FINAL CHAPTER - Tatlong taon na taning

1360 Words
Tatlong taon na taning TINATAHAK nina Reden at Caloy ang daan sa sinabing kinaroroonan ni Gorio kasama ng isang bata. Malayo-layo na ang nalalakad nila ay diretso pa rin sa paglakad ang batang kasama. Nakasunod lang sila. Humihingal na sila nang huminto ito at itinuro ang isang kubo. Umalis na ang bata matapos abutan ni Caloy ng pera. Lumapit sila sa kubo. Tumawag sila sa nasa loob. Mayamaya ay may lumabas na lalake, may edad na ito. Puti na ang mahabang buhok at balbas. May hawak itong kawayang tungkod. Sinabi nila ang pakay. Sinuot lang nito ang sumbrerong nakasabit sa may pintuan at sinamahan na sila papunta kay Gorio. Nagulat sila nang huminto ang matanda sa isang nitso. Iginala nila ang kanilang paningin, nasa sementeryo yata sila. Hindi agad mapapansin ang mga nitso sa malayo dahil nahaharangan ang mga iyon ng matataas at malalagong talahib. Ibinalik nila ang paningin sa kinatatayuan. Nakita nilang hinahawi ng matandang lalake ang harapan ng nitso. Napanganga sila nang mabasa ang nakasulat doon. Puntod iyon ni Gorio. Magta-tatlong taon na itong patay!! "Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang mapigilan ang paniningil ng bantay, pero nabigo ako. Alam ko ang tungkol sa puno. Kasama ako ng aking ama nang matagpuan niya ang malaking puno sa gitna ng gubat noon. Kabilugan ng buwan. Nag-alay si Ama sa pagitan ng dalawang malaking ugat at pagkatapos ng tatlong araw ay bumalik kami. Nawala ang alay ni Ama. Tinanggap daw ang alay niya sabi niya sa akin. Tuwang tuwa siya, niyakap niya ako. Gagaling na raw ang sakit ko. Hindi na raw ako mamamatay. Masaya kaming namuhay ni Ama. Isang gabi ay narinig kong may kausap siya. Sumilip ako sa siwang ng dingding. Nakaluhod siya at may kinakausap pero wala akong nakikita. Nagmamakaawa si Ama sa kausap niya, narinig kong sinabi niya na napakaigsi raw ng tatlong taon. Maliit pa raw ako at kung mamamatay siya ay paano na ako. Bumangon ako at lumapit kay ama. Niyakap niya ako nang mahigpit. Dose anyos ako noon kaya naintindihan ko ang pag uusap nila ng di ko nakikitang nilalang. Tatlong taon pagkaraang matupad ang kanyang hiling ay mamatay siya. Hindi pinagsisihan ni Ama ang ginawa niya. Kahit buhay niya ang kapalit, mabuhay lang ako. Pumunta ako sa gubat para makiusap sa puno, pero di ko iyon nakita. Namatay si Ama nang sumapit ang ikatlong taon." Malinaw na malinaw sa utak ng dalawang magkaibigan ang sinabi ng matanda sa kanila. Walang kibo si Reden habang nagmamaneho. Si Caloy man ay malalim ang iniisip. Hindi nakatulog si Reden nang gabing yon. Kung totoo ang sinabi ng matanda ay mamamatay din siya pagsapit ng ika tatlong taon mula nang hiling niya ay matupad. Sa isang linggo ay tatlong taon na mula nang matanggap ang kanyang obra. Tatlong taon na siyang sikat na writer. Kung ganun ay mamamatay na rin siya gaya nang nangyari kay Gorio. Kinilabutan siya. Nagdasal siya at humingi ng tulong sa Diyos. Nakatanaw si Caloy sa labas ng bintana. Iniisip kung ano ang magagawa niya para mapigilan ang puno. Ang isiping mamamatay si Reden ay di niya matatanggap. Ito lang ang pamilya niya, ni minsan ay hindi siya pinabayaan ni Reden. Tagapagtanggol niya ito. Bago ang sarili ay kapakanan niya muna ang inuuna ng kaibigan. Bata pa lang sila ay lagi na siyang pinagbibigyan ni Reden. Laging kung ano ang makapagpapasaya sa kanya. Hind. Hindi niya papayagang mamatay si Reden! Kinabukasan ay pinatawag ni Reden si Digoy, ipinagtapat dito ang lahat. Nanginig sa takot si Digong. Akala niya ay sa pelikula lang nangyayari ang ikinuwento ni Reden. Hindi niya mapaniwalaang totoo ang narinig. Kahit lalake siya ay napaiyak siya. Nakuha pang magbiro ni Reden at sinabing buhay pa naman siya ay iniiyakan na. Hindi niya napigilang yakapin ang pinagkakautangan niya ng loob. Niyakap din siya ni Reden. Nagpakatatag si Reden. Ipinaliwanag niya kay Caloy na paghandaan na lang nila ang mangyayari. Maswerte pa nga raw ito dahil alam niya kung kelan siya mamamatay. Magagawa pa nila ang mga gusto nilang gawin. Tumututol man ang isip ni Caloy ay di na siya nakipagtalo sa kaibigan. Ayaw ni Reden na masayang ang mga nalalabi niyang mga araw. Ihinanda rin niya ang mga ari arian na naipundar. Ang lahat ng meron siya ay ipinamana niya kay Caloy. Meron din para kay Digoy. Gumawa pa siya ng short story at kay Caloy din mapupunta ang bayad niyon. Ang lahat ay naihanda na niya bago sumapit ang takdang panahon ng paniningil ng puno. Beinte kwatro oras na lang ang nalalabi. Iniisip na lang niyang magkakasama naman sila ng lolo at lola niya kaya kahit paano ay nababawasan ang takot na nararamdaman niya. Pupunta sila ni Caloy sa puntod ng lolo at lola nila. Doon sila magpapalipas ng oras habang iniinom ang paborito nilang beer. Nakabihis na siya nang tumunog ang celfon. Natigilan siya sa sinabi ng nasa kabilang linya! NASA loob na ng operating room si Caloy nang dumating siya sa hospital, nag-aagaw buhay. Ayon sa mga saksi ay napakabilis daw ng takbo ng kotse nito. Pagkatapos ay nagpaikot-ikot na parang nabangga hanggang sa malakas na sumalpok sa isang malaking puno. Napaupo siya sa panlulumo. Anim na oras na ay hindi pa natatapos operahin ang kaibigan. Labas-masok ang mga doktor sa operating room. Nakatungo at taimtim siyang nagdasal. "Diyos ko, huwag N'yo pong pababayan si Caloy. Iligtas N'yo po siya. Nakahanda po akong pagbayaran ang nagawa ko. Ako na lang po, 'wag na po pati si Caloy. Parang awa N'yo na po Diyos ko!" Napapitlag siya nang may tumapik sa balikat niya. Ang doktor ni Caloy. "Ligtas na ang pasyente," nakangiti nitong sabi. "Salamat po Diyos ko" Dumating din si Digoy sa ospital. May dala itong pagkain para sa kanya. Hindi ito pumayag na hindi siya kakain, pinagbigyan niya ang pagmamalasakit nito. Dalawang oras pa ang nakalipas ay ipinasok na si Caloy sa kuwarto. Nang maiayos na ito ng mga doktor ay naisip niyang umuwi muna. Wala ang kasambahay nila dahil day off nito. Kukuha siya ng mga gamit ni Reden. Nandun naman si Digoy para bantayan si Caloy. Bukas pa raw ng umaga gigising ang pasyente ayon sa doktor. Maaga pa nang tignan niya ang relos na suot. Makababalik agad siya dahil maluwag pa ang kalsada kapag ganung oras. Umalis na siya Natrap siya sa gitna ng traffic. May dalawang bus daw na nagbanggaan sagot ng napagtanungan niya. Natagalan bago naiayos uli ang daloy ng trapiko dahil sa may mga pasaherong naipit sa loob ng bus. Ilang sandali pa nang paghihintay ay nakauwi siya ng bahay. Pumasok siya sa kwarto ni Caloy at kumuha ng damit sa closet nito. Kumukuha siya ng tuwalya nang may malalaglag sa paanan niya. Isang notebook na maliit. Nang tignan niya ay nangiti siya. Doon pala nakatipon ang mga gawang kuwento ni Caloy. Binasa niya ng pahapyaw ang iba. Nagandahan siya sa istorya. May talent sa pagsusulat ang kaibigan. Makatotohanan ang mga kwento nito. Dadalhin niya sa ospital ang libro ni Caloy at doon niya itutuloy ang pagbasa. Ilalagay niya na sana iyon sa bag nang may mapansin. Para kasing siya ang bidang tinutukoy sa kuwento. Matatanggap ang obra niya ng publishing company na nag reject sa kanya, sold out ang lahat ng kopya, gagawing pelikula at tatanggap ng maraming award etsetera etsetera. Ang lahat ng nakasulat sa libro ni Caloy ay ang mismong nangyari nga sa kanya, at nangilabot siya sa huling nakasulat. MABABASA MO ANG SINULAT KONG ITO. AT MAPAPAHANGA KITA. SASABIHIN MONG MAY TALENT AKO SA PAGSUSULAT. KAPAG NANGYARI NA, PUPUNTAHAN KO ANG LOLA. SASABIHIN KO SA KANYANG SA WAKAS MAY NAGAWA RIN AKO PARA SA IYO. MARAMING SALAMAT SA LAHAT Caloy Lazaro Writer HALOS madurog ang puso niya nang balikan niya si Caloy sa ospital. Heart attack. Wala na si Caloy. Hindi niya akalaing gano'n ang mangyayari. Walang tigil ang pagpatak ng kanyang luha, ganun din si Digoy. Binasa rin nito ang librong pinakita niya. GUBAT. Nakatayo ang napakalaking puno ng avocado. Sa pagitan ng dalawang ugat nito ay naroon ang isang sando at mga prutas. Sa palagay mo, kaninong alay ang tinanggap ng puno? GUSTO MO BANG HUMILING? WAKAS TO GOD BE THE GLORY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD