahagyang namula ang pisngi nito. Nahiya na naman si boylet! "Ano'ng first? Hindi p'wede ang ganoon... dapat one, only at last..." "Sabi ko na nga ba!" Bigla siya nitong hinigit at isinubsob sa dibdib nito dahil napalakas ang boses niya! Bigla siyang nahiya ng todo! "Napakaingay mo talaga. Ikaw talaga... ano na naman ang gusto mong sabihin?" "Na noon mo pa ako super like." Muli niyang itinago ang mukha sa mabango nitong dibdib. "Na noon mo pa ako pinagpapantasyahan." Aniyang kilig na kilig sa dibdib nito. Syemay to the tenth power! Ang hirap sikilin ng ganoong klaseng damdamin! Baka maihi na siya sa kilig! "Sige, aaminin ko na ang bagay na iyan. Ayoko na ring itago ito. First year pa lang tayo gusto na kita. Kaya lang ang astig mo, inuunahan mo ako." Biglang nahimatay ang puso niya sa pagamin nito! Grabe! Uber talaga! Hindi niya kayang i-absorb ng minsanan! Hayan na ang makulay na katotohanan, ngayon ay para na naman siyang pinitpit na espasol sa braso nito. "Nagpapapansin ka sa paghingi ng papel?" nahihiwagaan niyang tanong ng makabawi. "Oo. Marami naman talaga akong papel. Isang pad pero hindi ko nilalabas. Hayan, sinabi ko na," Wah! Laspag na ang ribcage niya sa sobrang kabog ng puso niya! Hindi na siya makahinga! Gusto na niyang gumulong sa kilig! Over naman kasi si Xavier, eh! Muntik na siyang ma-heart attack! Naputol lang ang lambingan nila ng tawagin na sila ng instructor nila. Hindi na raw matutuloy ang pagkuha sa kanila dahil may ibang nakatawag ng pansin sa mga itong estudyante doon. Kung nakadama man siya ng disappointment ay bahagya lang. Masaya pa rin siya dahil boyfriend na niya si Xavier. Aw... kiligs na kiligs pa rin siya at hayun nga, holding-hands-while-walking-at-may-pa-sway-sway pa sila habang nililisan ang lugar! Winner! After two years... "Dad! Nasaan ang gitara ko?" Pabalabag na isinara ni Lotus ang pinto. Nakatayo ang daddy niya sa tabi ng bintana at tinatanaw ang labas ng bakuran nila. Napauwi siya galing Maynila dahil pagdating niya sa condo ay wala ang gitara niya. Ang sabi ng bagong yaya niya na si yaya Milagring—dahil tuluyan ng nagretiro si yaya Myrna—ay ang daddy daw niya ang kumuha. Lalong nagpainit pa ng ulo niya ang tono ng yaya niya. May katandaan din ito pero ubod ng tsimosa at sungit. Matindi ang loyalty nito sa kanyang ama. Stay-in ito at lahat ng aktibidades niya ay agad nitong sinusumbong sa kanyang ama. Marahil, nagsumbong na naman ito dahil sa pagbabanda niya. Palibhasa'y madali siyang mapuntahan ng ama dahil nakabakasyon ito at wala pang assignment. Hiwalay na ang mga ito at ang kinilala niyang ina. Matapos ang kanyang pagtatapos ay tuluyan ng nakipaghiwalay ang kanyang ina-inahan dalawang taon ng nakararaan. Hindi na raw nito kayang tagalan pa ang lahat. Marahil, ay hindi na nito matiis ang maiwan sa bahay at napa-paranoid kakaisip sa ginagawa ng kanyang ama. Hindi na ito pinigilan pa ng ama niya ng magpunta ito sa Australia at tumira sa kapatid nito. Hindi siya nalungkot o na-apektuhan dahil hindi naman talaga niya naramdamang minahal siya nito. Mas nalungkot pa siya ng magkahiwalay sila ni Xavier ng landas. Gayunman, bumabawi ang lalaki sa kanya dahil tinotoo nito ang pangako nito. Nagpupunta ito oras na kailangan niya. Nakahanap kasi siya ng mga kaibigan sa unibersidad na pinapasukan at naging kabanda. Sa tuwing may gig sila at kailangan niya ng suporta'y wala reklamo itong nagpupunta. At syempre'y hindi nito nakakalimutang bigyan siya ng pasalubong maging ang mga kabanda niya. Tama nga ang kasabihang 'absence makes the heart grow fonder'. Dahil sa mga panahong iilang beses nilang pagkikita ni Xavier ay tumitindi ang damdamin nila sa isa't isa. Her loyalty and dedication to him deepens. At tingin niya'y ganoon din ito sa kanya. "Ang sabi ng yaya mo, puro na lang banda ang inaatupag mo at ginagabi ka ng uwi. You're not serious about your studies!" anito saka galit na humarap. Ang ibang tao marahil ay matatakot dito. Malaking tao ito. Intimidating. Guwapo ang kanyang ama pero nakakalunod ang presensya nito. Gayunman, dahil isa siyang anak na mayroong hinanakit dito, manhid na siya. "Nagaaral ako." Mariing sagot niya. Nanginginig na inilabas niya ang mga grado niya noong huling semester. Pina-photocopy pa niya iyon para sa mga ganitong pagkakataon. Ugali na ng ama niyang manita kaya ready siya. Agad niyang iniabot iyon. "Hindi ako magiging second year at mananatili sa block section kundi ako nag-aaral. Now, give me back my guitar!" Nagtitigan sila nito. Sa huli'y ang katulong sa isang panig ang bumigay. Takot itong lumabas ng silid at nang mapagtantong wala siyang mahihita sa ama ay galit siyang lumabas. Siya mismo ang naghanap at sa bodega niya iyon natagpuan. Doon siya nakahinga ng maluwag at tuluyang napaiyak na niyakap iyon. That was the only thing connecting her to Xavier. Iyon ang gitarang ibinigay ni Xavier at nangako siyang aalagaan iyon. Mabilis na niyang nilisan ang lugar at muling bumalik sa Maynila. Pagdating niya sa condo ay agad na niyang binusisi ang gitara. Napaigtad na lamang siya ng tumunog ang cellphone niya. Napangiti siya ng makitang si Xavier iyon. Tulad pa rin ng dati, si Xavier ay may kakayahang pagaanin ang bigat sa kanyang puso. Minsan, maalala lang niya ang high school days nila ay totoong napapangiti siya at kinikilig. "Na-miss po kita, honey ko..." nakangiting bungad rito habang pinupunasan ang basang pisngi. Ang bilis-bilis na naman ng t***k ng puso niya "Ang sarap naman noon..." malambing nitong saad. Napapikit siya at niyakap ang gitara. Miss na miss na niya si Xavier. Noong nakaraang buwan niya pa ito huling nakita. Mayroon silang nilabanang battle of the bands. Natalo sila pero dahil kasama niya si Xavier ay nakaya niyang harapin ang pagkabigo. "'Miss mo rin ba ako?" anas niya habang nakapikit pa rin. "Oo naman, hon. Kaya nga ako nasa labas ng unit mo." Bumilis ang t***k ng puso niya at napabangon. Nang mapahalakhak ito sa kabilang linya ay tinakbo na niya ang pinto. Bumungad sa kanya si Xavier na may dalang isang bungkos na bulaklak. Nakapaskil ang maluwang na ngiti nito sa labi. Agad niya itong dinaluhong ng yakap! Heaven pa rin ang amoy nito. Bagaman, lalaking-lalaki na ang dating noon ay gusto pa rin niya ang malinis nitong amoy. Ah, ang puso niya'y tuluyang natunaw sa presensya nito. "Nakakainis ka! Bakit hindi ka nagpasabi?" agad niyang sita ng humiwalay rito. Napakunot ang noo nito. "Ano'ng nangyari? Bakit namamaga ang mga mata mo?" Napayuko siya at sinabi ang lahat. Napabuntong hininga ito. Hindi pa ito nakikilala ng ama niya at parang ayaw niya itong iharap. Kahit pinipilit siya nitong makilala ang tatay niya ay tumanggi siya. Baka may masabi lang na hindi maganda ang ama niya at baka pati ito ay madamay pa sa hidwaan nila. Napahinga ito ng malalim at niyakap siya ng mahigpit. Alam niyang kino-comfort siya nito at labis siyang nagpapasalamat dahil nandito ito ngayon. "Napasugod ka yata?" "Nami-miss na nga kita. Ayaw mo yata..." Niyakap niya ito ng mahigpit sa baywang ng akmang lalayo ito sa kanya, astang nagtatampo pa. Napahagikgik siya. "Dito ka lang!" aniya saka sumiksik pa rito. "Nagtataka lang ako dahil week days pa lang. Ito naman..." "Baguio Day ngayon, kagabi pa ako bumiyahe." "Kaya pala amoy bus ka," Napabungisngis siya ng sumimangot ito. Kahit ano pa ang maging amoy nito ay gusto niya. Pinanliitan siya nito ng mga mata. "Ah, ganoon..." Napatili na lamang siya ng pagkikilitiin siya nito. Tawa siya ng tawa at tuluyang nakalimutan ang lahat ng sama ng loob. Ilang sandali pa ay nagtitigan sila nito at napalunok siya ng makita ang emosyon sa mga mata nito. "Mukhang miss na miss mo talaga ako," anas niya at hinaplos ang pisngi nito. Nakiliti ang palad niya sa pinong balahibo nito. Ah... ang kanyang boyfriend, mukhang magiging balbasarado balang araw. Parang nakikinikinita niyang darating ang araw na titindi pa ang karisma nito dahil doon. "Oo naman," malambing na sagot nito at hinalikan ang noo niya. Napasimangot siya. "Lagi na lang sa noo. Ayaw mo akong halikan sa lips? Hindi naman ako bad breath ah," angal niya rito. Bigla siyang nainis! Two years na sila, hindi pa siya nito nili-lips-to-lips! Lagi na lang sa noo, pisngi o kamay. Baka naman nababahuan ito sa hininga niya? Minabuti tuloy niyang amuyin ang sariling hininga sa pamamagitan ng kanang palad. Napahalakhak ito sa ginawa niya. "Ikaw... lagi kang apurado..." namamanghang saad nito. "Hindi ka bad breath. Hahalikan naman kita. Relax..." "Kailan? Kapag ikakasal na tayo? Ang tagal pa noon," reklamo niya. Parang nakikinita niyang amoy amag na siya noon. Ano ba 'yan! Umalog-alog ang balikat nito. "Ang tagal pa nga noon, hon..." anito saka hinawakang maigi ang pisngi niya. Muli na naman itong natawa sa nakikitang pagsimangot niya. "Kung alam mo lang... mas atat pa ako sa'yo pero hindi ko magawa. Baka makalimot kasi ako..." Tumili ang heart niya! Kilig na kilig siya sa mokong na ito. Nagpipigil to the highest level! "So, sa noo na lang?" nakalabing tanong niya. "Oo... o kaya ganito," Napamaang siya ng dampian siya nito ng magaang halik sa labi. Ilang segundo lamang iyon at wholesome na kiss. Ni walang dila o laway. Gayunman, gabundok na pananabik ang hatid noon sa sistema niya. Halleluiah! May first kiss na siya! Siguradong hindi siya makakatulog ng buong buwan! "A-ang bilis naman," reklamo niya ng makabawi. Bitin na bitin siya! Gusto na niyang gumulong sa kilig. Napuno ng kakaibang kinang ang mga mata nito habang pinagmamasdan siya. "Hindi ko alam kung ano'ng meron ka para mapasunod ako..." Bumigat ang talukap ng mga mata niya ng bumaba ang labi nito sa labi niya. May halong panginginig ang paggalaw ng labi nito at tila lalong nakuryente ang gulugod niya. Biglang naginit ang paligid at huminto ang pagtibok ng puso niya. Napaungol siya dahil sa banyagang pakiramdam na pinukol nito sa sistema niya at napaarko ang katawan. Ah... hindi niya sukat akalaing sa bawat dampi ng labi nito'y magpapakawala siya ng bahagyang halinghing. Paano'y nakakawala iyon ng huwisyo. Ang tamis ng labi nito'y may kakayahang paglutangin sa ere ang buong sistema niya. "Lotus..." anas nito sa pagitan ng mga labi nila. Kapwa na sila nito kinakapos sa hininga. "Isa pa nga..." anas din niya. Natatawang pinagkiskis nito ang mga ilong nila. Ah, their first nose-to-nose. Napakalambing talaga ng lalaking ito. "Wala kang ibang p'wedeng i-nose-to-nose. Maliwanag?" anas niya. Napangisi ito. Napamulagat siya. Ngayon lang ito ngumisi sa kanya at ang cute ng kolokoy! Natawa na ito ng kurutin niya ito sa tagiliran. "Ano?" angal niya rito. Nainis siyang bigla. Baka naman marami na itong nginitian ng ganoon sa Baguio? Lalo siyang nanggigil. "Wala akong ibang gagawan ng ganito kundi ikaw lang. Ikaw rin, ha? Hindi mo p'wedeng gawin ito sa ibang lalaki," Napangiti na siya rito. "Nagseselos ka ba? Wala namang lalaking aali-aligid sa akin, ah." "Anong wala?" Bigla itong napasimangot. "Hindi mo lang alam pero ilang lalaki na ba ang hinarang ko para kuhanin ang numero mo sa mga battle of the bands na 'yan? Kaya ako nagpupunta agad dahil alam kong mayroong makikipaglapit sa'yo," Sadyang humahalakhak ang puso niya sa saya. Kinikilig siya sa nakikitang pagseselos nito. Akala niya'y hindi na ito marunong magselos! "Hindi ko naman napapansin iyon. Ikaw ang lagi kong hinahanap sa gitna ng maraming tao, Xavier... sige na... patingin ng eyes..." lambing niya rito. Umiwas ito. Aysus! Bagaman nawala na ang gatla nito sa noo ay alam niyang nagpapalambing pa ito. S'yempre'y tumalima siya. Kiniskis niya ang ilong sa pisngi nito hanggang sa mapangiti na itong tuluyan. "Babantayan kita. Dito ako matutulog sa sala." Napabungisngis siya. "Sa kuwarto ko na lang. May sofa ako doon. Baka gahasain kita kapag nagkatabi tayo," Ang lakas ng halakhak nito. Habang pinagmamasdan niya ito ay natunaw ang puso niya sa saya. Iyon ang isa sa nagustuhan niya rito. Gentleman ito at hindi niya ito nakitaan ng pananamantala kahit sila lamang dalawa sa silid. Wala na siyang pakialam kahit lantaran pa siyang simangutan ni yaya Milagring. Malinis naman ang kunsensya niya at alam niyang wala silang ginagawang masama ni Xavier. Kaya kampante siya na kahit magsumbong ito ay masasabi niya ng taas-noo sa ama na walang milagrong nangyayari sa kanila kahit matulog sila nitong magkasama sa iisang silid. Ang importante sa kanya ay makasama si Xavier dahil sobrang na-missed niya ito. Wala siyang pakialam kung mapuyat man sila sa kwentuhan. Ang mahalaga sa kanya ay makahabol siya sa mga buwan na hindi niya ito nakasama. Hindi na tuloy niya namalayang nakatulog siya habang kausap ito. "PARE, BAKIT hindi ka na naman mapakali? Ano bang problema?" natatawang tanong ni Wryle kay Xavier. Ka-roommate niya ito at kaibigan na rin. Ang isa pa nilang ka-roommate na si Denim ay may pasok kaya sila lamang ang nasa boarding house. Malapit na ang birthday ni Lotus. Debut nito at nalungkot siya ng malamang wala man lang itong party. Kahit nakangiti itong sinabi iyon ay dama niyang masama ang loob nito sa ama. Nalulungkot siya para rito dahil sobrang tagal na iyong dinadala ng dalaga base sa mga kwento nito. Trese anyos pa lang sila ay pansin na niya iyon dito. Sa totoo lang, unang kita pa lang niya rito ay naantig na ang kuryusidad niya. Madalas itong mag-isa at aaminin niya, bilib siya sa angking astig nito. Kayang-kaya nitong ipagtanggol ang sarili kahit walang tumulong dito. Lalo niya itong hinangaan dahil astig na, ang ganda-ganda pa. Ang mga mapupungay nitong mga mata at ang labi nito ang pinakapaborito niyang titigan. Sa tuwing natutuwa o nalulungkot iyon ay halatadong nagbabago ang kulay ng mga mata nito. Sa kabilang dako, pinkish, manipis at makorte iyon naman ang labi nito. Kapag ngumiti ito ay nahahawa na siya. Ganoon ang klase ng ngiti nito kahit pa sabihing hindi perpekto iyon. May bahagyang pagkasungki ang mga pangil nito pero naging daan iyon para sa maliliit na biloy nito at naghatid iyon ng kakaibang karisma rito. Kahit anong ekspresyon ng mukha nito'y gusto niya, mapasimangot man o nakangiti. Gustong-gusto niya kapag nagpapa-cute ito—na ikinatotorpe niya sa huli dahil hindi niya alam kung paano ito sasabayan at aamining niyang natuturete siya. Minsan ay namamangha siya o naiinis dahil lalaki pa rin siyang nais gumawa ng unang hakbang. Marahil ay namana nito iyon sa tunay nitong ina dahil malayo naman ang pisikal na itsura nito sa mga kinagisnan nitong ina at ama. Naging tapat ito sa kanya sa tunay nitong pagkatao at labis niya iyong na-appreciate. Nagtiwala ito sa kanya, ibig lang sabihin ay isa siyang importanteong tao na pinagkakatiwalaan nito at gusto niya iyon. Nagpapasalamat siya dahil nagkaroon siya ng pagkakataong mapalapit dito—na hindi na niya kailangan pang humingi ng papel para magpapansin dito. At nang makilala niya itong maigi, doon niya naunawaan ang personalidad nito. Kaya marahil ito ganoon ka-astig dahil alam nitong wala itong kakampi sa buhay. Dahil doon ay matindi ang naging simpatya niya rito. Kaya ginawa niya ang lahat para makalimutan nito ang lungkot. Nang makita niya ang unti-unti nitong pagbabago'y gumaan na rin ang loob niya. Hindi nito alam kung gaano siya kasaya kapag naglalambing ito o nagpapa-cute. Hindi kasi ganoon kadaling makita at malaman na masama ang loob nito. Masakit iyon sa dibdib niya. Kaya kahit na pitong oras ang layo niya sa dalaga ay ganoon ang siste. Tinitiis niya dahil para sa kanila rin iyon. Marami siyang pangarap para sa kanila. Hindi nga lang siya vocal dahil naniniwala siyang mas maganda kung dadaanin ang lahat sa gawa. Gusto niyang sabihin kung kailan malapit na para iwas bulilyaso. "Babae na naman 'yan, ano?" untag ni Wryle sa pananahimik niya. Natuturete na siya. Hindi siya sanay na hindi agad nagre-reply ang dalaga. Magdadalawang oras na! Ah... sumasakit na ang ulo niya sa pagaalala. Hindi niya maiwasang mapailing sa sinabi ni Wryle. Ang tingin kasi ng mga ito sa kanya ay marami siyang babae. Palibhasa'y sa department nila, marami siyang kaklase na babaeng nagpapatulong sa kanya sa mga subject nila. Nababaitan daw kasi ang mga ito sa kanya dahil madali daw siyang lapitan. Para sa kanya'y hindi naman niya binibigyan ng kahulugan iyon. Pakikisama lang kumbaga. Pero kahit ipaliwanag niya iyon ay tinatawanan lang siya ng mga ito. Minsan lang niyang sinabing may girlfriend naman talaga siya pero hindi niya alam kung bakit hindi siya pinaniniwalaan ng mga ito. At dahil isa siyang lalaking hindi naman matalak ay hindi na siya nagpaliwanag. Ang importante, nagkakaunawaan sila ni Lotus. Iisang babae lang ang may hawak ng puso niya at wala siyang balak kuhanin iyon. Aba'y trese anyos pa lang siya kumukuha ng bwelo, ngayon nagkaroon na siya ng pagkaktaon ay hindi niya sisirain iyon. Kaya kahit nasa malayo siya, loyal pa rin siya rito. "Hindi ito basta babae lang," mahinang pagtatama niya at muling tumipa sa cellphone. Dama niyang may problema na naman si Lotus. "Iyong nasa Maynila? Si Lotus?" Tumango siya at natawa ito. "Sobra ka naman. Malay mo naman busy. Tawagan mo na lang mamayang gabi kapag hindi nakapag-reply. Mauuna na akong maligo, ah," Wala sa sariling tumango na lamang siya rito. Napabuntong hininga siya at nahiga sa kama. Laman ng isip niya si Lotus. Palagi siyang ganoon at kung alam lang nito kung gaano siya nagpipigil para patulan ang mga panghaharot nito'y baka matakpan na naman nito ang mukha sa hiya. Naaliw talaga siya kapag ganoon ito umasta. Sinong nakakaalam na sa likod ng malakas na personalidad nito'y nagiging mahiyain rin ito? At siya naman, lalaki pa rin naman siyang pinapangarap ito. Pero dahil mahal niya si Lotus ay maghihintay siya ng tamang panahon. Naniniwala siya na ang lalaking nagmamahal ay may paninindigan at marunong maghintay. Napaigtad na lamang siya ng maramdamang nag-vibrate ang cellphone niya. Kumabog ang dibdib niya at agad iyong hinanap sa ilalim ng unan. Nang makita niya kung sinong tumatawag ay gusto niyang madismaya na hindi. Inaasahan din niya ang tawag ni Ramir—ang lalaking nakilala niyang nagtatrabaho isang tindahan ng mga music instruments sa Baguio—pero mas gusto sana niyang si Lotus iyon. "Hello?" matamlay na sagot niya. "Ano? Meron na?" "Oo pare, nandito na kami sa labas ng boarding house," Napahinga siya ng malalim at nagtungo agad sa taas. Nang makita niya ang dala ng mga ito ay agad niya iyong binusisi. Napangiti siya ng makitang sakto iyon sa pinapangarap niyang ibigay bilang regalo kay Lotus. "Magkano na ulit?" aniya habang binubusisi iyon. "Beinte mil lang, pare," Napakunot ang noo niya. "Bakit tumaas yata? Diyes lang usapan natin, ah. Nadagdagan lang, tumaas na?" reklamo niya rito. Napakamot ito ng ulo. "Pare, sa auction ko 'to nabili. Bumiyahe pa ako. Ibebenta ko na nga lang 'to sa iba," Pinigilan niya ito sa braso. Hindi naman sa kuripot siya pero naniniguro lamang siya. Tingin naman niya ay worth it ang ibabayad niya dahil para iyon kay Lotus. Nagbayad na siya rito at nang makaalis ito'y pumasok na siya. Muli niyang tiningnan ang kalendaryo at napangiti Doon pa lang ay aaminin niyang nasasabik na siya. Pinagipunan niya talaga ang regalo dito. Pumasok pa siya sa isang fast food restaurant bilang part-time crew para makaipon. Itinago niya iyon sa mga magulang dahil ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang mga ito. Nang muli niyang tingnan ang cellphone ay lumukso ang puso niya ng makitang may mensahe si Lotus. Bigla siyang nalungkot sa nabasa: Wala talaga akong party... okay lang sa akin basta bibisita ka, ha? Agad siyang tumipa sa cellphone. Oo naman... magiging masaya pa rin ang birthday mo. Nandito naman ako... Pigil hiningang hinintay niya ang reply nito. Kaya siya tinutukso ng mga kaibigan dahil sa ganoong itsura. Para raw siyang kinakabahan na hindi mawari. Halos maturete na talaga siya hanggang sa lumukso na naman ang puso niya sa pananabik. Napahalakhak na lamang siya ng makita ang mensahe nito. Ibalot mo ang sarili mo, ha. Ikaw ang birthday gift ko. =) Ngiting-ngiti siyang nag-reply dito. Ah... nawala na ang bigat sa puso niya at pagaalala ng mga oras na iyon. Text lang nito ay nakukuhang tunawin ang alalahanin niya. Muli siyang napangiti at lihim na nanalangin na sana ay tibayan ni Lotus ang loob sa lahat ng iyon. Sana rin ay hindi nito makalimutan na nandoon siya para rito. wP2C
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD