CHAPTER 2 - Kapalarang Magkatulad

1040 Words
Kapalarang magkatulad HINDING-HINDI niya malilimutan ang pangyayaring iyon sa kanyang buhay. Ang masayang harapin ang bawat umagang sumasapit. Ang maranasan ang pakiramdam na ipinagkait sa kanya ng tadhana. Nagwawalis siya nang umagang iyon malapit sa malapad na gate ng sementeryo. Nang maipon ang mga lantang dahong nahulog at nagkalat sa damuhan ay sinigaan na niya ang mga iyon. Nagulat siyaa nang biglang may umubo. Nang hanapin niya ang pinagmulan nang narinig ay nakita niya ang isang batang nakahiga sa semento, nakasiksik sa gilid at sulok na bahagi ng gate, at ubo nang ubo. Naisip niyang marahil ay nalanghap nito ang makapal na usok mula sa kanyang siga. Tantiya niya ay nasa lima, o anim na taon ang batang napakarusing. Nagahol siya sa pagbubukas ng gate, at mabilis itong nilapitan. Inalalayan itong makaupo at saka pinaypayan. Nang una'y bahagya pa nitong tinabig ang kanyang kamay. Naisip niyang marahil ay naalimpungatan, o kaya'y nagulat sa paglapit niya at paghawak. Nang magtama ang paningin nila'y nakadama siya nang matinding awa. Pakiwari niya'y nakikiusap ang mga mata nito, humihingi ng awa, nanlilimos ng pagmamahal at pag-aaruga. Tinanong niya ito kung ano ang pangalan. Muling nabagbag ang loob niya nang tumitig ito sa kanya. Kung 'di siya nagkakamali, tinatantiya nito kung dapat ba siyang pagtiwalaan. Hindi niya tuloy naiwasang mag-isip kung isa ba ito sa mga batang palaboy na nang-uumit sa palengkeng 'di kalayuan sa sementeryong nililinisan niya at binabantayan. Kung isa ba itong isnatser na basta na lang nanghahablot ng mga gamit na naibebenta nang madalian, na kasapi ito ng isang sindikato, at natatakot sa mga pulis. "Reden po." Natigilan siya. Nahiya sa paslit na napag-isipan ng masama. Ngumiti siya at maingat na hinangod ang ulo nito bilang paghingi ng paumanhin na hindi masabi. Nakita niya ang pagsungaw ng ngiti sa mga labi nito, at ang sandaling pagpikit na waring ninanamnam ang ginagawa niya. Muli siyang nagtanong na sinagot naman nito ngunit ang ilan ay 'di na nasagot. Pareho pa silang nagulat nang marinig ang tunog ng kumakalam nitong sikmura. Mabilis nitong hinawakan ang tiyan na animo nakakahiya ang nangyari. Muli siyang napangiti. Inaya niya itong pumasok sa loob. Nang hawakan niya ay humawak din ito sa kanya. Mahigpit na animo anak na natatakot iwanan ng ina. May kung init mula sa mga palad nito ang nanulay sa kanyang palad patungo sa kanyang puso. Isinama niya ito sa kanyang bahay at pinakain. Habang kumakain ay patingin-tingin sa kanya, nakangiting tumitingin sa kanya. Nang matapos ito ay pinaliguan naman niya. Humahagikgik ito sa pagtawa. Nakikiliti habang sinasabunan niya ang katawan. Nakakahawa ang pagtawa nito. Hindi na niya namalayang humahagikgik na rin siya. Isinuot niya rito ang t-shirt ng yumaong asawa. Itinabi niya iyon upang may alaalang maiwan sa kanya. Hindi niya akalaing darating ang pagkakataong gagamitin uli iyon. Payat lang ang asawa niya kaya parang naka daster ang paslit. Nakangiti pa rin ito sa kanya habang sinusuklayan niya. Ilang sandali pa ay akay na niya ito palabas sa sementeryo. Ipinagtanong niya kung saan matatagpuan ang mga magulang nito. Naisip kasi niyang baka naligaw, na nawala lang ito at hinahanap na ng mga magulang. Sa pagtatanong-tanong, nalaman niya ang istorya ng buhay ng batang pinulot. Lalo niya itong kinahabagan. Hindi man kilala ang ina nito ay nakaramdam siya ng galit sa ginawa sa sariling anak. Habang siya ay nangangarap magkaroon ng anak kahit isa man lang, ito naman ay tumalikod lamang sa pagiging ina. Ipinasya niyang ampunin na lamang si Reden. Hindi na siya mag-iisa sa kubo niya. May apo na siya, may kasama na. Aalagaan niya ito, palalakihin, at mamahalin gaya ng isang tunay na laman at dugo. Isang taon ang matuling lumipas. Isang araw, tarantang-taranta siya at hindi malaman ang gagawin. Naikot na niya ang loob at labas ng simbahan ngunit hindi niya makita ang apo. Butil-butil na ang pawis niya sa noo. Kanina lang ay katabi niya ito sa upuan. Pumikit lang siya at nagdasal ngunit nang dumilat siya ay wala na. Umiyak na siya nang umiyak. Nawawala ang apo niya, ang pinakamamahal niyang si Reden. Nasaan ito? Saan niya hahanapin ang apo niya? Saklot ng pangamba sa pagkawala nitn, napansin niya ang nagsusuntukang mga bata sa gilid na parke. Naigtad siya nang makilala ang isa sa mga batang nag-aaway. "Si Reden nga!" Nagmamadali siyang lumapit at inawat ang mga nag-aaway. Nalaman niyang ipinagtanggol lang nito ang sarili at ang bago nitong kakilala. No'n niya lang napansin ang isang batang marungis. Tantya niya'y kasing edad ito ni Reden. Inumpisahan ni Reden ang pagpapaliwanag, kung bakit napilitang makipag-away. Nagduduyan daw ang bata nang lapitan ng dalawa pang bata. Tinutukso at pinagtatawanan. Pinaaalis ito dahil mabaho raw. Pinababa sa duyan dahil dudumi raw. Nang hindi ito pumayag ay itinulak na ng isang bata at nasubsob sa damuhan. Naawa si Reden kung kaya agad na lumapit at tinulungan itong tumayo. Ngunit hindi pa nakatatayo nang maayos, si Reden naman ang itinulak ng isa pang bata na unang nanulak. Magkasamang bumagsak sina Reden at ang inaalalayang bata, nagkauntugan ang mga ito. Nang makitang nagdudugo ang ilong ng bata, galit na galit na itong tumayo at sinugod agad ng suntok ang batang tumulak sa kanila. Tumulong ang kasamang bata at nagpagulong- gulong na sa damo. Dalawang bata laban sa isa. Tagpong nakita niya kung kaya natagpuan ang apong inakalang nawawala. Binalingan niya ang marusing na batang may dugo sa ilong at tinanong kung totoo ba ang mga sinabi ni Reden. Panay ang naging pagtango nito. Pinatotohanang ipinagtanggol lamang ito ng apo niya. At ang batang iyon ay walang iba kung 'di si Caloy. Lalo siyang naging masaya sa pagkakaroon ng isa pang apo. Gaya nang ginawa bago ampunin si Reden, gano'n din ang ginawa niya kay Caloy. Nang matiyak na wala na rin itong ibang pamilyang mauuwian, na wala nang maghahanap, ipinaayos na rin niya ang papeles ng pagkakakilanlan nito. Tinuruan niyang magsulat at magbasa ang dalawang bata upang maihanda sa pagpasok sa paaralan. Upang makahabol ang kaalaman, at nang 'di mapagtawanan ng magiging mga kaeskwela at kaklase. Pakiramdam niya'y nagkaroon ng saysay ang pananatiling buhay. Nagkaroon ng kabuluhan ang kanyang buhay. Muli siyang mangangarap kasama ang dalawang batang ang kapalaran ay 'di nalalayo sa kanya. Hindi na sila nag-iisa. Tatlo na silang magsasama-sama sa hirap at ginhawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD