CHAPTER 4 - Labanan ng Matatapang

1025 Words
Labanan ng matatapang DALA ang mga kakailanganin sa gagawing proyekto, excited na naglakad si Caloy pauwi. Ingat na ingat siyang malukot at madumihan ang mga papel na iba't ibang kulay, glue at illustration board na binili. Magaan niyang niyakap ang plastik na kinalalagyan ng mga iyon. Pagliko niya sa kanto ay may narinig siyang pumaswit. Agad siyang lumingon. Nakita niya si Digoy. Nakatayo at nakasandal sa posteng nalampasan niya, ilang hakbang mula sa kinatatayuan niya. Nagsulputan na rin ang mga kasama nito. Dalawa sa bandang kanan, at dalawa sa bandang kaliwa. Napansin niya ang nilalaro nito sa isang kamay. Ice pick! Napalunok siya. Hindi lang pasa at black eye ang makukuha niya kung gagamitin iyon sa kanya. Nakaramdam na siya nang takot bagama't hindi nagpapahalata. Palihim siyang naghanap ng maaaring takbuhan. Pagtakbo ang tanging solusyong naisip niya. Bukod sa lima ang mga ito, may patalim pa. Wala siyang kalaban-laban. Natuon ang pansin niya sa palengke. Kung doon siya tatakbo ay makakaiwas siya. Maraming tao sa loob kaya tiyak na may makakakita at may mananaway sa mga ito. Madali nang makahingi ng saklolo sa paraang hindi kahiya-hiya. Ngunit 'di pa tapos sa pinaplano ay hinarangan na ng mga ito ang tatakbuhan niya. Isang paraan pa ang naisip niya. Humanda siya sa gagawing pagtakas. Pumorma siya at nagkunwaring tatakbo papunta sa kanan, ngunit nagtatakbo siya sa gawing kaliwa ng kalsada! Dahil nalito, magkasalungat ang naging porma ng limang bata sa pagtakbo. Nagkabungguan ang mga ito. Nakalayo na siya bago nahabol. Ngunit ang bilis niya ay hindi umubra. Natapilok ang isa niyang paa sa busal ng mais na natapakan. Bumagsak siya at 'di nagawang makatayo agad. "Tarantado ka. Pinahirapan mo pa kami, ha!" Tadyak at suntok ang kasunod nang sigaw na iyon ni Digoy. Wala siyang nagawa kung 'di sapuhin ang ulo at itago ang mukha sa nakatiklop na mga braso. Hindi na niya mabilang kung ilang suntok at tadyak ang tumama sa kanya. Hindi niya alam kung sino sa mga kasama ni Digoy, o si Digoy ba ang bumibira sa kanya. "MGA PUTANG INA N'YO !" Nahinto ang pagtadyak sa kanya nang pumailanlang ang galit na galit na sigaw ng nagmura. Nagkaroon siya ng pagkakataong iaangat ang ulo. Nakita niya ang mabilis na paglapit ni Reden. Malalaki at mabilis ang paghakbang, halos tumatakbo na. May hawak itong dos por dos, walang takot ang madilim na anyo. Galit na galit nitong pinagpapalo ang bawat malapitan, ang bawat madaanan! Nakita niyang bumagsak si Reden. Tatayo sana siya pero may tumadyak na naman sa kanya. Namilipit siya sa sakit. Si Reden, halos magliyab sa galit ang mga mata. Nang makitang nasaktan uli si Caloy ay mabilis siyang tumayo. Muling inihataw ang kahoy na hawak. Palo dito, palo doon ang ginawa. Walang pinipili, kahit sino sa limang kalaban ay pinagpapalo. Bumagsak si Digoy. Nang makita ng mga kasama na bumagsak ang pinuno ay nagtakbuhan na ang mga ito. Naiwan ang batang siga. Nilapitan niya ito, gusto niyang makita kung gaano ito katapang. Dalawa na lang sila. Ngayon na ang tamang oras upang magkasubukan silang dalawa. Napaurong ito. Lumuhod at nagmamakaawa sa kanya. Pati uhog ay sumasama sa luha. Ngunit hindi sapat ang pagmamakaawa nito upang maalis ang galit niya. Traydor ito. Pinagtulungang gulpihin ang kaibigan niya. Hindi pa sapat ang tinamo nitong mga sugat upang maging kabayaran sa ginawa nito sa kaibigan niya! Iniangat niya ang hawak, at saka ibinuwelo upang ipalo nang malakas! Si Caloy, dali-daling tumayo. Kailangang mapigilan si Reden sa binabalak gawin. Duguan na si Digoy, baka mapatay ito ng kaibigan niya! Mula sa likuran ay niyakap niya si Reden. Itinodo ang natitirang lakas upang 'di niya mabitiwan, upang hindi maipalo ang kahoy na hawak. Gumapang si Digong palayo sa kanila. At saka tumayo at magmamadaling nagtatakbo palayo. "Tang ina ka! Kapag nakita uli kita tutuluyan na kitang hayup ka!" sigaw ni Reden habang nagpipilit kumawala sa kanya. Nang mawala na ang siga sa paningin, saka niya pa lang ito binitiwan. Napaupo siya sa semento, sapo ang sikmurang sumalo ng napakaraming tadyak at suntok. Naupo ito sa tabi niya, sapo rin ang sikmurang naipit dahil sa mahigpit niyang pagyakap. Pareho silang nagpawala ng maigsing pagtawa matapos magkatinginan. Tumayo ito at pagkatapos ay inilahad ang kamay. Nang humawak siya'y hinila na siya patayo. Magkaakbay na silang naglakad pauwi sa sementeryo. WALANG humpay ang bunganga ni Lola Masyang sa kasasalita. Habang sige ang lagay ng gamot sa mga pumutok at sugat sa mukha ni Caloy ay sige rin ito sa kasesermon. Hindi naman kumikibo ang dalawa. Iyon na nga ba ang inaalala nila. Kung mapapaaway sila ay tiyak na magagalit ito at masesermunan sila. At kung mamalasin ay malamang na mapalo pa. Nang si Reden na ang ginagamot ay huminto ito at salitan silang pinagmasdan. HAYAN NA, YARI NA TAYO, ang katumbas ng tinginang ginawa nina Reden at Caloy. Inihanda na nila ang mga sarili sa pagdampot ng walis ng lola nila at ihambalos sa mga puwit nila matapos padapain sa sahig. Laking gulat nila nang malakas itong sumigaw. "Tanginang, Digoy na 'yan! Palibhasa'y wala nang babasagin sa mukha niya dahil basag-basag na kaya ang mukha ninyong dalawa ang gustong basagin! Kapag nakita ko ang tarantadong 'yan, babambuhin ko ang ulo niyan!" Galit na galit nitong sabi. Napanganga silang pareho sa narinig. Nagulat din si Lola Masyang. "Hesus Maryosep! Ano ba 'tong pinagsasabi ko?" Natutop pa nito ang sariling bibig. "Erase,erase," kasunod nitong sabi habang umiiling-iling. Nagkatinginan silang tatlo at sa isang iglap, malakas na nagtawanan. NAGPALIPAS lang ng ilang araw si Digoy at inabangan uli nito ang magkaibigan. Nagkasalubong agad ang kilay ni Reden nang ito ay makita. Lumikot ang mga mata. Hinanap kung saan nakapwesto ang mga bataan nito. Nag-iisa lang si Digoy. Maagap nitong sinabi na naroroon ito hindi para rumesbak at gumanti. Kung 'di upang umareglo at makipag-ayos. Nakipag-usap naman sila. Humingi ito ng dispensa at kinukumbinsi si Reden na maging pinuno nila. Maginoong tinanggihan ni Reden ang alok ni Digoy. Naintindihan naman siya ng siga. Nagkamay pa ang dalawa bilang tanda na ayos na ang usapan, na simula sa mga oras na iyon, hindi man sila maging malapit na kaibigan ay hindi na sila magkalaban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD