Kabanata 24
S U N N Y
Habang palapit kami sa bakanteng table ay hindi ko maiwasang magpalinga-linga sa paligid hanggang sa may bumangga sa akin. Agad nalipat ang tingin ko sa lalaking nasa harapan ko ngayon na nakabangga sa akin, o baka mali ako at ako talaga ang nakabangga sa kanya since hindi ako tumitingin sa dinadaanan ko.
Kumunot ang noo ko sa pamilyar na lalaking nasa harapan ko. Sobrang pamilyar niya sa akin parang nakita ko na siya kung saan. Salubong ang makakapal na kilay niya habang nakatingin ng diretso sa akin. Para bang minumukhaan niya ako. Pamilyar talaga siya sa akin.
"Uh, pasensya na," sabi ko na lang at agad sumunod sa mga kasama ko na nauuna na.
Muli akong lumingon sa lalaking nakabangga ko. Naabutan ko itong nakatigil pa din sa kinatatayuan niya kanina at nakatingin pa din sa direksyon ko. Nagkibit balikat na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa mapagtanto ko kung sino ang lalaking nakabangga.
Tama! Iyon 'yong magaling na core ng Alpha! OMG! Hindi ko akalain na sobrang gwapo din pala ng isang iyon sa personal. Oo, nagagwapuhan na ako sa kanya sa mga litrato niyang kumakalat sa social media pero iba pa din pala talaga kapag personal mo na siyang nakita. Sobrang gwapo niya lalo. Di hamak na mas gwapo talaga siya sa personal. Ang lakas pa ng dating. Kaya siguro madami ding babaeng nahuhumaling sa isang 'yon. Hindi ko naman talaga maikakaila na gwapo ang isang 'yon. As in gwapo talaga. Parang artista.
Pero s'yempre mas gwapo pa din sa paningin ko si Alistair.
Huli akong nakaupo sa lamesang nahanap nila. Napapagitnaan ako ni Bren at ni Alistair. Sa kanan ko si Bren at sa kaliwa ko naman si Alistair. Napabaling ako sa kaliwa ko, naabutan ko si Alistair na nakatingin sa akin kaya agad akong ngumiti pero hindi niya manlang sinuklian ang ngiting iyon. Supladong inilihis niya lang ang tingin niya sa akin.
Ngumuso ako at binalingan na lang si Bren sa tabi ko.
"Tama nga ako. Nandito din ang Alpha."
"Talaga? Nasaan?" Luminga-linga si Bren sa paligid.
"Nakabunggo ko iyong core nila kanina."
"Si Alas?"
Tumango ako.
"Anong sabi?"
"Wala naman. Tinignan niya lang ako. S'yempre hindi pa naman niya ako kilala."
"Kung sa bagay."
"Hindi kaya magalit si coach nito? Lumalabas kayong kasama ako kahit hindi pa ako official na pinapakilala as new member."
Agad umiling si Bren.
"Ayos lang 'yan. Madalas naman kapag lumalabas kami may kasama din kaming ibang kaibigan kaya hindi ka na siguro pagdududahan ng mga tao kung bakit kasama ka namin. Iisipin lang ng mga 'yon na kasama ka ng isa sa amin o malapit na kaibigan."
Tumango lang ako at muling binalikan ng tingin ang kinatatayuan kanina ni Alas. As expected, wala na siya doon. Baka bumalik na sa table nila pero bakit kaya ganoon siya kung makatingin sa akin? Napakibit balikat na lang ako at isinantabi na lamang ang tungkol sa bagay na iyon. Akala niya lang siguro kakilala niya ako. Baka may kamukha ako sa mga kakilala niya.
Um-order na sila ng mga alak at nagsimula nang uminom. Ayoko sanang uminom pero wala naman akong choice. Ayokong isipin nila na wala akong pakisama. Pero s'yempre hindi ako magpapakalasing ng sobra. Kailangan ko pang bantayan ang mga ito.
Maya-maya ay may lumapit sa lamesa naming tatlong babae, nag-aayang sumayaw. S'yempre sina Kean at Dylan, go na go agad. Si Marcus may girlfriend na pero sumama pa din doon sa babae. Ibang klase talaga ang mga lalaking ito. Hindi ko pa nakikilala ang girlfriend ni Marcus pero lagi naman niya itong nabanggit sa bahay. Kaya naisip ko na seryoso talaga siya sa girlfriend niya, pero ngayon na sumama siya sa mga babaeng iyon ay hindi na ako sigurado. Kung seryoso at loyal siya sa girlfriend niya hindi siya papatol sa pag-aaya ng mga babaeng iyon.
Naiwan tuloy kaming tatlo nina Bren at Alistair sa lamesa. Ito kasing si Bren medyo suplado din pagdating sa mga babae, o baka hindi pa lang talaga siya interesadong pumasok ulit sa isang relasyon, kahit fling lang. Hindi nga din yata marunong lumandi ang isang ito. Hindi kaya... mahal niya pa talaga ang ex niya? Baka iyon ang dahilan kung bakit niya pinipigilan ang sarili niya sa ibang babae. Kasi nga hanggang ngayon, si Alyssa pa din ang mahal niya.
Hmm, buti pa itong si Bren marunong magseryoso sa babae. Napabaling ako sa katabi kong isa. Hindi ko namalayan na may kausap na pala ngayon si Alistair sa tabi ko. Babae. Niyayaya siyang sumayaw pero agad siyang umiling bilang pagtanggi. Akala ko ba chick boy din ang isang ito? Parang hindi naman. Ginogoyo lang yata ako ni Kean, eh. Mukha naman kasing walang interes sa babae itong taong ito. Parang ayaw na ayaw ngang malapitan ng lalaki.
Pagkaalis ng babae ay naglakas loob akong kausapin siya.
"Bakit hindi ka sumama do'n? Maganda 'yon, ah?" Ngumiti pa ako.
Binalingan ako ni Alistair ng malamig na tingin.
"Ah! Alam ko na. May girlfriend ka siguro ngayon kaya ayaw mong mag entertain ng ibang babae."
Kumunot ang noo niya at bahagyang naningkit ang kanyang mga mata, ngunit sandali lang iyon at agad ding bumalik sa normal ang kanyang ekspresyon.
"I don't have a girlfriend," aniya bago inilipat ang tingin sa alak na nasa harapan.
Nagsalin siya no'n sa shot glass at diretsong ininom.
"Wala pala, eh. Bakit mo tinanggihan 'yong babae? Akala ko pa naman matinik ka sa chicks, iyon ang sabi ni Kean. Kaya ka nga daw niya idol noon, eh."
Muling kumunot ang kanyang noo nang nilingon ako.
"Really? Naniniwala ka talaga sa baliw na 'yon?"
Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilang mangiti. Ewan ko. Ang saya ko lang kasi kahit papaano ay nakakapag-usap na kami ng ganito kahit na ang suplado niya pa din sa akin. Saka masaya ako kasi nalaman ko na wala siyang girlfriend at hindi naman pala totoo ang sinasabi ng Kean na 'yon. Kahit kailan talaga ang Kean na 'yon. Kung ano-ano na lang ang sinasabi at pinapakalat.
"So, hindi pala totoo?"
Hindi siya sumagot. Nagsalin lang muli siya ng alak sa shot glass niya. Busy na ngayon si Bren sa kausap niyang pro-player din. Hindi ko alam kung saan galing iyon. Baka napadaan lang tas nakita si Bren kaya nakipagkwentuhan na din. Pamilyar sa akin iyong lalaki pero hindi ko maisip kung saang team ko siya nakikita.
"Kahit noong college, hindi ka ba nagkaroon ng girlfriend?"
Mabilis na bumaling sa akin si Alistair nang may nagtatakang ekspresyon.
"Why are you so curious about that?"
"Huh?" Agad akong pinamulahan ng mukha. Guilty! Gosh! Bakit nga naman parang kuryosong-kuryoso ako sa love life niya?
Hindi kaya mapagkamalan akong bakla nito at may gusto sa kanya? Nakakahiya!
"H-Hindi naman. Hihingi lang sana ako ng tips sa babae."
Naningkit ang mga mata niya.
"Akala ko ba wala pa sa isip mo 'yan?" Tumaas ang dalawang kilay niya at parang may nag-aambang ngisi sa mga labi niya.
Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Inabot ko ang bote ng alak at agad nagsalin sa shot glass na nasa harapan ko. Pinilit kong inumin iyon ng diretso kahit medyo may kataasan ang naisalin ko doon. Napapangiwi pa ako sa pait nang may biglang maupo sa bakanteng upuan sa harap namin.
Nakatingin ito sa akin habang malawak ang ngiti. Kumunot agad ang noo ko nang makilala ang lalaki sa harapan namin. Siya 'yong lalaking nakabangga ko kanina, at core ng kabilang team.
"Ngayon na lang yata ulit kayo naligaw dito, ah," ani Alas na hindi ko malaman kung sino ang kausap dahil sa akin pa din siya nakatingin. Imposible naman ako ang kausap niya dahil hindi naman kami magkakilala.
"Alas, long time no see!" si Bren iyon na nakuha pang makipag high five sa kaharap.
Plastik din 'tong mga lalaki na ito. Kanina lang kung ano-ano ang sinasabi nitong si Bren sa kabilang team pero ngayon kung umarte akala mo tropa sila nitong si Alas. Hindi ko na namalayan na nakaalis na pala iyong kausap kanina ni Bren.
Bumaling ako kay Alistair na malamig ang tingin sa kaharap. Buti pa itong si Alistair. Hindi marunong makipagplastikan. Kapag ayaw niya sa isang tao, ipapakita niya talaga iyon. Sa tingin niya palang ngayon kay Alas ay halata nang hindi niya ito gusto. At sigurado akong alam ni Alas iyon, wala lang talaga siyang pakialam.
"Tagal niyo 'di nakabalik dito, ah? Busy? Mukhang masyado niyo naman yata pinaghahandaan ang tournament. Kalmahan niyo lang." Mayabang itong ngumisi na para bang may ibang ibig sabihin.
Ngumisi din si Bren.
"Hindi naman. Wala namang dapat paghandaan." Mayabang din ang naging ngisi ni Bren pagkatapos sabihin iyon.
Mukhang gets ko na kung anong meron. Parang lahat ng sinasabi ng dalawang ito ay puro sarkasmo lang. Kung titignan mo sila ngayon mula sa malayo, iisipin mong parang magkaibigan na nag-uusap at nagkakamustahan lang pero kapag narinig mo ang pinag-uusapan nila, makukuha mo agad na nag-aasaran lamang sila. Pero ang cool, huh! Ganito pala mag-asaran ang mga pro-players. Parang wala lang kung titignan sa malayo pero ang totoo nagkakainitan na. Kung gano'n ang tapang naman ng lalaking ito at dumayo pa talaga sa lamesa namin para makipag-asaran.
Bahagyang tumawa si Alas bago napadpad ang tingin nito sa akin.
"Ito na ba 'yong pumalit kay Eric?" Ngumisi siya habang nakaturo sa akin.
"Ayos, ah. Tumatanggap na pala ng babae ang team niyo?" Tinagilid niya ang kanyang ulo habang nakatingin sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at napanganga. Hindi ko inasahan na sasabihin niya iyon. Sobrang gulat ko, hindi agad ako nakapagsalita upang depensahan ang sarili ko o itanggi manlang ang sinabi niya. Natulala lang talaga ako doon ng ilang sandali at parang tinakasan ng kaluluwa.
What the hell! Paano niya...
"Dude, huwag mo namang bastusin ang kasama namin," si Bren iyon na mukhang biglang napikon sa sinabi ni Alas pero nanatili pa ding kalmado.
"Why?" Kumunot ang noo ni Alas.
"May nasabi ba akong mali?"
Ang lalaking ito! Hindi ko na din mapigilan ang mainis sa kanya ngayon. Kaya pala madaming nakakaaway ang isang ito. Masyadong arogante umasta. Nakakairita ang kayabangan niya sa katawan. Hindi ko akalain na ganito siya umasta kahit nasa lamesa namin siya.
"Hindi siya babae," malamig na sambit ni Alistair sa tabi ko.
Napabaling ako sa kanya dahil ngayon lang siya nagsalita ulit mula nang dumating itong si Alas.
Namilog ng bahagya ang mga labi ni Alas bago ito muling nagsalita.
"Oh, really? I thought she was a lesbian."
Bumaling muli ito sa akin. Tinignan ako na para bang gulat na gulat siya pero halata namang nang-aasar lang.
Nakakainis talaga ang isang ito. Gwapo lang pero sobrang panget ng ugali.
"Pagpasensyahan mo na ako kung ganoon..."
Nagtiim bagang ako bago umimik.
"Rain."
Tumaas ang dalawang kilay niya na para bang medyo nagulat siya sa binanggit kong pangalan.
"Rain?" Patanong niyang sabi, parang naghihintay na dugtungan ko iyon ng surname ko. Muli akong nagtiim bagang bago suminghap at dinugtungan ang sinabi.
"Rain Vasquez."
Bahagyang umawang ang kanyang mga labi at tinignan ako na para bang kinikilala niya akong maigi, bago siya dahan-dahang tumango. Wala na ang ngiti sa kanyang mga labi. Tila hindi na din niya magawang ngumiti dahil sa kung anong bagay. Anong nangyari sa isang ito. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito na lang ang naging reaksyon niya nang marinig ang pangalan ko.
"So, you're the twin brother, huh? That explains why you're so familiar to me," aniya habang tumatango.
Kumunot ang noo ko. Mas lalo akong nalito sa sinabi niya.
Teka sandali... Kilala niya ba ako? I mean, ako bilang si Sunny? Kilala niya ba ako? Paano? Eh, hindi ko pa naman siya na meet ng personal. Ngayon lang at paano naman niya ako makikilala, eh hindi din naman ako sikat. Hindi kaya kaklase ko ito noon? Pero wala namang akong naging kaklase na kasing gwapo nito noon. Kung meron man siguro naman matatandaan ko siya, di ba?
"K-Kilala mo ang kakambal ko?" S'yempre ang tinutukoy ko doon ay ang sarili ko din.
"Sunny Vasquez?" Tumaas ang kabilang gilid ng kanyang mga labi.
Nanlaki ang mga mata ko. Gulat dahil kilala nga talaga niya ako. Pero paano? Paano niya ako nakilala? Ni hindi ko nga siya matandaan! Imposibleng ang ganito ka gwapo ay hindi ko matandaan.
"Paano mo nakilala ang kakambal ko?"
Ngumisi lamang si Alas at nagkibit balikat bago nagpaalam at nilisan ang aming lamesa.