Ilang taon na ang nakakalipas...
Masaya pero nakakaramdam na ng inis ang diyes anyos na batang si Virgil kay Sophia- anak ng isa sa kanilang mga kasambahay. Mas bata lamang ito ng isang taon sa kanya at dahil wala namang ibang bata sa bahay nila ay ito ang madalas niyang niyayakag na makipaglaro ng habulan sa labas.
Hindi niya alam kung dahil ba sa anak siya ng pinagta-trabahuan ng nanay nito pero napapansin niyang ito ang parating taya sa kanilang laro.
Kapag nataya siya nito ay hindi ito tumatakbo ng mabilis para hindi niya maabutan at kapag itataya niya rin ito ay parang sinasadya nitong bagalan ang pagtakbo upang maabutan niya na ngayon ay ikinababagot niya.
"Ayoko na nga!" Pabagsak siyang naupo sa isang ugat ng malaking puno na isa sa kanilang tambayan. Nasa likod lamang iyon ng malaki nilang bahay at nalililiman ng mayayabong na sanga ng puno. "Hindi ka naman naglalaro ng maayos eh."
"Anong hindi? Lagi nga ako ang taya sa ating dalawa eh." Reklamo din ni Sophia na pawisan ang mukha at hindi lumalapit sa kanya. Nanatili itong nakatayo tatlong metro mula sa kanyang kinauupuan at may dahon na nilalaro sa kamay.
Nasanay na siyang ganoon.
Hindi niya alam kung mayroon ba siyang nakakahawang sakit at parati itong naka-distansya. Naglalaro man sila o nasa loob lamang ng kanilang bahay.
"Natatakot ka ba sa akin?" Nang hindi makatiis ay tanong niya. Wala siyang ibang nakakausap roon sa bahay nilang nasa dulo yata ng kabihasnan pero kahit ito ay tila mailap rin sa kanya.
Umiling ito. "Hindi naman. Bakit?"
"Kasi palagi kang malayo sa akin eh."
Ngumiti ito at pinaikot-ikot sa kamay ang bitbit na dahon.
"Dahil anak ka ng amo ni Nanay. Ang sabi ni Nanay ay huwag akong lumapit sa iyo dahil hindi ka katulad namin."
"Bakit hindi? Tao naman tayo pareho ah?"
"Tama ka. Pero ikaw, anak ng amo namin, ako anak ng katulong niyo."
Tumahimik siya at iniiwas ang mga mata. Ang maging mayaman pala ay may kamalasang dala...
....Walang may gusto sa kanya...