023

2063 Words
Kabanata 23 S U N N Y Nakasunod lang ang sasakyan nina Bren sa amin at nang huminto ang sasakyan ni Dylan ay agad ding huminto ang kina Bren. Mas nauna pang magbukas ng pinto ang mga ito at lumabas ng sasakyan. Hindi na din naman nag-aksaya pa ng oras si Alistair at agad na ding lumabas ng sasakyan. Ngumuso ako habang pinagmamasdan siyang wala manlang ka emo-emosyon. Tao ba talaga ang isang ito? Ni hindi manlang marunong magpakita ng emosyon. Laging poker face, dinaig pa ang mga international supermodel. Napangiti ako sa naisip ko kaya agad kong kinagat ang labi ko at lumabas na din ng sasakyan. Si Dylan ang pinakahuling lumabas sa amin. Napagtanto kong nasa labas kami ng isang flower shop. Dito siguro kukunin ni Dylan ang mga bulaklak na tinutukoy niya kanina. "Dito na ba 'yon? Saan ang liligawan mo dito?" tanong ni Kean pero binaliwala lamang ito ni Dylan. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob ng shop, sumunod naman ako sa kanya. Excited makita ang iba pang mga bulaklak na naroon. Napangiti ako nang makita ang napakaraming bulaklak sa loob. May nga sunflower din. Hindi naman ako mahilig sa mga bulaklak pero ang sarap lang nila pagmasdan minsan. Saka sa tingin ko, ang sarap-sarap sa pakiramdam na mabigyan ng bulaklak. Lalo na kung galing pa sa taong gustong-gusto mo o mahal mo. Napatingin ako kay Alistair. Nakatayo lamang siya sa may bandang pinto ng shop habang gumagala ang tingin. Nakapasok na din silang lahat sa shop. Ang sarap lang pagmasdan ni Alistair habang may mga bulaklak sa background niya. Kung hindi lang nakakahiya gustong-gusto ko siyang kuhanan ng litrato ngayon. Kaso baka kung ano pa ang isipin ng mga ito kapag nahuli nila akong kinukuhanan ng litrato si Alistair. May biglang umakbay sa akin. Napabaling ako kay Bren. "May nabigyan ka na ba ng bulaklak noon?" Kumunot ang noo ko sa tanong ni Bren. Hindi agad iyon nag proseso sa isip ko hanggang sa maalala kong nagpapanggap nga pala akong lalaki. Akala niya lalaki ako kaya ganon ang naging tanong niya imbes na; Nakatanggap ka na ba ng regalo? Bahagya akong natawa sa sarili ko. "O, bakit ka natatawa?" Nagkibit balikat ako. "Wala. Hindi pa ako nabibigyan— I mean hindi pa ako nakakapagbigay ng bulaklak sa kahit na sino." "Kahit iyong nagugustuhan mo, hindi mo pa nabibigyan ng bulaklak?" Umiling ako. Ito nanaman tayo. Napag-usapan nanaman ang taong gawa-gawa ko lang naman talaga. Isa lang naman ang nagugustuhan ko. Napatingin ulit ako kay Alistair at may bigla akong naalala noong highschool pa ako. Sa sobrang pagkabaliw ko sa kanya noon, nag-iwan pa ako ng isang sunflower sa desk niya na may kasamang sulat. Valentine's noon at madami ding nag-iiwan ng letter sa desk niya that time, pero iyong sa akin lang ang may bulaklak kaya pansin na pansin. Sino ba naman kasi ang makakaisip na magbigay ng bulaklak sa isang lalaki? Para ka namang nanliligaw noon. Pero wala akong pakialam. Gusto ko siyang bigyan no'n dahil sumisimbolo iyon sa pangalan ko at gusto kong tumatak sa isip niya ang pangalan ko. Kaya lang hindi ko na alam kung inuwi niya ba 'yon o tinapon lang kung saan. Hindi naman siguro ganoon si Alistair. Suplado lang naman siya pero hindi naman siguro siya gano'n. Nag effort kaming lahat na ibigay sa kanya lahat ng iyon tapos itatapon niya lang. Kung sa bagay, wala nga pala siyang pakialam noon sa damdamin ng iba. Ni wala nga yata siyang sariling damdamin. Ngayon kaya? Ganoon pa din kaya siya? Sana hindi na. "Tama. May nabigyan na pala ako noon." "Iyong nagugustuhan mo?" Tumango ako. Muling nagnakaw ng tingin kay Alistair. Ngunit nang maabutan ko itong nakatingin din sa akin ay agad kong ibinalik ang tingin kay Bren. Kinuha lang ni Dylan ang bulaklak na in-order niya at bumalik na agad kami sa sasakyan. Dumiretso na kami sa pinagtatrabahuhan ng nililigawan ni Dylan. Pagdating doon ay naghintay pa kami ng ilang sandali bago lumabas iyong nililigawan niya. S'yempre gaya ng inasahan ko na. Pinaulanan ng kantyaw si Dylan ng mga kasama namin. Napapailing habang nangingiti na lang ako sa kanila. Ayokong makisali sa mga pang-aasar nila kay Dylan kasi kawawa naman 'yong tao, masyado nang napapahiya sa nililigawan niya pero hindi ko lang talaga mapigilang matawa sa kalokohan nila. Kanina pa namumula si Dylan sa panunukso nila habang kaharap nito ang babaeng nililigawan niya. Carla pala ang pangalan ng babae. Inimbita niya pa nga itong ihatid kaya lang tumanggi ang babae dahil may sasakyan naman daw siya. Lalo tuloy tinukso itong si Dylan ng mga kasama namin. Basted daw dahil hindi sumama 'yong babae sa kanya. Malamang, paano sasama 'yong babae sa kanya kung kasama kami? Maiilang lamang iyon sa pang-aasar nila na parang walang katapusan. Ngayon alam ko na kung ano ang dahilan kung bakit ayaw isama ni Dylan ang mga ito. Panira nga naman sa diskarte niya ang mga loko. Sa huli, wala ng nagawa pa si Dylan kung hindi ang ihatid na lang sa sasakyan nito ang nililigawan. Nang balikan niya kami ay nakasimangot na siya at parang gusto ng manapak. Sinalubong ko agad siya at tinapik ang balikat. "Hey, ayos lang 'yan. Wala naman siyang sinabi na basted ka na, eh. Baka nahihiya lang 'yon sumama sa'yo kasi kasama mo kami," salubong ko sa kanya habang tinatapik pa din ang kanyang balikat. "Iinom na lang natin 'yan! May bar sa kabilang kanto lang!" ani Marcus. "Oo nga! 'Yan ang pinakamaganda mong naisip, tol!" sang-ayon naman nitong si Kean na number one sa pang-aasar kay Dylan kanina habang kaharap nito ang nililigawan. "Tsk!" Umiling-iling si Dylan. "Sana kanina pa kayo nagpunta doon at iniwan niyo na lang ako dito. Panira talaga kayo ng diskarte," masama ang loob na sabi ni Dylan. "Alam mo, tol, kung gusto ka talaga noon. Kahit kasama mo kami, sasama 'yon sa'yo. Saka mukhang matalino 'yong babae, malabong papatol 'yon sa'yo!" "Tumigil ka nga, Kean!" sita ko sa loko-lokong si Kean. Kahit kailan talaga ang lalaking ito, eh. Muli kong binalingan si Dylan na ang sama na ng tingin kay Kean. "Hayaan mo ang mga 'yan. Huwag mo silang pansinin. Tinanggap niya ang mga bulaklak na bigay mo, kaya ibig sabihin hindi ka niya binabasted." Nakita kong ngumisi si Alistair, na para bang natatawa siya sa sinabi ko. Ano nanamang problema nito? May nakakatawa ba sa sinabi ko? Pasalamat siya good mood ako ngayong araw dahil sa pagpayag niyang manatili ako sa team kaya wala akong balak na patulan siya. "Rain, minsan tinatanggap lang ng mga babae ang bulaklak kasi nahihiya silang tumanggi," si Bren na isa ding panira. Tinignan ko siya ng masama pero tinawanan lang ako ng loko. Ni wala manlang yata silang balak na pagaangin ang loob nitong si Dylan. Sila pa naman ang mas nakakatanda tapos ganito pa sila umasta. "Tsk!" Umiling si Dylan at iritadong nagmartsa papasok muli sa kanyang sasakyan. Agad naman s'yempre akong sumunod sa kanya. "Magkita na lang tayo sa bar, ah!" sigaw ni Bren bago ako pumasok na din sa loob ng sasakyan. Sa backseat ako umupo dahil nakita kong sumunod na din si Alistair sa akin. Siya ulit ang sumakay sa front seat, katabi ni Dylan. "Hayaan mo ang mga loko-lokong 'yon. Kung gusto mong umuwi. Umuwi na lang tayo." Nakita ko ulit ang pagngisi ni Alistair mula sa kinauupuan niya, na para bang bawat sasabihin ko ay nakakatawa para sa kanya. "Ayos na ako, Rain. Huwag mo ng isipin 'yon. Inom na lang tayo." Ngumiti siya. Kumunot ang noo ko nang ibalik ko ang tingin ko kay Dylan. Parang biglang okay na siya. What the hell? Minsan hindi ko talaga maintindihan ang mga lalaki. Akala ko ba malungkot siya dahil hindi naging maganda ang kinalabasan ng panliligaw niya kanina kay Carla. Eh, bakit ngayon parang okay na siya. Nakakangiti na nga, eh. Ngumuso ako. Sabi ko na nga ba, eh. Hindi talaga seryoso ang lalaking ito sa panliligaw niya doon sa babae kaya okay na agad siya ngayon. Kung sa bagay sa dami ba naman ng babaeng pwede niyang pagpilian, hindi na kawalan kung may mangbasted sa kanyang isa. Huminga ako ng malalim. Hay naku, mga lalaki nga naman! Inalo-alo ko pa naman siya tapos iyon naman pala, wala naman pala siyang pakialam na nabasted siya. Kunwari pa siyang galit kanina. Naaasar lang siguro siya sa panunukso ng tropa pero wala lang sa kanya na nabasted siya, at alam iyon ng lahat maliban lang sa akin. Kaya pala parang natatawa itong si Alistair kanina pa sa akin. Mukha kasi akong tanga na pinapagaang ang loob ni Dylan na wala naman palang pakialam na nabasted siya. Napikon lang siya dahil sa panunukso ng mga kaibigan niya sa kanya pero ang totoo wala talaga siyang pake kung bastedin siya ng babaeng iyon. Nakakainis! Bakit hindi ko agad nahalata iyon. Kaya pala parang tinatawanan ako nitong Alistair na ito. Mukha siguro akong katawa-tawa sa paningin niya kanina. Pero ayos lang. At least, napapatawa ko na siya ngayon. Kahit magmukha pa akong katawa-tawa at aanga-anga sa paningin niya. Magiging mabait ako sa kanya ngayon dahil sa pagbibigay niya sa akin ng chance. Hinampas ko na lang ang balikat ni Dylan. "Siraulo ka pala, eh! Akala ko naman masama ang loob mo kanina dahil akala mo nabasted ka! Hindi naman pala! Gusto mo pang mag party pagkatapos ng nangyari." Tumawa si Dylan. "S'yempre mas madaming chicks sa bar." Hinampas ko ulit siya ng malakas. "Playboy! Hay naku! Sabi ko na nga ba, eh. Sinama-sama mo pa ako hindi ka naman pala sincere sa panliligaw mo!" "Sincere naman ako, eh. Pero ayaw niya sa akin kaya anong magagawa ko? Eh di, hanap na lang ako ng iba." Napailing ako. "Hindi ba, captain? Tama ako, 'no?" Ngumisi si Dylan at nanghingi pa talaga ng opinyon sa katabi. Binatukan lang siya ni Alistair at wala namang sinabi. Lumakas ang tawa ni Dylan sa loob ng sasakyan. Habang nakasimangot naman ako, nagsisisi na sumama pa ako. Sana sa bahay na lang ako. Mas gugustuhin ko pang maglaro kasama si Silver o si Ace kung online man siya, kaysa pumarty at mag-inom. Masaya naman pumarty pero mahirap 'yon sa sitwasyon ko ngayon. Paano kung hindi ko mabantayan ang sarili ko at malasing ako? Baka pa may makaalam ng sikreto ko nito. Mahirap 'yon. Sabay-sabay kaming pumasok sa loob ng bar, kasama na namin sina Bren, Kean at Marcus. Pagpasok pa lang namin ay binati na agad kami ng ingay na nanggagaling sa mga naglalakihang speaker sa loob ng bar. May mga nakasalubong pa kaming mga kakilala nila. Kilala ko ding mga professional players ang mga iyon pero s'yempre hindi nila ako kilala dahil bago lang ako sa team at hindi pa talaga ako pinapakilala sa public. "Sina Leo iyon ng silent. Kilala mo?" si Bren nang malagpasan namin ang dalawang lalaking kumausap sa kanila kanina. "Oo, kilala ko." "Kasama yata nila sina Alas. Ang alam ko kasi magkakatropa din ang mga iyon." "Bakit? Kayo ba? Hindi niyo ba tropa ang mga 'yon?" Ngumisi si Bren. "Paano namin magiging tropa ang mga iyon, eh, mainit ang tingin sa amin ng mga iyon kapag nagkikita-kita kami. Hindi yata matanggap na mas malakas kami kaysa sa kanila." Natawa ako. "Ang yabang! Alam ko na kung bakit hindi niyo makasundo ang Alpha? Kasi pareho kayong mayabang! Hindi tuloy maiwasang magbanggaan." "Hindi naman. Cool naman kami sa Alpha. Sila lang itong hindi makatanggap na hindi nila kami kaya," si Kean na narinig yata ang pinag-uusapan namin ni Bren kaya hindi na napigilang makisali. "Tumigil na nga kayo! Mamaya may makarinig sa inyo d'yan, eh. Issue pa. Saka baka nandito din ang mga iyon, magkaroon pa ng away dahil sa kayabangan niyo," sabi ko. "Totoo naman kasi 'yon," si Kean ulit. Binantaan ko siya ng tingin. "Tumigil na nga sabi, di ba?" Inakbayan siya ni Bren at tinapik-tapik sa balikat. "Tumigil na daw sabi ni boss," natatawang sabi nito. Natawa din tuloy si Kean. Nitong mga nakakaraang araw, ang hilig nila akong tuksuhin tungkol sa pagiging bossy ko daw. Hindi naman ako nagpapaka-bossy sa kanila. Pinapatigil ko lang naman sila kapag sa tingin ko sumusobra na sila sa pag-aasaran nila. Tulad ngayon. Pinapatigil ko lang sila sa mga sinasabi nila dahil ayaw kong may makaaway sila. Concern lang din naman ako sa kanila at hindi naman siguro pagpapaka-bossy ang tawag doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD