Kabanata 22
S U N N Y
Paglabas ko ay naabutan ko si Dylan sa salas kasama ang iba. Parang nag-aasaran nanaman yata sila. Sabay-sabay na napatingin ang mga ito sa akin nang dumating ako.
"O, aalis ka, Rain?" ani Bren.
Tumayo na si Dylan.
"Aalis kami," ani 'to.
"Bakit? Saan kayo pupunta? Kayo lang? Ang daya, ah! Sama kami!" si Kean.
"Tara! Sama kami, Rain, ah!" si Bren ulit.
"Anong sama? Hindi pwede. Kaya nga si Rain ang isasama ko kasi ayoko kayong kasama, eh."
"Aba! Bakit?" Inakbayan ni Kean si Dylan at bahagyang ginulo ang buhok nito. Agad naman siyang itinaboy no'ng isa.
"Lumayo ka nga sa akin! Baka malukot pa 'tong damit ko. Tsk!"
"Hindi pwede 'yan dapat kasama kami!" ani Bren.
"Hindi nga sabi pwede! Ayoko! Manggugulo lang kayo!"
"Magpapaalam na ako kay coach! Sandali lang, Rain!" ani Bren at mabilis na umalis. Hindi manlang pinansin ang sinabi ni Dylan.
"Hoy! Sabing hindi pwede, eh! Ang kapal ng mukha ng mga ito!"
"Ayos lang 'yan, tol! Dapat kasama mo kami sa bawat sandali ng buhay mo," ani Marcus na tinatapik-tapik ang likod ni Dylan.
"Nagpapatawa ka ba? Sinong may gustong makasama kayo! Hindi pwede! Si Rain lang ang isasama ko! Tara na, Rain!"
Nagsimula nang maglakad si Dylan palabas ng bahay pero agad siyang napigilan ni Marcus. Hinatak nito ang damit niya mula sa likod at pinabalik sa dati nitong pwesto.
"Huwag ka ngang OA. Sasama lang naman kami, ah! Ano bang meron at ayaw mo kaming isama. Natatakot kang mabasted sa harap namin, ano?"
Iritadong tinanggal ni Dylan ang pagkakakapit ni Marcus sa damit niya.
"Anong ma-basted? Hindi uso sa akin 'yon! Baka ikaw! Ilang beses ka bang na-basted bago naging kayo ng girlfriend mo?"
Bago pa makasagot si Marcus ay bumalik na si Bren dala ang susi ng sasakyan nito.
"Pumayag si coach! Tara na!" anito at talagang nauna pang lumabas ng bahay.
Sumunod naman kaming lahat sa kanya. Napatingin ako kay Alistair na parang tamad na tamad na nakikisama sa apat. Nakakatuwa lang isipin na kahit ang gugulo nila ay nagagawa pa ding makisama sa kanila ng supladong lalaking ito. Makikita mo talaga na solid ang pagkakaibigan na nabuo nila dito sa bootcamp kahit madalas silang mag-asaran at minsan nagkakapikunan pa.
"Ang sasakyan ni Dylan at akin na lang ang gamitin natin. Sa akin na sasakay si Rain!" si Bren na agad tinutulan ni Dylan.
"Anong sa'yo sasakay si Rain? Baliw ka ba? Siya nga lang ang niyaya ko dito, aagawin mo pa!"
"Kami na ni Master ang sasakay sa sasakyan mo, Bren. Tas si Marcus at Rain na lang sa sasakyan ni Dylan. Tara, master. Doon tayo sa sasakyan ni Bren!" Bumaling si Kean sa katabi pero agad siyang napakamot sa batok niya nang makitang nakapasok na sa sasakyan ni Dylan ang kausap.
Napailing naman si Dylan habang tinitignan si Alistair sa passenger seat ng kanyang sasakyan.
Bumaling si Alistair sa aming lahat na nakakunot ang noo.
"Ano pang hinihintay niyo?" Supladong tanong nito.
"Tsk! Hay naku! Tara na nga, Rain!" Mabilis akong hinila ni Dylan pasakay sa sasakyan niya.
Wala akong choice kundi ang sumakay na lamang sa backseat dahil nasa front seat na nakaupo si Alistair. Tapos si Dylan naman ang sa driver's seat s'yempre. Padabog pa ito nang pumasok sa loob ng sasakyan niya na para bang sobrang sama ng kanyang loob. Gusto kong matawa sa nangyayari pero mukhang sasabog na sa inis itong si Dylan kaya hindi ko na ginawa. Kawawa naman ang isang ito, walang magawa sa mga makukulit niyang kuya.
"Nakakainis naman!"
"Magmaneho ka na lang," ani Alistair sa mababang boses.
Tinignan lang siya ng masama ni Dylan pero wala din namang sinabi. Sinunod na lamang nito ang sinabi ni Alistair at inumpisahan nang paandarin ang kanyang sasakyan na masama pa din ang loob. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sariling mangiti.
Napatingin ako sa salamin sa harapan at agad nagtama ang tingin namin ni Alistair doon. Ngumiti ako pero nag-iwas lamang siya ng tingin. Sinarili ko na lang ang ngiti ko. Suplado pa din talaga.
Ayos lang! Kahit magsungit pa siya buong araw, ayos lang sa akin. Ang mahalaga payag na siyang mag stay ako dito sa team. Sobrang saya ko lang talaga ngayong araw. Tapos ito pa. First time kong lalabas ng kasama silang lahat. Nakakatuwa talaga. Para akong nanaginip sa sobrang saya ko ngayong araw. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya sa mga oras na ito. Basta sobrang saya ko lang talaga. Tuloy pa din ang aking pangarap. Akala ko katapusan na ng pangarap ko kanina nang matalo ako sa laban ni Alistair. Hindi ko talaga inasahan na biglang magbabago ang isip niya at papayag na siyang mag stay ako sa team. Ang gaang sa pakiramdam na wala kang iniisip na kahit ano.
Nitong mga nakakaraang araw kasi sobrang stress ko dahil hindi umaayos ang laro namin ni Alistair. Hindi ko masabayan ang larong pinapakita niya. Pakiramdam ko sinasadya niya iyon. Ayaw niyang makisama sa akin pagdating sa laro dahil gusto niya akong mapalitan. Mabuti naman at nagbago na ang isip niya tungkol sa akin. Kung hindi ko pa siguro siya hinamon kanina ay baka hindi na talaga nagbago ang isip niya na ipatanggal ako sa team. Siguro naisip niya din na kaya ko naman talagang makipagsabayan sa kanila. Saka malaki ang talaga ang tiwala ko sa sarili ko.
Oo, natalo niya ako kanina. Pero hindi naman naging madali para sa kanya ang laban na yon. Alam ko sa sarili ko na ginawa ko ang lahat sa larong iyon, at alam ko din na kahit papaano ay nahirapan siyang talunin ako. Kaya siguro biglang nagbago ang isip niya tungkol sa akin. Mabuti na lang talaga at naisipan kong hamunin siya.
Sana gumanda na din ang tungo niya sa akin at sana huwag na niyang sadyaing ipatalo ang mga laro namin dahil lang ayaw niya sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat para maging deserving sa pwesto ko ngayon, eh.
Tahimik lang si Alistair buong byahe samantalang kami naman ni Dylan ay panay ang usap tungkol sa liligawan niya. Mas matanda pala sa kanya ng tatlong taon 'yong nililigawan niya. Kaya pala nagtatrabaho na. Kung sa bagay, hindi naman na mukhang totoy itong si Dylan saka na sa legal age na din siya para sa mga ganitong bagay, kaya wala akong tutol sa panliligaw niyang ito. Basta ba sincere talaga siya sa babae, eh. Kung hindi naman at pampalipas oras niya lang pala ang babaeng 'yon, ako mismo ang unang babatok sa kanya. Sinamahan ko pa siya dito tapos gagawin niya lang palang pampalipas oras 'yong babae? Hindi pwede sa akin 'yon! I swear ako talaga ang unang babatok sa loko-lokong 'to.
Naiinis pa naman ako kapag may nakikita akong babaeng umiiyak dahil sinaktan sila ng mga boyfriend nila. Naiinis ako dahil itong mga lalaki na ito, ang hilig manligaw tapos sa bandang huli iiwan din naman pala 'yong babae. Sana hindi na lang sila nagpakilala o kaya nanligaw kung hindi pala sila sigurado do'n sa tao! Nanahimik 'yong babae tas liligaw-ligawan mo at sasaktan mo lang sa bandang huli? Aba! Mali 'yon! Hindi pwede sa akin 'yon.