CHAPTER 3 - Nag-aabang na kaaway

1017 Words
Nag-aabang na kaaway ANIM na taong gulang si Reden nang matagpuan ni Lola Masyang at pagkaraan ng isang taon, si Caloy naman. Matanda lang ng tatlong buwan si Reden kay Caloy ayon sa Birth Certificate na kinuha niya sa munisipyo. LIMANG taon ang matuling lumipas. Dose anyos na ang dalawa. Kanina pa alumpihit si Caloy. Natanaw niya ang pangkat ni Digoy sa labas ng gate ng paaralan nila. Kinabahan agad siya. Alam niyang sila ang inaabangan ng mga ito, at siguradong hindi ito nagtitiyagang tumayo doon para lang bumati at mangamusta. Nagpunta siya sa classroom ni Reden. Pareho silang grade five ngunit magkaibang section. Apat na room ang nakapagitan sa kanila. Nakita niyang nagwawalis ito kasama ng iba pang cleaner para sa araw na iyon. Hinintay niya itong lumabas. Nakita siya nito kung kaya mabilis na lumapit at ipinasa sa kaklase ang hawak na walis. "Bakit ganyan ang mukha mo? Napaiskwat ka ba ni Mam?" Mabilis siyang umiling, at saka inilipat ang paningin sa may gate. "Ha?" Hindi nito naintindihan ang ibig niyang sabihin kaya muli niyang ipinaling ang mukha patungo sa gate ng kanilang paaralan. Hindi niya direktang masabi dahil may mga katabi silang iba. Sa pagkakataong iyo'y tumingin na rin ito sa tinignan niya. "Putsa! Patay na naman tayo nito kay, Lola" Umiiling nitong sabi. Upang makaiwas ay sumabay sila sa paglabas ng kanilang teacher. Pangiti-ngiti pa sila habang naglalakad. Nakaangat ang mga dibdib at baba. Hindi nga nakaporma sina Digoy. Hindi nakalapit sa kanila. Ngunit hanggang sa may kanto lang pala maglalakad ang teacher. Huminto ito at nag-abang ng masasakyan. At nang may humintong dyip ay agad nang sumakay. "Nalintikan na. Yari tayo!" Sambit nito. Nagkatinginan sila at saka dahan-dahang lumingon. Nakita nilang papalapit na ang grupo ni Digoy sa kinatatayuan nila. Nakangisi ito at sinusuntok ang sariling palad. "Caloy," tawag ni Reden nang 'di ipinapaling ang mukha at nakatingin pa rin sa mga kalaban. Magkasalubong ang mga kilay nito at madilim ang mukha. "O," sagot niya at saka ibinalik ang tingin sa grupo nila Digoy. Kinakabahan siya. Kung mapapasubo ay tiyak na mapapaaway na sila. "Kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka na, ha?"sabi ni Reden. "Ha?" Napanganga siya. Mali pala ang naisip niya. Hindi pa siya nakasasagot nang bigla itong sumigaw. "TAKBO!" At kumaripas na nga sila sa pagtakbo. Hindi na nila inalam kung sinusundan pa sila. Basta't nagtatakbo na silang dalawa. Humahampas sa likod nila ang bag na may lamang libro. Kumakayod at lumalagutok ang suot nilang sapatos. Napapatingin ang mga taong nadadaanan nila, ang mga nakasakay sa dyip na tumatakbo sa kalsada ngunit nagtatatakbo pa rin sila. Nakarating sila sa sementeryo nang mas maaga kumpara sa oras nang dati nilang pag-uwi. Ang sementeryo ang pinaka boundary sa pagitan nila at grupo ni Digoy. Doon ay hindi na nakasusunod ang mga ito. Marahil ay natatakot sa lola nila, natatakot na may nakatatandang makaalam sa pangingikil ng mga ito at panggugulo sa mga kapwa batang gaya nila. Sandali silang tumambay sa ilalim ng puno at doon sumagap ng hangin, at magpatuyo ng pawis. Tinanggal nila ang suot na polo at saka ipinagpag ang mga sandong nakasuot pa. Nang magkatinginan ay magkasabay pa silang nagtawanan. Pinagtawanan ang kanilang mga itsura. Inihit siya ng ubo dahil sa pagod at pagtawa. Maagap naman nitong hinampas-hampas ng palad ang likod niya. Pagkaraang maginhawahan ay muli na naman silang nagtawanan. Hindi na nila isinuot ang polo matapos makapagpahinga at magkaakbay nang naglakad pauwi sa bahay. GABI. Habang nagpapahinga sa ibabaw ng nitso ay napag-usapan nila ang grupo ni Digoy. "Napapagod na ako sa katatakbo. Tangina!" Reklamo ni Reden. "Shh..." Saway niya rito at saka nag-aalalang nilingon ang kinaroroonan ng bahay nila. Tiyak na mapapagalitan sila ni Lola Masyang kapag narinig ang pagmumurang iyon ni Reden. "Wala namang masama kung iiwas tayo sa gulo. Magsasawa rin ang mga yun." Paliwanag niya upang pahupain ang nararamdamaman nitong inis. Sabi ng lola nila ay umiwas sila sa away at mag-aral mabuti. Matanda na ito kaya hanggat maaari ay ayaw nilang sumasama pa ang loob. "Hindi tayo pwedeng ganito na lang. Kung palagi tayong iiwas, iisipin no'n takot tayo. Lalo lang tayong tatakutin ng mga 'yon. Matapang lang naman yang Digoy na 'yan kasi maraming kasama. Suntukan kami, kami lang. Tignan niya kung uumbra siya sa akin. Mano-mano lang. Walang tutulong. Masyado nang maangas ang grupo niya. Isa lang ang mapabagsak ko sa kanila siguradong magdadalawang isip na 'yong mga kasama niya. Parang sila lang ang marunong manuntok at manadyak, e. Bakit sila lang ba ang may bayag? Tayo rin!" Natawa siya sa sinabi nito. Mabilis niya pang kinapa ang harapan at saka tumango bilang pagsang-ayon. Natawa ito. "Tayo naman ay umiiwas lang. Sabi nga ni Lola, ang away madaling pasukan pero mahirap lusutan." "Ayaw ko rin namang nakikipag-away. Ayokong mapagalitan ni Lola, mas takot ako sa walis niya kaysa suntok ng makakaaway ko. Pero kapag sumosobra na dapat pinagbibigyan na. Binibigyan ng suntok at tadyak. Kahit madami pa sila, basta isa-isa lang ang laban ayos lang sa akin. Mas nakakapagod ang tumakbo kaysa manuntok. "Ano ka ba naman. Maigi nga at nakakapag-jogging tayo. Puwede na tayong sumali sa Olympics." Dugtong niya. Sinabayan niya ng pag-arte na parang tatakbo at naghihintay lang ng pag putok ng baril gaya sa palighasang iyon. Natawa si Reden. "Puro ka kalokohan. Halika na nga. Pumasok na tayo, at baka magkakulani na ang kili-kili ni Lola kakakaway sa atin," natatawa pa rin nitong sabi. Itinuro nito ang lola nila na panay na nga ang kaway sa kanila. Tinatawag na sila at pinauuwi. Magka akbay na silang naglakad palapit sa matanda. Nang makalapit ay pinagitnaan nila, at inakbayan. Sa kanan si Reden at siya nama'y sa kaliwa. Nagbibiruan pa rin sila nang pumasok ng bahay. Pansamantala silang natahimik nang tatlong araw na walang Digoy na nakatayo sa tapat ng kanilang eskwelahan. Nakalalabas sila at nakauuwi nang 'di na kailangang patagong tumalilis, o tumakbo. Ang akala niya'y nagsawa na ito gaya nang napag-usapan nila ni Reden. Ngunit nagkamali siya, at napatunayan niya iyon nang mag-isa siyang magtungo sa palengke upang bumili ng gagamitin sa proyektong ipapasa sa kanilang guro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD