CHAPTER FIVE

4411 Words
MALUNGKOT NA bumangon si Lotus. Araw ng Linggo at kaarawan niya. Magsisimba na lamang siya kahit magisa. Si Xavier ay hindi pa tumatawag sa kanya. Lalo tuloy siyang nalungkot dahil alam niyang malabo itong makarating. Kagabi ay tumawag ito at sinabing mayroon itong proyektong kailangang i-rush. Lunes daw ang deadline noon kaya malabo itong makabiyahe. Naghanda na lamang siya ng sarili. Magisa siyang nagtungo sa Baclaran at nanalangin. Kumain na lamang siya sa isang fast food at halos maiyak na naman siya. Iyon kasi ang unang pagkakataon na nag-birthday siya na hindi niya nakasama si Xavier magmula ng maging sila nito. Naalala tuloy niya ang mga simpleng regalo nito. Noong third year high school sila ay binigyan siya nito ng teddy bear para yakapin kapag nalulungkot siya. Sa ngayon ay iniwan niya iyon sa cabinet niya para hindi maluma. Noong kaarawan niya ng fourth year high school ay binigyan siya nito ng diary. Ilagay daw niya ang lahat ng saloobin doon kapag may mga bagay raw na hindi niya masabi rito. Hanggang ngayon ay ginagamit niya pa rin iyon. Nang magtapos sila ng high school ay binigyan siya nito ng white gold bracelet. Bagaman mababa lang ang karat noon ay okay lang sa kanya. Dahil magkakalayo sila, kadena daw niya iyon rito at katibayan na wala na siyang kawala rito. Syempre naman ay kilig na kilig siya, mayroon naman kasi itong kadenang nalalaman. Noong isang taon ay binigyan siya nito ng mamahaling pick ng gitara. Nang makita niyang sa internet pa ino-order iyon sa isang music store ay nabilib siya. Hindi tuloy niya maiwasang tumindi ang damdamin dito dahil sa suporta at pagiging maalalahanin nito. Pero alam naman niyang hindi sa lahat ng oras, Christmas. Dadating din ang ganitong pagkakataon dahil may kanya-kanya silang buhay. Nalungkot siya sa naisip. Maging ang mga kabanda niya ay hindi libre kaya wala tuloy siyang makasama. Malungkot na nagikot-ikot na lamang siya sa mall. Gabi na ng makauwi siya at nagulat na lamang siya ng makitang nakaupo sa labas ng pinto niya si Xavier. Bumilis ang t***k ng puso niya at halos liparin na niya ang distansya nila. Nagtaka na lamang siya ng mapansing hindi ito tumitinag hanggang sa natunaw ang puso niya ng makitang nakatulog na ito! "Xavier?" mahinang tawag niya rito at marahang tinatapik ang pisngi nito. Napaungol ito. Nang magmulat ito ng mga mata at makilala siya'y bigla itong napatayo. Napahagod pa ito sa ulo nito. Halatadong pagod ito galing sa biyahe. "K-kanina ka pa?" "A-anong ginagawa mo rito? Akala ko may project kang gagawin?" naluluhang tanong niya pero aaminin niya, bigla siyang sumaya ng makita ito. Dahil doon ay niyakap niya ito ng mahigpit. "Akala ko... hindi na kita makakasama sa birthday ko..." naluluhang anas niya sa dibdib nito. Bahagya itong natawa at tinugon ang yakap niya. Mas mahigpit kaysa sa inaasahan niya. Napakurapkurap siya dahil lalong namasa ang mga mata niya. Dama niya sa yakap nitong na-miss din siya nito. "Kagabi pa ako bumiyahe. Nasiraan lang 'yung bus na sinasakyan ko kaya medyo nahuli ako ng dating. Surprise sana kaso... mukhang nabulilyaso dahil nga na-late ako..." "Nakakainis ka!" Natawa na lamang ito ng kurutin niya ito sa tagiliran. Hinuli nito ang kamay niya at hinalikan. Natunaw ang puso niya. "Happy birthday, hon..." Napangiti siya, lunod na lunod sa labis na kaligayahan. "Thank you..." Ninakawan niya ito ng halik. Mukhang nabigla ito kaya natakpan na lamang niya ang mukha sa sobrang kahihiyan! "Wala pa 'yung regalo ko, may kiss na agad?" namamanghang saad nito. "A-anong regalo?" bigla siyang nasabik! Hindi talaga ito pumapalya. Nang ilabas nito sa isang sulok ang malaking guitar case ay nanikip ang dibdib niya. Halos manginig na ang mga kamay niya ng buksan iyon at namangha siya! "Ganito ang gitara ni Raymund Marasigan ng Eraserheads, 'di ba?" namamanghang tanong niya. Idolo niya ang lalaki sa galing at dami ng instrumentong kaya nitong hawakan. "Nabili ng kakilala ko sa auction." Anito habang napapakamot sa batok. Astang nahihiya pa ang mokong pero hindi nito alam, malaking bagay na iyon sa kanya. Nag-effort pa ito. Ilang beses niyang nakwento ang tungkol sa inidolo ngunit hindi siya sukat akalaing ihahanap siya nito ng isang bagay na pagaari ng idolo para ibigay sa kanya. Biglang-bigla talaga siya! "May distortion na rin itong kasama." Agad niya iyong binusisi at naluha siya! "Zoom driver 5000! Pangarap ko talaga ito! High gain pedal ito, hon! Marami akong magagawang sounds dito... ito na ang gagamitin ko!" Dinaluhong niya itong ng yakap. Halos matumba na sila sa sobrang higpit pero agad siya nitong naalalayan hanggang sa kapwa na lamang sila natawa. Dahan-dahang nawala ang mga ngiti niya sa labi ng hawakan nito ang magkabilang pisngi niya at halikan siya ng matagal sa pagitan ng mga mata. "Be happy," anas nito. Naluluhang napatango siya rito. "Oo, masaya talaga ako dahil kasama na kita, eh." Niyakap siya nitong muli. Ilang minuto rin ang lumipas bago siya kumawala rito. "Tara na sa loob. Wala akong handa pero ipagluluto na lang kita. Ayos lang ba?" Napatango ito at ngumiti sa kanya. Pumasok na sila at hindi na niya pinansin pa ang pagsimangot ng yaya niya. Doon niya naalalang hindi man lang nito pinatuloy si Xavier. Tuloy ay sa labas na ito nakatulog. Bago pa masira ang araw niya ay humingi na lamang siya ng paunmahin kay Xavier. "Sorry talaga kundi ka napapasok kanina ni yaya, ha?" aniya habang papasok sila sa kusina. "Hayaan mo na..." ayo nito sa kanya. Panay ang lambing nito. Hindi ito tumigil kakahalik sa sentido niya hangga't hindi naalis ang gatla niya sa noo. "Ang mabuti pa, pagkatapos mong magluto, subukan na lang natin ang gitara mo. Ang tagal na nating hindi nagja-jamming, eh." Napangiti na siya. Nagtulungan silang nagluto ng spaghetti. Mabuti na lamang ay marunong siya noon. Iyon lang ang kinabisa niya dahil alam niyang paborito iyon ni Xavier. Masaya silang nagsalo at nang matapos ay nagkakasiyahan na sila sa pagkanta. Napangiti siya ng makitang wala pa rin silang kupas. Hindi na rin daw kasi nito maharap iyon sa Baguio dahil abala ito sa pag-aaral. Isa pa'y siya lang daw ang gusto nitong makapareha. Ang sweet ng kanyang boyfriend! Ginabi na ito doon. Gusto na niyang batukan ang yaya niya dahil panay ang irap nito. Alam niyang magsusumbong na naman ito sa daddy niya pero wala siyang paki. Birthday naman niya at wala naman silang ginagawang masama ni Xavier. Mabuti pa nga ito, naalala siyang puntahan samantalang ang ama niya, ni hindi man lang nito naalala siyang batiin. "Dito ka na matulog." Napatingin siya sa orasan at napailing. "Gabi na. Hindi ako papayag na bibiyahe ka pa ng gabi." Napailing ito. "Baka ikagalit pa iyon ng daddy mo. Ikaw talaga..." anito saka siya hinalikan ng matagal sa sentido. "Ayoko naman na lumala pa ang away ninyo." "Birthday ko naman ngayon..." nagtatampong saad niya at napayuko. Gusto talaga niya itong makasama. Bitin na bitin siya sa ilang oras na kasama ito. Napatingin siya rito at nakita niyang mataman itong nakatingin sa kanya. Muli siyang napayuko dahil mukhang hindi niya ito mapapahinuhod. "Sige pero dito na lang ako sa sala, ha." Sukong saad nito. Mukhang hindi nito matiis na makitang malungkot siya. Napangiti na siya sa pagkakataong iyon. Hinanda na lamang niya ang unan at kumot nito pero hindi pa siya pumasok sa silid. Nakipagkwentuhan pa siya rito. Inabot na sila ng madaling araw at pinipilit na siya nitong patulugin. "Goodnight kiss ko?" lambing niya rito at ngumuso pa siya. Natawa na lamang ito at tumalima. Ginawaran siya nito ng gigil na smack sa labi. Gayunman, nang maghiwalay ang mga labi nila ay nagkatitigan pa sila. Napalunok siya ng makita ang init sa mga mata nito, tumutupok iyon sa kaliwanagan ng isip niya. Kapwa sila napatingin sa mga labi nila. Muli siyang napalunok dahil nakaramdam siya ng pagkauhaw. Nang unti-unting bumaba ang labi nito'y awtomatikong namigat ang mga talukap niya. Tuluyan ng lumutang sa ere ang isip niya ng saliksikin nito ang loob ng labi niya. Kakaiba ang paraan ng paghalik nito. Mapaghanap at mas mainit. Natutunaw ang buto niya sa mga braso nito kaya lalo siyang nangunyapit dito. Natagpuan na lamang niya ang sarili na nakahiga sa sofa at hindi alintana ang bigat nito. Alalay naman ito pero damang-dama niya ito. Napaungol na lamang siya ng madama ang paghagod nito sa hita niya paakyat sa tagiliran niya. Napasinghap siya at naging daan iyon para lumalim ang halik nito. Napaungol na lamang siya ng madama ang mainit nitong palad sa ilalim ng blusa niya. Napapaarko siya sa kakaibang sensasyong iyon. Naging mapaghanap ang palad nito hanggang sa tumbukin nito ang dibdib niya. Napakagat pa siya sa ibabang labi nito, inisyal na reaksyon niya sa tila kidlat na tumama sa kanya. Init na init ang pakiramdam niya at lalong umigting iyon ng madama niya ang reaksyon ng katawan nito sa sikmura niya. Kaya ng kumilos ito para alisin ang blusa at pantalon niya ay nagpaubaya siya. Doon niya napatunayan kung gaano kalalim ang damdamin niya rito. Gusto niyang ibigay ang lahat-lahat dito. Tawirin ang napakalaking hakbang na iyon para rito. Ganoon niya kamahal ang lalaking ito. Handa siyang gawin ang lahat para maipabatid ang damdamin niya rito. Mahal niya ito at lumalim pa iyon sa takbo ng panahon. Hindi dahil sa mga bagay na kaya nitong ibigay sa kanya kundi ito mismo. Ito lang... si Xavier lang... si Xavier na nakasama niya sa lahat ng kalungkutan, pagkabigo at kadiliman ng mundo niya... "Lotus..." anas nito habang pababa na ito sa leeg niya. Napaungol siya at napaarko ang katawan. Nang madama niya ang init ng labi nito sa dibdib niya ay mariin niyang nakagat ang ibabang labi. "Lotus... I'm... I'm sorry..." "Huh?" aniyang nakapikit pa rin. Naliliyo pa rin siya sa mainit na sensasyong hatid nito sa kanya. Nang takpan siya nito ng kumot ay doon siya napamulagat. Nakaupo na ito tutop ang buong ulo. Napaupo na rin siya at takang napahagod sa buhok na nagulo na. "A-anong nangyari? Maasim na ba ako?" Agad niyang inamoy ang kilikili. Wala namang amoy iyon. Mabango pa kung tutuusin dahil hindi naman siya pinawisan sa paglabas. Nang mapatingin siya rito at nakamaang lang ito sa kanya hanggang sa tuluyang napahalakhak sa kabila ng pamumula nito. "Hindi ka maasim... Ang bango-bango mo nga kaya muntikan na akong hindi nakapagpigil," namamanghang paliwanag nito. Ilang sandali pa ay napahinga ito ng malalim at tumingin ito sa malayo. Mariin nitong ipinikit ang mga mata at nang magmulat ito'y puno na ng lambong iyon. "Pasensya ka na kung nawalan ako ng kontrol. Hindi ko na ito uulitin. Mas maigi pang maghintay na lang ako sa terminal ng biyahe," Namangha siya rito. Kasabay noon ay lalo niya itong hinangaan. Aaminin niyang nakadama siya ng bahagyang disappointment pero nakuha niya ang punto nito. Namasa ang mga mata niya dahil hindi niya sukat akalaing ganitong klaseng lalaki ang minahal niya. Dama niyang ayaw siya nitong ilagay sa alanganin. "Xavier... salamat—" "Ano'ng ibig sabihin nito?!" Kapwa sila nabigla ng bumungad ang ama niya na may kasamang dalawang malalaking tao. Nakauniporme pa ang mga ito ng pang-pulis samantalang nakasibilyan ang ama niya. Galit na inilapag nito ang mga susi sa isang maliit na mesa saka madilim ang mukha nitong nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Xavier. "Dad! Tama na!" awat ni Lotus sa ama pero huli na. Ni hindi man lang nito binigyan ng pagkakataong makapagbihis si Xavier, isinalya na nito agad sa pader. Agad niyang sinikipan ang kumot sa dibdib at hinawakan ang mga kamay ng ama upang pigilan ito. "Walanghiya ka!" singhal ng ama niya. Napaiyak na siyang tuluyan ng sikmuraan nito si Xavier. Agad niya itong dinaluhan ng bitawan ito ng ama at mapayukyok sa semento. Tuluyan na siyang nagalala ng makita ang sakit sa mukha nito. Isang masamang tingin ang ipinukol niya sa ama. Hawak-hawak na ito ng dalawang kasama nitong lalaki para mapigilan itong sipain pa si Xavier. "Sige! Ituloy niyo!" luhaang hamon niya sa ama. "Bigyan niyo pa ako ng dahilan para lalong magalit sa inyo!" "Ang tigas na talaga ng buto mo! Sino'ng pinagmamalaki mo? 'Yang lampang 'yan? Hah! Tingnan mo! Ni hindi ka man lang mapanindigan!" Kung anuman ang nadarama niyang galit sa ama ay lalo nitong sinilaban. Naikuyom niya ng mariin ang mga kamay para pigilan itong sugurin. Alam niyang hindi tama ang sagad na mamuhi sa isang kadugo pero hindi niya mapigilan! Napamura ang ama niya at lalong hinigpitan ng mga kasama nito ang pagkakahawak dahil sa akma siya nitong susugurin. Mukhang makakatikim rin siya pero agad siyang dinaluhan ni Xavier. Kahit hinang-hina na ito ay agad siya nitong pinuwesto sa likuran. "Paninindigan ko po siya," matatag na saad ni Xavier sa kabila ng dinanas nitong sakit sa sikmura saka tinitigan ang ama niya sa mga mata. "Mahal ko po si Lotus at hindi ko po siya ilalagay sa alanganin. Pasensya na po kung naabutan niyo kami sa ganitong eksena," "Hah! Dapat lang na panagutan mo ang mga ginawa mo kundi sasamain ka talaga sa akin! Ilang beses ka ng natulog dito, ha? Huwag na kayong magkaila dahil nagsusumbong 'yang yaya niya sa akin! At hindi ako makapapayag na salaulain mo ang anak ko! Ano na lang ang sasabihin ng mga katrabaho ko na ang anak ko, basta-basta na lang ikinakama ng lalaki? Isa akong alagad ng batas! Gumagawa ako ng tama pero ang anak ko, hindi mo ko man lang maituwid!" Natawa siya ng bahaw. Kasabay noon ay lalong tumindi pa ang galit na nadarama niya. All this time, iyon ang iniisip ng ama niya. Walang importante dito kundi ang sarili nito! "Hindi niya ako kailangan pakasalan! Walang nangyari sa amin!" singhal niya at isang mariing pagpisil sa palad ang ginawa ni Xavier para kumalma siya. Tuluyan na siyang napahagulgol sa palad. "Tingnan mo ang itsura mo! Magmamatigas ka pa? Eh, kung itumba ko 'yan sa harapan mo?" hamon ng ama niya. Bigla siyang natakot ng ilabas nito ang baril. Aaminin niya, lahat ng katapangan niya ay lumipad sa ere. Doon lang siya natakot sa buong buhay niya. Hindi pa mandin nito itinututok ang baril, nanginginig na siya. Agad siyang niyakap ni Xavier para protektahan. "Hindi niyo na ho kailangang idaan pa ang lahat sa ganyan. Pakakasalan ko po siya. Makakaasa po kayo," matatag at kalmadong saad ni Xavier. Hindi niya alam kung mabibilib o matatakot para sa lalaki. Dumilim ang mukha ng ama niya at dama niya ang matinding galit nito. Gayunman, nang makita nito ang kombiksyon sa mukha ni Xavier ay doon nito muling isinuksok ang baril. "Magpasalamat ka at nasa tabi-tabi lang ako nang tumawag 'yang yaya mo, nakagawa pa ako ng paraan para isalba ang repustasyong ilang beses mong sinisira. Bago ka pa mabuntis ng lalaking 'yan, dapat ka na niyang mapakasalan," mariing saad ng ama niya sa kanya. Nagbabaga ang mga mata nito sa kalupitan. Tuluyan nang sumuko ang puso niya rito. Hindi na siya aasa pa kahit kailan na magkakaayos pa sila. Taas-baba ang dibdib niya kakapigil sa sariling damdamin hanggang sa madama niya ang mainit na palad ni Xavier para ikulong ang mukha niya sa dibdib nito. Napaiyak na siyang tuluyan dahil sa labis na hiya kay Xavier. "I'm sorry..." hiyang-hiya na anas niya. "Lotus... tahan na..." Muli siya nitong niyakap. Tinugon niya ang yakap nito ng mas mahigpit. Ah... labis siyang nagpapasalamat dahil si Xavier ang minahal niya. Hindi siya nagkamali. Ito lang ang nagiisang tama sa buhay niya. "Bakit hindi pa rin nadadagdagan 'yung allowance ko?" mahinang saad ni Lotus ng makita ang laman ng ATM niya. Finals na nila at kailangan na niyang magbayad ng tuition fee pero hindi pa nagpapadala ang ama niya. Si Xavier ay muling bumalik ng Baguio matapos ang kasal nila. Isang mabilisang kasal ang nangyari—dahil na rin sa koneksyon ng ama—ni hindi nagawang makauwi ng tatay nito buhat Japan. Ang ina lang ni Xavier ang dumating at halatadong hindi nito gusto ang untimely na pagpapakasal nila. Gayunman, wala na rin itong nagawa. Marahil ay dahil alam nito kung ano ang kanyang ama. Sa kabila ng lahat ay gumagawa pa rin siya ng paraan para gumaan ang kalooban nito. Nangako siyang kahit nangyari iyon ay mag-aaral pa rin silang maigi ni Xavier. Napagkasunduan na nila ang set up. Once a month ay uuwi ito para tingnan ang kalagayan niya. Madalas din itong tumawag sa kanya at hindi iyon pumapalya. Gusto sana siya nito bigyan ng allowance pero tinanggihan muna niya dahil alam niyang tulad niya'y nagaaral din ito. Halos isang buwan na sila nitong kasal at aaminin niyang masaya siya. Nakikita rin niya sa lalaki at nadarama iyon sa tuwing titingnan siya nito. Gayunman, dama niyang mabigat ang responsibilidad na pinasok niya kaya napagisip niyang mag-lie low na sa banda. Madalang na siyang sumama at nagco-concentrate na lamang sa pag-aaral niya. Pangako niya iyon kay Xavier at ganoon din ito sa kanya. Lalo niya itong minahal ng marinig ang mga pangarap nito para sa kanila. Kapag natapos daw ito ay agad itong luluwas para makasama siya. Kung ayaw pa raw niyang magka-anak ay wala daw kaso dito. Siya daw ang masusunod kung kailan niya gusto... "Ibig mong sabihin... walang mangyayari sa atin?" namanghang tanong niya kay Xavier. Kung tutuusin ay honeymoon nila iyon pero hayun sila, nagkakasya na lamang sa paglalambingan sa ilalim ng makakapal na kumot. Bahagya itong natawa saka siya pinakatitigan. "Oo... alam kong normal lang iyon sa mag-asawa pero alam ko namang marami ka pang gustong gawin sa buhay. Maghihintay pa rin ako," Napabungisngis siya. Kilig na kilig dahil sa nakikitang pagpipigil nito. Alam naman niyang hindi lang iyon ang dahilan nito. Wika nga nito'y gagawin pa rin nila ang tama. Untimely man ang kasal nila, sisiguraduhin pa rin nitong babawi at susuportahan siya sa pangarap niya. "Alam mo ba kung bakit Nursing ang kinuha ko?"untag niya rito. Napakunot ang noo nito at umiling. "Bakit nga ba? Akala ko pa naman noon, related sa music ang kukunin mo. Pero bagay mo ang puting uniporme mo." Napangiti siya ng gigil nitong hinalikan ang pisngi niya. Muli siyang nagpahagikgik hanggang sa kinalma niya ang damdamin para sagutin ito. "Kasi... para maalagaan kita at ang magiging anak natin ng mas maigi. Okay ba?" nahihiyang amin niya rito. Napatitig ito sa kanya hanggang sa nagkaroon ng lambong ang mga mata nito. "Dapat yata ako ang kumuha n'yan dahil ako ang magaalaga sa'yo. Kaya naman Information Technology ang kinuha ko dahil alam kong mas maraming opportunities doon. Makakahanap ako ng magandang trabaho, mabibigay ko ang lahat ng gusto mo." Niyakap niya ito ng mahigpit. Kung dedikasyon ang paguusapan ay wala siyang masabi rito. Mas matindi pa yata ito sa kanya. At doon niya napagtanto na maaari pala siyang ma-in love dito ng paulit-ulit. Ganoon ang nagiging ikot ng damdamin niya rito... Napahinga siya ng malalim at ipinaalam kay Xavier ang sitwasyon. Iti-next na lamang ang mensahe rito dahil hindi niya ito matawagan. Ilang sandali pa ay pumasok na siya. Nadatnan niya ang mga kabandang aligaga. Alam niyang naghahanap ang mga ito ng ipapalit sa kanya. Bagaman hindi niya nasabi ang lahat sa mga ito'y nirespeto ng mga ito ang desisyon niya. Nang matapos ang buong klase niya sa unibersidad ay nagtungo siya sa ospital kung saan siya nagdu-duty. May isa siyang subject na kailangan niyang kumuha ng case doon para gawan ng case study. Gabi na siyang nakauwi at pagod. Pagdating niya sa tinitirhan ay nadatnan niya ang ama na kausap ang yaya niya. Mayroong malaking bag sa tabi nito, mukhang nagpapaalam na ito. "Bakit?" agad niyang tanong. Nang humarap ang ama niya ay nandoon pa rin ang madilim nitong pagtingin sa kanya. Mainit pa rin ang ulo nito sa nangyari. Ah... ano pa bang bago? Kung mayroon man nagbago, mas tumindi pa ang iringan nila nito. "Paalisin ko na itong yaya mo. May asawa ka na, dapat matuto ka ng tumayong mag-isa," matabang na saad nito. Natawa siya ng bahaw. Kahit nakakabigla sa kanya ang mga desisyon nito'y hindi na niya makuha pang magtaka pa sa kalupitan nito. "Matagal niyo na akong hinahayaang mag-isa. Kaya nga ako nagkaganito, eh! At ngayon, hindi niyo na ako pagaaralin?" Napailing-iling siya at doon niya napagtanto na marahil ay sinadya talaga nitong hindi na siya padalhan ng pera. "Bakit ngayon lang, dad? Dapat noon pa!" sarkastikong saad niya. Taas-baba ang dibdib niya kakapigil sa sariling damdamin. At kahit pa lalong dumilim ang mukha nito, nagmanhid na siya. Pagod na pagod na siya sa lahat ng iyon! "Magingat ka sa pananalita mo, Lotus. Kung hindi kita kinuha sa Canada, malamang naibenta ka na ng lolo mo sa mga pinagkakauntangan niya!" Nayanig siya nang ipagpatuloy pa nitong sabihin na miyembro ng human trafficking syndicate ang pamilya ng ina niya. Ang ina niya ang naging access nito sa pamilyang iyon. Sa ngayon ay nakakulong na ang lolo niyang half-Candian at half-Filipino. Napaiyak na siyang tuluyan at lalong namuhi rito. Oo, tama ito. Utang na loob nga niya ang lahat pero sapat na bang kabayaran ang kalupitan nito? Kahit saang anggulo tingnan ay hindi dahil anak pa rin siya nito! "Salamat. Maraming-maraming-salamat," mariing saad niya habang bumubukal ang masaganang luha. Tuluyang umigting na ang pait sa puso niya. "Hindi pa matatapos ang lahat dito, dad. Sige, gawin niyo ang gusto niyo at gagawin ko ang lahat para galitin kayo. Nagsisimula pa lang ako. Akala niyo, hindi ko sinadya ito? Oo! Nagpakasal ako para galitin kayo at gagawa pa ako ng mga bagay na ikagagalit niyo. Manood lang kayo kung paano kita hihiyain!" Nang matigilan ito, pakiramdam niya ay nagtagumpay siya. Alam niya ang kahinaan nito: ang pangalan nito bilang isang alagad ng batas. Mas mahal pa nito ang pangalan nito kaysa sa kanya at iyon ang gagamitin niya para galitin ito. "Don't you ever do something stupid," nagbabantang saad nito. "Itutumba ko ang buong pamilya ni Xavier." Banta nito. Natawa siya ng bahaw bagaman naalarma siya sa sinabi nito. Alam niyang gagawin nito iyon pero pinatigas niya ang sikmura. "Wala akong pakialam! 'Yan naman ang kaya mong gawin, ang pumatay!" Namula ang mukha ng ama niya. Marahas siya nitong hinawakan sa braso, kumibot-kibot ang labi nito, halatadong nagpipigil lang pero sa huli'y marahas siya nitong binitawan saka galit na lumabas. Mukhang nakanti niya ang sensitibong bahagi ng puso nito. Gusto niyang matawa dahil sa natuklasan. Kailangan lang pala niyang ipakita ritong balewala sa kanya ang lahat ng kaya nitong gawin para matahimik ito. Nang magisa na lamang siya ay tila nanghihinang napasandal na lamang siya sa pader at napaiyak. Hindi niya alam kung ilang minuto siyang umiiyak at nagulat na lamang siya ng lumabas ng silid si Xavier. Madilim na madilim ang mukha nito at naalarma siya. "A-akala ko, nasa Baguio ka?" Bigla siyang nataranta. Alam niyang narinig nito ang lahat ng sinabi niya. Agad siyang nagpaliwanag dito pero napaiyak na lamang siya ng marahas itong pumiksi sa pagkakahawak niya. Halos mamula na maging ang mga mata nito sa galit. "University day namin. Ikaw ang una kong naisip na puntahan kaysa sa nanay kong wala ka naman palang pakialam kahit na ipatumba pa ng tatay mo!" "Xavier!" Agad niya itong niyakap ng mahigpit sa baywang para pigilan itong umalis. Inilubog pa niya ang mukha sa likuran nito. Takot na takot siyang mawala ito. Sana naman ay madama nito na mahal niya ito. Doon niya napatunayan na sa labis na pagmamahal dito ay hindi niya makakayanang mawala ito sa buhay niya. "I'm sorry... nasabi ko lang 'yon dahil sa galit ko..." "Lotus tama na!" singhal nito at marahas nitong inalis ang kamay niya sa pagkakapulupot sa baywang nito. Masakit para sa kanya na makita itong ganoon katindi ang galit at hindi siya nakuhang paniwalaan. Mariin siya nitong hinawakan sa balikat at pinakatitigan. Wala na ang malambot at pagsuyo sa mga mata nito, nabalutan iyon ng galit, pait at sakit. "Ano kang klaseng tao? Pareho kayo ng tatay mong walang pakialam sa buhay ng ibang tao!" singhal nito saka siya marahas na binitawan. Mariin nitong ipinikit ang mga mata at nang titigan siya nito'y namamasa na ang mga mata nito sa galit. "Makinig ka. Kapag may nangyaring masama sa mga magulang ko... mananagot kayo ng tatay mo. Pinakasalan na nga kita, hindi ka pa kontento!" halos mapiyok na ito sa sama ng loob nito sa kanya. Napakurapkurap ito para pigilang maluha. "Xavier..." nanghihinang anas niya at nasaktan siya ng iniwas nito ang mukha para hawakan niya. At dahil hindi niya masikmurang makita itong ganoon, ginawa niya ang lahat para paliwanagan ito. Gayunman, halatadong ikinagalit nito ng husto ang lahat ng narinig nito. "Tama nang ako ang inipit ng tatay mo para pakasalan ka pero ang idamay niyo ang mga magulang ko? Putsa!" napaigtad siya ng sipain nito ang silya sa tabi niya. "Hindi ko na masisikmura! Tinitiis ko na nga lang ang lahat, Lotus! Ano pa bang kulang!" Nabigla siya sa sinabi nito. Hindi niya sukat akalaing iyon pala ang dahilan nito para pakasalan siya: na naipit lang ito at nagtitiis lang. Ang sama-sama ng dating noon sa puso niya. "Hindi...hindi mo ako mahal?" sisinok-sinok na tanong niya habang bumubukal ang masaganang luha. Todo-pigil siya habang naghihintay ng pasabog nito. "Tingnan mo nga ang ginawa ng tatay mo? Kahit sino, matatakot na hindi ka pakasalan, Lotus!" Para siyang sinampal sa mga sinabi nito. Wasak na wasak ang puso niya. Halos ikasira na iyon ng pagiisip niya hanggang sa tuluyan na siyang napahagulgol. Ang sakit noon ay umaabot sa isip niya kaya ayaw ng gumana ng utak niya. At lalong nakasama ng loob niya ng hindi man lang ito lumapit para pagaanin ang loob niya. Lalong sumakit ang dibdib niya ng maalala ang mga sinabi nito. Binasag nito ang pangarap niya. Mukhang nagiilusyon at umaasa lang siya sa wala... "P'wede ba? Huwag mo na akong idadamay pa!" singhal nito at marahas na napahagod sa buhok. "Babalik ako para sa annulment natin," anitong nagpipigil lang. "Walang hiya ka!" Hindi ito kumilos ng pagbabayuhin niya ang dibdib nito. Napagod na siya... iniwanan na siya nito lahat-lahat ay walang brasong yumakap para pakalmahin siya. Muli, nanghihinang napahagulgol na lamang siya sa mga palad. Damang-dama niya ang pagiisa. Hindi niya alam kung ilang oras na siya sa ganoong tagpo. Iiyak, matitigilan, matutulala at muling mapapaiyak hanggang sa bumangon ang matinding galit sa puso niya. Triple iyon. Malalim. Matigas. Marahas niyang pinunasan ang mga luha at sa isang matigas na panunumpa... nangako siya sa sariling hinding-hindi na muli pang masasaktan ng mga taong dumurog sa puso niya at pangarap... a hiO2&
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD