ENCOUNTER 02

1088 Words
ONE NIGHT ENCOUNTER 02 Dalawang naglalakihang mga plastic bag ang hawak-hawak ko sa aking dalawang kamay na puno ng mga pang-dekorasyon, pandikit, at kung ano-ano pang mga kakailanganing gamit para sa surpresa. Matapos naming mapagpasyahan ni Janeen kung ano ang gagawin ay agad na rin kaming nagplano at naglaan ng isang araw upang tapusin ang lahat ng ito. “Sigurado ka ba na pupunta si Cassandra?” nag-aalangan na tanong ni Janeen habang patingin-tingin sa aming palagid. “Sabi niya ay pupunta raw siya,” mabilis na tugon ko sa kanya bago ibinaba ang hawak na plastic sa lupa. “Hintayin na muna natin siya. Baka na-traffic lang sa daan kaya siya natagalan.” Wala namang nagawa si Janeen kundi ang tumango na lamang. Halos magkakalahating oras na kaming nakatayo sa labas ng building kung saan nakatira si Renz ngunit hindi pa rin dumarating si Cassandra. Ilang minuto pa kaming muling naghintay nang may humintong sasakyan sa aming harapan. Doon ay lumabas si Cassandra suot ang isang high waist jeans at croptop na dahilan upang lumabas ang kanyang tyan. “Hey. Kanina pa ba kayo?” tanong niya nang makalapit siya sa aming pwesto. “Nahirapan akong suyuin ang daddy para sumama sa inyo—mas lalo na‘t alam niya na…” Huminto siya sa pagsasalita at ibinaling ang tingin kay Janeen. “Ayos lang iyon, Cassandra. Marami pa naman tayong oras para mag-ayos. Tulungan mo na lang kami sa paggugupit,” may ngiti sa labi na sagot ko sa kanya. Tumango naman ito sa akin at kinuha ang plastic bag sa aking kamay, ni hindi nakuhang batiin o pansinin si Janeen na nasa aking tabi. Dire-diretso lamang siyang pumasok sa loob. Nang makarating na kami sa harap ng pinto at akmang bubuksan ko na ay mabilis na hinigit ni Janeen ang aking braso. “Gwen, hindi kaya magalit si Renz kung papasok tayo nang walang paalam?” tanong nito sa akin. “Try mong tawagan siya. Sabihin mo na papasok tayo sa condo niya at may aayusin lang tayo dahil may balak si Gwenneth na surpresahin siya—para surprise, ‘di ba?” sarkastikong sabi ni Cassandra bago ito umirap. Napailing na lamang ako at tinapik ang balikat ni Janeen. “Huwag kang mag-aalala. Kilala niya kayo. Besides, hindi naman tayo tatambay at tutulungan n’yo naman ako,” sagot ko sa kanya. Sa pangalawang pagkakataon ay hindi na lamang siya muling umimik. Mukhang hindi niya rin naman pinapansin ang sinabi ni Cassandra kanina. Agad kong binuksan ang mga ilaw nang makapasok sa kwarto. Naupo sila sa couch bago inilapag sa center table ang mga gagamitin. “Saan tayo gagawa?” tanong ni Janeen habang nililibot ang buong kwarto. “Doon tayo sa kabilang kwarto,” sagot ko sabay turo sa kabilang pinto. “Huwag natin dumihan ang kwarto niya para may pagpahingahan siya pag-uwi.” “Okay, umpisahan na natin,” sabi ni Janeen bago tumayo na sa kanyang pwesto. Tumango ako sa kanya at ako na ang nagbukas ng pinto kung saan kami mag-aayos. Nakataas naman ang kilay ni Cassandra na nakasunod sa amin habang bitbit ang iba pang mga plastic. “Umpisahan na nating tatlo ang pag-aayos para matapos kaagad tayo,” anunsyo ni Janeen bago inilapag ang kanyang cellphone sa gilid. Tumango ako sa kanya. Isa-isa namin na inilabas ang mga gamit na kakailanganin. Habang si Cassandra ay naggugupit, ako at si Janeen naman ay naglalagay ng dekorasyon at mga larawan namin ni Renz sa dingding. Ilang oras din ang itinagal, nangangalahati na kami sa aming ginagawa. Napuno rin ng kalat ang buong kwarto dahil sa mga ginupit-gupit namin. “Guys, nariyan na ang order natin. Kumain na muna tayo,” sabi ko sa kanila bago itinaas ang dalawang plastic kung saan nakalagay ang mga pagkain. “Great! Akala ko ay wala ka nang balak pakainin ako,” nakairap na sabi sa akin ni Cassandra bago inilapag ang gunting at tumayo na sa kanyang pwesto. “Pwede ba ‘yon?” tanong ko sa kanya bago mahinang tumawa. “Ayaw ko naman na ako ang kainin mo,” dagdag ko pa. “Rawr!” with action niyang sagot. Napailing na lamang ako sa kalokohan niya. Sabay-sabay kaming nagpunta sa dining area para kumain na muna. Tinulungan naman ako ni Cassandra sa paghahanda habang si Janeen ay nakatingin lamang sa amin at mukhang malalim ang iniisip. “May problema ba, Janeen?” tanong ko sa kanya bago inilapag ang isang plato sa harapan niya. “Iniisip ko lang ang pwedeng maging schedule ko. Mukhang mahuhuli ako ng dating sa susunod na araw na mag-aayos tayo,” diretso niyang sagot bago napakamot ng kanyang batok. “Nakalimutan ko na nangako nga pala ako sa pamangkin ko na bibisitahin ko siya,” dagdag pa nito. “Ayos lang iyon. Unahin mo muna ang pamangkin mo. Siguradong miss na miss ka na ng batang ‘yon,” pagsang-ayon ko sa kanya. “Pasensya ka na talaga, ah,” sagot niya. “Ayos lang. Malapit na rin naman na tayong matapos at kaunti na lang ang posibleng matira. Kaya ko na ‘yon mag-isa.” Ayaw ko naman na abalahin sila sa mga plano nila. Lahat kami ay may kanya-kanya nang mga trabaho. Matapos maka-graduate ay hindi na rin kami bumalik sa puder ng mga magulang namin, maliban kay Cassandra na bantay-sarado sa kanyang ama. Simula rin noon ay malimit na lamang kaming umuwi sa mga pamilya namin dahil sa kakulangan sa oras. “Talaga?” hindi makapaniwala na tanong ni Cassandra bago nakakalokong tumawa. “Kailangan ko na bang maghanda?” dagdag pa nito. Kumunot naman ang noo ni Janeen sa sinabi nito bago ibinaba ang kutsara’t tinidor na kanyang hawak. “Ano ba ang pinagsasabi mo riyan, Cassandra?” “Ay! Feeling innocent?” mapang-asar na sagot nito. “Cassandra,” tawag ko sa kanyang pangalan upang suwayin siya ngunit inirapan niya lamang ako “Okay, okay, feeling ko lang ay magkakaroon ng déjà vu,” sagot nito bago itinaas ang kanyang dalawang kamay para sumuko. Hindi naman na sumagot pa si Janeen sa sinabi nito at napayuko na lamang. Napatingin ako sa kanilang dalawa saka napabuntong-hininga na lamang sa inaasta nila. Hanggang ngayon ay hindi nila sinasabi sa akin ang tunay na rason nila. Ayaw ko naman silang pilitin dahil palagi nilang nirarason na ayaw na nila akong madamay pa sa kung anuman ang mayroon sa pagitan nilang dalawa. “Kumain na tayo,” pagputol ko sa katahimikan na namamagitan sa aming tatlo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD