Prologue
Prologue:
"Sambahin mo ako, Mhari...tulad ng pagyuko mo ngayon sa harap ng kasalanan mo."
Mhari
UMUULAN sa labas at parang bawat patak ay dumadagdag sa bigat ng dibdib ko habang papasok ako sa loob ng simbahan. Basa ang laylayan ng suot ko at malamig ang hangin pero mas nanginginig ako sa kaba kaysa sa lamig.
Nakita ko siya agad sa may altar, nakatalikod, diretso ang tindig na para bang walang nagbago sa loob ng anim na taon maliban sa kung gaano siya kalayo ngayon.
“Father…”
Mahina ang boses ko pero alam kong narinig niya ako dahil dahan-dahan siyang humarap. Nang magtama ang mga mata namin, parang may kumuyom sa puso ko. Siya pa rin si Dos, pero hindi na siya yung lalaking minahal ko dati. Mas matigas ang mga mata niya, mas malamig, parang wala nang natira kahit isang piraso ng dating kami.
“Mhari,” sabi niya, at sa simpleng pagbanggit ng pangalan ko parang may matalim na bagay na dumaan sa dibdib ko.
Nilunok ko ang kaba at pilit pinanatiling kalmado ang boses ko kahit halos hindi ko na marinig ang tinig ko sa lakas ng ulan sa labas. “Kailangan ko ng tulong mo.”
Hindi siya agad sumagot, nanatili siyang tahimik. Tinitigan niya lang ako, parang hinahanap kung may natira pa bang katotohanan sa akin. “Anim na taon kang nawala,” sabi niya, mababa pero ramdam ang galit. “Tapos lalapit ka ngayon para humingi ng tulong?”
Napayuko ako dahil hindi ko kayang salubungin ang tingin niya nang matagal. “Hindi para sa’kin. Para sa baryo namin. Inaangkin na ang lupa namin ng isang makapangyarihang tao at wala kaming laban. Ikaw lang ang may kakayahang tumulong, please.”
“Bakit ako?” agad niyang tanong, mas lumalim ang boses niya habang lumalapit siya sa akin. “Bakit ako ang lalapitan mo, Mhari?”
Sumikip ang dibdib ko. “Kasi ikaw lang ang kilala kong hindi kayang talikuran ang mga taong nangangailangan.”
Bahagya siyang ngumisi pero walang kahit konting saya roon. “You still think you know me,” sabi niya, saka tuluyang tumigil sa harap ko. “Then tell me, bakit ka umalis? Bakit mo ako iniwan nang walang paliwanag?”
Napapikit ako dahil iyon ang tanong na hindi ko kayang sagutin kahit gustuhin ko man. Hindi ko pwedeng sabihin ang totoo, hindi pa rin kahit ngayon.
“Hindi mo pa rin kayang magsalita,” dagdag niya, mas malamig na ngayon ang tono niya. “Ganun ka pa rin.”
Huminga ako nang malalim kahit hirap na hirap na ako. “Please, tulungan mo kami.”
Matagal siyang tumingin sa akin at ramdam ko kung gaano kabigat ang bawat segundo na lumilipas. Pagkatapos ay nagsalita siya sa paraang alam kong sadya para saktan ako.
“Kneel.”
Para bang biglang nawala ang hangin sa paligid ko. “Ano?”
“Kneel, Mhari. Lumuhod ka sa harap ko at humingi ka ng tawad.”
Nanghina ang tuhod ko at napatingin ako sa kanya, umaasang may makita akong awa sa kanyang mga mata pero wala. Puro galit at sakit lang ang naroon. Napapikit ako sandali at pumasok sa isip ko ang baryo, ang mga taong umaasa, at ang anak ko na handa kong gawin ang lahat maprotektahan lang ito.
Kung ito ang kailangan, gagawin ko.
Dahan-dahan akong lumuhod sa harap niya. Ramdam ko ang tigas ng sahig sa tuhod ko pero wala iyon kumpara sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Nanginginig ang mga kamay ko habang pinagdikit ko ang mga ito at pinilit kong magsalita kahit halos mabasag ang boses ko.
“Father… forgive me for all my sins. For leaving you without a word, for hurting you, for choosing silence when I should have fought for us. I’m sorry.”
Hindi ko na napigilan ang mga luha ko pero pinilit kong ituloy. “Hindi ko ginawa iyon dahil wala akong pakialam. I did it because I thought it would protect you, pero mali ako. Nasaktan lang kita.”
Huminga ako nang malalim pero hindi pa rin kumakalma ang dibdib ko. “Kung kailangan kong lumuhod sa harap mo para lang marinig mo ito, gagawin ko. Kung kailangan kong ibaba ang sarili ko para lang matulungan mo ang mga tao, gagawin ko.”
Napahikbi ako at halos hindi ko na mabuo ang mga salita ko. “Please, Father… tulungan mo kami. Para sa baryo, para sa anak ko.”
Bigla akong natahimik nang marealize ko ang nasabi ko. Napakagat ako sa labi ko pero huli na. Narinig ko ang pagbabago sa paghinga niya.
“Anak?” tanong niya, mahina pero may bigat.
Dahan-dahan akong tumingala kahit natatakot ako sa makikita ko sa mukha niya. “Oo… may anak ako.”