Chapter 2: Selene
2001
“IKAW ang bituin ng buhay ko, anak. Mahal na mahal kita. Lagi mong tatandaan iyan,” ani Helen sa naghihikahos na tinig at hinaplos ang pisngi ng batang si Selene. Napakaganda ng anak nito at nalulungkot itong hindi na magtatagal ang sariling buhay upang makasama pa nang mas mahaba ang anak.
Malapad ang ngiting isinukli ni Selene sa ina. “Ikaw rin po ang star ng buhay ko, Mommy. Mahal na mahal din po kita,” sabi niya at naupo sa hospital bed ng ina.
Sa murang edad ay alam ni Selene kung ano ang nangyayari sa paligid niya. Dahil lagi iyong itinuturo at pinapaala ng kanyang ina. Alam niya rin ang tunay na sakit ng ina. May AIDS ito. Alam niya kung saan nakuha iyon ng kanyang ina dahil ito mismo ang nagkuwento sa kanya. Isang puta si Helen. Belyas. Pokpok. Pickup girl. Alam niya kung ano ang eksaktong trabaho nito, ang magpaligaya ng mga kalalakihan. Dalawang taon nga ang nakakaraan nang mahawa ito ng isang naging customer nito na siyang nagpasimula ng kalbaryo nito sa kalusugan.
Kaya gabi-gabi ay mahigpit ang laging bilin sa kanya ng ina na hindi niya ito dapat tularan paglaki niya. Na kaya nito nagawa iyon ay upang mabigyan siya nang maayos na buhay. Upang makapag-aral siya sa magandang private school at makakuha ng magandang trabaho kapag nakatapos na siya.
“Huwag mong kakalimutan ang mga bilin ko, Selene. Kahit wala na ako ay kailangan mong tuparin ang mga pangarap natin. Ituloy mo rin ang mga gusto mong gawin. Hindi ba gusto mong maging commercial model o ‘di kaya artista? Sayang at hindi na kita masasamahan sa mga audition mo. Pero ‘wag kang susuko. At huwag kang mag-alala dahil naibilin na kita sa Daddy mo. Pupuntahan ka niya ngayon at susunduin dito.”
Selene’s young face was struck with surprise and excitement. Sa mga salita lang ng ina niya kilala ang Daddy niya. Sabi sa kanya ng ina ay isa sa mga naging customer nito ang ama niya at hindi naman inaasahan ang pagkabuo sa kanya. Ayaw lang daw kasi gumamit ng proteksyon ng ama niya kaya nadale ang kanyang ina. Noong una ay hindi niya alam ang sinasabing proteksyon ng ina pero kalaunan ay naintindihan niyang condom pala ang binabanggit nito na ginagawa pa niyang palobo dati. Itinigil niya iyon nang malaman kung saan isinusuot iyon ng mga kalalakihan. Naging kalaban ang tingin niya sa bagay na iyon na kung nataong suot ng ama niya ay hindi siya nabuhay.
Pasalamat na rin sa ina niyang hindi siya tuluyang ipinalaglag. Inamin ng kanyang ina na binalak nito iyon at humingi ito ng tawad sa kanya. Nang magsimula raw siya nitong ipagbuntis ay sunod-sunod ang naging suwerte nito sa mga nagiging customer nito. Hindi raw ito tumigil sa pagpapaligaya sa mga lalaki hanggang sa hindi nagiging halata ang tiyan nito. Nang isilang naman siya ay nagpatuloy pa rin ang suwerte nito sa trabaho at nakakuha ng mayayamang mga customer. Nakapag-abroad rin ito ng dalawang taon habang naiwan siya sa lola niya. Nang makabalik ito ay nagtayo ng maliit na negosyo ng pautang ng mga make-up, perfume, at overrun clothes. Nagpatuloy pa rin ito sa dating trabaho dahil doon ito kumikita ng mas malaking salapi. Sa pamamagitan niyon siya nito nabuhay nang matiwasay at nagawang mapag-aral sa pribadong paaralan simula nang mag-kinder siya.
Hindi niya ikinakahiya ang ina, kahit ang trabaho nito. Pero hindi niya rin masasabing proud siya. Basta ang alam niya ay mahal na mahal niya ang ina para sa lahat ng sakripisyo at pagtataguyod nito sa kaniya. At ngayon ay malungkot na malungkot siya sa sinapit nito.
“Yes po, Mommy. Tatandaan ko po lagi ang mga bilin n’yo,” sagot niya at niyakap ito.
“Siguradong matutuwa ang Daddy mo sa ‘yo dahil napakaganda at napakabait mong bata. Kung sakaling hindi ka magustuhan ng madrasta mo ay ‘wag kang papaapi. Isumbong mo sa Daddy mo at kung hindi ka niya papaniwalaan ay tumawag ka sa Bantay Bata.”
Hindi napigilang matawa ni Selene sa sinabi ng Mommy niya. She was overprotective of her. Kahit sa hirap ng buhay nila sa ilang pagkakataon ay hindi siya nito hinahayaang malamukan at kung magkasugat man siya ay lagi nitong sinisiguro na hindi iyon magkakaroon ng pangit na peklat. At sa tuwing may umaaway sa kanya dahil sa uri ng trabaho nito ay ito mismo ang nakikipagbangayan para ipagtanggol siya.
“I’ll miss you, Mommy. I don’t want you to go, yet.” Selene bit her lips, forcing herself not to cry. Her Mommy told her that she’s already a big girl at ten and big girls don’t cry. Her Mother was preparing her for this but the thought of losing her forever was very saddening.
“Anak, gusto ko sanang umiyak sa sinabi mo kaso English kaya ‘di ko masyadong na-gets,” bahaw na tumawa si Helen at sinuklay ng mga daliri ang buhok ng anak.
“Mommy naman, e!” natatawa’t naiiyak na bulalas niya.
Sunod-sunod naman ang naging pag-ubo ng ina niya. Agad niyang hinagod-hagod ang likod nito ngunit mukhang hindi naman iyon nakatulong dahil naging singhap ang mga ubo hanggang sa tila hinahabol na ng ina niya ang paghinga nito. Bumaba siya ng kama at sunod-sunod ang naging pagtawag sa nurse. Naasistihan naman ito agad at umayos ang paghinga nito.
Hinayaan niyang makapagpahinga muna ang Mommy niya at pinuntahan ang Lola Donita niya sa chapel ng ospital. Hindi niya talaga ito totoong lola pero ito na ang nakagisnan niyang nanay-nanayan ng ina niya sampu ng iba pang GRO sa lugar nila.
“Kumusta ang lagay ng Mommy mo?” si Lola Donita.
“Nahirapan na naman po siyang huminga kanina pero okay na po ang lagay niya.”
“Kawaan nawa siya ng panginoon,” anito at nag-antanda.
“Pupunta raw po rito ang Daddy ko ngayon at susunduin daw po ako sabi ni Mommy,” imporma niya at naupo sa tabi nito.
“Mabuting kung ganoon, anak. Kung kaya ko nga lang na ako na ang mag-alaga sa ‘yo ay inako na kita sa Mommy mo. Pero mas maganda ang magiging buhay mo sa Daddy mo. Mayaman daw iyon kaya makakapagpatuloy ka pa rin ng pag-aaral sa praybeyt.”
“Ma-mimiss ko po kayo, Lola Dons,” aniya at niyakap ang halos buto’t balat na katawan ng matanda.
“Aba’y, ma-mimiss din kita. Naming lahat doon. Huwag mo kaming kakalimutan, ha.”
“S’yempre po. Bibisitahin ko po kayo minsan at dadalhan ng chicken joy.”
“Sige, hintayin namin ‘yang pa-tsiken mo. Pero umuwi muna tayo ngayon at ihanda ang mga gamit mo. Maligo ka rin at magbihis para kapag sinundo ka ay mukha kang prinsesa,” nakangiting sabi nito na labas ang bungi-bunging ngipin.
Tumayo na sila at lumakad palabas ng ospital. Sumakay sila ng traysikel at nagpahatid pauwi sa bahay nila. Sa loob iyon ng isang Pabahay Village ng gobyerno. Isa ang bahay nila sa iilang bahay roon na may tatlong palapag. Tindahan ng Mommy niya ang nasa pinakababa, kuwarto nila ang nasa pangalawa at paupahan ang nasa pangatlo.
Pumasok na sila sa kabahayan. Tinulungan agad siya ng lola niya na mag-ayos ng mga gamit niya. Pinapaligo rin siya nito at pagkatapos ay binihisan at inayusan. Bestidang pink ang sinuot niya. Parang gown iyon ni Aurora ng Sleeping Beauty na paborito niyang Disney Princess. Tinirintas ang buhok niya at pinutungan ng tiara. Nilagyan din ang pisngi niya ng manipis na kolorete.
Binitbit niya ang isang maliit na bag at nagpaalam na sila sa mga kasamahan ng Mommy niya. Nagkaroon pa ng kaunting iyakan bago sila nakaalis kaya kinailangan pa siyang i-retouch ng baklang si Modenna. Nang makontento ito sa pag-aayos sa mukha niya ay umalis na rin sila ni Lola Donita at bumalik sa ospital.
Naabutan nila sa harap ng silid ng kanyang Mommy ang isang lalaking nakatayo. Nakasuot ito ng coat and tie, parang uniform ng mga lalaki sa school nila. Napatingin ito sa kanila at tila naestatwa roon ng ilang sandali. She knew that moment that he was her dad. Kumaway siya rito at unti-unting lumapit. The man’s handsome, more handsome than her school crush, Arthur.
Lumuhod ito sa harap niya nang tuluyan siyang makalapit. “Hello there, princess.”
“Hell po. Are you my… my dad?” she asked.
He nodded smiling. “Yes, I am. I’m Iñigo. I’m your dad.”
Nang marinig ang kumpirmasyong iyon ay niyakap niya ito ng ubod ng higpit. Gumanti rin ito ng yakap sa kanya. Finally, her dad gained a face in her imagination.
“What’s your name?”
“My name is Selene,” she answered proudly.
“Selene… my daughter…” he cooed.
Nang bumitaw sila sa isa’t-isa ay pumasok sila sa loob ng kuwarto ng Mommy niya. She was still asleep. Hinintay nila itong magising na hindi naman nagtagal. They bid their goodbyes.
Gaano man ang naging pagpipigil ni Helen na hindi maiyak ay wala siyang nagawa sa masaganang pagbulwak ng mga luha nito. Kung may ibang paraan nga lamang upang gumaling ito sa nakuhang sakit at patuloy na maalagaan nang maayos ang anak ay gagawin nito. Ngunit alam ni Helen na papalapit na ang sundo nito kaya minabuting hanapin ang ama ni Selene at ibilin rito ang nag-iisang anak.
Mabuti na lamang at natagpuan nito ang lalaki bago ito tuluyang nanghina. Nag-usap ang mga ito ng magiging arrangement para kay Selene. Nang masiguro ni Iñigo na anak talaga nito si Selene base sa resulta ng DNA test ay bumuhos agad ang suporta nito. Pero hindi agad pumayag si Helen na makilala nito ang anak hangga’t malakas pa ito. Selfish na marahil kung tawagin ngunit ayaw lamang nito ng kahati sa pansin ng anak sa nalalabing buhay na mayroon ito.
And the time had come for her to share her daughter to her father. She hoped Iñigo would be a great father. Kung hindi ay sinigurado nito sa lalaki na mumultuhin ito at hindi papatahimikin mula sa kabilang buhay.
“Sige na, anak, sumama ka na sa Daddy mo. Nandito lang naman ako sa ospital at pwede mo pa rin akong palaging bisitahin. Mas madadalian ka na nga e dahil may sarili kayong car. Hindi mo na kailangang mag-tricycle.”
“Yes, Mommy, araw-araw ko pa rin po kayong bibisitahin. Dadalhan ko po kayo ng masasarap na food saka ‘yong paborito ninyong Martini. Bibilhan ko po kayo ng mga gusto n’yo kapag binigyan ako ng pera ni Daddy.”
Malutong na tumawa si Helen at hinagkan ang ulo ng anak. Pinabaunan niya ito ng maraming halik. Halos ayaw nitong pakawalan ang anak sa mga yakap nito.
“I promise, we’ll be back soon and brought all your mom’s favorites,” ani Iñigo at inakay ang anak palapit dito.
Sumama na si Selene sa ama at bago tuluyang lumabas ay ngumiti at kumaway sa ina.
“QUE horror!” nanlalaki ang mga matang sambit ng matandang babaeng sumalubong sa kanila sa mala-palasyong mansion na pinasok nila ng Daddy niya. Napaantanda pa ang matanda bago nasapo ang bibig na tila nahiya sa naging reaksyon nito nang makita siya. “Oh, my, sweetheart, who did your make-up? You look so horrible in it,” anito at lumapit sa kanya.
“Selene, siya ang Mama ko kaya siya ang lola mo,” anang Daddy niya.
“Ugh, please. Just call me Mama as well, sweetheart. I’m not that old,” tugon agad ng matanda na lola pala niya at inakay siyang papasok sa loob ng kabahayan.
Kung ano ang ikinaganda ng labas ng bahay ay siyang mas ikinaganda ng loob niyon. Parang kumikinang ang lahat ng kagamitan sa paligid niya. Sobrang linis at sobrang bango roon.
Pinaupo siya ng lola niya sa sofa at sobrang tuwa niya nang maramdaman ang lambot niyon sa pang-upo niya. Hindi niya napigilang magpa-bounce-bounce roon. Iyon ang unang pagkakataon na makakaupo siya sa ganoong klaseng upuan. Pakiramdam niya ay prinsesa siya na nakaupo sa isang mahiwagang trono.
“You’re loving our place already, sweetheart. See, Iñigo, I told you she will love here. Right, Selene?”
“Yes po, lo---Mama,” muntik nang madulas ang dila niya kaya nasapo niya rin ang sariling bibig.
Malutong na natawa naman ang dalawa sa naging aktuwasyon niya.
“Nalilito tuloy ‘yong bata dahil sa ‘yo, Mama. Bakit hindi na lang kasi lola ang itawag sa ‘yo?”
“Naku, tumigil ka nga d’yan, hijo. Wala pa akong wrinkles, ‘di ba, sweetheart?” Muling bumaling sa kanya ang lola niya at hinaplos-haplos ang buhok niya.
“Crinkles? ‘Yong parang paninda sa bakery ni Aling Tetay na chocolate?”
Malutong na natawa na naman ang dalawa sa tinuran niya.
“Do you love chocolates? We have a lot here,” anang lola niya.
“Wow, talaga po? Hindi po ako bawal kumain ng maraming chocolate?”
“Oo naman. You can eat all you like but make sure you brush your teeth afterwards.” Tinawag nito ang isa sa mga kasambahay na Adora ang pangalan.
Agad namang lumapit ang tinawag na parang sundalong laging handa. Mataba na medyo pandak ang babae. Mukhang istrikta at masama ang ugali kahit nakangiti sa harap nila.
“Adora, papaliguin mo itong si Selene tapos ikuha mo siya ng mga chocolates sa fridge.”
“Yes po, Doña Miranda,” tila hindi makabasag pinggan na tugon nito.
“Sumama ka muna kay Yaya Adora mo, Selene. Tapos ihahatid ka niya sa kuwarto mo mamaya para makapagpahinga ka bago mag-dinner. May request ka bang food na gusto mo para mamaya?” malambing na sabi sa kanya ng Daddy niya.
“Fried chicken po, Daddy saka gravy. Tapos kaunting rice lang po.”
“Okay, no problem. Mamaya iyon ang panghapunan natin.”
“Thank you po,” masayang sabi niya at humalik sa pisngi nito bago sumama sa katulong.
Dinala siya ni Adora sa banyo para pagpaliguin. Mukhang lumabas agad ang kulay nito sa pagsisimangot sa kanya habang tinutulungan siyang magtanggal ng dress niya.
“Saang perya ka ba galing na bata ka, ha? Mukhang inuuto mo pa ang Doña at Señor. Aba’y lagot ka mamaya pagdating ni Señora Natalia. Kaya kung ako sa ‘yo, bawas-bawasan mo ‘yang pagbibida mo.”
“Ang pangit mo na nga, ang pangit pa ng ugali mo! Saka hindi ako galing perya, mas ikaw ang mukhang galing perya! At hindi ako natatakot sa step-mom ko dahil lagi naman silang natatalo sa mga Disney Movie! Belat mo!” asik niya rito.
“Kakarating mo lang ditong bata ka, may sungay ka na agad. Hindi ka uubra sa akin, puputulin ko ‘yang sungay mo habang maaga pa. Malalagot ka talaga sa Señora!”
“Isusumbong ko naman kayo kay Daddy at Mama. Tapos ikaw papalayasin ka rito tapos si step-mom, hihiwalayan ni Daddy. Ble, ble, ble!” pang-aasar niya sa nanggagalaiting katulong.
Mukhang susugurin siya nito nang makarinig sila ng mga yabag na papalapit sa banyo. Ang lola niya iyon na may dalang malaking bote ng kung ano. “Sweetheart, try this soap bath. It’s good for your skin,” anang lola niya at ito na ang nagpaligo sa kanya. Inutusan na lang nito ang katulong na si Adora na siguraduhing maayos at malinis ang tutuluyan niyang silid. Bago ito tuluyang umalis ay nakita pa niya ang ngitngit sa ekspresyon ng mukha nito.
Selene thought that her life with his father would be a real-life Disney Movie ugly step-mom and wicked witch.
SELENE was busy playing with her big teddy bears when the room’s door swung shut opened. A boy with a grinning face was standing at the door way. Mabilis na pumasok ito sa loob ng silid niya at ibinagsak muli ang pinto pasara. Bigla itong tumalon pahiga sa kama niya at nadaganan ang isa sa mga teddy bear niya.
“Hey, there, sissy-p***y!?” nakakalokong sabi nito sa kanya. Guwapo ang batang mukha nito at hindi nalalayo sa kanya ang edad. Even though he looked so handsome, there was something menacing with his aura.
Lumayo siya nang bahagya mula rito at mahigpit na nayakap ang teddy bear niya. “Who are you?”
“I’m your big brother. My name is Anton. How about you, daughter-of-a-w***e? What’s your name?” tanong nitong kakabakasan ng pait ang tinig, nawala ang mapaglarong ngiti nito sa mga labi at tumalim ang tingin sa kanya.
Pasigaw na sumagot siya rito para ipagtabuyan ang takot na bigla niyang naramdaman. “You’re rude and I won’t tell you my name!”
“Such a b***h, sweetheart. Mama Miranda kept referring you as a sweetheart but you’re clearly not. Come, show me your p***y and I’ll pay you a hundred. I bet you’re a w***e like your mother.”
“Anong sabi mo?!” mas malakas ang boses niya sa pagkakataong iyon. Tuluyang nabura ang takot niya at napalitan iyon ng ibayong galit. “Napakabastos ng bibig mo. Siguro ganyan ang tinuturo sa ‘yo ni step-mom. Isusumbong kita kay Daddy at Mama.”
“As if I care, you w***e!”
“Anton Luis!” parehas silang nagulat sa bumuluhaw na tinig. Ang Daddy Iñigo nila iyon. Mukhang galit na galit ito dahil sa pamumula ng buong mukha nito. Sa kabila niyon ay kitang-kita rin ang pagtitimpi nito. Lumapit ito sa half-brother niya at hinila ito paupo ng kama. “What did you just say to your sister? Would you mind repeating that, huh?”
“I’m sorry, Dad. That’s what I’ve heard from Mom. She said my sister’s mother is a w***e so, the child is a w***e, too.” Tila naging maamong tupa ang anyo nito at nagtutubig ang mga gilid ng mga mata.
“That’s not true, don’t believe your mother. Remember what I’ve told you regarding respect?”
“Yes, Dad. I’m really sorry.”
“Don’t ask for my forgiveness. Gain that from your sister.”
Humarap sa kanya ang kapatid. “I’m sorry, Selene. I will not call you w***e again.”
“You just called me w***e again, Anton. And you don’t look like and sound sincere. ‘Di ba, Dad?” pang-aalaska niya rito. Pinilit niyang huwang mapangisi.
“I agree with your sister, Anton. Say that you’re really sorry and will not disrespect her again.”
“I’m really, really sorry. I didn’t mean those words and I will not say it to you, again. Please accept my apologies, Selene.”
“That one is better, brother. Apologies accepted.” Nakataas-noo at napapangiting tumingin siya sa daddy nila. May kinang sa mga mata ng ama niya.
“Thanks. I’ll dismiss myself now.” Nagmamadaling lumabas na ang kapatid niya pagkasabi niyon.
Kinuha niya ang nadaganan nitong teddy bear niya at inayos ang pagkakaupo niyon sa kama. Naupo sa tabi niya ang ama. Malapad na ngumiti ito sa kanya.
“I don’t know what to feel, sweetheart. I hope you’ll get along with your brother as both of you will now be under my guidance. And I’m afraid that I might not be able to do my job as your father. But you handle your brother well earlier. Do not let anyone look down on you and I promise that I’ll always got your back.”
“Ayos lang po ako, Dad. Pero malapit na po akong mag-nose bleed sa kaka-English natin.”
Natatawang niyakap siya nito at hinalikan siya sa noo. “Sige, maghanda ka na ng iyong sarili at tayo ay dudulog na sa hapag-kainan.”
Now, it was her turn to laugh with her father’s corny and cheesy way of joking. They ended up laughing so hard to their lungs content. For a while, she forgotten the sadness and loneliness with the thoughts of her ailing mother.
Samantalang sa loob ng maliit na puting silid ng ospital ay papahina nang papahina ang pintig ng puso ni Helen. Hirap na hirap na itong huminga kahit gaano man katatag ang pagpupumilit nitong manatiling buhay. Ayaw pa nitong pumanaw ngunit nakikita na nito ang katapusan ng buhay. Sa huling pagkakataon ay tinawag nito ang pangalan ng kanyang anak na si Selene…