Pagbangon at Paglimot
PUMUNTA si Reden sa ihawan. Nang magising kasi siya kanina ay wala na si Caloy. Maaga daw umalis sabi ng kasambahay nila. Bumati sa kanya ang mga tauhan. May mga nakakilala sa kanya kaya medyo natagalan bago siya nakapasok sa opisina ni Caloy. Wala sa loob ang hinahanap kaya pintawag niya si Digoy. Hindi na nakaiwas si Digoy. Nang tanungin ni Reden ay sinabi na nito ang nalalaman.
Patay ang celfon ni Caloy, gabi na ay wala pa ito. Dahil sa sinabi ni Digoy kanina, nasisiguro niyang matinding sakit ang nararamdaman ni Caloy. Nasaan si Caloy? Nagmamadali siyang pumara ng traysikel. Malakas ang kutob niya kung nasaan ito. Huminto ang traysikel sa tapat ng sementeryo. Nakatiyak siyang naroon nga ito nang makita ang kotse nitong nakaparada sa gilid.
Nadatnan niyang nakasalampak ng upo ang kaibigan sa harap ng puntod ng lolo at lola nila. Umiiyak ito, nagsusumbong sa lola nila. Lumapit siya at tinungga ang laman ng bote ng alak na hawak ni Caloy matapos kunin dito. Tumingala ito sa kanya. Umupo siya sa tabi nito. Matagal na katahimikan ang lumipas. Hindi nagtanong si Reden, ginalang niya ang pananahimik ng kaibigan. Ramdam niya ang bigat sa dibdib na dinadala nito. Ilang sandali pa ay nag umpisa itong magsalita. Binalikan nito ang nakaraan ng mga bata pa sila. Nagkakatawanan pa sila habang inaalala ang panahong lagi nilang tinatakbuhan ang pangkat ni Digoy. Mayamaya ay nanginig ang boses nito.
"Ang sakit-sakit dito." Itinuro nito ang dibdib. "Bakit niya ginawa sa akin yun, Reden? Mahal na mahal ko siya. Putang ina! Pinendeho ako, Reden. Kitang kita ko. Tuwing ipipikit ko ang mata ko nakikita ko kung pano niya kinakabayo ang putang inang lalaking yun! Tangina, libog lang Reden. Dahil lang dun binalewala ni Joan ang dalawang taon!" walang kontrol nitong sabi.
Nakikinig lang siya. Pinanaypanay niya ang paglagok sa alak ni Caloy.
"Gago ako Reden alam mo ba, ha? Tangina. Mahal na mahal ko pa rin siya Reden!" Humagulgol na ito na parang bata. Awang awa siya kay Caloy. Kumpara sa kanya ay mahinahon ito at pino kung kumilos. Siya ay may saltik at pabigla bigla. Hindi alam kung ano ang sasabihin samantalang ito ay palaging mahinahon at mapagpasensiya. Sabay silang lumaki. Halos magdugtong na ang mga bituka, at ngayon niya lang ito nakitang nagkagano'n. Hinagod na lang niya ang likod nito at hinayaang umiiyak.
Hindi na nagpakita pa si Joan at ang bagong staff sa ihawan mula nang mahuli ni Caloy. Walang bumabanggit sa mga nangyari. Kahit pinagpapahinga pa ni Reden ay bumalik na si Caloy sa trabaho. Yun ang gusto niya dahil hindi dapat mapabayaan ang negosyong pinundar ni Reden. Sa loob ng opisina ay inumpisahan na niyang chekin ang mga papeles. Nag inventory siya. Isang matagal na nilang empleyado ang ipinalit niya kay Joan bilang bisor. Masipag ito at naihanda na ang mga report sa mesa niya. Hindi na naman tally ang cash nila at ang sales ng ihawan. May nawawala na naman. Dali-dali niyang kinuha ang kopya ng cctv. Lihim niya itong inilagay nang malaman niya noon na may nakialam sa kaha nila. Nag uumpisa pa lang sa pinapanood nang may kumatok.
Sumungaw sa pinto si Reden. Nagtanong ito,"Bakit may ganyan", itinuro nito ang laptop sa mesa niya. Sinabi na niya ang mga natuklasan noon at ngayon na nawawalan na naman sila. Magkasabay nilang tinignan ang screen ng laptop. Medyo naiinip na sila nang makita nilang bumukas ang pinto ng opisina. Napaunat ng upo si Caloy, ganun din si Reden. Nakita nilang pumasok si Joan at ini lock ang pinto. Nagmamadali ito sa pagbubukas ng kaha. May nalaglag pa na ilang piraso ng limandaan sa sahig. Nagmamadali iyong pinulot ng babae. Isinara uli ang kaha at pagkatapos ay lumapit na sa pinto. Sumilip pa muna ito sa labas at tuluyang lumabas ng pintuan.
Napapikit si Caloy nang sumandal sa upuan. Bumuntong-hininga. Si Joan na minahal niya ng buong puso. Ngayon ay sigurado na siya. Dapat na niyang kalimutan ang dating nobya. Tinapik na lang ni Reden ang balikat niya.
Dahil sa dating pinagsamahan, at dating minahal ay hindi na nila pinalaki ang issue. Si Reden ang may pasya nun. Alam nitong higit na masakit para kay Caloy ang mga natuklasan. Sa dalawang taon mahigit na pagiging mag nobyo ay di basta basta mawawala ang pagtingin ng kaibigan sa babae. Alang-alang sa ikapapanatag ng loob ni Caloy ay kalilimutan na nila ang anumang may kinalaman kay Joan.
Isang araw pauwi na sina Reden at Caloy galing sa pagja jogging ay nakita nila ang asawa ni Gorio. May kasama itong lalake, hindi sila malisyoso pero ang tingin nila ay para itong mag asawa kung maglambingan. Naalala nila ang kababata, ano na ang nangyari? Bakit hindi si Gorio ang kasama nito? Nasa Saudi ba si Gorio at kinakaliwa ng asawa? Kasabay ng pagkaalala sa kababata ay naawa sila para dito. Alam ni Caloy kung gaano kasakit ang pagtaksilan. Nahiya rin sila kay Gorio, hindi na sila nagkabalitaan pa mula noon. Aalamin nila kung saan makikita si Gorio. Pupuntahan nila ito...